Chapter 40

1166 Words
‘There’s never enough time to do all the nothing you want.’ – Bill Watterson Halos sampung minuto na lang ang natitira at malapit na ring mag-alas-dose. Kanina pa ako pabalik-balik nang lakad dahil hindi ako mapakalil. Kada may dumadaan nga na nurse sa labas ay napapahinto ako at napapatingin do’n dahil akala ko ay ‘yong killer na. Kanina pa ako naghihintay sa pagdating niya kaya naman hindi ko na talaga alam kung anong mararamdaman ko kung sakaling hindi ko makita ang killer ko ngayon. Hindi ko na rin naman na alam ang gagawin ko kaya naman hindi talaga ako mapakali ngayon. Pagkaalis nga no’ng mga nurse kanina ay naupo lang ako sandali pero tumayo rin ako kaagad kaya naman kanina pa ako palakad-lakad, sana lang talaga ay hindi ko masyadong ma-istorbo si Andrew. Habang naghihintay na lumipas ang oras ay bigla akong napaisip sa mga bagay na gagawin ko pagkatapos nito. Kahit hindi pa naman sigurado ay hindi ko na kaagad maiwasang mag-plano nang mga balak kong gawin. Pakiramdam ko kasi ay nahinto rin ang pagtakbo nang buhay ko dahil sa paulit-ulit na pangyayari nang araw na ‘to. Kung titignan kasi ay parang halos ilang linggo na rin kaming paulit-ulit na ganito ang sitwasyon. Na ilang linggo na rin pala akong paulit-ulit na namamatay, paulit-ulit na nagtatago at tumatakbo, at paulit-ulit na sumusuko. Kaya nga ngayon na pakiramdam ko ay matatapos na ang lahat ay hindi ko maiwasan na makaramdam ng excitement. Ngayon na lang ulit ako nakaramdam ng ganito, ‘yong magkahalong kaba at excitement. ‘Yong para bang excited akong malaman kung nakapasa ba ako o hindi. Hindi ko tuloy maiwasang matawa nang may maalala ako. No’ng high school kasi kami ay nagpapataasan kaming grades nila Hazel at Luna kaya nga excited at kinakabahan kami kapag bigayan na ng report card. Kaya nga kapag kinukuha ni mama ang report card ko grabeng pagdadasal pa ang ginagawa ko. Excited kasi lahat kami ay confident na mataas ang nakuha namin kaya naman pakiramdam namin ay mali-libre kami, but at the same time, kinakabahan na baka mas may mataas sa amin. Though, ayos lang naman sa amin ‘yon dahil friendly competition. Pero hindi mo pa rin naman maiiwasan na makaramdam ng pagtatampo at panghihinayang kapag may mas mataas sayo. Kaya naman ayon ang ginawa naming motivation para mas pagbutin sa pag-aaral. Kaya imbes na gumala at maglaro ay madalas kaming mag-aral. Kahit na katatapos lang ng exam namin ay maga-advance reading kaagad kami para kami ang magpe-presentang mag-recite kapag oras ng klase. Dagdag points din naman kasi kaya naman lahat ay ginagawa talaga namin. Hindi ko na nga rin maalala kung ilang beses din kaming pinasalamatan ng mga kaklase namin dahil ang tanda ko ay madalas na hindi natutuloy ‘yong mga pa-surprise quiz nila dahil nakakasagot kami sa mga biglaan nilang taon. Kaya naman nadadamay din ang klase. Pero pagdating naman ng college ay naging baliktad ang lahat. Kasi kung gaano kami kasipag no’ng high school ay gano’n naman kami tinamad no’ng college. Paano ba naman kasi, masusubok talaga ang pasensya mo. Kahit sino naman siguro nakaranas na ng ganito. ‘Yong tipong kahit gaano ka pa kasipag, gaano pa kahaba ang pasensya mo, maiinis ka talaga sa mga prof na grabe kung magbigay ng gawin. Paano ba naman kasi, sobrang tambak kung magpagawa ng activity. Mas malala pa nga ‘yong mga minor subjects na feeling major. Feel ko tuloy ay lahat ng estudyante ay makaka-relate sa sinabi ko. Kahit saang school o university naman kasi ata ay hindi mawawalan ng gano’ng klaseng prof. Kung may mga grabe kung magbigay ng gawin, may ibang prof naman na ang luwag sa mga school works at sa mga deadline kaya ayos din naman. Pero ang hindi lang katanggap-tanggap do’n ay ‘yong mga minor subjects prof na feeling major ang subject nila pero ang baba magbigay ng grades. Natawa na lang tuloy ako sa iniisip ko. Ngayon tuloy ay mas gusto kong lumaban at magpatuloy sa buhay. Hindi pa kasi talaga ako handang mamatay. Alam ko na may ilang beses na hinayaan ko lang ‘yong killer na patayin ako. pero ngayon ay hindi na talaga ako makapapayag pa. Muli naman akong napatingin sa relo ko at limang minuto na lang bago tuluyang matapos ang araw na ‘to. Kaya naman mas hindi ako mapakali. Hindi ko ba alam pero malakas ang kutob ko na hindi na talaga dadating pa ‘yong killer pero ayoko muna masyadong umasa. Baka kasi mamaya ay masyado akong ma-excite at matuwa na mabubuhay na ako pero mamaya ay baka biglang may sumaksak din sa akin. Kaya naman hindi talaga ako magiging kampante hangga’t hindi pa lumalagpas ng alas-dose ang oras. Ilang minuto na lang din naman na ang hinihintay ko pero para bang sobrang tagal umandar ng oras. Pakiramdam ko ay kanina pa ako nakatayo kaya naman naupo muna ako dahil sumasakit na rin ang paa ko kalalakad ko. Nang makaupo ako ay nanatili pa rin akong alerto. Halos hindi ko na ng alasin ang tingin ko sa pintuan dahil pakiramdam ko ay biglang papasok ‘yong killer at sasaksakin kaagad ako. Kaya naman para makasigurado ko ay dinampot ko ang tinidor na ginagamit ko sa pagkain kanina. Nang magawi ang tingin ko sa side table ay saka ko lang napansin na may inumin. Napakunot pa ang noo ko dahil ang tanda ko kanina ay wala namang inumin na dala-dala sina Hazel kaya nga plano ko na bumili na lang mamaya. Pero hindi rin naman ako sigurado dahil nakalimutan ko na kung may inumin ba o wala. Pero wala namang ibang pumasok dito dahil iisa lang ang pintuan kaya naman sila Hazel siguro ang naglagay nito. At dahil nauuhaw na rin ako ay kinuha ko na ‘yong juice at ininom. Hindi rin pala ako nakainom kanina dahil bigal ring dumating na ‘yong doctor. Kaya naman ilang lagok lang din ay naubos ko kaagad ‘yong juice. At nang maibaba ko sa mesa ‘yong bote ay saka ko lang naalala ‘yong nakita ko kanina. Kung tama ang pagkakatanda ko ay may nurse na naglagay nito sa mesa. Napansin ko kasi na may nagpatong ng kung ano sa mesa na mukhang ito na ngang juice. Kaya lang ay hindi ko rin nakita kung kaninong kamay ‘yon dahil nag-aalala ako kanina sa kalagayan ni Andrew. Hindi ko rin tuloy matukoy kung sino sa kanila dahil may babae at lalaking nurse ang pumasok kanina kasama ‘yong doctor. Hanggang sa ilang segundo lang din ang lumipas ay naramdaman ko na parang sumisikip ang dibdib ko. Pakiramdam ko ay hindi ako makahinga ng maayos dahil sumisikip na ng tuluyan ang dibdib ko. Napaupo na rin ako sa sahig habang naghahabol ng hininga. Sinubukan ko pang tumayo para pindutin ‘yong bell para may dumating na nurse kaya lang ay hindi ko na nagawa dahil unti-unti na ring nanlalabo ang paningin ko hanggang sa tuluyan na akong mapapikit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD