CHAPTER TWO:
“Hindi ka ba nagugutom? Kaninang recess hindi ka rin kumain,” nag-aalalang tanong ni Andrew sa akin habang naglalakad kami.
Pauwi na rin kami at kakatapos lang matapos ang klase namin.
“Hindi, okay lang ako,” sagot ko pa.
Maya-maya pa ay nadaanan na naman namin ang matagal na naming pinapangarap na kainan. Halos araw-araw ay tumitigil muna kami sa tapat ng Jollibee at pinagmamasdan ang kumakaing mga customer. Paborito naming dalawa ni Andrew ang yum burger ng jollibee. Nagsasayang kami ng trenta minutos para lang manood at magkwentuhan sa tapat nito.
“Tara kain tayo?” nakangiti niyang paghila sa’kin. Pero ako hindi ko ma-gets ang sinasabi niya.
“Ha? Wala akong pera dito.”
“Di ba sabi ko, mag-iipon ako?”
Tiningnan ko siya at talagang tinupad niya ang sinabi niya. Tatlong linggo daw siyamng hindi mag-aaksaya ng baon para makapag-ipon ng trenta pesos pambiling dalawang yum burger.
“Kung ako sa ‘yo, ibili mo na lang ng bigas ‘yan. At saka saan ka kumuha niyan?” kunot noo kong tanong sa kaniya.
“Siyempre, nakapagbenta ako kahapon ng talbos ng kamote,” ngumisi pa siya sa’kin.
Si Andrew na lang mag-isa ang bumubuhay sa sarili niya dahil matagal nang yumao ang nanay niya at ngayon ay hindi pa niya nakikita ang tatay niyang matagal na niyang hinahanap. Binubuhay niya ang sarili niya sa pagbebenta ng talbos ng kamote at doon din siya kumukuha ng panggastos niya araw-araw.
“Baka kung san mo kinuha ‘yan,” pagpipigil ko para hindi na siya gagastos pa.
“Uy, alam mong kahit mamatay ako sa gutom, hinding-hindi ko gagawin ‘yang iniisip mo,” sagot pa niya at tinapik pa ako sa noo.
“Mapilit ka talaga e, ‘noh.”
First time naming makakabili ng yum burger at talagang tumupad si Andrew sa sinabi niya na siya ang unang manlilibre ng yum burger. At excited na akong matikman ito.
Umupo kami sa loob at talagang manghang-mangha ako at feeling customer talaga ako na maraming bibilhin pero iisang yum burger lang pala kami. Sa halagang trenta pesos ay dalawang burger na ang mabibili no’n.
Pagdating ni Andrew na dala ang dalawang yum burger ay nag-picture muna kami gamit ang de keypad kong nokia phone. Regalo ito ni Andrew sa ‘kin noong 18h birthday ko. Pagkatapos naming mag-picture ay may pa-wacky pa kaming nalalaman. Hanggang sa loob ng ilang taon ay natikman na rin namin ang matagal na naming inaasam at nilalanghap na burger.
Hindi kami nagtagal at naglakad-lakad kami sa labas pauwi habang inuubos ang burger. “Salamat dito, ha? Sa susunod, ako naman ang manlilibre,” sabi ko pa habang lamon ko ang burger ko.
“Sige, aasahan ko ‘yan,” sagot niya habang punong-puno ng pagkain ang bunganga niya.
Maya-maya ay malapit na kami sa bahay ay nag-iba na kami ng direksyon at baka makita pa si Andrew ni Caitlyn at magsumbong na naman. “See you tomorrow,” huling salita niya bago kami nag-iba ng dinaanan.
Pagpasok ko sa bahay ay ramdam ko ang tensyon at halatang nagsumbong na naman si Caitlyn. At nakataas na ang kilay ni Tatay Arnel at nanginginig na ang labi ni Nanay. Nakita kong nakangisi na si Caitlyn at handa na siyang tumawa sa oras na tumama sa’kin ang hawak ni Tatay Arnel na walis tambo.
“Saan ka kumuha ng pera pambili do’n?”
“Ho? Hindi sa ‘kin galing ang perang pinambili naming,” pagdedepensa ko.
“Ang ayaw ko sa lahat ay ang sinungaling!” Isang hampas pa lang ng tambo ay napaliyad na ako sa sakit.
“Arnel, hindi ko nga siya binigyan ng pera!” naiiyak nang pagpipigil ni Nanay.
“Tabi!” pagpapaalis niya kay Nanay at walang nagawa si Nanay.
“Di ba sinabi ko sa ‘yo na ayaw kong sumasama ka sa Andrew na ‘yan!?”
Tiningnan ko si Caitlyn at vini-video pa niya ang paghampas sa akin habang tawang-tawa naman siya sa ginagawa niya.
“Tay, magkaibi--” Hindi pa ako nakakapagsalita ay isang tama na naman ang dumapo sa likuran ko. At sobrang hapdi niyon na tuluyan nang nagpakawala ng luha sa mga mata ko.
Twenty years kong tiniis ang sakit at hapdi na dinanas ko, ngayon pa ba ako susuko? Konting tiis na lang, Astrid at makakalaya ka rin sa impyernong pamamahay na ito. So, please, ‘wag ka munang tumigil.
“Hindi mo ba alam na halos mawalan ako ng pawis kakatrabaho mapakain ka lang tapos makikita ka lang sa Jollibe at masayang kumakain? Ha?!” Akmang hahampasin na niya ako nang sinalo na ni Nanay ang hampas at natamaan siya sa ulo at dumugo ito.
“Nay!” hagulgol kong sigaw.
“Saktan mo na ako, Arnel! Ako na lang, ‘wag na si Astrid! ‘Wag lang ang anak ko!” umiiyak na nagmamakaawa si Nanay sa kaniya at lumuhod pa ito.
Ang tinding kirot na nararamdaman ko ay hindi ko kayang ipalabas at sa mata ko ito napupunta. Walang tigil na bumubuhos ang luha ko na parang gripo,
“Kung hindi ka lang sana naglandi noon, Esther! Wala sana ‘yang bunga ng kalandian mo! Tingnan mo, kung ano ang puno ‘yun din ang bunga! Tingnan mo ang anak mo! Marunong nang lumandi kagaya mo!” sigaw pa ni Tito Arnel kay Nanay.
Napakuyom ang kamay ko sa galit, pero hindi ko ito mailabas dahil alam kong kawawa si Nanay ‘pag nanlaban ako. Mas mabuting tiisin ko na muna ang sakit ngayon.
Hindi kami kumain; natulog na si Nanay. Ako naman ay tumakas sa bintana at umiyak papunta sa bahay ni Andrew. Hindi naman malaki ang bahay niya at sakto lang para sa kaniya. Para lang itong kubo.
“Astrid?” Nakita ko siyang abala sa assignments niya at dali-dali akong pinuntahan. Niyakap ko siya nang napakahigpit at doon binuhos lahat ng luha at sama ng loob ko.
‘Pag kasama ko si Andrew ay parang naaalis niya ang problema ko at siya lang ang nakakapagpigil sa luha ko.
“Hindi ko na kaya, Drew,” hagulgol kong tugon sa kaniya.
“Pshhhh, ‘wag kang susuko. Akala ko ba matapang si Astrid?” Nararamdaman kong naiiyak na rin siya. “Narinig ko ang mga sinabi niya sa ‘yo at ramdam ko ang sakit sa tuwing hinahampas ka. Wala akong magawa. Mas lalo kang sasaktan kapag sumali pa ako.” Ramdam ko ang pag-iyak niya habang yakap-yakap ako.
Sa totoo lang, ayokong may naawa sa akin dahil sanay na rin naman akong walang kakampi pero ngayon ay tumigil ang luha ko sa paglabas sa mga mata ko.