Kung inaakala ni Dax na magpapaapekto ako sa sinabi niya ay nagkakamali siya.
Isa akong Valderrama kaya hindi ako madadaan sa mga pananakot.
Nakapagdesisyon na akong umuwi muna sa amin sa Batangas pansamantala para matakasan ‘yung kontratang pinirmahan ko. Hindi man long-term, ito na lang kasi ang nakikita kong solusyon sa ngayon. Kapag nasa poder na ako ng pamilya ko, siguradong kahit hibla ng buhok ko ay hindi mahahawakan ni Dax. Tyaka ko na lang iisipin kung paano ako makakaganti kay Joaquin kapag nakatakas na ako sa problemang pinasukan ko.
Kaya nga lang ‘yung plano kong madaling araw na pagtakas ay hindi natuloy dahil hindi ako nagising nang maaga. Paano’y umuulan pa kaya napasarap ang tulog ko. Wala rin namang pwedeng gumising sa akin hindi gaya sa bahay namin sa Batangas.
Kabadong-kabado tuloy ako ngayon. Hingal kabayo akong lumabas ng condominium bitbit ang maleta ko. Pakiramdam ko kasi anumang oras ay may mga lalaking dudukot sa akin para dalhin ako kay Dax. Oo’t nagiging paranoid na ako.
At tingin ko tama lang naman ma-paranoid! Napasigaw ako pagkahinto ng itim na kotse sa harapan ko. Nabitawan ko pa ang maleta ko dahil sa sobrang pagkagulat. Tumigil na nga ang ulan pero naputikan ang sapatos ko dahil sa tilamsik galing dito.
Bahagya kong binaba ang suot kong shades para makita ng mas malinaw ‘yung kabababa lang mula sa front seat at dito nakita si Miss Minchin!
“Hi Ms. Valderrama. I’m the Chief Financial Officer of Savage Enterprises, Mabelle Cheng,” Itinaas niya ang kanyang kamay para makipagkamay sa akin at dahil nakakahiyang tanggihan, tinanggap ko na lang ito. Mabelle Cheng pala ang pangalan niya. Pero nasanay na akong Miss Minchin ang tawag sa kanya kaya iyon na lang muna ang gagamitin ko. Hindi naman niya kailangang malaman.
“Good morning!” bati ko pero walang nagbago sa reaksyon ng mukha niya kaya tumikhim ako bago muling nagsalita. “Bakit pala kayo nadaan dito? Aga pa ah. Exercise?”
Gusto kong batukan ang sarili ko dahil sa walang kwentang tanong ko kay Miss Minchin. Nakakahiya lalo na’t kahit nagbibiro ako ay wala pa rin namang pagbabago sa kanyang reaksyon. Seryoso lang ang tingin niya sa akin ngayon na para bang ano mang oras ay dadalhin ako sa Principal’s office.
“Mr. Savage wants to see you today-”
“Ah today talaga? Pwede bang mamaya na lang? Susunod na lang ako sa inyo may kailangan lang akong gawin,” sabi ko at dahan-dahang pinulot mula sa lapag ang maleta ko. Nandiri pa ako dahil naputikan na ito pero that’s the least of my problems now kaya tiniis ko na lang.
Tumalikod na ako kaya lang may pahabol pa si Miss Minchin. “Ms. Valderrama, kailangan mo talagang magdala ng maleta sa pupuntahan mo?” Nang harapin ko siyang muli, nakita ko ang mapanuring tingin niya sa akin habang inaayos ang kanyang salamin.
Ngumisi ako. Napapikit ako nang mariin bago bumuntong-hininga. Mukhang wala akong takas dito. Rumehistro sa isip ko ‘yung sinabi ni Dax sa akin kagabi at mukhang hindi nga ito nagbibiro.
“Sabi ko nga sasama na ako e,” sabi ko na lang at muli, may nakaitim na lalaking kumuha ng maleta ko at inilagay ito sa likod ng sasakyan bago ako pinagbuksan ng pinto para makasakay.
***
“Mr. Savage will be here in a while. He’s just in a meeting,” instriktong pagkakasabi ni Miss Minchin bago ako iniwan sa loob ng opisina nito kung saan din naganap ang interview sa akin. Hindi man lang talaga ako inalok ng inumin? Juice or coffee?
Nagipon ako ng hangin sa bibig ko bago humalukipkip. This is insane. I’m not marrying a stranger. Pakakasal ako kung mahal ko siya pero hindi. ‘Ni hindi nga kami magkakilala.
Ngayong wala si Dax dito sa kanyang opisina, mas na-appreciate ko ang ganda nito. Sobrang linis at aliwalas din dahil minimalist lang ang disenyo. Ang isang pader nito ay purong salamin lang at kita mula rito ‘yung mga gusali kagaya na lang sa lobby.
May itim na couch sa dulo pero mas pinili kong dumiretso sa swivel chair niya. Umupo ako rito at tyaka naglabas ng phone, inikot-ikot ko ang upuan para libangin ang sarili.
Una kong nakita ang pangalan ni Miguel sa chat, syempre bukod pa ito sa napakaraming messages sa akin ng mga kapatid ko.
Nag-chat ako kay Miguel dahil siya lang ang mahihingan ko ng tulong ngayon. Ayos sana si Kuya MJ kaya lang puro kalokohan lang ang malamang na ituturo nito sa akin.
REIGN: Hindi tumalab…
MIGUEL: Tungkol saan ba kasi ‘yung kontrata?
Natutuwa ako dahil sa tuwing may chat ako kay Miguel ay mabilis siyang sumagot. Kahit yata anong ginagawa niya, kapag nag chat ako ay agad niyang iniiwanan.
REIGN: Basta isipin mo na lang ganito. May job offer na tinanggap ko pero ayoko pala. Anong gagawin ko?
MIGUEL: Tumakas ka na lang? Haha.
REIGN: Done that. Mukhang imposible.
‘Yung tono pa lang ni Dax kagabi, alam ko nang malabong makatakas ako sa kanya unless makabalik na ako sa pamilya ko ngayon. Pero sa pagpapasundo niya sa akin ngayong umaga, sigurado akong hindi iyon magiging madali kahit gustuhin ko man.
MIGUEL: Kung job offer ‘yan at natanggap ka pero ayaw mo… at sinasabi mo na hindi ka makakatakas kahit gustuhin mo, then what if he’s the one forced to fire you?
Parang may ilaw ng bumbilya na biglang lumitaw sa ibabaw ng ulo ko dahil sa sinabi niya. Inintay ko pang matapos ang pagta-type niya para malaman ang karugtong ng payo niya.
MIGUEL: Parang ganito lang yan. Kung ayaw tanggapin ‘yung resignation mo, bigyan mo sila ng dahilan para mapilitan silang tanggalin ka.
Tumaas ang buhok ko sa batok dahil sa sinabi ni Miguel. Kahit kailan talaga ay maaasahan siya.
REIGN: Iba ka talaga! Ang talino mo! Naisip mo pa talaga ‘yan?
MIGUEL: Basta para sa ‘yo.
Agad akong nag-search online ng mga paraan para ayawan ng lalaki ang isang babae. Marami akong nabasa pero may tatlo lang akong nakita na mukhang magagamit ko ngayong araw. Nakikita kong susi ang mga ‘to para hindi gustuhin ni Dax na magpakasal sa akin. Mukhang aatras na siya kapag nagamit ko ang mga ‘to ng tama.
Una, ayaw ng mga lalaki ‘yung masyadong pa-cute o ‘yung OA sa mga bagay-bagay.
Pangalawa, ayaw ng mga lalaki ang masyadong madaldal na tipong hindi na nakikinig ‘yung babae sa sinasabi nila.
At pangatlo, ayaw ng mga lalaki ‘yung masyadong clingy at selosa. ‘Yung sobrang possessive.
Tama. Itong tatlo na ‘to ang kailangan kong gawin para maibalik sa akin ang kalayaan ko.
Sumakit bigla ‘yung ulo ko. Medyo napabilis yata ‘yung ikot ko dahil sa excitement at nakaramdam ako ng pagkahilo sa ginagawa ko. Saktong bumukas ‘yung pinto pero umiikot na ‘yung paningin ko kaya tumumba ‘yung upuan at bumagsak ako sa sahig - ‘yung palda ko umangat ng sobra! Gumulong ako at dumapa!
