SIKAT NA SIKAT na ang araw sa labas ngunit nakahilata pa rin si Maurice sa kaniyang kama. Hindi naman siya inaantok kundi sadyang tamad lang siyang bumangon. Wala siyang ideya kung nasaan si Julius matapos ito makalabas ng kaniyang silid. Sa unang pagkakataon na tumibok ang puso ni Maurice ay nagawa niya agad na ipagtapat ang nararamdaman. Malakas ang kaniyang loob dahil ilang beses niyang pinag-isipan kung sasabihin ba niya kay Julius o hindi. Hanggang sa naging handa na siya kanina at nawala sa isip niya na dapat pala ay pinaghandaan niya rin ang isasagot ni Julius sa kaniya lalo na't hindi naman lingid sa kaalaman niyang may girlfriend ito. Subalit nangyari na at heto siya ngayon, nagmumukmok sa loob ng kaniyang kwarto, mugto ang mata sa kakaiyak at nahihiya nang humarap kay Julius.

