Halos wala akong tulog nang gabing iyon. Paulit-ulit na sumasagi sa utak ko ang nangyari sa date namin ni Drew kaya masakit ang ulo ko kinaumagahan. Hindi sana ako papasok sa shop pero kailangan dahil maraming ide-deliver ngayon. Bantulot akong bumangon at pumasok sa banyo para maligo nang sa gayon ay mawala ang tamlay ko. Mabilis akong naligo dahil lagpas alas sais na. Iniwan ko kahapon sa shop ang kotse ko at aabutin ako ng kulang-kulang isang oras kung magta-taxi ako. Kailangan ma-deliver ang inorder ni Desiree nang eksaktong alas otso ngayong umaga. Ayokong mapahiya sa big time client na 'yon. Tingin ko pa naman ay maraming kakilala iyon kaya umaasa akong mairekomenda niya ang shop sa mga kaibigan niya. Hindi na ako nagluto pa ng almusal dahil kailangan ko pang mag-abang ng taxi sa