“Hello!” bati ko kay Dax na nakita kong nakakunot na naman ang noo pagkakita sa akin. Tinakpan ko na lang ang exposed na pangupo ko gamit ang isang kamay at ngumisi. “Good morning…”
Sinarado niya agad ang pinto pero nakita kong nakita na ako ni Miss Minchin! Kinagat ko ang pangibabang labi ko bago nakayukong tumayo. Inayos ko ang damit ko pati ang magulo kong buhok. Ayos lang magmukha akong tanga, isa rin naman ito sa nabasa kong ayaw ng mga lalaki.
Dumiretso ako sa upuang kaharap ng lamesa niya at dito naupo ng maayos. At nang akala ko’y mauupo siya sa swivel chair niya ay nagkamali ako, umupo siya sa upuang direktang kaharap ng akin.
Tiningnan ko siya at napasinghap nang hilahin niya ang upuan ko papalapit sa kanya. Tuloy ay nakakulong ang mga tuhod ko sa pagitan ng kanya. Hindi pa talaga siya nakuntento sa distansya namin kanina!
“Another requirement, you’re not allowed to wear skirts again-- What are you doing with your face?”
Medyo hinilig ko ang ulo ko from side to side habang naka-pout. Binukas-sara ko rin ang mga mata ko para magpa-cute pero mas lumalim lang ang guhit sa kanyang noo. Ito naman ‘yung nakikita ko sa mga koreanovela kaya may mali ba sa ginagawa ko at ‘di niya nakukuha? O epektibo ito kaya ganito na lang ang kanyang reaksyon?
Maya-maya’y kinapa niya ang noo ko at kinapa rin niya ang kanya. Tila ba may ikinukumpara.
“Wala ka namang sakit…” Tumigil ako at umirap sa kawalan bago dumekwatro. Bakit seryoso pa rin siya? Dapat ay nainis na siya at na-turn off dahil sa pagpapa-cute ko!
“Ewan ko sa ‘yo! So as you were saying?” humalukipkip ako bago nagpatuloy. “Bawal kong buksan ang butones ko, kailangang tawagin kitang Dax. Bawal ako magsuot ng palda. So all in all, bawal akong huminga. Tama ba?”
“If that’s how you summarize things then yes. I want you to be prim and proper especially once I introduce you as my wife.”
“This is a contract marriage right?” he nodded. “For how long?”
“Nabasa mo na ba ‘yung kontrata?”
“Wala akong time. Busy ako.”
“Mukhang hindi mo pa nga nababasa ang kontrata. Tatagal ito ng isang taon,” Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ako makakapagtago sa pamilya ko ng isang taon! Siguradong pinapahanap na nila ako sa mga oras na ‘to. “…pero depende pa kung makukuha natin kaagad ‘yung investor.”
“Investor? Anong kinalaman ng investor sa kasal?” Oo’t nabanggit na nga niya ito kahapon.
“We found a prospective investor for Savage Enterprises. He’s a business tycoon from Europe and he’s currently looking for a hotel chain in the Philippines to invest a big amount of money.”
“And he’s not looking for a wife? Kasi kung sa kanya ako pakakasal pwedeng-pwede,” sarkastiko kong komento at nakita ko ang pagigting ng kanyang panga.
“No. Unfortunately, he’s already happily married,” sarkastiko niyang sagot kaya napairap ako. “At dahil dito, nakikipagnegoyo lang siya sa lalaking kasal na at may asawa’t pamilya. Naniniwala kasi siya na mas mapagkakatiwalaan niya ang lalaking pamilyado na.”
“So that’s why you chose to hire a wife? Hindi ba’t panloloko ang gagawin mo?”
“Kaya nga magpapakasal talaga ako. It’s just that after we make a business deal, I’d tell them that the marriage between us didn’t work out after a few months so we’re getting an annulment.”
Kahit alam kong napaka-unreasonable ng sinasabi ni Dax, kapag siya ang nagsasalita ay parang mapapaniwala ka sa mga sinasabi niya. Parang may sense lahat. He’s that believable and transparent - and I hate it about him.
Huminga ako nang malalim. Hindi ako pwedeng pumayag sa balak niya. Kailangan ay ayawan niya ako para humanap na lang siya ng ibang babaeng pakakasalan. Sa dami ba naman kasi ng nag-apply sa kanya, hindi ko alam kung bakit ako pa ang napili niya.
Tyaka pwede ba 'yun? Mag-hire ng asawa? Kung ganuon ay dapat pala iyon na lang ang gawin namin sa mga Kuya ko dahil parang wala kahit isa sa kanila ang may balak magkaroon ng seryosong relasyon.
Kung hindi uubra ang plan A ko kay Dax, diretso na ako sa plan B.
Huminga ako nang malalim bago nagsalita. “Bakit ba ako pa ang napili mong pakasalan? Ang dami namang babaeng dyan!”
“They weren’t as brave as you are. They couldn’t even look at me in the eye whenever they give their answers-”
“Edi sana sinabi mo na makipagtitigan sila sa ‘yo. Ikaw pala ‘tong may problema e! Tyaka isa pa, I’m not easy to live with-”
“It’s obvious.”
“Tyaka… tyaka gumugulong ako sa higaan.”
“Then the bed is yours.”
“I’m still in love with someone else,” sinabayan ko ng pagsinghot para maniwala siya.
“You’ll soon forget about him-”
“And I’m not a virgin!” kinagat ko ang pangibabang labi ko dahil hindi ko na alam kung ano pang pwedeng magpabago ng isip niya. I had to test my luck!
“I know.”
I know?! Iyon lang ang sasabihin niya? That was my last resort! At anong sinasabi niyang alam niya? Aba’t ang kapal din pala ng mukha ng lalaking ‘to! Nasa itsura ko ba ang hindi na virgin?!
“Tingin mo ba makatarungan ang ginawa mong pag-hire ng asawa? Sagradong bagay ang kasal at dapat mahal mo ‘yung taong pakakasalan mo-”
“Pwede namang matutunan ‘yon-”
“Ano ‘yon? Parang subject lang sa school?! Tyaka anong matututunan e kung subject nga gaya ng math hirap pang maaral, pagmamahal pa kaya?”
“I’m good at math. So perhaps learning how to love someone is easier.”
Bakit ba lahat na lang ng sabihin ko ay may sagot ang lalaking ‘to? Tuloy ay wala nang lumalabas na salita sa bibig ko. Mukhang sa plan C na lang ako kakapit kahit ayaw ko sana.
Huminga ulit ako ng malalim at bahagyang binasa ang labi ko.
"Let me know if you have more questions about the contract."
Nakita ko ang pagawang ng labi niya na para bang may sasabihin pa siya pero sinunggab ko na ito ng halik. Parang matutunaw ‘yung labi niya sa ibabaw ng akin dahil sa sobrang lambot nito. Napapikit ako at may imaheng nag-flash sa isip ko pero agad ding naglaho.
Nang idilat ko ang mga mata ko, nakita ko ang panlalaki ng mga mata niya dahil sa ginawa ko. Inangat din niya ang dalawang kamay niya na para bang ayaw nitong hawakan ako, tuloy ay para siyang sumusuko sa mga pulis.
What the hell just happened? Hindi ba ako ako marunong humalik at ganito na lang ang reaksyon niya?
Biglang bumukas ang pinto kaya agad akong lumayo kay Dax. Ang init ng pisngi ko dahil si Miss Minchin na naman ang nakakita sa amin! Human CCTV ba ito?
“I’m sorry to interrupt, I’ll just leave these contracts for your signature when you’re done,” sabi ni Miss Minchin bago nilapag sa lamesa ni Dax ‘yung mga bitbit niyang papeles. Tiningnan pa niya kami sandali bago siya lumabas.
Napasapo ako sa noo ko bago dahan-dahang nag-angat ng tingin kay Dax. The way he looked at me… I couldn’t figure out if he’s amused or just curious about what’s going on in my head. Tingin niya siguro ay nababaliw na ako o may kulang na turnilyo sa utak ko. Umupo ulit ako ng tuwid bago tumikhim.
“Gets mo? Clingy ako tyaka selosa-”
“It doesn’t matter.”
“I get crazy when-”
“You’re already crazy.”
“Nangangagat ako!” I roared like a lion which was compeletely stupid and useless so I immediately stopped.
“Then bite me all you want.”
Kinuha ko ang kamay niya at kinagat siya gaya ng gusto niya. Akala yata niya nagbibiro ako e.
