Ang Paglilitis Sa bilugang mukha ni Perla mababakas ang isang uri ng pagkamahinahon, ang uri na kung iisiping mabuti’y maaari lamang mabakas sa wangis ng isang kerubin sa langit o di kaya’y sa mukha ng isang bagong-silang na sanggol sa lupa. Tatlong tao lamang ang naghihintay sa itinalagang huwes sa loob ng nakakandadong silid-hukuman: si Perla, ang kaniyang abogado na si Attorney Chill Makabayan, at ang taga-usig para sa Estado ng Nakar, si Fiscal Lumambayan. Kung ano ang lalim at payapa ng hinahon ni Perla na nakaupong nakaposas at nakasuot ng simpleng puting t-shirt sa lamesa ng nasasakdal, ganoon naman ang kaibhan kung ihahambing ang kaniyang katabing nakaupo rin na gamais na ang butil ng pawis na pumapatak sa noo at nagpapahamog sa lente ng makapal na antipara nito. Isang bundok ng

