Sa tulong nina Vincent at Ian, ligtas na nakabalik sina Patricia sa kanilang bahay. Kahit hirap na hirap sa paglalakad si Makmak ay pilit pa rin niyang tinatapak ang kanyang paa sa lupa upang hindi gaanong mahirapan ang kanyang mga kasama. Base rin sa ngiti ni Makmak ay iniinda na lamang niya ang malalim-lalim na sugat sa kanyang tagiliran.
"Ah...bigat!" Iniupo nina Vincent si Makmak nang makapasok na sila sa loob ng bahay. Napasandal naman si Makmak sa sakit, ngunit pinipilit pa rin nitong ngumiti.
"Maraming salamat ha?" wika ni Makmak. "K..kung hindi dahil sa inyo, sigurado baka pinaglalamayan na ako," anito.
Sumingal si Vincent. "Bakit kasi kayo sumasama sa mga gano'n? Mabuti na lang pala napadaan kami doon ni Ian at saktong nakita ka namin. Huwag kang mag-alala, wala nang lason sa mga sugat mo," ani Vincent.
"P-pero paano?" takang tanong ni Makmak, nang haplusin ang sugat nito sa tagiliran at balikat.
Tumingin ng nakakaloko si Vincent kay Ian. Isang matalim na tingin naman ang iginawad ni Ian. Sa mukha ng binata, alam na nila kung ano ang ibig sabihin ni Vincent.
"S..salamat," nahihiyang saad ni Makmak.
Tumango naman si Ian. "Sa susunod na magkita tayo, at sugatan ka na naman, baka ako na mismo ang magdagdag diyan," matalim na sabi nito kaya nagtawanan sila. Kahit papaano ay gumaan na ang pakiramdam ni Ara at Patricia nang makita na nakakangiti na ng maayos si Makmak.
"Teka lang," singit ni Patricia. "Kumain na ba kayo? Gsuto ninyong pagluto ko kayo o kape?" alok niya sa dalawa.
Umiling naman si Vincent. "Nagmamadali na rin kami. May kailangan pa kaming puntahan e, tsaka mag-uumaga na. Hindi pa kami nakakapag pahinga," anito.
Napatango na lamang si Patricia nang akmang ihahanda na sana ang mainit na tubig. Kahit kita niyang gusto pang magtagal ni Ian dito ay pinipigilan na lamang nito dahil sa utos ni Vincent.
"Paano?" Tumingin si Vincent kay Makmak. "Tatlong araw pa bago gumaling ang sugat mo, hindi ko na nilagyan ng cervances 'yan. Ipahinga mo, at pakiusap." Isa-isa nitong tiningnan sina Patricia at Ara. "Huwag kayong maniniwala sa kung sino-sino at huwag kayong sumama kung hindi naman ninyo kilala," anito at isiniksik sa kanyang tagilirang bulsa ang baong maliit na kutsilyo.
"Paano? Kailangan na naming umalis," paalam nito.
"Mag-ingat kayo," wika ni Patricia at mabilis na nauna sa kanila upang pagbuksan sila ng pinto.
Bago magpatuloy sina Vincent sa paglalakad, saglit pa niyang tinitigan si Patricia. " Gumanda ka ngayon," anito at tumalikod na.
Nakaramdam ng pamumula sa kanyang mukha si Patricia. Hindi niya alam kung paano niya pa imumulat ang malaki niyang mata sa sinabi ni Vincent. Sa sobrang misteryoso ng lalaking iyon, ni hindi niya naisip na magagawa pa siyang purihin ni Vincent sa kabila ng lahat. Hindi tuloy niya maipagkaila sa sarili na kahit papaano ay nami-miss niya si Vincent, pati ang iba pa notong kasamahan.
Pagkasara ng pinto, isang malapad na ngiti sa labi ang ibinungad ni Patricia kay Ara at Makmak. Si Makmak ay medyo kumalma na, dahil nilagyan na ni Ara ng tela ang bawat sugat nito.
"Oh? Mukhang masaya ka ah?" tanong ni Ara kay Patricia.
"Oo e." Naglakad si Patricia at umupo sa tabi ni Makmak. Si Ara ay naghahanda naman ng mainit na tubig. "Sila ang una kong nakilala rito. Si Vincent, siya ang nagligtas sa akin noong unang araw." Tinukod ni Patricia ang kanyang kamay sa baba at inalala ang bawta detalye ng mukha ni Vincent.
"Ang gwapo niya ano?" tanong niya.
Nilagyan naman ni Ara ng mainit na tubig ang bawat tasa na nasa mesa. Pagkatapos niyon, nilagyan niya ng matapang na kapeng barako at kaunting asukal.
Umupo si Ara sa tabi ni Patricia. Sinimsim ang mainit-init pang kape. Ganun din sina Makmak at Patricia. Sigurado namang hindi na sila makakatulog, dahil nakita na nila kaninang pasikat na ang araw.
"Ano ba kasing nangyari?" Inumpisahan na ni Ara ang pagtatanong. Umupo naman ng diretso si Makmak at tumingin sa usok ng kanyang kape.
"Kasi.." nahihiyang sabi ni Makmak.
Flashback
Naging lookout si Makmak kasama ang iba pang kasamahan sa gilid ng gubat. Ang iba naman ay naroon na sa tapat ng Acacia, dala ang iba pang kagamitan ng panghukay. Nakakaramdam ng kaba si Makmak, ngunit may parte sa kanyang isip na umaasa siyang magiging posible ang kanilang balak, kahit na malabo ito.
Sa limang minuto nilang pagbabantay at paghuhukay ng iba, biglang may sumulpot na tunog na sa mismong tainga nila ito nakaharap. Napakasakit niyon sa tainga at halos ang iba ay mabaliw-baliw na kakahawak sa kanilang tainga.
"Anong nangyayari?!" sigaw ng lider nila na ngayon ay namamalipit na sa ingay na kanyang naririnig. Para iyong ingay na nangagaling sa isang flute at hindi tumitigil sa kakatunog.
Napansin ni Makmak na may umiilaw sa tabi ng Acacia. Kahit na hirap na hirap siya sa pagtakip sa kanyang tainga ay nagpunta pa rin siya sa pwesto kung saan umiilaw ang isang bagay.
Pagtingin niya doon ay nagulat siya nang may makita siyang isang case na umiilaw. Sa gitna niyon, naroon ang isang maliit na chip na nakadikit. Pilit niyang kinuha iyon, ngunit nanng pagkakuha niya at bigla na lamang siyang napaluhod nang biglang tumama sa ballikat niya ang palaso.
Napatingin siya sa likuran niya at nakita ang ibang kasamahan na tinamaan ng palaso. Ang iba ay nagsitakbuhan na kahit may mga tama na rin sa katawan. Nagsimulang tumakbo si Makmak kahit hindi niya alam kung alin sa tainga at balikat ang kanyang hahawakan. Habang tumatakbo ay napapansin niyang nawawala na ang ingay na naririnig niya dahil palayo na siya sa acacia.
Mariin siyang napapikit nang bigla niyang binubot ang matulis na palaso. Habang patakbo siya papunta sa kinaroroonan nina Ara at Patricia at muli siyang napalbulagta sa lupa nang tamaan siya ng palaso sa tagiliran.
Akmang magdidilim na ang paningin niya nang makita ang mga guwardiya na nakasakay sa kabayo. Nag iba ay tumatakbo papunta sa kinaroronan niya, ngunit biglang may humila sa kanya na kung sino. Naalala pa niya, bago siya tuluyang mawalan ng malay, binigkas pa niya ang pangalan ni Patricia.
"S-si Patcho..t iligtas ninyo..Si Ara.." hirap na sabi niya, bago siya bitbitin ng kung sino.
"Tara na!" tindig na sabi ng lalaking may bitbit kay Makmak.
End of Flashback
"Mabuti na lang pala at nailigtas na ni Vincent ano?" may kung ano sa boses ni Patricia. Napansin din ni Makmak na kumikinang ang mata ng kaibigan.
Biglang nag-iba ang ekspresyon ni Makmak nang makita kung gaano kasaya si Patricia. "Ang baduy mo!" anito at sinimsim ang kape.
"Nako, tigil niyo na nga 'yan. Ang isipin niyo ay bukas. Kung ano ang mangyayari sa atin dahil sa ginawa ng mga kasamahan natin. Malaa lang dahil napasabay pa tayo," problemadong sabi ni Ara.
Natahimik saglit sina Patricia at Makmak sa sinabing iyon ni Ara. Dahil kasi sa ginawa nila ay tiyak na may karampatang parusa iyon. At bukas nila malalaman kung anong magiging kapalit ng ginawa nila. Mabuti na lamang at binigyan sila ng tatlong araw na pahinga, ngunit hindi nila alam kung pahinga talaga ang gagawin nila doon.
"Hay, problema na naman," anas ni Ara.
Nang matapos na silang magkape, tinulungan nina Patricia at Ara si Makmak na humiga nuna sa inihanda nilang banig. Wala naman kasi silang gagawin ngayong araw dahil ito ang araw ng kanilang pahinga. Isa pa, lumabas na rin ang puntos sa kanilang braso, ngunit nalungkot si Patricia nang wala siyang matanggap. Alam naman niya na talo siya at iniligtas lamang siya nina Adonis at Liv, ngunit dahil sa nangyari, pati ang buhay ni Patricia ay muntik na ring manganib at ang kanyang dalawang daang puntos ay muntik pang mabawasan kagabi.
Nagpresinta si Ara na siya muna ang maimili ng kanilang kakainin. Si Patricia naman ay naghanda na ng maligamgam na tubig na siyang sinabi ni Ara. Nilagay niya ang isang malinis at puting bimpo sa palanggana, sabay nilagyan ng maligamgam na tubig.
"Pwede na siguro ito," aniya at hinatid ang palanggana sa tabi ni Makmak na mahimbing pa ring natutulog ngayon. Hindi maiwasan ni Patricia na hikabin nang makita niya si Makmak na tumutulo pa ang laway. Dahan-dahan niyang hinaplos ng hawak niyang bimpo ang braso ni Makmak. Pinagmamasdan niya ang bawat detalye ng mukha ni Makmak. Mas gwapo pala si Makmak lalo na kapag tulog, bulong niya sa sarili saka bahagyang natawa.
Kahit pa umabot na sa leeg ni Makmak ang pagpunas ni Patricia ay hindi pa rin ito magising. Siguro dahil na rin iyon sa pagod at sa dami ng tinaamong sugat ng kaibigan. Nang matapos na siyang hilamusan ang mukha ni Makmak at banlawan ang bimpo, akma na sana siyang aalis nang biglang marahas na hinawakan ni Makmak ang braso ni Patricia, dahilan para matigilan sa pagtayo si Patricia.
"Oh, Makmak?" gulat na sabi ni Patricia.
"Patchot?" nanlalambot na sabi nito kaya biglang nag-alala si Patricia at nilapag ang palanggana sa sahig.
"May masakit ba sa'yo? Gutom o ano man?" tanong ni Patricia.
Seryosong tumingin naman si Makmak sa mata ni Patricia at tumawa ng bahagya. "Pogi ko 'no?" pagbibiro nito, kaya biglang hinampas ni Patricia ang braso ni Makmak.
"Aray ko ha?" tatawa-tawa nitong sabi.
"Loko-loko ka talaga!" inis na sabi ni Patricia at muling kinuha ang palanggana, sabay tumayo.
"Patchot?" Nahihirang magsalita si Makmak, kaya umupo na lang ito. "May pagkain ba riyan?" tanong nito.
"Ah...'e, gusto mo pagluto kita?" Aligagang sabi ni Patricia at mabilis na kinuha ang kaserola at nilapag iyon sa kalang gawa sa pilak.
"Patricia?" tawag muli ni Makmak, habang sinasalin ni Patricia ang kaunting bigas sa kaserola. Humarap naman si Patricia rito, at seryoso namanng nakatingin si Makmak sa kanya.
"May gusto ka kay Vincent 'no?" panunukso ni Makmak.
Bigla namang namula si Patricia at tumalikod muli kay Makmak. "H-huy! Hindi no!" giit niya, kasabay ng pamumula ng kanyang pisnge.
"Asus! Sa tinginan niyo kanina...parang may kakaiba sa iyo e," anito.
"Ha?" pagmamaang-maangan ni Patricia. "A..ano naman?" utal-utal na sabi niya.
"Tingnan mo! Hindi pa si Vincent ang kausap mo, pero nauutal ka na. Kumalma ka lang diyan, ako lang 'to. Ang pogi mong kaibigan," anito kaya natawa si Patricia.
"Alam mo, sira ka talaga. May sugat kananga lahat-lahat e nakuha mo pa ring gumanyan," aniya sabay humarap kay Makmak.
"Si Makmak naman ay pinipilit na tumayo, at nang makatayo na siya, akma na siyang maglalakad papunta sa tapat ng mesa, ngunit matutumba na naman ito.
Mabilis na tumakbo si Patricia tungo sa pwesto ni Makmak at dali-daling sinalo ang kaibigan sa muntik nang pagkakatumba. Sa hindi inaasahang pangyayari, nagkatitigan sila. Ramdam ni Patricia ang mabigat na hiningang iniluluwal ni Makmak at mabilis na t***k ng puso nito.
"S..sabi ko naman sa'yo e,magpahinga ka na riyan at ako na ang bahala," aniya sa binata.
Iuupo na sana niya ulit si Makmak, ngunit biglang pinigilan ni Makmak ang bisig ni Patricia.
"Teka lang," anito at palapit nang palapit ang mukha ni Makmak sa dalaga.
Hindi alam ni Patricia ang kanyang gagawin, kaya naman napapikit na lamang siya. Ilang segundo rin sila sa ganong posisyon, nang biglang bumukas ang pinto.
"Nandito na ak-" hindi natuloy ni Ara ang kanyang sasabihin mang makita sina Patricia at Makmak na magkalapit ang mukha.
"N..nandito na ako," pag-uulit nito dala ang gulat na mukha. Umayos naman ng tayo si Patricia at dahan-dahang iniupo sa lapag si Makmak. Kinakabahan na si Patricia sa kung anong iniisip ni Ara na ginawa nila.
"A-ara, kung ano mang nakita mo, wala iyon ha?" depensa ni Patricia, kahit wala pang lumalabas sa bibig ni Ara na kung ano.
Dumiretso papunta sa mesa si Ara at nilapag ang iilang plastik na may lamang pagkain. Humarap siya kay Patricia at pekeng ngumiti. Kahit hindi nito aminin ay kitang-kita sa mata nito na nasaktan siya sa kanyang nakita, ngunit dahil kaibigan niya ang dalawa ay...
"Ano ba kayo! Naglilihim na kayo sa akin, ha?" pagbibiro nito at tumingin kay Makmak na tahimik lamang sa gilid.
"Ara hindi!" dipensa ni Patricia. "Tinutulungan ko lang si Makmak, tapos..."
"Tapos ano? Nagkatitigan kayo,tapos nagdikit ang labi ninyo?" may diin na sa pagkasabing iyon ni Ara.
Hindi na alam ni Patricia kung ilang beses na siyang umiling, upang mapaniwala si Ara na wala silang ginawang masama ni Makmak.
"Sana pakinggan mo muna ako," mahinang saad ni Patricia.
Tiningnan lang siya ni Ara, habang nangingilid na ang luha sa kanyang mata.
"Patricia, alam mo naman hindi ba?" pinipigilan ni Ara na sumigaw, ngunit habang nakatingin siya kay Makmak, doble ang sakit na nararamdaman niya.
"Ganito na ba tayo ngayon, Makmak?" Nabaling ang tingin ni Ara sa kaibigan.
"Wala kaming ginagawang masama," malamig na pakikitungo ni Makmak.
"Sana man lang sinabi ninyo sa akin na may namamagitan sa inyo, para man lang makapagsama pa kayo. Parang ako ang lumalabas na kontrabida ri-"
"Ara hindi! Tumigil kana!" Ngayon pa lamang nakita ni Ara na gano'n magalit si Makmak. Sa buong buhay niya, ngayon lamang siya sinigawan ng tinuturing niyang pamilya at kaibigan.
Hindi na mapigilan ni Ara na bumagsak ang tinatagong luha sa kanyang mata. Pagkapunas na iyon, hinawakan pa ni Patricia ang kanyang kamay, ngunit mabilis na hinawi iyon ni Ara. Bago siya maglakad palabas, tumingin pa siya sa dalawa.
"Ara," mahinang saad ni Patricia nang akmang hahabulin niya si Ara.
"Hayaan mo siya!" ani Makmak na tila nag-iisip din kung ano ang kanyang gagawin.
Pagkasara ng pinto nang malakas, napaupo na lamang si Patricia at humawak sa kanyang sentido. Ni walang gustong magsalita sa kanilang dalawa ni Makmak. Iniisip nila kung paano mapapaliwanag ng maayos ang nakita ni Ara sa kanya. Sa totoo lang ay kaninang ginagawa iyon ni Makmak ay wala siyang makaramdamang kakaiba. Hindi lamang siya umiwas dahil hawak ni Patricia ang beywang ni Makmak upang suportahan siya.
Wala siyang kung anong maramdaman kay Makmak na nararamdaman niya kay Vincent. Hindi gano'n ang iniisip niya. Hindi niya magagawang agawin si Makmak kay Ara. Pero...
"Pasensya ka na, Patricia. Ako talaga ang may kasalanan," sawakas ay nagsalita na rin si Makmak.
Ni hindi man lang tinapunan ni Patricia ng tingin ang kaibigan at patuloy pa ring nag-iisip.
"Patricia?"pag-uulit ni Makmak. "Sorry," anito.
Sa puntong iyon, humarap na si Patricia kay Makmak dala ang nag-aalalang tingin.
"Paano na si Ara? Baka kung ano na ang iniisip no'n sa atin? Hindi ka ba naaawa?" aniya.
"Hayaan na lang muna natin siya, Patchot. Kilala ko na si Ara at basang-basa ko na ang isip niya. Nagpalamig lang iyon at mamaya lang ay makakausap na natin ng maayos," anito.
"Pero kasi..Makmak mali e. Alam mo namang may gusto sa iyo si Ara hindi ba?" biglang natanong ni Patricia at mabilis naman siyang napatakip sa kaniyang bibig.
Nang tingnan niya si Makmak ay wala namang nagbago sa blangkong ekspresyon nito.
"Alam ko," tipid nitong sagot. "Pero hindi ko mapipilit ang sarili kong mahalin din siya. Dahil sa una pa lang, ang turing ko lang kay Ara ay isang kapatid. Isang matalik na kaibigan," paliwanag nito.
"Alam mo naman pala. Pero bakit hindi mo agad sinabi sa kanya?"
"Hindi gano'n kadali 'yon, Patricia. Maramdamin si Ara. Kahit 'yung tingin natin na hindi naman masakit na salita, sa kanya parang sinasaksak na siya roon. Ayaw kong sabihin sa kanya na hindi ko siya maaaring mahalin, kaya pinapakita ko na lang sa kanya ang pagpapahalaga ko sa kanya bilang kuya at kaibigan. Hindi natin matuturuan ang puso natin kung sino ang mamahalin, Patricia," isang makahulugang salita ang binitawan ni Makmak. Sa puntong iyon, napaisip din si Patricia sa posibleng mangyari kapag nagtapat siya kay Vincent.