Pero parang hindi man lang siya nasaktan kahit nakita kong baon na baon na ang mga ngipin ko sa kanyang balat pagkahiwalay ko. Hindi ba niya alam kung paano masaktan? Medyo na-guilty tuloy ako dahil alam ko sa sarili kong masakit ang ginawa ko sa kanya. It’s just that he can tolerate so much pain I guess…
“Ano pang idadahilan mo para makatakas sa kontratang pinirmahan mo?” Matalino nga talaga siya dahil nakuha agad niya ang ginagawa ko.
Dahil walang epekto ang pagkagat ko sa kanya. Tumili ako nang malakas para inisin pa siya. Kaya lang hindi ko inakalang hahalikan niya ako sa labi para patahimikin ako. Nanlaki ang mga mata ko at agad ko siyang tinulak papalayo. I was caught off guard. Pinunasan ko ang labi ko at agad napaatras. Ang lalim pa rin ng tingin niya sa akin na para bang kulang na lang ay tunawin ako sa kinatatayuan ko.
Gigil na gigil na ako sa lalaking ‘to. Gusto ko na lang siya kagatin ngayon hanggang sa bawiin niya ang kontrata at palayasin ako. Ginawa ko na lahat para ayawan ako ng lalaking 'to pero parang desididong-desidido na talaga siyang magpakasal sa akin. Parang kahit anong gawin ko ay hindi na magbabago pa ang isip niya.
Ano bang nakita niya sa akin na hindi niya nakita sa iba? Nagandahan ba siya sa performance ko? I grunted.
“Reign, whenever I make a decision, nothing could change it. So if I chose to hire you as my wife, there’s no one else who can take your position.”
Tumingin ako sa ibang direksyon para ipakita sa kanya na tutol pa rin ako sa gusto niyang mangyari.
“Marriage is part of business for me and this needs to work whether you like it or not. Isipin mo na lang na magtatrabaho ka ng isang taon. Hindi mo kailangang maglaan ng emosyon sa trabahong ‘to basta iayos mo ang sarili mo sa paraang gusto ko.”
“What will I gain from this?” walang ganang tanong ko.
“Whatever you want. Kotse, bahay, o pera. Lahat ng hingin mo ibibigay ko. Dahil para sa akin ikaw ang pinakamalaking investment ko ngayon.”
Hindi ko alam kung dapat akong matuwa o kiligin sa sinabi niya. Pero parang nakakabastos na investment ang tingin niya sa akin.
Kung tutuusin, hindi ko kailangan ng kahit ano sa mga sinabi niya. Kayang-kaya itong ibigay ng pamilya ko sa akin isang hiling ko lang. Kaya rin itong trabahuhin. But this man makes me feel something else. Parang nakaka-challenge pasukin ang mundo niya.
For a moment, I had this crazy idea of accepting his offer. Hindi na ako magtataka, sobrang impulsive ko. Napapirma nga ako nang hindi nagbabasa.
Nag-ring ang phone niya kaya tumayo siya at nagpunta sa isang sulok para sagutin ito. Kinuha ko naman itong pagkakataon para makalabas ng opisina niya.
Interesado man ako o hindi, malinaw pa rin sa akin na hindi ito ang oras para tumanggap ng panibagong pagsubok. Ayokong magpatong-patong lahat hanggang sa ako na mismo ang hindi makabangon.
Akmang pipigilan ako ni Miss Minchin pagkakita sa akin nang patakbo akong nagpunta sa nakabukas na pinto ng elevator. Binilisan ko ang pagsarado nito bago pa nila ‘ko mahabol. Kahit alam kong ang laki ng chance na mahuli ako ng mga tauhan nila lalo na’t may panahon pa sila para abangan ako sa grounds, I’d still take the risk than do nothing about my situation.
Wala akong plano sa ngayon kaya desperada na ako. Bakit kasi sobrang impulsive ko? Bakit hindi ko iniisip ang bawat bagay na ginagawa ko?
Naiiyak na ako sa magkahalong takot at kaba. Nakikita ko kasi na wala na akong kawala ngayon. Kaya kahit imposible, susubukan ko pa rin ngayon makauwi sa amin. I have to be in the safe zone first before I could make my next move.
