15

1055 Words
“DALHIN mo ako sa Formilleza Tower,” utos sa kanya ni Scarlett na animo nakatubos ng alipin. “Aano ka naman sa opisina ng papa mo?” tugon ni Rod. “Wala kang pakialam,” asik nito. “Basta dalhin mo ako doon tutal ikaw naman ang may gusto na maging driver ko. Hindi naman kita kaanu-ano kung bakit pinapakialaman mo ang lakad ko.” “I have another idea,” aniyang walang balak pumatol sa kasungitan nito. “Excuse me?” Aabot yata sa hairline nito ang itinaas ng kilay. “Hindi ba’t nasabi ko na sa iyo na ipinagbilin ka sa akin ng mama mo? Kesa pumunta ka sa office ng papa mo, which I doubt kung may matino kang gagawin doon, mabuti pang isama na lang kita sa pupuntahan ko.” “May iba nga akong lakad! Bakit ba ang kulit mo,” high blood na wika ni Calett. “And I’m sure hindi naman iyon sing-importante ng mga bulaklak na talagang iniikutan ng buhay mo. Gusto mo bang pumasyal sa Meycauayan?” he said soothingly. “Aano naman ako doon? Wala naman sa plano ko iyon.” At natigilan din ito. “Ah, sige,  pumunta tayo kina Lorelle.” “Isasama kita sa amin, Calett.” “At bakit? Ayokong pumunta sa inyo. Ang dami-daming tao. Parang pabrika ang bakuran ninyo.” Tumawa siya nang mahina. “Pabrika… ah, puwede nga. Pabrika ng alahas. Alam mo namang nasa mismong bakuran namin ang plateria.” “Hindi ako interesado. Bakit hindi ang mama ko ang isama mo? Sigurado ako, maaliw iyon na makita kung paano nabubuo ang mga alahas na isinusuot niya.” “Basta isasama kita sa amin,” mariing wika niya at desidido nga siyang gawin iyon. “Ayoko,” mas mariin namang sagot ng dalaga. “Kung ipipilit mong dalhin ako sa Meycauayan, puwes kina Lorelle na lang tayo pumunta. Makikipaglaro ako kay Lance tutal nami-miss ko na ring ang inaanak kong iyon.” “Natin. Remember, ninong din ako ni Lance.” “Alangan namang kontrahin ko si Lorelle sa pagkuha niya sa iyo na ninong ng anak niya? As if naman ako ang masusunod.” Nagkibit lang siya ng balikat. Nang lumampas sila sa Meycauayan exit, bigla na lang niyang naisip na huwag dalhin si Scarlett sa alinman sa dalawang lugar na pinagtatalunan nila. Sa halip, idineretso niya ang sasakyan sa riles. “BAKIT tayo narito?” kunot ang noo ni Scarlett habang iginagala ang tingin sa paligid. Hindi tiyak ni Rod kung disgusto iyon sa lugar na nakikita o sa mismong mga taong bigla na lang ay natuon ang atensyon sa pagdating nila. “Narito ang mga kaibigan ko, ipapakilala kita sa kanila,” kaswal namang sagot niya. Tinted ang Ferrari pero alam niyang alam na ng mga taga-roon na siya ang may dala niyon. At alam din niya, katakut-takot na kantiyaw ang aabutin niya dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay dinala niya ang kotse doon. Ilang beses na siyang tinutukso ng mga ito na dalhin niya doon ang sports car at matigas na hindi ang sagot niya. Bukod  pa roon ay may kasama siyang babae—na kumbaga sa sasakyan ay higit pa sa latest model ng Ferrari ang katumbas. He grinned at the last thought. Ngayon lang niya ginawa na ikumpara ang isang babae sa sasakyan. At si Scarlett pa. Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin niyon but he was simply amused. Sa sulok ng mga mata niya ay sinulyapan niya si Calett. Well, hindi naman siguro siya babatukan nito kahit malaman nito na ikinumpara niya ito sa isang kotse. After all, he had compared her to the latest Ferrari. And he was thinking that she was far beyond that latest model. “Rod, aano tayo dito?” baling nito sa kanya. “Ipapakilala kita sa mga kaibigan ko,” ulit niya “May mga kaibigan ka dito?” “Bakit naman wala? Naririto ang mga best friends ko.” “Best friends?” she said in disbelief. “Ikaw na ubod ng sosyalero? Laman ng casino at rubbing elbows ang mga matronang kagaya ng mama at mga tiya ko?” “Akala mo lang sosyalero ako. Siyempre, nasa alta sosyedad ang market ng alahas ko. Adjustable ako depende sa kaharap ko. Just wait and see. Ikaw, kaya mo bang makihalubilo sa mga taga-riles?” “At bakit naman hindi? Hindi naman ako nang-uuri ng tao.” Humagalpak siya ng tawa. “Ganu’n ba? Bakit sa akin mukhang suklam na suklam ka?” “Paano, palagi mo akong iniinis.” “Paano, pikon ka. Ang sarap mong inisin,” ganti niya. Pinandilatan siya nito ng mata. “Utang-na-loob, Rod. Kung gusto mong maging civil man lang tayo sa isa’t isa, tantanan mo ako ng pang-aalaska mo kahit ngayon lang araw na ito.” “Sure,” tila masunuring bata na wika niya. “Nandito ka yata sa teritoryo ko. Dapat lang talaga na hindi mo ako aawayin. Patay ka sa mga taga-riles kapag inapi mo ako.” “At ano naman ang gagawin nila sa akin?” “Aba, iyan ang hindi ko alam. Wala pa naman kasing nag-api sa akin maliban sa iyo.” “Hindi kita inaapi, excuse me! Ikaw nga itong basta mo na lang ako dinala dito. Nasira tuloy ang lakad ko.” “Talaga?” ngisi niya. “Calett, kung importante ang lakad mong iyon, aagawin mo siguro sa akin ang manibela para lang hindi kita maisama. And so far, naisama naman kita dito na walang violence na nangyayari.” “Dahil hindi naman ako bayolenteng tao.” “Talaga lang, ha?” pang-aasar pa niya dahil nakikita naman niya na nagsisimula nang umusok ang ilong nito sa pagkapikon. Bakit ba parang mas maganda sa paningin niya si Calett kapag ganoon ang itsura nito na napipikon. “Bakit mo ako binuhusan ng isang pitsel na juice kung hindi ka bayolente?” Napanganga sa kanya si Scarlett. At natahimik din siya. Sa pagtatagpo ng kanilang mga mata, tila pareho silang nakaalala sa naging kasunod na pangyayari ng oras na iyon. “Huwag na lang nating pag-usapan,” mahinang wika ng dalaga na ibinaling ang tingin sa labas. “Minsan, pag-uusapan din natin ang tungkol doon,” sagot naman niya sa seryosong tono. Inihanap niya nang mapaghihintuan ang sasakyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD