NANINGKIT ang mga mata ni Rod. “And what do you mean by that?” may galit na wika nito. “I told you to kiss me back not to remain still.”
She smiled blandly. “I… I have to remember, Rod. I have to remember each and every way of your kissing.”
Nagsalubong ang kilay nito. “Bakit?”
“I want to learn from it,” she blurted out.
“Damn! At ang matututuhan mo, saan mo gagamitin?”
Ngayon lang niya nakita si Rod na bukod sa seryoso at tila nasa bingit pa ng pagkalagot ng hinahon. At bigla ay nasiyahan siya. Sa wari ay iyon ang pagkakataon niya para naman makaganti siya sa maraming pang-aasar nito sa kanya.
“I’m discovering my sexuality, my power as a woman. Thanks to you, Rod. You’re giving me a great lesson in kissing. Actually, hindi naman ikaw ang first kiss ko. At malamang ikakayabang mo pero I must admit that you kiss better than my ex. Saka bukod sa mga libro, mas marami akong natutuhan sa actual na halik mo. Iba nga sigurong talaga kapag actual, ‘no?”
Tila lalo nang dumilim ang ekspresyon nito. “Iyong tanong ko, Scarlett. Saan mo gagamitin ang pinag-aaralan mo ngayon?” he asked dangerously.
Tumawa siya ng tawang alam niyang makakagatong pa sa iritasyon nito. “Baka naman ang mas tamang tanong ay kung kanino ko gagamitin ang pinag-aaralan ko ngayon.”
Lalo pang kumitid ang mga mata nito. “Calett, mapipilipit ko ang leeg mo.”
Tumawa pa siya. “Bakit naman ako papayag? Puwede ba, Rod, huwag kang umaktong parang papa ko. Kahit si Papa, hindi ganyan sa akin. Malaki na ko. I will do what I want. Hindi naman komo nahalikan mo na ako, eh, magiging sunud-sunuran na ako sa iyo. Excuse me, I won’t allow that. Pasalamat ka nga, eh, hindi ako nagalit sa paghalik mo sa akin.”
“Oh, thanks then!” puno ng sarkasmong wika nito. At pagkuwa ay tinitigan siya nito nang mataman. “Scarlett Marie, sabihin mo nga sa akin, halik lang ba ang gusto mong matutuhan?”
Sinalubong niya ang titig nito. “Nakita mo na ang mga libro ko, Rod. Pati ang video. Surely, hindi lang tungkol sa halik ang mababasa roon. And I’m telling you, binasa ko na ang mga iyon at pinanood na rin ang dapat panoorin. I’m very well-informed now.”
Sa itsura ni Rod, hindi niya masabi kung nagulat pa niya ito. Walang anumang pagbabago ang ekspresyon nito.
“Do… you think you have learned enough?” he asked slowly.
Itinirik niya ang mga mata. “Iyon ba namang sa loob ng apat na araw ay puro iyon ang inaatupag ko, hindi pa ba ako matututo? Frankly, to be kissed by you is just an added lesson. From theory to actual. Pero sa mga reference materials ko pa lang, na-educate na ako nang husto. Oh, tama na nga ang usapang ito. I’m wasting my time. May importante pa akong lalakarin.” At bago pa nagawa ni Rod ang alinmang bagay na makakapigil sa paghakbang niya ay mabilis na siyang nakalayo.
NANG MAKALABAS nang bakuran ang kotseng sinasakyan ni Scarlett ay mabilis din siyang sumakay sa sports car. Hindi siya mapakali sa mga binitiwang salita nito. Obviously, she was up to something. At lalong hindi siya mapapakali kung hindi niya malalaman kung sino ang lalaking pinaghahandaan nito.
Parang gusto niyang sakalin si Scarlett. Sukat ba namang sabihing pinag-aaralan nito ang mga halik niya? Damn that woman. Kung alam lang nito kung gaano ang pagpipigil niya sa sarili na huwag lumagpas sa halik ang ginagawa dito.
At kagaya ng una, hindi niya binalak na halikan ito. Sure, the wanting never left him pero hindi ang halikan ito ang talagang pakay niya nang puntahan ito. He was serious about that flower farm. Pero kagaya din ng una, sa ibang bagay mas natuon ang paghaharap nila.
Bigla na lang ay mayroon siyang naisip. Palibhasa ay kabisado na rin niya ang village na iyon, tinunton niya ang isang block na siyang short-cut palabas ng gate.
Tamang-tama na naunahan niya ang kotseng sinasakyan ni Calett. Sadya niyang iniharang ang sasakyan sa kalsada. Pababa siya ng Ferrari nang makita niya ang dalaga na dinukwang ang manibela ng kotse nito at diniinan ang busina.
Balewala namang humakbang siya palapit dito. “Bumaba ka riyan, Calett,” sabi niya na animo hari.
“At bakit?” mataray na tugon nito sa kanya.
“Bumaba ka riyan at may pag-uusapan tayo?”
“Bait hindi mo pa sabihin? May pupuntahan ako. I’m in a hurry.”
Umiling siya. “Hindi tayo magkakaintindihan kung hindi ka bababa.” Sinadya niyang idiin ang tinig.
Napakunot ang noo ni Calett pero hindi rin nakaligtas sa pansin niya ang pagtikwas ng sulok ng mga labi nito. At sa halip na makadama ng iritasyon sa simpleng pagrerebeldeng iyon ay naaliw pa siya. At mas nadagdagan pa ang kabaliwang iyon nang bumaba ng sasakyan si Calett.
Susunod din naman pala sa kanya.
“Ano ang sasabihin mo, dali na!” apuradong wika nito.
Sa halip na sumagot ay binuksan niya ang sasakyan. Kinuha niya ang bag nito sa back seat at binalingan ang driver. “Bumalik ka na sa bahay, Romy. Sa akin na sasama si Calett.”
“Hoy! At bakit naman ako sasama sa iyo?” react agad ng dalaga. “May sarili akong lakad!”
“Then sasamahan kita.”
“Ano ka, driver ko?”
“Ayaw mo ba nu’n? Guwapo ang driver mo?”
“Ang kapal mo, Rod!”
“Of course not. Nagsasabi lang naman ako ng totoo, ah?” Hinawakan niya ito sa siko at iginiya sa sasakyan niya.
“Teka lang! Hindi ako sasama sa iyo!” piksi nito.
Binigyan naman niya ng espasyo ang dalaga. “Bakit, saan ba sa palagay mo kita dadalhin?”
“Malay ko sa iyo! Kaya nga ayaw kong sumama sa iyo. Wala akong tiwala sa pagmumukha mo.”
Ngumisi siya. “Well, sorry ka na lang Miss Scarlett dahil sa akin ka ipinagkatiwala ng mama mo, kaya sa akin ka sasama.” Bahagya niyang ikiniling ang leeg sa bandang likuran nila. “Look, iniwan ka na ni Romy.”
“s**t!”
“Don’t swear, Calett. Nice ladies don’t swear.”
“Nawawala ang pagiging nice ko kapag ikaw na kaharap ko,” irap nito.
“So, what will you do now? Madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw ang tsansa na may pumasok na taxi sa village na ito. At wala ring naglalakad sa kalye nito sa ganito katinding sikat ng araw. And besides, ang prinsesa ng mga Formilleza ay hindi naglalakad maliban sa trip nila. Trip mo bang maglakad sa kainitan ng araw, Calett?”
“Damn you!” pikon na pikon na wika sa kanya nito at iniwan siya.
Hanggang tenga naman ang lapad ng ngiti niya nang makitang sasakyan niya ang tinutungo ng hakbang nito. And her face contorted with another irritation nang hindi nito nabuksan ang pinto. “Buksan mo ito!” masungit na utos ito.
“As you wish, my lady,” wika naman niya at habang palapit doon ay itinutok na niya ang remote.