"Bata pa lamang kami ni Ara, palaging sinasabi sa akin nina Itay at Inay na ituring ko na parang kapatid si Ara. Ipagtanggol sa umaaway sa kanya at alagaan siya. Gano'n ang ginawa ko sa loob ng dalawampung taon. Ngunit sa taong iyon, wala akong maramdamang kakaiba kung hindi pagmamalasakit. Simula nang iniwan kami ni Deth na alam naman natin na mahal ko 'noon' ay nandoon si Ara upang iangat muli ako. Siya ang karamay ko. Ngunit ngayon, nang maghilom na ang sugat dito." Tinuro ni Makmak ang kanyang puso. "Hindi ko naman intensyon na mahulog sa'yo e. Ayoko. Pero habang nagkakalapit tayo, bumibilis ang t***k ng puso ko. Bumibigat ang hininga ko. Hindi ko mapigilan e," anito.
Hindi na muling makapagsalita si Patricia sa sinabing iyon sa kanya ni Makmak. Hindi niya tuloy maisip kung paano niya isisingit kay Makmak na hindi niya maibibigay ang nararapat na pagmamahal niya sa binata, dahil hindi naman siya ang gusto nito. Kundi si Vincent.
"Hindi ko sinasabing gustuhin mo rin ako, Patricia," ani Makmak. "Nilabas ko lang ang matagal ko nang gustong sabihin. Kaya sana, walang magbago rito," anito.
Bigla namang umusok ang kanina pa niluluto ni Patricia kaya bumaling ang tingin niya sa kaserola. Nilagay niya sa mangkok ang mainit pang lugaw, saka siya nagbalat ng itlog. Nilapag niya iyon sa tabi ni Makmak. Akma na sana siyang aalis, ngunit hinawakan muli ni Makmak ang kanyang braso.
"Patricia. Mag-usap naman tayo," anito sa kanyang mahinang boses.
Hinawi ni Patricia ang kamay ni Makmak at saka tumayo. "Hahanapin ko lang si Ara. Kayong dalawa muna ang mag-usap sa ngayon," aniya at naglakad palabas ng bahay.
Pagsara ng pinto, iniuntog ni Makmak ang kanyang ulo sa pader na sumusuporta sa kanya.
"Ano ba 'tong ginawa ko," anito sa sarili.
Sa kabilang banda, paglabas ni Patricia ay wala na gaanong tao ang nasa labasan. Pati mga bata ay wala na rin. Hindi niya mapigilang manibago sa kanyang nakikita,lalo na ngayon alam niyang kaunti na lamang sila.
Sa kanyang paghahanap-hanap kay Ara, nagulat na lamang siya nang biglang tumunog ang ispiker pati na rin ang mikropono. Hindi niya maiwasang kabahan sa gagawing anunsyo ng mga ito. May ideya na siya kung ano ang sasabihin sa kanila, ngunit ang mas lalong kinakatakot niya ay ang parusang kakaharapin nila ngayong araw.
"Magandang araw sa inyong lahat," wika ng babae.
Natigilan siya sa paglalakad at tumapat sa isang puno dahil ramdam niya ang sakit ng sinag ng araw.
"Naging matagumpay ang inyong ika-apat na antas ng laro. Sa inyong animnapung manlalaro na natira ngayon, may inihandang bagong surpresa ang ating mahal na si Don Hernandez."
"Animnapu? Ibig sabihin.." napaisip si Patricia.
"Alam naman siguro ninyo ang nangyaring pag-aaklas kagabi, at karamihan sa mga natalong manlalaro sa ika-apat na antas ay nahatulan na ng kamatayan kagabi. Bilang surpresa sa inyo, may tatlong araw pa kayong pahinga, at pagkatapos niyon ay magsisimula na tayo sa unang estado ng laro sa ika-apat na antas. Maraming salamat!" Pagkasabing iyon ng babae ay nawala na lahat ng ingay sa paligid.
"Unang estado? Bago na namang pagsubok?" bulong sa sarili ni Patricia.