Tumingin ako sa phone ko at nakita kong tumatawag sa messenger si Kuya MJ. Kung pasundo na lang kaya ako sa kanya? Natatakot kasi ako kina Kuya TJ at Kuya PJ. Lalo naman sa mga magulang namin. Kung pinayagan na kasi nila akong magkaroon ng kotse noon edi sana hindi ako nahihirapan ng ganito ngayon!
Pagkarating ko sa ground floor, mas binilisan ko ang lakad ko pero nahinto ako sa gitna ng lobby.
Paano ba naman ay nakita ko sa harapan ko ang ex-boyfriend kong manloloko. Nakatayo sa harapan ko si Joaquin. Tumigil siya sa pakikipagtawanan dun sa supermodel na nakita kong kasama niya noon at nanlaki ang mga mata pagkakita sa akin. Aakalain ng kahit sino na nakakita ito ng multo. Hindi ba niya inakalang mabibisto ko ang mga panloloko niya sa akin?
Malas niya’t ngayon pa kami nagkita. Kung kailan bwisit na bwisit ako dahil sa mga nangyayari sa buhay ko. Kung tutuusin siya naman kasi talaga ang puno’t dulo nito.
"Reign! Pupuntahan na dapat kita sa inyo ngayong weekend!" inilayo niya bigla 'yung supermodel sa tabi niya. Napairap ako sa kawalan dahil ngayon pa niya naisip itong gawin. E nakita ko na nga kung paano niya higupin ang labi nito!
Lumatay sa mukha niya ang palad ko. Sinampal ko siya ng malakas na nagpabagsak sa kanya sa sahig. Doble ba naman ang galit na dala nito at siya ang tumanggap.
Pinilit nitong tumayo at nang magkaharap na kami ay nakita kong siya na ang mas galit ngayon. Nanlilisik ang mga mata niya na para bang gusto niyang gantihan ang ginawa ko. Parang gusto niya akong saktan pabalik. Mas kumulo tuloy ang dugo ko sa kanya.
“Ano bang ginagawa mo?!” sigaw niya na umagaw sa atensyon ng ibang tao.
Pansin kong pinagtitinginan na kami ngayon kaya naman nakadagdag ito sa bilis ng t***k ng puso ko. I really hate being in the spotlight!
At dahil hindi pa ako kuntento, sasampalin ko pa sana siya ulit.
Kaya lang may kamay na pumatong sa balikat ko. Nang tingnan ko kung sino ito ay natawa ako. Siya na naman pala ang pipigil sa balak ko.
“Annyeong!” bati ni Bobbie. Hindi pa siya nakuntento sa nangyari kagabi. Gusto niyang masayang na naman ang oportunidad na ‘to para makaganti ako kay Joaquin.
Para bang hindi niya nakikita ‘yung tensyon. Kulang na lang ay sakmalin ako ng lalaking nasa harapan ko dahil sa ginawa kong pagsampal sa kanya pero heto siya’t parang masayang-masaya pa sa nangyayari.
Aba tama lang ang ginawa ko kay Joaquin! Kulang pa nga ito kung tutuusin.
Binalik ko ang tingin ko sa kanya at akmang sasampalin ulit siya nang biglang makipag-apir sa akin si Bobbie! Oo’t sinapo niya ‘yung kamay ko na dapat ay tatama sa mukha ng ex ko!
Nanlisik ang mga mata ko kay Bobbie. Kaya lang ay hindi niya nakuha ang ibig kong iparating. Hinaltak na lang niya ako basta pabalik sa elevator kaya naman natakasan na naman ni Joaquin ang galit ko.
“Ex mo?” pabulong na tanong ni Bobbie sa akin at nanlaki ang mga mata ko pagtingin sa kanya. Manghuhula ba siya? Kilala ba niya si Joaquin? Paano niya nalaman?
Tumango siya na para bang may isinagot na ako sa kanya. “Ex mo nga. Cheater?” Nilingon ko si Joaquin. Nakakatakas na naman siya sa galit ko!
“Bakit ba ang dami mong alam?!” sigaw ko dahil sa sobrang frustration. Pinaimbestigahan ba ako ng babaeng ‘to?!
“Umayos ka, may mga empleyadong nakatingin sa atin ngayon,” mas mariing bulong ni Bobbie kaya nahinto ako at napalunok. Nakita kong pinagtitinginan na nga talaga kami.
Pero bakit ba kailangan kong kabahan sa pagsaway ni Bobbie sa akin?