Hindi na ako nagawang balikan ng tingin ni Jax nang lumabas siya sa opisina. Pagka-alis ng mag lola, umuwi na rin ako at hindi na nakapag paalam sa Senyora. Nagpasabi nalang ako kay Norma.
Pabaling baling ako at hindi makatulog sa higaan. Kahit nakapikit at nakapaglinis na ng katawan, pakiramdam ko'y naiwan sa akin ang pabango niya. Hindi ko na makalimutan ang amoy no'n. Mahina kong sinabunutan ang aking buhok. Nagtalukbong ako ng kumot at pilit na binura sa ala-ala ang nangyari.
Kinaumagahan, muntik ko nang makalimutan ang tungkol sa pagkabutas ng salawal ko. Mas tumatak sa akin ang nangyari sa amin sa unang araw ng pagtuturo ko sa kanya. Wala sana akong balak na pumasok dahil sa kahihiyan, napilitan lang ako nang sunduin ako ni Harry sa bahay. Pag-uusapan daw ang tungkol sa budget, ako ang may hawak ng pera kaya't hindi ako pwedeng mawala.
Bakit nga ba hindi ko kaagad naisip na mas mataba iyon kaysa sa lamp na nahulog? Nawalan lang ng ilaw, nawala na rin yata ang lahat ng pakiramdam ko! Unang beses kong makahawak no'n at hindi ko alam na ganoon pala iyon katigas. Hanggang paggising ko nga'y pakiramdam ko, hawak ko pa rin siya't kung ano anong pumapasok sa isip ko.
Oo at mabango siya dahil sa suot niyang mamahaling pabango at natural na mabango rin ang hininga. Napatunayan ko iyon habang nasa ilalim kaming dalawa ng book shelves at magkapatong. Subalit hindi ibig sabihin na mabango at gwapo siya'y mag-iiba na ang tingin ko sa kanya. Hindi ko pa rin siya gusto at hindi ko siya magugustuhan.
"Malakas siguro ang paparating na ulan?" Si Irene nang mapuna ang makulimlim na langit. Hindi pa man tumitirik ang araw ay natabunan na iyon ng madilim na ulap.
Hindi nga nagtagal, sa pangalawang subject, bumuhos na nga ang malakas na ulan. Maraming nagreklamo dahil walang mga dalang payong habang ako'y pinagmamasdan ang malalaking patak ng ulan. Nagbuntong hininga ako, naisip ko lang na malaki, iba na kaagad ang tumatakbo sa isipan ko.
"May dala ka bang payong? O magpapasundo ka kay Tito Gary?"
Tiningala ko si Harry'ng nasa harapan ng upuan ko. Hindi ko namalayan ang paglapit niya dahil sa lalim ng iniisip ko. Matagal ko pa siyang tinitigan bago ako nakasagot.
"Magpapasundo nalang ako kay tatay," sabay abot sa bag upang hanapin ang telepono at makapag pasundo.
Napakunot noo ako nang hindi mahanap ang telepono kahit anong pagkapa ang gawin ko. Balak kong magpasundo kay tatay dahil sa tuwing umuulan, gano'n ang ginagawa ko, susunduin niya ako at mayroon dalang extra na payong para sa akin.
Matagal na paghahanap pa bago ako sumuko at natanto na wala talaga. Saglit akong natulala sa loob ng bag. Tsaka ko lang naalalang ibinato ko nga pala kay Jax kahapon ang telepono ko! Nasa sasakyan niya iyon! Hindi ko masiyadong napagtuunan ng pansin na wala sa akin ang telepono dahil madalang naman akong gumamit no'n. Kung hindi ko kinailangan ngayon, hindi ko pa maaalala ang ginawa kong pagbato kay Jax.
"Naiwan mo ang cellphone mo? Pwede kang sumabay nalang sa akin-"
"Hindi na, Harry! Napailaliman lang siguro! Hahanapin ko nalang ulit mamaya! May pupuntahan lang ako bago magpasundo kay tatay!" sinasabi ko iyon habang marahan na tumatayo at inaayos ang mga gamit
Wala pa man, nag-aalala na ako kung paano ko haharapin si Jax na walang makakakitang magkausap kami. Hindi rin ako sigurado kung nasa kanya ba ang telepono ko o naroon pa rin sa sasakyan niya at hindi niya nakita. Nagmadali ako lalo at bago pa ulit mang-usisa si Harry, lumabas na ako sa classroom.
"Makikipaghiwalay ka?!"
"No! How can I break up with you if we don't have a relationship?"
"Ikaw ang nakauna sa akin! Ang sabi mo mahal mo ako-"
"Kailan ko sinabi iyon? I never said that! What made you think you are my girlfriend? Who the hell told you I'm in love with you? I have no plans to fall in love, Maya! Ang sinabi ko sayo, kung gusto mong maulit ang ginawa natin, huwag mong ipagsasabi kahit kanino-"
"Wala akong sinabihan! Sinunod kita! Kaya bakit nakikipaghiwalay ka?"
Pabagsak na sumandal si Jax sa pader. Tumingala siya at pumikit ng mariin. Umawang ang mga labi niya at problemadong nagbitaw ng malalim na paghinga. Pagdilat niya'y humagulgol sa harapan niya si Maya at nakikiusap na huwag siyang hiwalayan.
Ang plano ko ay magpunta sa classroom ni Jax para makausap siya at makuha ang cellphone ko. Iba na naman yata ang masasaksihan ko. Paliko sa corridor na papunta sa classroom nila Jax ay naroon si Maya na umiiyak. Nasa harapan niya si Jax na nakapamulsa, nakasabit sa kanang balikat ang hinubad na polo, basa ang buhok at base sa itsura ay mukhang naabutan siya ng ulan sa field.
"I'm not breaking up with you! Bakit hindi mo maintindihan-"
Laglag panga at pigil singhap kong pinanuod si Maya na lumapit kay Jax. Pinigilan niya ito sa pagsasalita sa pamamagitan ng paghalik. Hindi siya itinulak ni Jax. Ni hindi nito inalis ang mga kamay na nakapaloob sa bulsa. Nag-iwas ako ng tingin dahil pakiramdam ko'y alam ko na ang sunod na mangyayari.
Tulala akong naglakad palayo, naguguluhan kung bakit nakaramdam ako ng kaonting galit sa nakita ko. Siguro nagagalit ako dahil sa loob ng school niya na naman ito ginagawa? Masiyado akong apektado sa nangyari sa opisina ng Don, samantalang si Jax, wala lang sa kanya iyon dahil sanay na siya.
Palabas na si Harry nang matanaw niya ako. Sumabay na ako sa kanya at hindi na bumalik kay Jax para kunin ang cellphone ko. Pagka-uwi sa bahay, tinanong ako ni tatay kung bakit hindi ako nagpasundo. Nang malaman na kasabay ko si Harry, hindi na rin naman nag-alala.
Sa sumunod na araw, wala akong ganang pumasok. Pinilit ko nalang na bumangon kahit gusto ko pa sanang matulog at damhin ang lamig ng panahon. May kalakasan pa rin ang ulan kaya't may bitbit akong payong. Hindi ko kasabay si Harry ngayon sapagkat nauna siya dahil kinailangan siya sa school.
Naglalakad ako at palapit pa lang sa arc ng school nang matanaw ko si Jax. Nakasilong siya sa waiting shed sa labas. Nakasuot ng jacket at nakahalukipkip. Nasa itsurang nilalamig ngunit nang matanaw ako'y tinakbo niya ang ulan palapit sa akin. Halos mag-isang linya ang mga labi ko at kasing lamig ng ulan ang mga mata kong pinanuod siyang unti unting lumalapit.
Napairap ako nang hindi niya ako binigyan ng pagkakataon na tumanggi nang agawin niya ang bitbit kong payong. Napangisi siya sa nakitang pagsimangot ko. Magkaharap kami. Pailalim ang tingin ko sa kanya habang siya'y nakayuko at nasa mga matang kagigising lang. Nanatiling Nakasilid ang isang kamay niya sa bulsa ng kanyang jacket at ang isa pang kamay ay hawak ang payong ko para hindi kami mabasa. Mas malaking parte ng payong ang nasa akin.
"You left your phone in my car."
Nakatingala ako dahil mas matangkad siya. Hindi ko na binawi ang payong ko sa kanya at niyakap nalang ang bag ko para hindi mabasa. Inilahad ko ang isa kong kamay. Sinulyapan niya iyon at muling tumingin sa mga mata ko.
"Nasaan na? Akin na-"
"Nasa sasakyan. Mamayang uwian ko na ibibigay," nakataas ang kilay at nakangising putol niya.
Pairap akong nag-iwas ng tingin. Bakit pa niya sinabi kung hindi niya naman pala dala? Muling namuo ang hindi maubos ubos na irita ko para sa kanya nang maalala ang nasaksihang halikan nila ni Maya kahapon. Tiningala ko ulit siya at mabilis na inagaw sa kanyang kamay ang payong ko. Agaran ang pagrereklamo niya at sinubukang makipag-agawan.
"Nababasa ako! Ako na ang magpapayong sa ating dalawa-"
"Ayokong may makakitang estudyante sa atin na magkasama tayo! Tumakbo ka kung wala kang payong!"
Lumayo ako sa kanya at tinaasan siya ng kilay. Mabilis na nabasa ang buhok niya at suot na damit. Sinubukan niya ulit na makisilong kaya't umatras ulit ako para ipagdamot ang payong ko.
"s**t!" mura niya nang mas lalong lumakas ang ulan na naging dahilan ng lalong pagkabasa niya.
Mahina akong natawa sa itsura niya. Ang isang kamay niya ay nakapatong sa ibabaw ng kanyang ulo. Kahit dalawang kamay pa ang gamitin niya'y siguradong mababasa siya sa lakas ng ulan. Walang awa akong nanguna sa paglalakad at iniwan siya. Nangingiti at napapalabi ako dahil ramdam kong nakasunod siya sa aking likod kahit malakas ang ulan. Ilang beses ko pa siyang narinig na nagmura at sa huli'y wala na rin siyang nagawa kundi ang lagpasan ako at tumakbo bago pa tuluyang mabasa ang buo niyang katawan.
Pagkasilong niya sa building, basang basa na siya. Kagat ang ibabang labi niyang hinubad ang kanyang nabasang polo. Itinaas niya ang kanyang isang kamay at ginulo ang basa niya ring buhok upang tuyuin iyon. Nakatitig siya akin na marahang naglalakad sa ilalim ng ulan. Kahit nang isarado ko na ang payong, hindi niya ako nilulubayan ng tingin. Maagap siyang sumunod nang lagpasan ko siya. Mabuti na lang at walang masiyadong estudyante kaya't hinayaan ko na siya sa ginawang pagbuntot.
"Bakit ayaw mong may makakita sa ating estudyante?"
Pagilid ko siyang nilingon. Nakataas na kaagad ang mga kilay ko hindi pa man ako nagsasalita.
"Itatanong mo talaga iyan? Hindi kita kaibigan, Jax, at lalong nakakagulat kung makikita nila tayong magkasama-"
"Iyan ba talaga ang dahilan mo? Or maybe you are avoiding me because you can't forget what happened in Lolo's office? Apektado ka ba? Hindi mo na ba makalimutan kung paano mo akong hinawakan?"
Awtomatikong nagpreno ang mga paa ko sa paglalakad. Nahinto rin siya dahil nakasunod siya sa akin. Oo nga't hindi ko makalimutan! Hindi ako araw araw na nakakahawak no'n kaya paano ko makakalimutan kaagad?! Pero hindi ko iyon aaminin sa kanya kahit putulin niya pa ang lahat ng mga daliri ko sa aking kamay at paa!
Hinarap ko siya pagkatapos igala ang mga mata sa paligid upang alamin kung may mga nakarinig ba sa sinabi niya. Nang walang makita'y doon ko pa lang siya tuluyang nilapitan. Hinampas ko siya sa kanyang tiyan na mabilis kong pinagsisihan. Matigas iyon at ako pa ang mas nasaktan. Hindi ko ipinahalatang nasaktan ako ngunit sa nakikita kong ngisi niya'y mukhang alam niyang nasaktan ang kamay ko. Sa halip tuloy na hampasin ko ulit siya'y itinuro ko na lang ang sarili ko.
"Ako ba talaga ang hindi makalimot? O baka ikaw? Kasi ikaw ang nagpa-alala!" napatingin siya sa kamay ko nang dinuro ko siya sa kanyang dibdib. "Hindi kita iniiwasan, Jax! Kailan ba tayo nag-uusap sa school? Hindi ba't sa tuwing may kinakasangkutan ka lang naman na gulo? Hindi porket pinakiusapan ako ng Senyora ay kailangan na kitang kaibiganin sa loob ng paaralan!"
