Ang tinutukoy ni Wena na isang malaki at magandang bahay ay higit pa sa inaasahan ni Leylah nang masilayan niya iyon sa unang pagkakataon. Hindi lamang basta malaki, ito ay napakalawak. Hindi lamang basta maganda kundi napakarangya. Gawa sa marmol ang buong estraktura, pinaghalong krema at itim ang kulay ng pintura at may dalawang palapag.
Sa itsura pa lamang ng living room ay nalula na siya. Ang gara ng mga furnitures at mga babasaging palamuti. Mahihiya kang umupo sa eleganteng sofa set na parang inuupuan ng mga dugong bughaw. At ang chandelier sa kisame, jusko napakalaki at kumikinang. Parang pinagdikit dikit na mga diamante at ginto.
Ang dami pang mga naglalakihang portrait na nakasabit sa mga dingding na pawang magaganda at mukhang mamahalin. Walang duda na napakayaman nga ng napangasawa ng ate Wena niya. Ayon sa kapatid niya ay napakarami raw nitong sinasalihang investments sa iba't-ibang kompanya at korporasyon. Maliban roon ay mayaman na talaga noon pa man ang angkan nito at ito ang nagmana ng halos lahat ng ari-arian.
Speaking of him ay natanaw nila itong bumaba ng grand staircase. Sinalubong ito ng masayang ngiti at mahigpit na yakap ng kapatid niya. Nabanggit na ng ate niya sa kanya kanina sa sasakyan na matanda na si Leandro Dela Vega, ang edad ay papasa na para maging tatay nila. Singkweta'y dos na raw ito. Kaya ang inaasahan niyang makikilala ay isang lalaking napapanot na ang buhok, nangungulubot na ang balat at medyo uugod ugod na kung kumilos. Pero nagkamali siya ng akala. Marahil ay hindi maikakaila sa mukha ni Leandro na may edad na ito. Ang gatla sa noo nito ay hindi na maitatago, ngunit napakatikas, simpatiko at ang guwapo nito. Mukhang alagang-alaga ang pangangatawan noong bata pa. Hindi nakapagtataka kung bakit nahumaling si Wena rito.
"Ikaw pala si Leylah. Madalas kang ikuwento ng ate mo sa akin. I am so glad that I finally meet you," nakangiting wika sa kanya ni Leandro nang ipakilala sila nito sa isa't-isa ng kapatid.
"Natutuwa rin po akong makilala kayo," tipid lamang na wika niya at bahagyang nagyuko ng ulo.
"Tawagin mo na lang ako na Leandro. Hindi naman siguro nalalayo ang edad natin hindi ba?" Pareho silang natawa ni Wena sa biro nito. "Parang nakakailang kasi kung kuya. Mas komportable ako sa Leandro, kung okay lang sa iyo."
"Okay, Leandro. Kung iyan ang gusto mo, walang problema sa akin."
Magaang ngumiti ito. "Good. Anyway alam kong ikinabigla mo ang pagpapakasal namin ng ate mo ng madalian kagabi. Gusto kong malaman mo na mahal ko ang ate mo at makakaasa kang iingatan at pakamamahalin ko siya habang buhay. Well, ipagdasal na lang natin na sana ay humaba pa ang buhay ko."
At muli na naman silang nagkatawanan. Sinamahan sila ni Leandro sa ikalawang palapag ng bahay. Ipinakita sa kanya ang magiging silid niya. Nalaman niyang lima pala ang silid roon. Ang masters bedroom ay inuukupa ni Leandro na natural ay siya na ring magiging silid ng ate Wena niya.
Tatlo ang guestroom at ang isa ay uukupahin niya. Samantalang ang nasa kabila ay siyang inuukupa naman ng nag-iisang anak nitong lalaki na si Valentin o Val. No wonder kung bakit Valentino's ang pangalan ng restaurant nito. Ipinangalan nito sa sarili.
"So what do you think of your room? Nagustuhan mo ba? Kahit walang umuukupa rito ay regular ko itong ipinapalinis sa mga katulong," ani Alejandro sa kanya habang nililibot niya ng tingin ang buong silid.
Napakaaliwalas ng silid na iyon. Pale blue ang kulay ng wallpaper. May malambot na kama na floral pink ang ang ibinalot na bedsheet. Plain pink ang mga unan at kumot. May study table na may nakapatong na puting lampshade. Sa tabi nito ay may isang single couch. Sa isang sulok ay may malaking closet. Two in one dahil bukod sa lalagyanan ng mga damit ay may space rin sa ilalim upang paglagyan ng mga sapatos. Sa dulo ay naroon naman ang banyo.
"Ah, oo. Nagustuhan ko. Napakalaki at ang napakaganda. Maraming salamat, Leandro."
"Sabihan mo lang ako kung may gusto kang ipabago. At saka bukas pwede kayong mag shopping ng ate mo. Bilhin niyo kung anong gusto niyong mga damit at gamit."
"Talaga, honey?" Anang kapatid niya sa asawa na awtomatikong umaliwalas ang mukha sa matinding tuwa pagkarinig sa tinuran nito na magsa-shopping sila.
Masuyong bumaling rito si Leandro.
"Simulan mo na ring mamili ng mga gamit ni baby. Okay lang ba kung kayo na lang ni Leylah ang mamili? Alam mo naman na wala akong alam sa mga gamit gamit na iyan. Wala rin naman akong maitutulong kung sasama pa ako."
"Okay lang. Kaya na namin iyon ni Leylah. Kaming bahala."
Kinagabihan ay nagpahanda si Leandro ng espesyal na dinner para sa kanila. Isang selebrasyon hindi lamang para sa nangyaring madaliang kasal ng mga ito kahapon ng gabi kundi pati na rin para sa unang gabi ng pagtira nilang magkapatid sa bahay nito. Ngunit bago nila sinimulan ang dinner ay hinintay muna nilang umuwi ang anak ni Leandro na si Val.
Si Val na nang unang masilayan ni Leylah ay hindi niya napigilan ang sariling matulala. Maihahalintulad niya kasi ito sa mga paboritong isulat na characteristics ng mga romance writer sa kanilang mga heroine. Na tall dark and handsome.
Si Val na nang pakiharapan sila ay tipid ang mga salita at walang kangiti-ngiti. Kabaliktaran ng kabaitang ipinapakita ng ama nito ito naman ay puno ng kalamigan. Bagama't wala itong sinabing hindi kanais-nais sa kanila sa buong durasyon ng dinner ay hindi naman maipagkakaila sa itsura nito na hindi nito ikinakatuwa ang presensiya nila roon.
Naisip ni Leylah na marahil ay normal na reaksiyon lamang iyon ng mga anak na muling nag-asawa ang magulang.
Marahil ay nasaktan ito o pwede ring hindi nito gusto si Wena para sa ama dahil ordinaryong kahera lamang ito at empleyado nito sa pag-aaring restaurant. O marahil ay dahil napakalaki ang agwat ng mga edad nina Leandro at Wena. Kung hindi siya nagkakamali ay magkaedad lamang si Val at si Wena. Kung siya man marahil sa kalagayan nito ay hindi rin matutuwa kaya nauunawaan niya ito. Pero kasal na ang dalawa at wala nang choice si Val kundi tanggapin na lamang na magiging parte na ng buhay nito at ng ama si Wena.
Pagkatapos ng masarap na hapunan ay nag-aya si Leandro na uminom sila ng wine sa may lanai. Ngunit tumanggi si Val. Pagod raw ito mula sa trabaho kaya gusto na nitong umakyat sa sariling silid upang makapagpahinga.
Hmp, kill joy... Sa isip ng dalaga. Halata namang ayaw lamang nitong makihalubilo sa kanila.
Lumipas ang mga araw, naenjoy nilang mabuti na magkapatid ang bagong buhay sa piling ni Leandro. Pakiramdam nila ay para silang nabubuhay sa isang magandang panaginip. Na nakatira sila sa isang palasyo, natutulog sa komportable at magandang silid, kumakain ng masasarap na pagkain, pinapalibutan ng maraming tagasilbi at nagagawa nilang mabili ang lahat ng kanilang mga maibigan.
Bagama't batid ni Leylah na bukal sa loob ni Leandro ang pagkupkop sa kanya roon ay hindi pa rin niya maiwasang makaramdam ng hiya. Natural lamang na obligasyon nitong buhayin ang ate Wena niya dahil mag-asawa ang mga ito pero siya ay hindi nito obligasyon. Parang isang kalabisan kasi na nakikitira siya roon at pinapalamon nito. Mas maigi sana kung mayroon siyang trabaho. Ayaw naman kasi ng ate niya na mag-apply siya sa kung saan-saan. Hindi na raw kailangan dahil kaya naman silang buhayin ni Leandro. Mukhang tuluyan na nitong inaasa na lamang ang lahat sa asawa at hindi roon sang-ayon si Leylah.
Sa kagustuhang magkaroon ng silbi kahit papaano ay tumutulong siya sa mga gawaing bahay. Sa pagluluto at paglilinis. Isang beses ay nahuli siya ni Leandro na nagpupunas ng mga muwebles, hindi nito nagustuhan ang nakita. Sinabing hindi niya na kailangang gawin pa iyon at ipaubaya na lamang sa mga kasambahay ang paglilinis ngunit nagpumilit siya. Hanggang sa napagod na rin si Leandro sa pagsita sa kanya. Hinayaan na lamang siya sa mga nais niyang gawin. Nang sumunod na mga linggo ay kinatuwa pa nga nito ang pangingi-alam niya sa kusina. Siya ang madalas na nagluluto at panay puri ang naririnig niya mula rito sa mga putaheng inihahain niya.
Syempre dahil food tech ang tinapos na kurso ay natural na magaling magluto ang dalaga.
Habang ang kapatid niya ay umaastang tila prinsesa sa mansiyon siya naman ay doble ang sipag sa mga gawaing bahay upang may maiambag kahit na kaunting kontribusyon.
"Bakit lukot iyang mukha mo, Ada? Anong problema?" Isang tanghali ay usisa niya sa isa sa mga kasambahay. Paakyat na sana siya sa silid niya nang nakasulubong niya ito sa may hagdan.
"E kasi naiinis ako kay Joyce," anitong nanulis ang nguso. "Nagawa niyang mag day off ngayong araw e samantalang ang daming nakabinbin na mga gawain.
Tapos ay masama pa ang pakiramdam ni ate Lumen. Si Shiela naman ay abala sa mga tambak na labahin sa laundry, hindi ko mapakiusapan na tulungan ako. Hindi ko alam kung anong uunahin ko. Maglilinis pa ako ng pool, mamamakengke, papakainin ko pa iyong mga aso, lilinisin ko pa iyong study ni sir pati na iyong kuwarto niya."
Apat ang kasambahay sa bahay na iyon. Si Lumen ang mayordoma, nasa late forties ang edad. Si Joice, si Shiela at ang kausap niya ngayon, si Ada. Pareho ang mga itong nasa early twenties.
"Iyon lang naman pala e. Akala ko kung ano na. Ako na lang ang tutulong sa'yo. Tapos na rin naman akong magluto e, saka nauna na akong nag lunch kaya libre ako ngayon."
Awtomatikong nagliwanag ang mukha nito. "Talaga, Leylah? Sure ka, tutulungan mo ako?" Mula nang tumira siya roon ay hindi niya hinayaan ang mga kasambahay na tawagin siyang ma'am. Hindi katulad ni Wena na feel na feel kapag tinatawag na ma'am. Noong una ay nag-alangan pa ang mga ito pero kalaunan sa kapipilit niya ay nasanay na rin. Pero kapag kaharap ang matandang among Dela Vega ay ma'am syempre ang tawag ng mga ito sa kanya.
"Oo. Sige, sabihin mo lang. Ano bang pwede kong gawin maliban sa pagpapakain sa mga aso? Ayoko no'n, takot ako kay Apollo at Abraham. Baka kagatin ako." Tamang tama, malaya niya itong matutulunan dahil wala ngayon ang mag-asawa. Prenatal check up ni Wena kaya nagpunta ang mga ito sa ob gyn."
"Uhmm... Ano nga ba?" Nag-isip ito saglit. "Ah, alam ko na! Ikaw na lang ang maglinis ng kuwarto ni sir. Magaan lang naman iyon. Mag ba-vacuum ka lang saka papalitan mo iyong kubri kama, mga punda ng unan, kumot at mga kurtina."
"You mean, iyong masters bedroom?"
"Hindi, iyong kay sir Val na kuwarto."
Natigilan siya. Lihim na naexcite sa nalaman. Sa halos dalawang buwan niya roon sa mansiyon ay hindi niya pa kailanman nakita ang loob ng silid ni Valentin. Iyon lamang marahil ang silid na hindi pa niya napapasok.
"Bakit, may problema ba? Ayaw mo?" Untag sa kanya ni Ada.
"Naku, hindi. Gustong gusto ko nga e–" Nahiyang ngumiti siya. "Uhm well ang ibig kong sabihin ay...kasi–"
"Okay lang 'yan. Nahiya ka pa. Lahat naman kami rito ay may crush kay sir Val. Kahit nga si ate Lumen ay kinikilig sa kanya e. Kaya hindi na ako magtataka kung pati ikaw ay magka-crush sa kanya." At ngumisi ito ng nakakaloko.
"Ang pogi naman kasi niya e. Sinong babae ang hindi kikiligin kapag nakita siya? Iyon nga lang saksakan ng sungit."
"May kasungitan talaga si sir Val at medyo strikto. Pero hindi naman ibig sabihin noon ay masama na siyang amo. Sadya lamang talaga na napakapormal at seryoso ng personalidad niya."
Matapos ng kanilang maikling tsismisan ay naghiwalay na sila ni Ada. Naghanda ito ng pagkain para kina Apollo at Abraham samantalang siya naman ay itinuloy na ang pag-akyat sa itaas upang linisin ang silid ni Val pero bago iyon ay kumuha muna siya ng vaccum cleaner, pamunas at mga panglinis para sa banyo.
Pagkapasok sa loob ng silid ay bumungad sa kanya ang moderno at black and white na tanawin. Itim ang bedsheet ng kama at kumot, puti ang mga unan. Itim ang carpet sa sahig, puti ang wallpaper, itim ang kisame. May malaking closet na kulay itim, katulad ng sa silid niya ay may single couch rin sa tabi ng study table. Ang mga kurtina ay puti naman. Almost plain ang lahat at ang mga gamit ay tila sumusunod sa theme color ng silid. Organisado rin, mukhang metikoloso ang may-ari dahil napakalinis ng paligid. Walang siyang nakitang kahit isang kalat.
Napakunot tuloy siya ng noo niya. Ano pa bang lilinisin niya roon?