KABANATA XIV: ITIM

3049 Words
Pagkalabas nila sa madilim na pasilyo, akala ni Patricia ay tapos na ang lahat. Muli siyang naghanda ng kanyang armas nang makita ang mga guwardiya na nakapila sa pasilyo. Matalim ang tingin niya sa mga 'yon. Maigi siyang nagmatiyag, at nang makalabas na sila sa bakal na harang, hinawakan ni Marvin ang kamay niya na nagbabadya nang umatake. "Kumalma ka, Pachot. Hindi ka nila lalabanan," bulong nito sa kaibigan. Bigla namang natigilan si Patricia nang makita na hindi nga gumagalaw ang mga guwardiya. Tanging nakatuon lamang ang pansin nila sa mga taong kanilang hawak. Sa bawat dinadaanan nila, ang mga taong 'yon ay tila nakikiusap base sa kanilang mukha at nanghihingi ng tulong na pakawalan sila. Ang mukha ni Patricia ay nababahala. Gusto niyang iligtas ang mga 'yon, lalo na nang makita ang bata na umiiyak. Sa tingin niya ay nasa singkwenta ang mga nakapila dito at wala ni sinuman ang lumilikha ng ingay. Pati ang matatanda ay kinikimkim lang sa sarili ang kanilang mga luha, kahit gusto na nilang sumabog sa iyak dahil alam nilang ito na ang hangganan nila. Natigilan si Patricia sa kabilaang pagtingin nang hawakan muli ni Marvin ang kamay niya. Napansin niya na ang kaibigan ay tila nakayuko,habang dumadaan sa gitna ng mga tao. Takang-taka niya itong tiningnan. "Anong ginagawa natin? Bakit hindi natin sila tulungan?" bulong ni Patricia na napayuko na rin. Lalong hinigpitan ni Marvin ang hawak sa braso ni Patricia kaya napangiwi ang dalaga. "Nahihibang ka na ba, Pachot? Bawal natin pakialaman ang mga 'yan kung ayaw mong ikaw ang patayin nila. Bilisan mo diyan at bumalik na tayo sa lungga ko!" suway ni Marvin,kaya natauhan si Patricia at sumunod na lang sa kaibigan. Nang malampasan na nila ang mga nakapilang biktima, nagsimula nang umangat ang ulo ni Marvin at binitawan ang pagkakahawak kay Patricia. Gumaya na rin si Patricia sa kanya. Walang nagsasalita sa kanilang dalawa, habang naglalakad na sila sa madilim na daan. Tanging poste na lang din sa malayo ang kanilang inaasahan. Hindi na matansya ni Patricia kung anong oras na, basta ang alam lang niya ay kailangan na nilang makabalik sa kanilang pinag tataguan. Naglakad sila ng ilang minuto sa ikalawang hilera ng mga bahay. Patuloy lamang sa paglalakad si Marvin at patuloy lang din sa pagsunod si Patricia. Walang lumalabas sa bibig nilang dalawa dahil pareho silang nakikiramdam sa paligid. Maige din tinitingnan ni Patricia kung may patibong ba sa paligid nila, dahil naalala niya ang nangyari no'n kay Melody. Ayaw niyang doon lang magwakas ang buhay niya. Malayo-layo na sila mula sa kaninang pwesto nila. Tumigil si Marvin sa isang bahay na nakakandado at may kinapa sa kanyang bulsa. "Mabuti na lang pala matinik ako pagdating sa mga pagnanakaw," saad nito habang binubuksan ang kandado. "Ibig mong sabihin, ninakaw mo 'yan sa isa sa mga guwardiya kanina?" manghang tanong ni Patricia. Bigla namang bumukas ang pinto at tumingin si Marvin sa dalaga. "Obvious ba? Kung hindi lang ako maganda at madiskarte, sigurado maaga akong mamamatay sa lugar na 'to," wika ni Marvin at saka pumasok sa loob. Pagpasok nila ay kadiliman pa rin ang sumalubong sa kanila sa loob ng bahay, ngunit nagulat si Patricia nang may sininding gasera si Marvin at nilapag iyon sa mesa. Biglang lumiwanag ang paligid at lalong namangha si Patricia nang makita na may kagamitan ang bahay na ito. "Wow! Dito ka ba nakatira, Marvin? Grabe paano mo napundar ang mga ito? Ibang-iba 'to sa mga bahay na pinuntahan ko!" saad ni Patricia saka tiningnan ang mesa na may mga prutas. Nag-ikot-ikot din siya at kita niya ang lababo na may lamang plato, kubyertos, baso at tubigan. Sa kanang bahagi mayroon ding palikuran. Kumikinang ang mata ni Patricia nang masilip iyon. "Ilang taon ko rin pinundar ang mga 'yan. Hindi basta-basta nakukuha ang mga kagamitang 'yan." Umupo si Marvin sa monoblock saka kinuha ang mansanas na nasa basket. Kinagat niya 'yon saka lumingon muli kay Patricia. "Teka nga lang. Mag-usap nga tayo dito," tawag niya kay Patricia. Dali-dali namang umupo sa isa pang monoblock si Patricia at masayang nakatingin kay Marvin. "Pero bago 'yun, sabihin mo muna kung paano mo natalo 'yung meiko kanina. Grabe ha? Ibang-iba ka na talaga bakla," usyoso ni Patricia saka kukuha sana ng ubas sa basket nang matigilan siya. "Teka.." Napatingin siya sa kanyang daliri at dumako ito sa kanyang kuko. " Ano 'to? Bat umitim 'tong kuko ko? Wala naman akong natandaan na patay na 'to ha?" kuryos niyang tanong, kaya napasinghap si Marvin at saka inusog ang upuan papunta kay Patricia. Nilapag din niya ang kuko niya na may itim sa palasinsingan. "Hindi patay 'yan," wika nito. "Ito ang tanda na nalampasan natin ang kamatayan. Sa araw na ito, hindi nila tayo pwedeng hulihin nino man. Hindi rin sila pwedeng sumalakay hanggang bukangliwayway, dahil kapag sinugod tayo ng mga Quadro o mga guwardiya, maaring sila ang mapahamak," paliwanag ni Marvin. "Ah.." Napatango si Patricia nang maalala ang sinabi sa kanya ng mustad. "Oo nga pala, pinaliwanag na 'to kanina sa akin ng mustad. Nakalimutan ko lang," aniya. Kumunot naman ang noo ni Marvin. "Mustad? Ibig sabihin napunta ka kanina sa ika-apat na palapag?" Tumango naman si Patricia saka dumakot ng ubas at kanya itong kinain ng buo. "Sabi nga ng mustad, ang swerte ko raw e. Kasi matagal nang panahon simula nang walang mahulog doon.Bukod tanging ako lang daw," paliwanag niya habang sunod-sunod na kumain ng ubas. "Oo tama ka. Ilang buwan o taon na rin akong nandito, pero ikaw pa lang anng babalitaan ko na nahulog sa ika-apat na palapag. Ibig sabihin, maswerte ka pa rin. Dahil kung napunta ka sa ikalawang palapag, baka pinaglalamayan na ngayon ni tita Maria ang abo mo," seryoso nitong sabi. "Huy grabe ka naman! Pero di nga, Meiko ang nakalaban mo kanina hindi ba? Pinaliwag sa'kin yun kanina no'ng Mustad e." Tumango naman si Marvin. "Nakatyamba lang ako kanina. Akala ko nga mamamatay na ako e, pero naalala ko 'yung sinabi mo na hinahanap din ako nina mama at papa. Nilakasan ko na lang ang loob ko, at ayun. Natalo ko sila," wika nito at mapait na ngumiti. "Pero ikaw? Ang balita ko kasi kapag napunta ka sa lungga nila, para makakuha ka ng puntos kailangan may ibigay ka? Huwag mong sabihin sinuko mo na ang bataan mo girl?" nanunusong tanong ni Marvin saka tiningnan siya ng malagkit. "Hoy, bakla! Walang ganyan 'no!" Saka naalala ni Patricia ang relo kaya napahawak siya sa kanyang pulsuhan. "Yung regalong relo sa'kin ni mama. 'Yun 'yung natipuhan ng mustad. Binigay ko na lang 'yun, kaysa mamatay ako. Siguro aaminin ko na lang ang totoo kay inay kapag tinanong niya kung nasa'n 'yon," malungkot niyang pahayag. "Alam mo, dapat hindi mo palaging pinapairal ang emosyon mo," wika ni Marvin saka tumayo. "Bakit naman?" tanong ni Patricia saka pinaikot ang tingin kay Marvin na ngayon ay kumukuha ng tubig sa jag na nasa likuran naman niya. "Kapag inuna mo ang emosyon mo, kaysa sa misyon sigurado hindi ka magtatagal dito." Umupo muli si Marvin. "Naalala ko no'n, hindi ako tanggap ni papa. Kinakahiya niya ako sa mga katrabaho at kainuman niya kasi nalaman niyang naglalaro tayo ng chinese garter no'n at piko. Nag-iba na ang tingin niya sa'kin. Para akong hayop sa paningin niya. Ni hindi niya ako pinapansin tuwing pag-uwi niya. Sina kuya Cris at ate Marivic lang ang diandalhan niya ng pasalubong. Pagkatapos kapag nandoon naman ang mga kaibigan niya pinapapasok niya ako sa kwarto. Pinapatago niya ako para raw hindi nila ako makilala," tumawa ng sarkastiko si Marvin. "Simula no'n tinanim ko na sa sarili ko na hindi nila ako mahal. Na hindi nila ako tunay na ako. Hanggang sa paglaki natin, malayo ang loob ko sa kanila. Sa hapagkainan, saktong apat na upuan lang ang meron, tapos sa kwarto ako kumakain. Simula no'n nagrebelde ako. Napabarkada, bisyo. Kaya hindi mo na ako nakikita sa baryo no'n hindi ba?" Tumango naman si Patricia. "Isang araw may nag alok sa akin. Kaibigan din ng kaibigan ko. Syempre may tiwala ako. Ang sabi niya, kung gusto ko raw ba mamuhay ng normal kasama sila. 'Yung malaya ka sa mapanghusgang tao,masaya kang naglalakad sa daan na walang tumitingin sayo habang nandidiri sila, walang nambabastos. Syempre natuwa ako. Pumayag ako, pero nang dinala niya ako rito, kahit gustuhin ko mang tumakbo pagkakita ko pa lang sa gate ng Sta. Ignacia, parang nanigas ang paa ko. Tinulak niya ako papasok sa gate, pero nang tingnan ko siya, wala na siya doon. Pagkatapos no'n, doon na nagsimula ang kalbaryo ko." "Pero tanong ko lang," usyoso ni Patricia kaya natigilan sa pagsasalita si Marvin. "Sino ba 'yung Liriko na 'yun? Tsaka anong grupo 'yun? Bakit ka nila hinuhunting?" tanong niya. "Ah iyon ba? Sila 'yung mga dati kong kasamahan. Ang tawag sa grupo nila ay Flisk. Akala ko kasi nung una, mabuti silang tao, pinapakitaan nila ako na tumutulong sila sa mga taong nandito at nakikipaglaban sa mga Quadro para ipamigay ang puntos sa mga nangangailangan. Naengganyo ako. Natuwa ako sa pinapakita nila, pero makalipas lang ang limang buwan, nakita ko na ang tunay nilang kulay. Madalas ninanakaw nila ang mga puntos ng matatanda pati bata para mabuhay sila ng matagal. Hindi ko nga rin inaasahan na kukuhanin nila ang puntos ko, kaya naghiganti ako." "Anong ginawa mo? Bakit galit na galit sila?" "Ginawa ko rin kung anong ginawa nila sa mga tao. Maraming tao ang namatay ng walang kalaban-laban. Kahit gustuhin man nilang mabuhay, sinisipsip ni Liriko ang puntos na nagsisilbi nilang enerhiya. Kaya kinuha ko rin sa kanila yon, binigay ko sa mga bata na mas nangangailangan. Pagkatapos no'n, tumakas na ako sa kanila. Buti nga natalo sila ng mga Quadro e. Kundi baka bawian ako ng mga 'yon," masaya niyang sabi. "So bayani ka pala rito?" pang-aasar ni Patricia. Tumaas naman ang kaliwang kilay ni Marvin. "Of course! Pero teka nga, kanina pa ako nagkukwento sa'yo e, pero ikaw hindi ko pa rin alam bakit ka nandito. Ano bang ginagawa mo rito? Nagpapakamatay? Sawang-sawa ka na ba sa pagtitinda ng kakanin? Ayaw mo na bang marinig ang boses ni Aling bebang na nagmumura tuwing umaga? O ayaw mo ng makita ang namamagang mukha ni Aling Susan?" sunod-sunod na tanong ni Marvin kaya nagtawanan silang pareho. Noon pa man kasi ay inaaasar na nila si Aling Bebang. Paano kasi, umagang-umaga nagsisigaw sila sa labas ng kanilang bahay na malapit na raw silang umahon sa hirap. Kapag tanghali naman, malulutong na mura ang pinapakain niya sa mga anak niya, kaya ayun hindi maiwasan na pag-usapan siya. Sa kasamaang palad naman, hanggang ngayon ay nandoon pa rin siya sa baryo nila at nagtitinda ng tinapa. Sabi nga ng kapitbahay ay mas fresh pa ang tinapa kaysa sa tindera. Ayun, pinabaranggay niya ang kapitbahay nila na nag-chismis sa kaniya. "Gaga, hindi," saad ni Patricia na ngingiti-ngiti. "May bumili kasi sa amin no'n na isang matanda. Nagulat ako kasi tatlumpung bilao ng kakanin ang oorderin daw niya para sa birthday niya. Nagulat ako syempre, unang beses pa lang na may bumili sa amin na gano'ng karami. Binayaran na niya agad 'yon ng sampung libo. Tuwang-tuwa akong umuwi sa bahay, kasi nasa isip ko may pagdagdag gastos na rin kami. Lalo pa sabay-sabay ang bayarin ng kuryente at tubig. Ayaw pumayag ni inay nung sinabi ko na dito ko ihahatid 'yung kakanin. Syempre sino ba namang papayag diba? Kilala kaya ang baryong ito na misteryoso. Pero nagpumilit ako para sa sampung libo, kaya ganito ang inabot ko," paliwanag ni Patricia. "Ngek? Teka nga girl, diba binigay na sayo ang bayad?" tanong ni Marvin. Tumango naman si Patricia. "Eh bakit tumuloy ka pa kung hindi ka shunga? Kung ako do'n, tinakbo ko na lang 'yun, pagkatapos one week akong hindi magbubukas ng tindahan," saad ni Marvin. "Hindi naman pwede 'yun, ano ka ba." "Sabagay. Pero naiintindihan kita sa part na 'yon. Ayaw mo lang din masira ang reputasyon ninyo, tapos sumabay pa 'yung gastusin, kaya yan! Welcome sa madugong baryo. Ang baryo ng Sta. Ignacia!" Kahit ramdam na nila ang pagod sa katawan,pinili ng magkaibigan na magtawanan at magkwentuhan. Sa paraan lang daw kasi na 'yon, maiibsan ang kalungkutan nila pati ang takot sa kanilang buhay. Nilatag na rin ni Marvin ang banig sa lapag, saka sila humiga. Wala silang unan, kaya minabuti nilang gawing unan ang kani-kanilang braso. Nagkwentuhan din sila sa ibang bagay. Naikwento din ni Marvin na nami-miss na niya ang mga lalaki sa kanila, pero nang sinabi ni Patricia na wala pa ring pinagbago ang mfa iyon at mukha pa ring maasim, pinagsawalang bahala na lang ni Marvin ang kaniyang sinabi at muli silang nagtawanan. "Pero sa tingin mo, Marvin. Makakaalis pa ba tayo rito pagkatapos ng lahat ng laro?" tanong ni Patricia habang nakatingin sila sa bubong. "Ang tanungin mo, kung matatapos ba ang larong ito," pagklaro ni Marvin. "Nami-miss ko na si inay," wika ni Patricia. "Ako rin naman. Kahit gano'n sina mama at papa, nami-miss ko na rin sila. Kaya pinangako ko pag-uwi ko, yayakapin ko sila. Kahit itulak nila ako, bahala sila," saad ni Marvin. Pagkatapos no'n ay wala ng sumagot sa kanila. Pareho na silang pagod, kaya sa gano'ng posisyon din sila nakatulog. Masaya ang buong araw ni Patricia kahit na nasugatan siya sa pakikipaglaban. Masaya diya dahil nahanap na niya ang kaibigan niyang matagal nang nawawala at nakilala ang ibat-ibang klase ng Quadro. Nagpapasalamat din siya na kahit papaano ay binigyan pa siya ng tiyansang mabuhay, sa kabila ng lahat. Sa kalagitnaan ng kanilang pagtulog, biglang naalimpungatan si Marvin. Nanaginip kasi siya ng masama patungkol sa kanyang buhay. Mabilis na minulat ni Marvin ang kanyang mata at tumayo upang uminom ng tubig. Inaalala niya ng buo ang kanyang panaginip at pinipilit na inaalisa ang mga bagay-bagay. Nakasaad kasi sa panaginip ni Marvin na mamamatay siya. Mamamatay siya dahil papatayin siya ng isang lalaking nakasuot ng itim na kapote. Malabo ang mukha nito kaya hindi gaanong nakita ni Marvin. Hindi lamang ngayon niya ito napanaginipan. Siguro ay nasa limang beses na at nagpapasalamat siya sa Diyos dahil buhay pa rin siya hanggang ngayon. Muling nilagok ni Margvin ang tubig sa baso saka tiningnan si Patricia. Mahimbing na natutulog ang dalaga habang nakangiti ito. Napangiti naman si Marvin sa kanyanng nakita. Sa totoo lanng ay hindi niya inaasahan ang pagkikita nila ni Patricia rito. Akala nga niya ay mamamatay na siya sa lugar na ito. Ngunit nang makita niya si Patricia at sinabi ng dalaga na hinahanap siya ng kanyanng magulang ay biglang nagkaroon ng lakas si Marvin upang harapin ang anumang laban. Hindi na muling nakatulog si Marvin. Napagapasyahan niya na lumabas na lang muna at magpahangin. Umupo siya sa ikalawang baitang ng hagdan habang nakatingin sa madilim na kalangitan. Tinatansya niya ang oras dahil doon na babalik ang tatlong daan nitong puntos. Isang taon na rin namamalagi rito si Marvin. Sa unang araw ay hirap na hirap siya dahil hindi niya alam kung ano at paano ang gagawin sa lugar na ito na puno ng p*****n. Kinakabahan siya, dahil baka umpisa pa lang ay mamatay na siya. Buti na lang at niligtas siya ng isang matandang lalaki. Tuwang-tuwa si Marvin nang mga araw na iyon. May takot din sa loob niya dahil unang beses pa lamang niya nakita ang mga Quadro. Inalagaan siya ng matandang lalaki na nagngangalang Pepe. Mahigit isang taon din silang magkasama sa bahay na ito. Napakabait ng matanda at tinuturuan din siya sa pakikipaglaban. Si Mang Pepe ang tumayong tatay ni Marvin. Tinanggap siya nito ng buong-buo sa kanyang pamamahay. Pinakain at binihisan. Ngunit isang araw, maagang nagising si Marvin, pero wala na si Mang Pepe sa bahay. Hinanap niya ito nang hinanap, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang balita rito. May nakapagpadala na rin ng mensahe kay Marvin na patay na raw ang tinuturing niyang ama, ngunit hindi iyon pinapaniwalaan ni Marvin. Umaasa pa rin siya hanggang ngayon na babalik ang kanyang nagsilbing tatay. Ang nag-iisang tumanggap sa katauhan niya. Naalala niya pa noon, nang tinuturuan siya nito sa pakikipaglaban, dahil malambot si Marvin ay hindi niya maayos na nahahampas ang stick kay Mang Pepe. Masyado siyang malambot, pero imbis na pagalitan siya nito ay nagtawanan lamang sila. Natawa nang bahagya si Marvin. "Nasaan ka na ba?" Tumingin siya sa kalangitan at lumanghap ng preskong hangin. Sa totoo lang ay ayaw na niyang bumalik sa totoong mundo. Nasanay na siya sa kalakaran dito. Isa pa, gusto niya kapag bumalik ang kanyang ama-amahan ay makikita pa siya nito sa iniwan na bahay sa kanya. Nang magkita nga sila ni Patricia ay tuwang-tuwa siya, ngunit nakaramdam siya ng inggit nang ikwento ni Patricia kung paano siya alagaan ng ina. Sa buong buhay ni Marvin ay hindi siya pinagsilbihan ng ina. Hinahayaan lamang siya kahit gabing-gabi na siya umuwi. Madalas nga ang tawag sa kanya ng mga kapatid ay halimaw. Dahil wala raw anak na bakla ang kanyang ama at ina. Pinagsawalang bahala lamang niya iyon. Iniisip lang niya na ayos na iyon, basta hindi masira ang reputasyon at dignidad na matagal nang iniingatan ng kanyang magulang. Biglang natigilan sa pagmumuni-muni si Marvin nang magsimulang tumunog ang kampana. Sumilay ang ngiti sa kanyang labi habang nilalasap ang malamig na hangin. "Sa wakas, buhay pa rin ako hanggang ngayon," bulong niya sa sarili saka tiningnan ang braso na umiilaw. Buo na muli ang bar na nakatatak sa kanya. Napangiti siya at tumayo. Pumasok siya sa loob ng bahay, ngunit naabutan pa rin niya na mahimbing na natutulog si Patricia. Ni hindi man lang narinig ni Patricia ang kampana. Nginitian lamang niya ito at sinilip ang braso ng kaibigan. Dalawang daang puntos lang ang meron siya. Huminga ng malalim si Marvin at tinitigan iyon. "Kung hindi lang kita kababata, naku! Papabayaan talaga kita rito," bulong sa sarili sabay hinawakan ng madiin ang kanyang braso. Lumabas naman rito ang screen, sabay pinindot niya ang save life. Hinanap niya ang pangalan ni Patricia doon at mabilis na nilipat ang isang daang puntos. "Dapat mabuhay ka pa nang matagal. Huwag kang susuko girl! Hinihintay ka pa ni tita sa inyo. Magluluto ka pa raw ng kakanin,"bulong niya saka siya muling humiga. "Goodnight, Girl. Tatandaan mo ako pa rin ang maganda sa ating dalawa," saad ni Marvin bago ipinikit ang mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD