(DON MANUELS’ POV)
Noong araw na iyon ay napagpasyahan niyang umuwi ng maaga para asikasuhin ang tambak na paperworks na kailangan niyang basahin at pirmahan dahil nalalapit na ang pagbubukas ng kanyang ipinapagawang pribadong ospital. Marami siyang kailangang gawin, lalo na at hindi pa kumpleto ang listahan ng mga board of directors na itatalagang kasa-kasama niyang mamamahala rito. Kailangan na rin nilang magsimulang mag-hire ng mga staff, at simulan na ang pagbili ng mga ibat-ibang medical equipment na gagamitin doon.
Aminado siyang mahirap at masyadong metikoloso ang pinili niyang negosyo pero sa tagal na niya sa propesyon bilang isang doctor ay may alam na rin naman na siya dito. Malaking tulong din naman ang mga kaibigan sa same field upang personal na mag-assist sa kanya sa pag-aasikaso ng mga dokumento. Pero dahil siya ang pangunahing nagmamay-ari ng ospital na itinatayo, lahat ng pinal na aksyon at desisyon ay siya ang gumagawa para masigurado niyang maayos na masimulan ang matagal na niyang pinapangarap na magkaroon ng sariling pag-aaring ospital.
Subsob siya noon sa pagbabasa ng isang pahina ng dokumento para sa marketing strategy ng ospital nang tumunog ang kanyang telepono. Ikinakunot pa nga ng kanyang noo nang makita ang pangalan na rumihistro mula sa screen nito. Sa mga sumunod na mga minuto ay nabago ang mood niya.
“What? Kelan pa?” mababanaag ang pagkagulat sa mukha ng Don sa nalamang balita mula sa taong kausap sa kabilang linya.
“Kanina lang,” may halong lungkot sa boses na sagot nito.
Natahimik siya sandali, napapikit at sinabayan ng pagbuntong hininga. Kapagkuwan ay naisandal niya ang likuran sa sandalan ng upuan, iniangat ang mukha kasunod ng pag-igting ng mga panga sa tila halo-halong emosyong nararamdaman.
“How did it happen? His doctor just called me the other day at sinabing stable na ang kalagayan niya, ah!” nalilito niyang pakli sa masamang balitang hatid ng kausap.
“That's what we thought, too. Pero bigla na lang daw siyang inatake kanina eh. His doctor’s tried to revive him, but it's too late. Bumigay na daw ang lahat ng organs niya, and if ever bumalik man daw ang heartbeat niya, magiging lantang gulay na lang daw siya. Only the machines will keep him alive,” malungkot na paliwanag ng tumawag. “Dad passed away, kuya. Tuluyan na tayong iniwan ni Daddy,” sa pagsasabi sa huling pangungusap ay biglang naging emosyonal ito.
Muli ay hindi siya nakaimik. Sa mga narinig mula sa kapatid ay hindi niya alam kung ano ang eksaktong mararamdaman. Oo at nalulungkot siya at wala na ang kanilang ama ngunit sa kabila noon ay may kung anong relief siyang nakapa sa dibdib. Naalala niya kasi, ilang araw pa lamang ang nakakalipas noong ipagdiwang niya ang kanyang kaarawan, mabuti at hindi nataon ang pagkamatay nito sa kaarawan niya kung hindi ay taon-taon, sa tuwing magdiriwang siya ay maaalala niya na iyon rin ang petsa ng kamatayan ng ama.
Cancer sa utak ang naging sakit nito na nagsimula noong tumuntong siya ng kolehiyo. Isang dahilan kung bakit pagiging doktor ang kinuha niya, na siyang kagustuhan rin ng mga magulang. Masaklap nga lang na pagkatapos niyang magtapos ay hindi niya muna nagamit ang propesyon upang gamutin ang sariling ama.
“Ano, uuwi ka ba?” tanong ng kausap sa kabilang linya.
“I-I don’t know,” agad niyang sagot kasabay ng ilang beses na pag-iling at pagkibit balikat.
“Huh? Bakit 'di mo alam?” paghihimutok na sambit ng kapatid. “Kuya Manuel naman, how many decades ka nang hindi umuuwi dito. Yes, I admit it, Mama and I got used to it already, pero si Papa? Ni minsan nga hindi mo man lang siya nadalaw noong may sakit siya, tapos ngayong wala na siya hindi ka pa rin uuwi para makita siya kahit sa huling sandali ng ilalagi niya dito sa mundo? Anong klase kang anak!” bulyaw nito.
Tila nagpanting ang mga tenga niya sa narinig. Agad na namula ang kanyang mukha sa naramdamang galit. Dahil doon ay napatayo siya at naitabig ang upuan palayo sa kanya. “What? How dare you say kung anong klase akong anak?” bulyaw niya ring sagot. “We all know that I did everything, Elise! I gave him all he needed! I brought him to the most expensive hospitals, and sent him to all the most renowned specialists para lang gumaling siya. Isn’t that enough?” halos umusok ang ilong niya sa pagsasabing iyon.
“No, it’s not enough!” matapang namang sagot ng isa.” Hindi mo ba naisip na out of all the things you have given’ him, hinihintay pa rin niya ang presensya mo? Mahalaga pa rin sa kanya na nandoon ka while he’s suffering from his illness!”
“What can I do? I have work. Hindi ko pwedeng iwan na lang basta-basta ang trabaho ko pati na ang napakaraming commitment ko dito. You all know that!” may pagkumpas pa ng kamay na saad niya.
“Oh yeah, your work. Kelan ka nga ba nagkaroon ng time sa amin, because of your work? Every important occasions hindi ka nakakauwi dahil sa work mo. Even on holidays. Kahit pa magmakaawa si Mama na sumaglit ka muna dito, hindi pa rin pwede dahil sa work mo. Ni hindi pa nga tayo nagkikita ng personal dahil sa work mo eh. Mas importante ba talaga ang work mo kesa sa amin? Especially sa nangyari ngayon sa sariling mong ama? Ano ba talaga? Is it your work o ayaw mo lang talagang pumunta dito?”
Sa sinabi nito ay bigla siyang natigilan. Tila umurong ang kanyang dila at sa ilang minutong nagdaan ay hindi nakapagsalita. Wari kasi ay natumbok ng kapatid ang rason kung bakit hindi siya umuuwi sa States. Hindi siya umuuwi dahil ayaw niyang umuwi. Ginagawa niya lang rason ang trabaho.
Malalim na buntong hininga naman ang pinakawalan ng kapatid sa pananahimik niyang iyon. She was mad. She was frustrated. Sa dami ng pinagdaanan ng mga magulang ay ito lang ang handang dumamay sa mga ito knowing na mayroon pa itong isang anak.
Elise Guevara is his younger sister. Mahigit fifteen years din ang agwat ng kanilang edad. Dalawa lang silang magkapatid pero hindi sila kailanman naging close sa isa’t isa. Two years pa lang kasi after ipanganak ito noon ng kanilang ina ay tsaka na siya nagdesisyong umalis. Thru telephone lang niya ito nakikita na sobrang dalang lang din dahil hindi siya ganoon kadalas tumawag. Bagamat hindi sila close ay hindi rin naman sila nag-aaway pa o nagkakabangayan ng ganito, ngayon na lamang.
Magdadalawampu’t tatlong taon siya noon nang mapagpasyahang iwan ang pamilya sa America. Pagkatapos ng kolehiyo ay nagpasya siyang mag masteral sa Pilipinas. Originally, that’s not what he wanted. Dahil kung papipiliin siya mas preferred niyang kunin ang masteral sa ibang bansa dahil mas advantage iyon para sa kanyang karerang kinukuha na pagiging isang batikang Doctor. Pero para lamang makawala sa anino ng mga magulang, which is matagal na niyang gustong gawin, ay mag-isa siyang pumunta sa Pilipinas upang magsimula ng bagong buhay. It was his own choice, at kahit hindi iyon inayunan ng mga magulang, wala ang mga itong nagawa sa kanyang naging desisyon.
“Tell me. Ano ba talaga ang nangyari sa inyo? Bakit ganyan mo na lang tratuhin si Papa? Kahit nga si Mama cold ka rin. Baka naman this time masabi mo na sa akin ang reason. It’s been decades kuya, I’m old enough to know,” saad nito. “You know what’s funny? Dumating ako sa age na ganito na wala man lang akong kaalam-alam sa kung anong puno’t dulo ng problema ng sarili kong pamilya.” sinundan nito iyon ng sarkastikong pagtawa.
“Enough!” pagpuputol niya sa nakakalokong pagtawa ng kausap. “Pag-iisipan ko kung uuwi ba ako, but right now I still have a lot of things to do here. Kung ano man ang gusot na namagitan sa amin nila Mama at Papa, labas ka na doon. Just let it be. Tutal wala naman na si Papa, let's just move on.”
“You know what! You’re a piece of sh*t! Para ano pa na naging kapatid mo ako kung i-treat mo ako ng ganyan! I get it! Matagal na iyon kaya hindi ko na kailangan pang malaman, but the hell, I exist too! Parang hindi ako parte ng pamilya para isangtabi n’yo ako sa tuwing pag-uusapan ang problema ninyo, and that’s so unfair!” sigaw ulit nito sa kabilang linya.
“Bakit kapag nalaman mo ba may magagawa ka pa?” agad niyang sagot habang pigil ang galit sa dibdib.
“Malay ko ba! And it's not the point. At least naman alam ko kung ano ang dahilan kung bakit ilang taon na kayong hindi nag-uusap. At tsaka matagal na rin naman yun, kinalimutan mo na lang sana. Whatever it is, nakapagpatawaran na sana kayo sa haba ng panahon!”
“It's easy for you to say that dahil wala ka sa posisyon ko, Elise,” tiim bagang niyang sinabi iyon habang magkasalubong ang mga kilay. Nagsimula na niyang habulin ang paghinga sa tensyong nararamdaman sa pagitan ng kapatid. Humigpit na ang pagkakahawak niya sa telepono.
“Kaya nga, ipaliwanag mo sa akin para maintindihan ko!”
“No! I can’t!”
“Why? May ginawa ba sila sa iyong masama? O ikaw ang may ginawa sa kanilang hindi nila nagustuhan? What? Make me understand!”
Sa pangungulit ng kapatid ay wala pang isang segundo’y pinatay na niya ang telepono. Kasunod noon ang sabay na paghampas ng mga kamay sa ibabaw ng lamesa habang hawak hawak pa ang kanyang phone. Narinig niya ang pag-crack ng bagay na iyon kaya wala nang pakialam na inihagis iyon sa pader ng opisina. Nagpupuyos sa galit ang damdamin niyang naitiklop ang mga kamao. Maya-maya pa ay hindi na napigilan ang sarili at pinalabas na ang galit na nararamdaman mula sa dibdib. Pinaghahagis niya ang mga bagay na mahawakan ng mga kamay. Ang gamit na laptop, ang maliit na lamp shade na nasa gilid ng lamesa, ang upuan na nasa kanyang tabi. Hindi na rin nakaligtas ang mga importanteng documents na nasa kanyang harapan. Lahat-lahat. Hanggang sa makuha niyang itumba ang mismong office desk kasabay ng pagsigaw ng malakas.
Samantala, mula sa unang palapag ay rinig ng mga kasambahay ang nangyayari sa loob ng opisina ng Don. Dali daling umakyat si Aling Rosita upang alamin kung ano at saan galing ang ingay na iyon. Doon ito nagdirediretso sa opisina ng doctor dahil alam nga nito’y busy ang lalaki sa pag-aasikaso ng mga dokumento. Agad nitong pinihit ang door knob at bunuksan ang nakasaradong pintuan. Pagkapasok ay nakita nito ang mga nagkalat na gamit ng lalaki sa sahig, samantalang ang Don ay nakatayo at nagpupuyos pa rin sa galit.
“Ay, ano bang nangyayari sa inyo Don Manuel? Okay lang ho ba kayo? Bakit nagkalat ang mga gamit ninyo? Nasaktan ho ba kayo?” Tarantang pakli nito habang tinitingnan sa paligid ang mga sari saring bagay na ipinagtatapon ng lalaki.
“I’m okay,” he said, trying to compose himself sa nangyaring pagwawala.
“Sheena! Sheena!” tawag ni Aling Rosita sa isa pang katulong na alam nitong nagmamadali rin na sumunod papunta roon.
“Po?” sagot ng dalaga na pumasok na rin sa loob ng kuwarto.
“Halika at tulungan mo akong mag-ayos dito,” utos nito. Pero bago ito magsimulang magpulot ng mga nagkalat ng mga bagay sa sahig ay bumaling muna ito sa lalaki upang mariing i-check kung nasaktan ito.
“I said I’m okay, Aling Rosita. Get out of here and leave me alone!” maotoridad na niyang utos. Kapag ganitong galit siya ay gusto niya lang ilabas ang emosyon sa kung anong makita. At madalas ay hindi niya napipigilan ang sarili, kahit mapa-bagay man o tao ang nasa kanyang harapan.
Doon ay natigilan ang matanda. Napaatras, hinagilap si Sheena na nagsisimula nang pulutin ang mga bagay na nasa floor, kinuha ang braso nito at magkasabay nang lumabas mula sa kwartong iyon.
Mabilis pa rin ang t***k ng kanyang puso sa nangyaring pagsabog ng kanyang emosyon sa pakikipag-usap sa kapatid na babae. Sinimulan niyang pakalmahin ang sarli. Nagpalakad lakad habang iginagalaw galaw ang mga kamay sa hangin na tila ba nangalay mula sa matagal na pagkuyom ng mga kamao. Mula sa gilid ng mga mata ay nakita niya sa itaas ng estante, ang isang baso na may lamang alak na wari ay nakalimutan nang inumin dahil sa ka-busy-han kanina. Kinuha niya iyon at mabilis na tinungga. Pagkatapos ay muling nagsalok, halos pinuno na niya ang baso ng alak. Bagama’t nanginginig pa rin ang kamay sa nararamdamang tensyon ay ininom nito ng walang patid ang likido sa isang basong alak na hawak-hawak.
Lumakad siya papunta sa harapan ng bintana upang tulungang pakalmahin ang sarili sa pamamagitan ng pagtanaw sa magandang tanawin sa labas. Hindi pa siya nakuntento kung kaya binuksan iyon upang makalanghap ng sariwang hangin. Pinakatitigan niya ang natatanaw na malawak na hardin. Ito, kasama ang malaking hektaryang lupain na pumapalibot sa kanyang mansion ay napasakamay niya ng walang halong tulong galing kanino man. Sariling sikap, dugo at pawis ang i-ne-nvest niya para makamit lamang ang lahat ng pinangarap para sa sarili. Walang nanggaling na suporta mula sa mga kamag-anak, kapatid at mga magulang. Kung tutuusin ay may kaya sila sa buhay, lahat ng kamag-anak niya ay nag-migrate na sa US, pero ni isang kusing ay wala siyang hiningi sa mga ito para pag-aralin siya sa prestihiyosong paaralan. He works his butt off para lang marating ang kung ano mang kinatatayuan ngayon. And he was proud of himself.
Nasa gitna siya ng pagmamasid sa mga tanaw na ari-arian nang biglang matigilan. Paano’y nakita niya ang isa sa mga hardinero at katulong sa bahay, masayang nag-uusap, na tila ba naghahampasan pa ng mga braso, habang nakaupo sa isang bench malapit sa kanyang hardin. May hawak ang mga itong tila libro, pero rinig niya ang halakhakan sa loob ng kanyang opisina. Doon ay napahugot ulit siya ng malalim na buntong hininga, kasunod ng mahigpit na paghawak sa basong kasalukuyang katiting na lamang ang laman na alak, yamot na agad iyong tinungga.
He suddenly grabbed the home phone para tumawag sa intercom sa ibaba ng bahay.
“Aling Rosita, tawagin mo si Karina at papuntahin dito sa loob ng opisina ko, ngayon din!” Saad niya.