KABANATA II: ULO

1261 Words
HINDI lubos makapaniwala ang dalaga sa sinabi ni Aling Susan. Para raw kasing 'o.a' na ito sa pandinig, kaya't minabuti na lamang niyang magpaalam muna sa ina at mamimili muna ito ng kanilang pagkain para sa tanghalian. "Ano-ano kasing tsinitsismis ni Aling Susan kay inay, ayan tuloy nahahawa na rin siya ng kapraningan," bulong niya sa sarili. Pagka-abot niya ng bayad, naglakad ang dalaga pabalik sa kanilang pwesto nang biglang may nahagip ang kaniyang tainga. "Pasintabi po sa lahat ng kumakain ngayon. Isang ulo po ng batang babae ang na-rescue sa sapa ng San Rafael na palutang-lutang. Pinaniniwalaan po ng mga awtoridad na isang tabak ang pumugot sa ulo ng bata. Sa ngayon ay iniimbestigahan pa rin ang ating kapulisan at hinahanap ang nawawalang katawan nito." Biglang nanlaki ang mata ni Patricia at napaawang ang bibig. Ibig sabihin, totoo nga ang tsismis ni Aling Susan sa kaniyang inay? At ang napapabalitang mga nawawalang bata sa San Roque ay ganito rin ang kahihinatnan? Tumakbo nang mabilis ang dalaga pabalik sa kanilang pwesto. Kahit rinig pa niya ang usap-usapan ng mga tao sa palengke ay tuloy lamang siya sa pagtakbo, hanggang sa makarating na siya sa pwesto. "Oh, 'nak? Anong nangyari sa'yo? Bumili ka lang ng ulam nagkaganiyan ka na?" bungad sa kaniya ng ina. Hingal na hingal namang inilapag ng dalaga ang pinamiling pagkain at saka humarap sa kaniyang ina." Nay, totoo nga talaga 'yong sinasabi ni Aling Susan. May...may nakuhang ulo sa sapa ng San Rafael!" "Iyan na nga ba ang sinasabi ko, napaka demonyo talaga ng gumagawa niyan." Kinuha ni Maria ang dala niyang ulam at kanin. "Kaya ikaw anak, mag-ingat ka sa pinupuntahan mo ah?" paalala pa nito. Pagkatapos nilang kumain, iniligpit kaagad ni Patricia ang kanilang plato. Ang kaniyang inay naman ay nagsisimula ng maglatag ng karton sa maliit na espasyo na madalas nitong pinagtutulugan tuwing tanghali. Si Patricia naman ay kinuha ang isang monoblock at saka umupo sa tapat ng tindahan para magbantay. Mabilis lamang ang oras na dumaraan kapag nasa palengke sila, madalas ay hindi namamalayan ni Patricia na alas-tres na pala--- Ang oras ng pagsarado sa buong palengke. Hindi naiinip sa maghapong pagtitinda si Patricia. Hindi kasi nababakante ang oras niya, lalo na't ginagawang miryenda ng mga trabahador ang kanilang paninda. Pero sa araw na ito, ilang oras nang naghihintay si Patricia sa mga taong dadaan sa kanilang pwesto, pero tila naglaho ang mga tao pagpatak ng alas-dos. Naalimpungatan naman ang kaniyang ina nang tumunog na ang mikropono na nasa itaas ng palengke. Ibig sabihin lamang nito ay malapit ng mag alas-tres, kaya pinaghahanda na nila ang mga tindera upang magligpit at umuwi. Ginugusot pa ng ina ang mata nito, humikab bago niligpit ang karton. "Pasensya ka na 'nak ha? Puyat kasi si inay, lalo na't alas-dos ako nagsimulang magluto," ani nito. Ngumiti lamang si Patricia, habang inililigpit ang mga natirang tinda. Kaunti na lamang ito kaya sigurado, bukas ito ang a-almusalin niya. Nagpaalam na rin si Aling Susan, uuwi na raw ito dahil wala naman daw bumibili ng kaniyang tinda. "Okay lang po 'yon inay, ang mahalaga nakapagpahinga ka. Marami-rami rin akong naibenta ngayon oh." Abot niya ng pera na nasa malinaw na plastik. "Syempre, magaling kayang magbenta ang maganda kong anak." Pagkasarado ng kanilang pwesto, nagpunta muna ang mag-ina sa bilihan ng malagkit. Buti na lamang at naabutan pa nila itong bukas, dahil kung hindi ay baka kulangin ang kanilang magagawa para bukas. "Salamat po." Abot ni Patricia ng bayad sa lalaki, at saka binuhat ang sampung kilong bigas. Pumara kaagad ng traysikel si Maria, ngunit mabilis hinawakan ni Patricia ang kamay ng ina, at saka ibinaba. "Huwag