CHAPTER THREE:
Pinilit ko pa ring umuwi no’ng gabing iyon at kinabukasan ay maaga akong nagising para magluto ng kakainin nila kahit masama ang pakiramdam ko ay bumangon talaga ako. At marami pa kaming lulutuing handa dahil piyesta ngayon.
Dito sa Baryo Ilog ay nagdidirawang talaga mga tao sa piyesta dahil sa ilog lahat naliligo at do’n din nagluluto ng mga baboy o manok na inasal. Tinulungan kong magpaapoy si Nanay at sina Tatay Arnel ay nag-impake na ng gamit nila.
“Babalik ako ha, secure ko lang ang lugar natin doon baka mawalan tayo ng puwesto. Astrid, ‘wag mo kalimutan ang payong,’ habilin pa niya. Tumango naman ako at bumalik na sa trabaho ko. Halos buong baryo ay naghahanda talaga at doon sa ilog sine-celebrate ang piyesta.
Dalawang putahe na lang at tapos na kami ni Nanay at makakapaghanda na rin kami ng mga gamit. Si Tatay naman ay unti-unti nang dinala ang mga pagkain sa puwesto namin. Si Caitlyn ay nauna na doon para magbantay.
Excited na akong maligo sa ilog at excited na akong ipagdiwang ang piyesta ngayon.
“Oh, naisama mo na ba ang porkchop para mamaya?” tanong ni Tatay sa akin at tumango naman ako. “Pagdating natin, ihawin mo agad ha? ‘Yan kasi ang pulutan namin ni Estong,” dagdag pa nito.
“Opo.” ‘Yun na ang sinagot ko at wala nang iba pa. Ayokong makipagplastikan.
Maya-maya pa ay nakarating na kami sa puwesto namin at madami ng taong abala sa pagsugba ng kanilang mga pagkain. Mausok na ngayon sa paligid at pumunta muna ako sa tubig at dinamdam ang malamig na agos nito.
“Hoy! Mamaya ka na diyan. Marami ka pang trabaho!” Napalingon ako nang tawagin na naman ako.
“Ayoko na si Nanay mo ang gumagawa nito, naiinindihan mo? Hayaan mo na muna siyang magpahinga.” Tumango lang ako,
Buong akala ko ay mae-enjoy ko ang piyesta pero nagkakamali pala ako. Sandamakmak na baboy ang inilagay sa akin at lahat ‘yun ay pinaihaw nila sa akin. Tinitingnan ko na lang sina Caitlyn at nang mga barkada niya na nag-e-enjoy sa paglangoy habang ako naman ay inggit na inggit at gusto ko nang tumalon papunta sa kanila ngayon.
“Uy! Ba’t natulala ka na naman!” Nagulat ako nang biglaang nagsalita si Roxxane sa likod ko.
“Oh? Roxxane!” masayang niyakap ko siya at nagkita din kami sa wakas.
Namangha ako sa itsura ni Roxxane. Lalo siyang gumanda at talagang kuminis ang balat niya at pumuti.
Kaibigan din namin ni Andrew si Roxxane at halos magkapatid talaga kaming tatlo noon pa man. At ngayon, masaya ako na may kasama ako mamaya sa pagligo.
“Si Andrew? Nasaan siya?” paghahanap pa niya kay Andrew. E, kahit nga ako hindi ko pa siya nakikita. Nasaan na kaya ‘yon?
“Ewan ko nga rin, baka mamaya magpapakita na ‘yon,” sagot ko naman. “Sama tayo maligo mamaya, ha?” pagyaya ko pa sa kaniya.
“Sige, tapusin mo na ‘yan at maliligo na tayo. Balikan kita, ha?” At umalis muna siya para kumain na rin sa kanilang puwesto.
Kumain muna kami nang sabay at si Caitlyn lang ang wala. Mabilis lang na kumain si Tatay Arnel at may mga dumaraan namang kaibigan si Nanay at niyaya itong kumain sa amin. Dito kasi sa baryo, kapag pista, kahit saan ka rito dadaaan ay papakainin ka talaga at hindi ka makakatanggi. Kasi naman, niyayaya ka pa lang ay nakasandok na sila ng kakainin mo.
Mamayang hapon naman ay may float river parade. Magpapagandahan sa balsang ginawa nila kung saan dito rin sa ilog gaganapin. May premyo din ang mananaliong pinakamagandang balsa. Sa gabi naman ay may search for Ms. Ilog at may konting entertainment galing sa mga komedyante.
Pagkatapos kong kumain ay balik ihaw na naman ako at nakita kong sumenyas sa kabilang bahagi ng tabing-ilog si Andrew. Nakaupo lang siya sa bato at kanina pa pala niya ako pinagmamasdan. Sumenyas din ako na maliligo kami ni Roxanne at tumango naman siya.
Pagkatapos kong mag-ihaw ay hinintay ko si Roxxane at nauna na akong lumubog sa tubig. Hindi ako makakapaghintay kasi nararamdaman ko na ang init ng araw sa katawan ko. Galing pa naman ako sa apoy.
Malamig ang tubig at talagang napakalinis. Kitang-kita ang kailaliman nito. Hindi ako marunong lumangoy kaya medyo nasa ibabaw lang ako at hindi ako pumailalim.
“Astrid! Halika dito.” Lumingon ako at tinatawag ako nila Caitlyn.
“Ayoko, hindi ako marunong lumangoy, e,” tumanggi ako pero mapilit si Caitlyn.
“Bilis na! Hindi naman malalim dito,” sabay irap pa niya. “Bilis, hahawakan kita.” Pinuntahan niya ako at nagdadalawang-isip pa akong sumama nang inilahad niya ang kamay niya sa akin.
Tiningnan ko siya at nakangiti lang siya. Minsan lang akong niyaya ni Caitlyn at baka dito pa kami maging magkaibigan. Humawak ako sa kamay niya at dahan-dahan kaming pumagitna. Maya-maya pa ay abot ulo ko na ang tubig at paika-ika na ako.
“Caitlyn, balik na tayo,” sabi ko pa habang palubog na ako.
Nagulat ako nang binitawan niya ako at agad naman siyang umalis sa tabi ko. Ang lalim na pala nitong parte ng ilog at hindi ko na alam ang gagawin ko. Malulunod ako!
Pilit kong ginagalaw ang paa at kamay ko para hindi malunod pero mahirap makipaglaban sa tubig. Lalo na't malakas ang daloy ng ilog kaya hindi ko makaya.
“Tulong!” sigaw ko.
Paahon-ahon ako para kumuha nang hangin at oara hindi ako lumubog. Napaka lalim at hindi maabot ng nga paa ko. Rinig na rinig ko pa ang tawa at halakhak ng mga kaibigan ni Caitlyn.
Tulong!” patuloy ako sa pagsigaw hanggang sa may nakapansin na pero lahat sila ay nakatayo lang.
“Arnel, ang inaanak mo, nalulunod!” sigaw pa ng kumare niya pero parang wala lang sa kaniya at patuloy lang siya sa pag-inom. Saktong umalis naman si Nanay kaya wala siya rito.
“Tulungan n’yo ako!” Parang mawawalan na ako ng hininga at marami na akong naiinom na tubig. Maya-maya pa ay may bumulusok sa tubig at agad akong hinawakan pero nang maiahon ako ay wala na akong lakas.
“Astrid!”