Natahimik siya ngunit pansin ang pagtiim bagang. Tinalikuran ko siya't masama ang loob na binuhat ko ang aking mga paa para tumungo sa unang klase. What I told him is true. He was not my friend and I did not even consider him schoolmates. Bago kami mag-usap ng Lola niya, gusto ko siyang mapatalsik dito. Nagkausap lang kami ang dami nang nangyari, pagkatapos ngayon inaakala niya yata na magiging close kami?
Naisip ko ring kausapin ang Senyora na kung maaari ay sa school nalang ako magtuturo sa apo niya. Mahihirapan akong magdahilan kay nanay kung sa mansion ako magtuturo. Kung dito sa school, pwede kong idahilan ang meetings o ang practice sa cheerleading. Hindi ko na yata kakayanin kung maulit pa ang nangyari sa opisina ng lolo niya. May ilang tagong lugar naman dito at kadalasan ay wala nang natitirang mag-aaral kapag uwian na.
"Sila Jaxsen!"
Nasa isinusulat sa notebook ang atensyon ko. Napa-angat lang ako ng tingin nang marinig ang pangalan niya. Nakasandal siya sa hamba ng pinto. Actually, marami silang nasa harapan. Napakunot noo ako at hinintay ang paliwanag ng guro.
"Nabaha ang mga classroom sa ibaba. Dito muna sila sa kwarto niyo pansamantala habang hindi pa nalilinis iyon."
Hindi pa natatapos ang guro sa sinasabi niya'y nagsisimula nang malukot ang mukha ko. Nang balingan ko si Jax ay nahuli kong nakalabas ang biloy niya dahil sa malaking ngisi. Sa akin siya nakatingin. Napairap ako at napailing bago ibinalik ang tingin sa isinusulat.
Hindi nagtagal, pinaupo na sila. Nagbuga ako ng nagpapasensyang hangin nang marinig ko ang sunod sunod na ingay ng upuan sa aking likuran. Narinig ko ang boses ni Peter kaya't nasisiguro kong grupo nila ang naupo roon.
Tahimik noong una ngunit nang magbigay ng maikling pagsusulit ang guro ay nakaramdam ako ng kalabit mula sa aking likuran. Ayon sa guro ay nabasa sa baha ang lahat ng pina-print na short quizes at exams kaya't sa papel ngayon isusulat ang mga sagot. Hindi ko pinansin ang nangangalabit. Akala ko'y titigil na siya ngunit nagulat nalang ako nang may maramdamang mainit na hininga sa aking batok. Napalayo ako at kahit labag sa loob ay nagawa ko siyang lingunin.
"Ano?!" halata sa mukha at boses ko ang sobrang pagka-irita.
"Pahingi akong papel," ginulo niya ang kanyang buhok at binasa ng dila ang mga labi.
"Hindi ka magdadala ng gamit, tapos ngayon manghihingi ka?"
"Buti nga pumasok pa ako-"
"Kailangan ko pa bang ipagpasalamat na pumasok ka? Pumasok ka nga, wala ka naman dalang gamit! Sana hindi nalang! Hindi mo ako alipin! Manghingi ka sa iba!"
"Ang damot nito," bulong pa niya nang muli ko siyang talikuran.
Mayroon nang mga naunang tanong pero hindi ako makasagot dahil nakokonsensya sa hindi ko pagbigay ng papel sa kanya. Hindi naman kasi siya nanghingi sa iba at sa akin lang. Kung hihingi siya sa mga malapit na babae, baka buong laman ng bag pa nila ang ibigay nila.
Hindi ko siya narinig na nanghingi sa iba kaya't patago ko siyang sinulyapan sa likuran. Tamad siyang nakasandal sa sandalan ng upuan. Bahagyang nakabaluktot ang katawan at nasa kamay ay ang ballpen na pinaglalaruan.
Ang mapulang labi niya'y bahagyang naka-awang. Makapal ang mga kilay at mahaba ang mga pilikmata. Nagbuntong hininga ako at pumilas ng papel. Lahat ng kagrupo niya'y idinamay ko na rin. Inabot ko iyon sa gilid na hindi siya tinitignan. Mabilis namang may kumuha no'n sa kamay ko at sunod kong naramdaman ay ang mainit na naman na hininga niya sa aking batok.
"Thanks, Clementine."
Napalunok ako at pinilit sumagot kahit nagkasabit sabit na ang isip ko.
Nang pumasok ang sumunod na professor para sa panibagong subject, nawala na rin sa isipan kong nasa likuran lang si Jax. Nagtali ako ng buhok nang mapadaanan ng kamay ang mga buhok ko at matantong tuyo na iyon.
Sunod sunod na ang pagpapalit palit ng mga guro. Ang iba pa'y hindi ko naman professor sa ibang subject ngunit dahil naghalo halo na rin ang mga estudyante rito, ganoon na rin tuloy ang mga guro. Ilang araw kayang ganito? Marami yatang kailangan ayusin sa ibaba. Nasa second floor kami at marami ang estudyante kaya hindi kami pwedeng magreklamo na masikip. Isa pa, kaonti lang kami sa kwartong ito bago lumipat sila Jax.
"Hulihin niyo! Dakmain niyo kasi!"
Napatayo ako nang makitang nagkakagulo sila sa harapan. Sa kumpol na naroon ay nasilip ko ang malaking palaka. Siguro'y naka-akyat ito sa second floor at dito pa napiling pumasok.
"Ikaw kaya ang gumawa! Ang laki laki niyan e!"
"Ayoko nga! Baka mangagat iyan!"
"Hindi nangangagat iyan, tanga! Tutuklawin ka lang!"
"Bakit manunuklaw? Ano iyan, ahas?"
Nag ingay ang tawanan ng mga kaklase namin dahil sa pagsasagutan nila Irene at Cathy. Napansin ako ni Irene na nakatayo at nakikisilip sa nangyayari. Nanlaki ang mga mata niya at nagsimulang maglakad palapit sa akin.
"Ito si Clementine! Magaling ito mandakma! Hindi ito takot! Sa daga lang ito takot pero hindi sa palaka!"
Laglag panga ko siyang sinamaan ng tingin. Hindi na ako naka-angal nang hilahin niya ako sa braso upang ilapit sa palaka na pinagkakaguluhan nila.
"Clementine, dakmain mo na! Baka makalayo pa!"
Kanya kanya na sila ng sigaw sa akin nang gumalaw ang palaka. Ang mga lalaki ay natatawa lang. Samantalang ang mga babae ay mga nagsitungtungan na sa kani-kanilang upuan.
"Bakit ako? Ang dami dami niyo rito sa harapan-"
"Ayaw namin-"
"Ayoko rin!" Sigaw ko dahil pinapamulahan na ako ng pisngi. Iba yatang dakma ang pumapasok sa utak ko.
Pilit kong kinalas ang kamay ni Irene na nakahawak sa braso ko. Papabalik na ako sa upuan nang marinig ko ang malakas na halakhak ni Jax.
"Si Clem? Magaling talagang dumakot iyan!"
Nakaupo na siya sa desk ng lamesa niya at nakapatong ang isang kamay sa kanyang tiyan dahil sa sobrang pagtawa. Bahagya rin siyang namumula at naluluha. Halatang tuwang tuwa sa nangyayari.
"Magaling? Ako?" halos hindi bumuka ang mga labi na tanong ko. Mariing nakasara ang mga ngipin ko.
"Oo! Hindi mo na ba maalala? Nahawakan mo 'yung ano... 'yung desk lamp?" lalo siyang bumunghalit ng tawa.
Nagdidilim na ang paningin ko sa kanya lalo pa't nakakaasar ang malutong na tunog ng kanyang halakhak. Marahan akong tumango at tinignan ang palaka. Ibinalik ko ang tingin kay Jax at nginitian siya.
"Ah..." mabagal na sabi ko. "Okay," pagkatapos kong sabihin iyon ay nilapitan ko ang palaka.
Walang salita at walang pandidiri na hinawakan ko iyon. Napasinghap ang ilan sa mga babae. Hindi nawala ang malakas na halakhak ni Jax. Tumayo ako ng maayos at padarag na humarap kung saan siya nakaupo.
Nakakasugat sa talim ang tingin na inalay ko sa kanya. Para akong mamamatay taong may balak patayin. Ang kaibahan lang ay hindi matulis na bagay ang hawak ko kundi palaka na buhay. Nagtama ang tingin namin ni Jax.
Nahawi ang mga kaklase ko nang magsimula akong humakbang palapit sa kanya. Ang malakas na tawa niya'y biglaan ang paghinto. Ang malaki niyang ngisi ay natunaw na parang yelo. Unti unti iyong natunaw hanggang sa tuluyang mawala.
Nagtataka niyang tinignan ang palakang nasa kamay ko at nang muling ibalik sa aking mga mata ay namutla siya. Napatayo siya mula sa pagkakaupo sa desk at napaatras.
"Clementine? Anong gagawin mo?"
"Ano ba sa tingin mo? Ipapakita ko sayo kung gaano ako kagaling dumakot."
"B-bakit ka lumalapit?" salitan niyang tinignan ang mga mata ko at ang palaka. "H-hindi na ako tatawa, okay? Bitawan mo iyan!"
Sa halip na sundin siya'y napangisi pa ako dahil sa reaksyon niya. Takot ka pala sa palaka ha?
Mas lalo kong binilisan ang paglalakad na hindi inaalis ang tingin sa kanya. Muntik pa siyang mabuwal nang mapatid sa isang upuan. Nang umikot siya'y hinabol ko siya. Nagsimula na kaming maghabulan paikot sa mga upuan. Iyon ang ginagawa niyang harang para hindi ako tuluyang makalapit at kulang nalang ay ibato niya sa akin iyon.
Nang makalapit siya sa kanyang mga kaibigan, nagtago siya sa likod ng mga ito. Tinawanan lang siya ng mga kaibigan niya at pinagtulungan pa na ilapit sa akin.
"Tangina!" malakas na mura niya nang makitang ilang hakbang nalang ang layo ko. Wala sa akin ang tingin niya kundi nasa palakang hawak ko.
"Clementine!" natatarantang bulyaw niya nang mahuli ko siya sa damit.
Itinulak ko siya. Bumagsak siya sa sahig. Mabilis ko siyang pinatungan upang hindi siya makatayo. Ang magkabilang tuhod ko ay nasa magkabilang gilid ng bewang niya. Hinuli ko ang isa niyang kamay nang subukan niya akong itulak. Sobrang putla niya at mukhang nanghihina kaya't hindi ako maitulak ng malakas.
"Do you want to meet your princess, Jaxsen? Kailangan mo siyang halikan para maging prinsesa mo," sabay lapit ng palaka sa mukha niya.
Natatawa ako maging ang mga kaibigan niya. Ang mga babae naman ay napapatili sa unti unting paglapit ng palaka sa kanyang labi.
"Oh f**k! Ilayo mo iyan, Clementine!"
Umiling ako at natatawa sa takot niyang itsura. Nasa bewang ko ang malayang kamay niya at marahan akong pinapalayo. Padiin ng padiin ang hawak niya sa bewang ko habang papalapit ng papalapit ang palaka.
"Do you remember what you told me, Jaxsen? Na paparusahan mo ako ng halik kapag sinampal kita ulit? Well, this is my kind of punishment for you for annoying me non-stop!"
Pumikit siya ng mariin at maiging isinara ang kanyang mga labi. Hindi na siya nakagalaw at nanigas na sa ilalim ko. Handang handa na akong pahalikan siya sa palaka kung wala lang nagsalita.
"Ms. Alvarina, let that frog go," malambing na boses ang pumigil sa akin.
Pagtingin ko kung saan nanggaling iyon ay nakita ko si Ms. Abadiano na kakapasok lang sa loob ng classroom.
Napalabi ako at walang nagawa kundi pakawalan ang palaka. Pinanuod ko 'yung tumalon talon palabas at mukhang na-stress sa ginawa ko. Kinagat ko ang aking ibabang labi at saka lang naalala ang pwesto namin ni Jax nang ibalik ko sa kanya ang tingin.
Nakapatong ako sa kanya. Nakahiga siya kanina. Ngayon ay nakaupo na siya. Ang mga kamay niya'y nakatukod sa kanyang likuran bilang suporta sa kanyang katawan. Seryoso ang mga mata niyang nakatitig sa akin. Nasa mga mata ko ang tingin niya at unti unti ang pagbaba no'n sa kagat kagat kong labi. Pagbalik niya ng tingin sa mga mata ko, nagsalita siya.
"Can you be that frog, Clementine? Can I kiss you instead?" paos ang boses niya at namumungay ang mga matang muling ibinagsak ang tingin sa mga labi ko.
-----Miss IYA-----
CHAPTER 09 AND 10
PUBLISHED NOW