na po 'nay. Ang lapit lang naman ng bahay natin e, saka sayang ang treinta," paliwanag niya. "Oh sige. Kung ayaw mo, tig-isa na lang tayo ng hawakan para hindi ka mahirapan?" pangungumbinsi ng ina, ngumiti lamang si Patricia para hindi na siya kulitin nito. Ayaw kasi niyang pagurin ang ina dahil mahina na rin ang tuhod nito at mabagal nang maglakad. Pagkauwi ng bahay, kaagad na inilapag ni Patricia sa mesa ang dalang bigas. Napaupo na lamang siya sa upuang kahoy, habang tinitingnan ang namumulang palad. "Ang kulit mo kasi anak e, ayan tuloy baka magkapaltos ka pa!" Tingin nito sa kamay niya. Hinawi naman ni Patricia ang palad at saka tumayo para isilid sa malaking timba ang bigas. "Inay naman e, ginagawa mo akong bata. Tingnan mo oh? Mas matangkad pa ako sa'yo, tsaka nangako ako kay tatay bago siya mawala na hindi kita papagurin," paliwanag niya. "Kaya umupo ka riyan, at ipaghahanda na kita ng miryenda." "Ikaw talaga. Ako ang nanay e, ako dapat ang magsilbi sa'yo," pangungulit pa rin ng ina, kaya nilapagan na niya ito sa harapan ng isang basong tubig at natirang kalamay. "Ayan, mag miryenda ka na 'nay. Tubig lang muna ngayon ah? Hayaan mo kapag may bagong order bukas, softdrinks na 'yan sa susunod," pagbibiro ng dalaga. Habang nagtatawanan, bigla naman silang nakarinig ng sumisigaw sa labas. Kaagad na tumayo si Patricia para tingnan ito, ngunit nabigla na lamang siya nang pumasok sa loob ang kaibigang si Lea. "Best naman! Ang tagal mong buksan, ayan tuloy pumasok na ako," reklamo ng kaibigan. Lumingon naman ito sa paligid at nakita si Maria na nakatingin sa kanila. "Hi tita! Binisita ko lang po si Pachot. Paano, pinuntahan ko siya sa palengke e kaso sarado naman na." Napakunot ang noo ni Patricia. "Parang hindi mo naman alam na sarado na ang palengke kapag alas-tres na ah? Tsaka ang sabihin mo, nagpunta ka lang dito para makipag-miryenda." Pakamot-kamot naman sa ulo si Lea. "Oo e, namimiss ko na kasi ang kalamay ni tita," nahihiya nitong sabi. "Ayun, umamin ka rin! Halika na anak, hindi ka naman bago sa'min e kaya saluhan mo kami ni Pachot dito," magiliw na sabi ng ina. Mabilis namang tumakbo papunta sa tapat ng mesa si Lea at dinakma ang paborito nitong maja blanka. Nakakailang subo pa lamang ito at tumitingin na kaagad siya sa iba pang kalamay. "Akala ko ba paborito mo ang kalamay? Bakit maja ang kinuha mo?" tanong ni Patricia. "Lahat 'yan gusto ko," hindi malinaw na sabi ni Lea, dahil sa puno nitong bibig. Ilang segundo lamang nitong inubos ang maja blanka at ngayon ay kalamay na ang hawak niya. "Alam mo tita, ang sarap talagang mamuhay rito. Ang presko oh? Tapos ang simple lang ng bahay,andaming aircon!" "Syempre, kami lang ang pinaka mayaman sa baryong ito," pagyayabang ni Maria. Mas gusto kasing mamuhay ni Maria sa gitna ng bukid. Ang kanilang bahay ay gawa lamang sa kahoy, ang bubong naman nila ay pawid. Ni ang sahig nila ay lupa lang din at wala kang masisilayang hollow blocks sa buong bahay. Lalo itong gumanda dahil sa nagtatayugang mga puno ng mangga, dahil dito parang naka-aircon na rin ang bahay nila sa preskong dulot ng mga halaman at puno. "Pero tita maiba ako. Nabalitaan na ba ninyo 'yong nangyari kay Marvin?" pang-uusisa ni Lea, kaya napalingon si Patricia na kasalukuyang kumukuha ng tubig. "Marvin? Iyong kalaro natin noon ng piko?" Lapit ni Patricia sa kanila. "Oo anak. Iyon sana ang sasabihin ko sa'yo kanina, kaso dumating si Susan kaya hindi ko naituloy." "Oo bes, ilang araw na raw kasi siyang nawawala. Hinahanap na nga rin ni Kapitan sa buong baryo e," saad nito. Natulala na lamang si Patricia at hindi na niya itinuloy inumin ang tubig. "Jusko, huwag naman sana," bulong niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD