‘In such seconds of decision entire futures are made.’ – Dan Simmons
Agad naman akong nagising dahil sa ingay na naririnig ko. Hindi naman ako nakadilat kaagad dahil sa liwanag na tumatama sa akin, mukhang nakalimutan kong isara ‘yong kurtina kagabi kaya naman tutok na tutok sa akin ang araw.
Nang masanay na ang mata ko sa liwanag ay dahan-dahan na akong dumilat dahil muli na namang tumunog ang alarm ko. Nang mapatingin ako sa orasan ko ay alas-otso pa lang nang umaga. Ang natatandaan ko ay wala naman akong gagawin ngayon bukod sa pagsusulat.
Hindi ko rin naman matandaan na nag-set ako ng alarm kahapon, pero bahala na, nagising na rin naman na ako. Nang tuluyan kong maidilat ang mata ko ay agad kong kinuha ang cellphone ko para sana patayin ang alarm nang saka lang ako matauhan sa nakita ko.
Wala sa sariling bigla kong nabitawan ang cellphone ko kaya naman nalaglag ito sa sahig pero patuloy pa rin ito sa pag-ring. Just for a second, nawala sa isip ko ‘yong mga nangyari. Na hindi pala normal ang araw na ‘to.
Nang tignan ko kasi ang cellphone ko ay hindi alarm ang nakapag-pagising sa akin kung hindi ang paulit-ulit na pagtawag ni Lhia. Nang tignan ko ang damit na suot ko ay ‘yong pajama pa rin na suot ko bago ako matulog. At saka lang din isa-sisang muling pumasok sa alaala ko ang mga nangyari nitong nakaraang araw.
Akala ko ay bumalik na ulit sa normal ang lahat. Akala ko maayos na. Nawala sa isip ko. Kung gano’n ay napatay pa rin pala talaga ako no’ng killer. Ang natatandaan ko ay hindi ko naman siya nakita dahil hinintay ko siya hanggang sa ilang minuto na lang ang natitira bago mag-alas-dose.
Pagkatapos no’n ay ininom ko ‘yong juice na nasa table kasi kinakabahan ako at nate-tense. Tapos pagkatapos kong uminom ay nahirapan na akong huminga, at saka ako nawalan ng malay. Kung gano’n ay nalason ako. Hindi kami nagkita no’ng killer pero nagtagumpay pa rin siya. Napatay pa rin ako.
Napasabunot na lang tuloy ako sa sarili ko at hindi ko mapigilang sumigaw kaya naman sigaw lang ako nang sigaw hanggang sa mapagod ako. Ayos lang naman na sumigaw dahil soundproof naman ang bawat unit dito kaya naman hindi ako makakaistorbo sa mga kapitbahay.
Hindi ko na rin naman na mapigilan ang galit na nararamdaman ko kaya naman matapos kong sumigaw ay pinagbabato ko lahat ng gamit na madampot ko. Ibabato ko na rin sana ang cellphone ko nang bigla kong maalala na ni-save ko pala ang number ni Andrew.
Hindi naman na ako nagsayang pa ng oras at kaagad na hinanap ang pangalan. Paniguradong nasa bungad lang naman ‘yon dahil sa letter A ito nagsisimula pero natapos ko na ang lahat ng nasa A ay hindi ko pa rin nakikita ang pangalan niya. Sinubukan ko na rin i-search sa contacts ko pero wala talaga.
Kung gano’n ay hindi rin pala talaga nase-save pati sa cellphone kung ano ‘yong mga nilagay ko kahapon. Sinubukan ko namang hanapin ang bag ko na dala-dala ko kahapon dahil sinulat ko rin ang number niya kung sakali lang na gumana.
Pero nang tignan ko ang bag ay maayos itong nakaligpit at walang papel na laman. At dahil wala naman akong ibang pagpipilian ay sinubukan kong alalahanin ‘yong number ni Andrew. Pero nasa kalagitnaan pa lang ako ay hindi ko na maituloy.
Hindi ko maalala ‘yong number niya. napasabunot na lang talaga ako ng tuluyan sa sarili ko. Bakit ba naman kasi ang walang kwenta ng memory pagdating sa ganitong bagay. Kung ano ‘yong mga hindi importante, ayon ‘yong natatandaan ko kaagad, pero kapag ganito na kailangan talaga, wala na.
Bakit ba naman kasi ininom ko pa ‘yong juice na nasa side table. Kung sana ay tiniis ko na lang ‘yong uhaw at hindi ko ininom ‘yong juice ay hindi mangyayari ‘to, hindi sana uulit ang araw. Sa huli ay kasalanan ko pa rin pala talaga ang lahat.
At hindi ko na naman napigilan ang sarili ko at muli kong ipinagbabato ang mga gamit na nadadampot ko. Hindi ko na alam kung ano ‘yong mga nasisira at nababasag, basta ang alam ko lang ay dapat na mailabas ko ang lahat ng frustrations ko.
Kasi kung hindi ay pakiramdam ko ay tuluyan na talaga ako mababaliw at masisiraan ng bait. Hindi ko na rin alam pa ang gagawin ko. At baka sa bawat araw na lumipas ay hindi ko na talaga kayanin at unahan ko na ang killer sa pagpatay sa sarili ko. Ngayon ay hindi ko na talaga alam kung saan hahanapin si Andrew.
Kahapon ay masyadong nasayang ang oras ko dahil hindi naman pala siya ro’n nagta-trabaho.
Isa pa ay wala rin naman akong napala dahil masyadong kinain ng traffic ang oras na mayro’n ako. Pero kung hindi rin naman ako na-stuck sa traffic na ‘yon ay hindi ko makikita si Andrew, kaya nga lang ay na-aksidente na siya, nasagasaan na siya no’ng killer. Kung bakit ba naman kasi walang nakaalala o tumanda ro’n sa plate number no’ng suspek, edi sana ay may ideya na kami kung saan magsisimula.
Maya-maya lang ay nakarinig naman ako ng pagkatok mula sa pinto ko kaya naman dahan-dahan akong tumayo at wala sa sariling naglakad para pagbuksan kung sino man ang nasa labas. Nang buksan ko ang pinto ay bumungad sa akin si Luna na may dalang cake.
Nawala na naman sa isip ko na pupunta nga pala siya ng ganitong oras. Kung natandaan ko lang sana ay hindi ko na siya pinapasok pa dahil sobrang gulo ng mga gamit ko. Nang tuluyan naman siyang makapasok ay nakita niya ‘yong nakagulong gamit sa sala.
Kaya naman agad niyang binitawan ang cake sa mesa at saka naglakad patungo sa sala. Pagdating sa sala ay matatanaw din kaagad ang kwarto ko kaya naman nakita niya kaagad ang mga nakagulo pang gamit sa loob. Nanlaki naman ang mata niya habang tinitignan ang buong kwarto ko.
Parang hindi naman siya makapaniwala sa nakita kaya ilang minuto niya pa itong tinitigan bago bumaling sa akin. Nang magkatinginan naman kami ay parang bigla hindi ko alam ang sasabihin ko sa kanya. Hanggang sa mapansin ko na naglakad na lang siya papalapit sa akin at hinawakan ang kamay ko.
Do’n ko lang din napansin na nagdudugo na pala ‘to. Hindi ko naman naramdaman kaagad kaya hindi ko rin napansin na may sugat pala ako. Hindi ko pa nga malalaman na may sugat ako kung hindi hinawakan ni Luna ang kamay ko.
Hindi naman siya nagsalita at hinatak ako papaupo sa sofa. Nang makaupo ako ay saglit siyang umalis at nagtungo sa banyo, pagbalik niya ay may dala-dala na siyang first aid kit. Naupo naman kaagad siya sa gilid ko at sinimulan na linisin ang sugat ko.
Nanatili naman na walang nagsasalita sa amin kaya naman hindi ko maiwasan na magtaka sa inaasta niya. Hindi ko rin tuloy mapigilan na mailang dahil wala talaga siyang sinasabi tungkol sa nakita niya. Kasi kung si Hazel ang nakakita nito, paniguradong naghi-hysterical na ‘yong babae na ‘yon.
Pero siya ay nanatili lang siyang kalamado kaya naman hindi ko mahulaan kung ano ba ang nasa isip niya.