12

1474 Words
GINISING niya si Maribel. Sinadya niyang bihis na bihis na siya nang gisingin ito. “Maribel,” tawag niya. Nang dumilat ito ay kaagad siyang nginitian. “Bakit bihis ka na? Don’t you want another round?” “Maribel, I don’t want to hurt your feelings but I don’t want you here. Hindi ko gustong dinala mo ang mga damit mo dito. Please, paglabas mo’y dalhin mo na uli ang mga gamit mo.” Napamulagat ito. “Rod?” “I mean what I said.” At kung hindi pa naintindihan ni Maribel ang sinabi niya, alam niyang sa tono niya ay naintindihan na nito ang gusto niyang mangyari. Ni hindi na ito nagtungo sa banyo. Nang bumaba ng kama ay kaagad na nagbihis at ibinalik sa maleta ang mga gamit. Wala silang kibuan nang bumaba sila ng building. Pero inihatid niya ito kung saan naroroon ang sasakyan nito. “We had a good time, Maribel. I just hope naiintindihan mo rin naman ang punto ko sa ganoong sitwasyon.” “Yeah, I know,” kaswal namang sabi ng babae at sumakay na ito sa kotse.  Bumalik naman siya sa pick-up. Matutuloy na rin ang pag-uwi niya sa Meycauayan. He never drove his Ferrari in Meycauayan. Bagaman alam naman ng lahat na mayroon siyang ganoong uri ng kotse, hindi niya iyon dinadala sa lugar kung saan siya lumaki. Puro kantiyaw ang aabutin niya sa mga barkada niya sa riles kapag nakita ang kotse niyang iyon. Sasabihan siyang hindi ma-reach bilang pang-aalaska sa kanya. At palibhasa ay likas na alaskador, ayaw na ayaw niyang siya ang naaalaska. Yes, he was filthy rich. Pero pag-uwi niya sa Meycauayan, he was just one of the “riles boys”. Iyon ang tawag sa mga kabarkada niyang sa tabi ng PNR tracks nakatira. Kung kupas at tastas ang maong ng kabarkada niya roon, mas kupas at tastas ang maong niya. He was a product of private, expensive schools. Pero pag-uwi niya, sa riles ang punta niya. Naroroon ang mga kalaro niya, sa mga batang riles, hindi niya kailangang makipagpasiklaban ng yaman ng magulang at ng mamahaling laruan. At-home siya sa riles. Kahit na maligo siya sa sermon ng ina, hindi siya napipigil ng mga ito na makipaglaro sa batang riles. At suportado naman siya ng kanyang ama. Mas makamasa ang kanyang ama—palibhasa ay konsehal ng kanilang bayan kaya ito pa ang nagtutulak sa kanya na makipagkaibigan sa lahat ng uri ng tao. At hindi naman niya iniisip na hindi nila kauri ang mga kaibigan niyang taga-riles. Mas marami siyang kaibigan doon kaysa sa exclusive school. Pakiramdam niya, mas tao siya kapag ang mga taga-riles ang kahalubilo niya. Sa riles siya natuto ng maraming bagay, buhat sa paglalaro ng holen, pitikan ng goma, tumbang-preso at patintero hanggang sa pagkamulat sa s*x. Every thing was for clean fun and was just a natural progression of growing up. Ang maipagmamalaki niya, sabihin mang kulang sa mataas na edukasyon ang barkada niya sa riles, hindi naman gumagamit ng bawal na gamot ang mga ito. Umiinom, oo— siya pa ang madalas magpainom but never did they use drugs. But his mother, kahit na anong build up niya sa mga kaibigan niya ay wala itong tiwala. Hindi nito matanggap na nakikipagkaibigan siya sa mga taong mas kabisado ang presyo ng kilo ng diyaryo at plastic kaysa gramo ng ginto. Ang hindi alam ng kanyang mama, malaki rin naman ang pera sa junk. Para sa kanyang mama, ang kagaspangan ng kilos niya ay nakuha niya sa pakikisalamuha sa mga batang-riles. All right, he was rough. Aminado naman siya roon. At doon din siya kumportable. Masaya siya sa kilos niyang iyon, walang pagkukunwari, walang pagtatakip sa kapintasan. What they see is what they get. Pasensya na lang ang mama niya, hindi siya kagaya ng iba niyang pinsan na naturingang lalaki pero maselan pa kaysa sa mga babae. Wala siyang arte sa katawan. Kung ano ang gusto niyang sabihin, sasabihin niya. Pasensya na lang kung ma-eskandalo ang iba sa lalabas sa bibig niya. What he had learned in school, ginagamit naman niya kung hinihingi ng pagkakataon. Pero paminsan-minsan lang iyon. Dahil nang malaki na siya at natutuhan ang negosyong puwedeng mabuhay sa loob ng casino, natuklasan niya na hindi naman komo mayaman ay dapat refined ang kilos. Ang dami. Ang daming milyonaryo na kilala niya—na matalo o manalo sa casino ay kay lutong magmura. Mga mayayamang tila basahan ang trato sa babae matapos gamitin sa ilang sandaling pakikipag-ulayaw. Money cannot really buy class. Marami na siyang nasaksihan. Isang halimbawa na hindi pera ang pamantayan ng pagkakaroon breeding. Besides, sa loob ng casino, hindi breeding ang mahalaga. Pera ang nagpapaikot sa mas nakakarami sa lugar na iyon. DAIG PA ang binisita ng mayor ang mga lalaking nakaumpok sa may riles nang mamataan ang sasakyan niya. Nagkawayan ang mga iyon. “Babalik ako, mga pare! Ihanda ninyo ang mesa, ha?” wika niya sa mga ito nang mapalapit. At kasinglapad ng ngisi niya ang naging ngisi ng mga tao roon. “Magpapakatay ako ng manok!” wika ng isa. “Hindi!” sagot niya at mabilis na naglabas ng pera. “Matagal pa iyang pagkakatay. Matrabaho. Kumuha kayo sa Andok’s. Magbalanse kayo kung kulang. Mamaya ko babayaran.” “Galante ka na naman, Rodelio!” “Siyempre, kumita tayo, eh.” “Ninong! Ninong!” sigaw ng mga bata na halos patakbong lumapit sa sasakyan niya. “Patay na, nakaamoy na ang isang barangay kong inaanak,” kunwa ay reklamo niya. Lahat yata ng bata roon ay inaanak niya. Lahat naman ng mga iyon, kahit hindi Pasko, nakakatikim ng aginaldo sa kanya. Hindi siya madamot sa mga taga-riles. Pangalawang pamilya na niya ang mga tao doon. Napilitan siyang bumaba ng sasakyan. Kung araw-araw siyang mapapadaan sa riles, araw-araw din na magmamano sa kanya ang halos lahat ng mga bata doon. Kahit nga hindi niya inaanak, ninong na rin ang tawag sa kanya. At siyempre, idinadamay na rin niya sa mga grasyang ibinibigay niya sa mga talagang inaanak niya. “Mano po, Ninong,” awtomatiko nang wika ng pinakaunang bata na nakalapit sa kanya. “Malayo pa ang Pasko, hijo!” pabirong wika niya pero inabot naman niya ang kanyang kamay. Marungis ang bata. Malagkit pa nga ang kamay na humawak sa kanya pero hindi nabago ang ngiting nasa mga labi niya. Lima na ang batang nagmano sa kanya pero parang kumakapal pa ang mga batang lumalapit sa kanya. “Puwede bang bukas na magmano iyong iba? Pudpod na yata ang kamay ng ninong ninyo,” ngisi niya. Napatingin lang sa kanya ang mga bata. Hinaplos na lang niya ang ulo ng iba bago naglabas ng isang limang-daang piso. Tinawag niya ang pinakamatanda sa mga batang naroroon. “O, Tonton, ibigay mo sa nanay mo. Sabihin mo, ipagluto kayo ng pansit. Ah, hindi, sopas pala para mainit.” “Thank you po, ninong.” Kumaripas na ito ng takbo pauwi. Sumunod na roon ang ibang bata. Alam naman ng lahat na kapag ganoon ay para sa lahat ang pagkain. “O, ikaw, Benjie? Sumunod ka na sa Kuya Tonton mo.” Magpinsan ang dalawang bata. Nginitian siya ng bata. “Ninong, birthday ko bukas.” Kunwa ay nagulat siya. “Talaga? Aba, ilibre mo ako. Birthday mo pala, eh. Ilang taon ka na?” “Ten po.” “Aba, English iyon, ah? Ililibre mo ako?” Napakamot ito ng ulo. “Ninong, sabi ng nanay ko, magsisimba lang daw kami. Hindi maghahanda.” “Tama iyon, magpasalamat ka kasi birthday mo.” “Mano po, Ninong.” Natawa siya. “Nagmano ka na kanina, eh,” kantiyaw niya. Ngumiti lang ito uli at tumalikod na. “Sandali, Benjie. Pumunta ka mamayang hapon sa bahay. Nandoon ang regalo mo.” Of course, may regalo ang mga inaanak niya. Hindi yata siya basta-bastang ninong. Nakalista ang birthdays ng mga iyon at bukod sa okasyon ng Pasko ay naglalaan din siya ng espesyal na regalo kapag birthday ng mga ito. Nagliwanag ang mukha ng bata. “Thank you po, ninong.” “Sige, basta magpapakabait ka, ha?” Binalingan niya ang mga matatanda. “Hindi ako puwedeng makipag-inuman maghapon pero magkukuwentuhan tayo,” wika niya sa isa sa mga kumpare niya doon. Para sa kanya, naroroon ang talagang mga kaibigan niya. Sa tagal ng panahon, nasubukan na niyang hindi dahil anak-mayaman siya kaya siya kaibigan ng mga ito. Ilang beses na bang siya pa ang kusang nagbigay ng tulong sa mga ito dahil wala ngang mukha na maiharap sa kanya kung pangungutang ang pag-uusapan? “Sige. Naku! Pasko na naman dito sa riles.” “Mga luku-luko!” aniya at sumakay na uli sa pick-up. Tinalunton niya ang daan patungo sa kanila. Noon lang din niya naalala na naghihintay nga rin pala sa kanya si Lorelle.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD