KABANATA I: HAKA-HAKA
KALANSING ng nag-uuntugang kawali at sandok ang siyang gumising kay Patricia sa mahimbing niyang pagkakatulog. Amoy na rin niya mula sa kanilang kwarto ang hindi nakakasawang hinahain ng ina tuwing umaga na kakanin. Kaagad umupo ang dalaga sa kinahihigaan at papungay-pungay na tumingin sa bintana, kung saan sumisilip ang pasikat ng araw.
Nang maikondisyon na niya ang sarili, kaagad siyang lumabas ng kwarto at naabutan ang ina niyang si Maria na kumakanta, habang inilalapag sa mesa ang mga natapos na nitong lutuin.
"Buti na lang at natapos na ako sa pagluluto, bago pa magising ang maganda kong anak," pagbibiro nito.
"Inay naman, e. Umagang-umaga binobola ninyo ako," pangiti-ngiti niyang sabi dahilan para lumabas ang malalim niyang biloy sa magkabilang pisnge.
"Oh siya, mag almusal kana riyan."Talikod ni Maria at kung may anong inayos sa lababo. "Mamaya kasi ay maghahatid pa ako ng isang bilao ng kalamay sa tabing baryo natin. Mukhang nagustuhan yata nila ang timpla ko," magiliw na sabi nito.
Habang nilalasap ni Patricia ang kalamay ube na inihain sa kaniya, si Maria naman ay abala sa paghahanda ng kanilang ititinda mamaya. Wala na siyang inaksayang oras at kaagad na iniligpit ang plato, sabay hinugasan. Palagi kasing pinapaalala ng kaniyang tatay bago ito pumanaw na huwag pagurin ang ina lalo na't matanda na rin ito.
Pagkaaraan ng ilang minuto, lumabas na ng kwarto si Patricia suot ang puting t-shirt at itim na pantalon. Angkop lamang ito sa kaniyang porma dahil sa mahaba at medyo kulot na buhok, dagdag pa ang morena niyang kutis at katamtamang taas para sa isang bente-singko anyos na dalaga.
"Anak, ito na lang ang bitbitin mo, mauuna na ako sa kabilang baryo." Abot sa kaniya ng dalawang basket. "Ikaw naman buksan mo na ang pwesto natin sa palangke ha?" paalala ng ina, bago sila maglayo ng landas.
Malapit lamang ang bahay nila sa palengke, dagdag pa na mabilis maglakad ang dalaga kaya hindi nakapagtatakang sampung minuto lang ay naroon na siya.
"Ang aga mo namang magbukas Patricia? Nasaan ang nanay mo?" tanong ni Aling Susan na katabing pwesto nila at kadaldalan ng ina.
"Opo. Si inay pinauna na po ako rito dahil may ihahatid pa raw siya sa kabilang baryo," sagot ng dalaga, habang isa-isa niyang nilalapag sa mahabang mesa ang tindang kakanin.
Pagkatapos niya rito, inayos naman niya ang loob ng kanilang pwesto, na araw-araw naman niyang ginagawa. Nasanay na si Patricia sa ganitong sitwasyon, kaya't kilala na rin siya kadalasan ng mga tao sa palengke.
"Besttt!!!" sigaw mula sa malayo ng kaibigan niyang si Lea, kaya napatigil sa pagwawalis si Patricia. Napakamot na lang sa ulo ang dalaga dahil alam niyang kapag ganiyan ang bungad ni Lea ay may bago na naman siyang nasagap na tsismis.
"Hep! Diyan ka muna, tatapusin ko lang 'to." Harang sa kaniya ni Patricia, bago tuluyang pumasok sa pwesto. Hindi magkandaugaga si Lea at panay na lamang ang padyak ng paa. Mukhang mahalaga ang sasabihin nito, dahil pati postura ay plakado. Maayos rin ang suot nitong blouse ngayon, kumpara sa palagi niyang sinusuot na pula at bulaklaking t-shirt.
"Oh halika na. Mukhang nagmamadali ka e," sarkastikong sabi ni Patricia at saka pinapasok na ang kaibigan.
Kaagad naman itong kumuha ng kaniyang upuan at humarap kay Patricia. "Best! Alam mo ba, si Marco!!!" kinikilig na sabi nito.
"Anong nangyari?" walang gana niyang tanong.
"Nalaman na ni-" Hindi na nito nasundan ang sasabihin nang biglang lumitaw ang isang lalaki sa kanilang harapan. Mukhang namimili pa siya ng kaniyang bibilhin, kaya kaagad na tumayo si Patricia.
"Tatlo nga po." Abot nito ng bayad. Inilagay naman kaagad ni Patricia sa plastik ang tatlong kutsinta at tamad na bumalik sa kaniyang pwesto.
"Anong nangyari kay Marco? Hindi ba matagal mo nang gusto 'yon?" pagbabalik na tanong niya.
Magiliw namang tumango si Lea at abot-tainga ang ngiti. "Nalaman na niya na crush ko siya!!!" Napadiin ang hawak nito sa kamay ni Patricia.
Tumaas naman ang kilay ng dalaga at animoy wala namang pagkagulat sa kaniyang mukha.
"Tapos?"
"Anong tapos? Nakaka-text ko na siya ngayon! Tingnan mo oh." Dukot ni Lea ng cellphone sa likurang bulsa, mabilis niya itong pinindot at inabot kay Patricia.
"Gusto mo ba na ligawan kita?" basa ni Patricia sa text ni Marco. Bigla naman siyang niyugog ng kaibigan, kaya napalayo ng kaunti ang kaniyang upuan.
"Best! Feeling ko, ito na talaga! Malapit na. Magkaka-lovelife na ako!"
"Paano ka nakakasigurong totoo 'yang text na 'yan?" Tumaas ang kilay ni Patricia. "Nakita mo na ba siya simula nang sinabi niya 'yan sa'yo?"
Natahimik saglit si Lea at saka napaisip. Tama nga ang kaniyang kaibigan, ilang beses na rin kasi itong naloko at palaging si Patricia ang sumusugod sa mga lalaking nagpapaiyak sa kaniya.
"Nako, sinasabi ko sa'yo Lea. Umayos-ayos ka ha? Ayoko ng makipagsapakan ulit," seryosong sabi ni Patricia, kaya sa huli ay nagtawanan na lamang sila.
Ilang minuto na ang nakakalipas simula nang magpaalam si Lea dahil may pupuntahan daw muna ito saglit. Pumayag naman si Patricia, anong oras na rin kasi at nagdadagsaan na ang mga tao sa palengke, baka ka niya ay hindi na maasikaso mamaya ang kaibigan.
"Ilan po rito?" Kuha ni Patricia sa pichi-pichi na itinuturo ng matanda.
"Apat lang anak," saad nito. Pagkaabot ni Patricia ng supot, nginitian siya ng matandang babae at saka iniabot ang bayad.
"Ang ganda mo naman anak," pagbibiro pa nito.
Nginitian lamang siya ni Patrica at inasikaso na ang iba pang namimili. Buti na lamang at dumating na ang ina. Mas napapadali kasi ang kanilang trabaho dahil ang nanay niya ang nag-aasikaso sa sukli ng kanilang kostumer.
Kaagad umupo ang ina sa inuupuan kanina ni Lea at binuksan ang maliit nilang electric fan sa gilid.
"Nay, mukhang pagod na pagod kayo, ah?" Lingon ng dalaga, napansin kasi niyang tagaktak ng pawis ang ina at hingal na hingal pa.
"Hindi 'nak. Napakainit lang kasi sa labas at saka ang layo pala ng bahay no'n."
Hinarap naman siya ni Patricia pagkatapos suklian ang huling namimili. " Ang sabi ko naman sa inyo 'nay, ako na lang po ang maghahatid ng mga order nila. Kaya ko naman e."
"Hindi 'nak, ayos lang. Tsaka may nabalitaan rin kasi ako, natatakot ako at baka isa ka rin sa mawala."
"Mawala?" Taas ng kilay ni Patricia. "Inay, ang tanda tanda ko na oh? Bente singko na ako. Sa tingin mo kukuhanin pa ba ako sa lagay na ito?"
"Aba! Sa ganda mong 'yan, lalo na't nagmana ka sa akin baka pag-interesan ka pa nila. Tsaka nakakatakot din kasi 'nak, sunod-sunod nawawala ang mga kabataan ngayon."
Kinuha ni Patricia ang basang tuwalya sa balikat ng ina at pinalitan ng dala niyang panyo. "Saan po ba ninyo nahaligap 'yang mga balita na 'yan? Baka mamaya tsismis na naman 'yan?"
"Hindi anak. Kilala mo ba 'yong anak ni Cesar sa pangalawang kanto?"
Tumango si Patricia.
"Maria!" tawag sa kaniya ni Aling Susan, kaya hindi na nito itinuloy ang sasabihin.
"Susan, kamusta? Mukhang mabenta ngayon ang pansit mo, ah?" pambobola ni Maria, kahit kita naman nito na mukhang hindi pa nababawasan ang laman ng kaserola.
"Matumal nga ngayon. Buti nga kayo, umaga pa lang marami nang namimili."
Pumasok naman sa loob si Aling Susan at tumabi kay Maria. Sigurado si Patricia na kapag ganito na ang posisyon nila ay may bago na namang tsismis ang dalawa, kaya lumayo siya ng kaunti at inabala na lamang ang sarili sa pagbabantay ng kanilang tinda.
"Susan, alam mo bang may nawala na namang bata na taga sa atin."
"Oo, iyan nga dapat ang ikukwento ko sa'yo. Tapos kilala mo 'yung batang si Ralph? 'Yong laging bumibili sa akin? Nawawala na rin daw."
Napatigil sa pagbugaw ng langaw si Patricia at humarap sa dalawa. Hindi niya inakala na pati ang batang paslit na iyon ay mawawala rin.
"Naku kaya ikaw ingatan mo 'yang si Patricia, napakaganda pa namang bata. Ang bali-balita pa raw mare, nakikita na lamang ang ulo ng mga nawawalang bata sa sapa ng San Rafael," wika ni Aling Susan.
Hindi na mapigilang magsalita ni Patricia at nakukuryos na rin sa kaniyang naririnig. "San Rafael? Iyong pinaka mahabang tulay rito?" pagkumpirma niya.
"Oo. Kaya ikaw hija mag-ingat ka, delikado na talaga ngayon," sagot ni Aling Susan.
"Pero teka, may batayan na ba kayo sa pinag-uusapan ninyong 'yan aling Susan? Baka gawa-gawa lang 'yan ha, tapos nagpapaniwala kayo."
Umiling naman ng ilang beses si Aling Susan. "Kung gusto mong maniwala, magpunta ka ngayon sa San Rafael. May nire-rescue na naman daw doong inaanod na ulo."