"EWW! Ang lagkit kong makatitig 'yang anak ni manang, 'ma. Nakakadiri at kinikilabutan ako. Baka masunog ako sa purgatoryo," reklamo ni Zen. Nang makaalis sila sa harap ng mga katulong.
Siniko ni Senia ang anak. "Magdahan dahan ka nga, Zen. Baka mabuko ka. Pati ako kinakabahan sa mga ikinikilos mo." Natakot siya sa pagiging malambot ng anak.
"E, 'ma, hindi ba puwedeng sabihin na natin kay lola? Para tapos na ang problema ko. Ang hirap naman ng ganito, nagtatago ako ng totoong ako."
Napailing si Senia. "Gusto mo bang mawala ng tuluyan si mama? Zen, ang lola mo na lang ang kasama ko. Ikaw, nasa tatay mo. Gusto ko pa makasama ng matagal si mama." Naglandas ang mga luha ni Senia sa mata. Kapag tungkol sa ina ay sadyang mababaw lang ang mga luha niya.
"I'm sorry, 'ma. Sige, hindi na muna natin sasabihin kay lola. Sa tamang panahon at oras na lamang natin sasabihin sa kanya. Halika na sa kuwarto ni lola," tila bumaba ang tono ng boses ni Zen. Alam niyang nasaktan niya ang damdaming ng ina dahil sa sinabi niya.
Masuyong hinawakan ni Zen ang ulo ng ina at inihilig sa kanyang balikat.
Marami rin siyang pagkukulang sa mama niya. Napakatagal ng panahon na magkalayo sila. Pasasakitan lang pala niya ang kalooban nito.
Napahinto sila sa harap ng pinto, kuwarto ni Dona Teresita.
"Zen, tandaan mo. Ikaw si Sixto. At iyong salita mo ideretso mo. 'Wag mong ilandi. Baka mahuli ka. Sinasabi ko sa 'yo," bilin ni Senia.
"Okay po, mama. Tatandaan ko po."
Napahinga ng malalim si Senia. Habang nakamasid si Zen sa ina. Parang si Hitler ang pupuntahan nila. Walang puwedeng magkamali, kun'di malalagutan ng hininga.
Sunod sunod na kumatok si Zenia sa pinto. Pareho silang mag ina na kinakabahan.
"Tuloy, bukas 'yan," hudyat sa kanila na puwede silang pumasok.
Binuksan ni Senia ang pinto at naunang pumasok sa loob. Naiwan pa sandali si Zen sa labas.
"Ma, good morning po," magiliw na bati ni Senia sa ina. Mabilis niya itong nilapitan. Saka hinalikan sa noo at niyakap. Bumitaw sila sa yakap ng isa't isa.
Umupo si Senia sa gilid ng kama. Hinawakan ang kulubot nang kamay ng nubenta anyos na ina.
"Senia, may gusto ka bang sabihin?" nagtatanong ang mga tingin ng matanda.
"May sorpresa po ako sa inyo, ma. Pero hulaan niyo po muna," excited na sagot niya sa ina.
Labis namang nasabik si Teresita sa tinuran ng anak. Hindi ordinaryo para sa kanya ang makatanggap ng sorpresa mula sa anak.
"Sabihin mo na lang, Senia. Pahihirapan mo pa ako sa pag iisip," reklamo ni Teresita.
"Sige na nga po. Wala po talaga kayong pasensiya, ma. Kahit ano lang naman ang sabihin niyo para mahulaan ang sorpresa ko." Sobrang tamis ang ngiti ni Senia.
Napaisip si Teresita. Biglang namungay ang mga mata. "Alam ko na, chocolate 'yan! Oo, tama. Matagal na nga akong hindi nakatikim ng chocolate."
Napaismid si Senia. "Bawal po sa inyo ang matamis. Saka hindi po iyon ang sorpresa ko para sa inyo."
"Ganoon ba? Ano ba iyon, Nia? Sabihin mo na kasi," tinawag na si Senia ng ina sa palayaw niyang Nia. Naiinip na ito at umaktong parang batang nagta-tantrums.
Napabuga ng hangin si Senia. Kapag ganoon na tinawag na siya sa palayaw niya ay inis na ito.
"Sixto, pumasok ka na," tawag ni Senia sa anak. Saka malawak na ngumiti sa ina.
Nanlalaki ang mga mata ni Teresita. Napatakip ito ng mukha at umiyak. Ang tagal na noong huling nakita niya ang kaisa isa niyang apo. Ang tanging magtutuloy ng kanilang nasimulan na mag asawa. Sayang lamang at hindi na nakita ng asawa niya ang araw na ito. Tiyak na sobrang matutuwa si Herardo 'pag nakita ang apo nila.
"Sixto, apo ko..." umiiyak na saad ni Teresita.
"Abuela..." Dali dali na nilapitan ni Sixto ang lola niya. Nang makalapit ay niyakap niya ito.
Humagulgol sa balikat ni Sixto ang Lola Teresita niya. Ang akala niya ay bangkay na siya bago umuwi ang apo sa mansyon.
Hinawakan ni Sixto ang lola niya sa magkabilang balikat. Saka iniharap sa kanya. Pinunasan niya ang mga luha nito na panay ang agos sa mata.
"Bakit ngayon ka lang, apo? Masaya akong makita ka ngayon sa harapan ko. Ready na akong kunin ng Panginoon. Kasi kasama ka na namin ng mama mo," umiiyak pa ding wika ng matanda.
"'Ma, 'wag ka naman pong magsalita ng ganyan. Andito pa kami ni Sixto. Aalagaan ka po naming mag ina."
"Matanda na ako, Senia. Mabibilang na lamang ang araw ko dito sa mundo. Ang papa mo madalas niya akong dalawin sa panaginip. Ang gusto ko lang ay makita ang apo ko sa tuhod," tugon ni Dona Teresita.
Napalingon si Sixto sa mama niya dahil sa sinabi ng abuela. Nangungusap ang mga tingin niya sa ina.
"Sabihin niyo po kay papa na 'wag muna. Mahal na mahal ko po kayo, mama. Kami po ni Sixto," naiyak na rin si Senia. Ayaw pa niyang mawala ang ina sa kanya.
Hinaplos ni Teresita ang mukha ng anak. Saka ngumiti. "Kalimutan na natin 'yon. Dapat masaya lang tayo. Dahil andito na aking apo— si Sixto Paterno Laurier."
Masayang nagsalo silang tatlo sa agahan. Naging masigla si Dona Teresita. Dahil siguro iyon sa pagdating ng kanyang pinakamamahal na apo.
ISA ISANG inilalagay ni Senia ang mga damit ng anak na niya sa loob ng cabinet. Napayagan din ito ng ina na makapagpahinga.
Habang si Zen ay binabasa ang last will and testament ng kanyang abuelo na si Don Herardo Paterno.
"Mama, wala na po bang kamag anak si lola? Ang weird lang kasi sa akin pa nila gusto ni lolo ipamana ang lahat ng ari arian nila," usisa ni Zen. Inilapag ang folder sa ibabaw ng kama niya.
"Meron. Buhay pa sina Tita Magda at Tito Feliseo. Mga kapatid ng lolo mo. Nag iisa akong anak nina mama at papa. At ikaw lang ang nag iisang anak ko. Kaya ikaw ang mas may karapatan sa mga naipundar nina papa at mama."
"Baka mamaya po. Huntingin ako nila Lola Magda at Lolo Feliseo. Ganoon sa mga stories sa pocketbook. Nag-aagawan sa kayamanan ang pamilya. Tapos kikidnapin iyong heir. Ipapatubos ng sampung milyon," seryosong wika ni Zen. "Magbigay kayo ng sampung milyon. Hanggang bukas ng umaga at kung hindi. Hindi niyo madadatnang buhay ang apo niyo. Pak na pak, parang scene sa movie. Action movie tapos ako ang heroin na ililigtas ng aking hero."
Natatawa na lamang si Senia sa anak. "Puro ka talaga kalokohan, Zen. Mabait sina Tita Magda at Tito Feliseo. Saka ibinigay na ni papa ang mga mana nila. Kaya wala na silang karapatan sa makukuha mo."
Napatango tango ng ulo si Zen at sumang ayon na lamang sa tinuran ng ina. Hahaba pa ang usapan nila tungkol sa mana.
"Pero hindi ko pa rin gusto 'yong anak ni Manang Sabel. Ang lagkit kung makatingin. Parang hinuhubaran na ako kung makatitig, 'ma. Puwede bang paalisin mo siya sa mansyon? Jasku! Virginess pa po aketch! Baka lapastangan lang ako ng baklitang 'yon! Ayoko! Ayoko!"
Mahinang binatukan ni Senia si Zen. "Puro ka biro. Mabait na bata 'yan si Iris. Aba'y kung si Iris na lang kaya ang maging asawa mo? Ano sa tingin mo?"
"Pag-iisipan ko, mother. Babae 'yon, allergic talaga ako sa mga babae, mama!"
"Kahit anong gawin mo. Hindi mo na mababago ang nakasulat sa last will and testament ni papa. Ngayon palang maghanap ka na ng for hire na bride. Para maayos ang set up ninyong dal'wa," suhestiyon ni Senia.
"Saan naman po ako hahanap ng babaeng papakasalan ko? Wala akong kilala rito sa Pilipinas at puro nasa America ang mga kaibigan ko."
"Aba, e, malay ko. Ikaw ang may problema d'yan. Kaya gawan mo ng solusyon. Mapupunta lang sa abo ang pera ni mama at papa para sa 'yo," sagot ni Senia.
"Hindi naman po ako mukhang pera. Binibigyan ako ni daddy at may regular na trabaho po ako sa US. Pero sa isang handa, pera nina lola at lolo 'yon. Ayoko rin na mawala ang pinaghirapan nila."
"Magpapaka-lalaki ka na, anak?"
Seryosong tiningnan ni Zen ang Mama niya. "Omege! Cannot be, mother. Babae po ako."
Napaawang ang bibig ni Senia sa sagot ng anak niya. Kailan ba magiging lalaki si Zen? Kahit tanggap niya kung ano ito. Nangangarap pa rin siyang balang araw ay maikakasal si Zen sa babae at magkakaroon ng anak. Hanggang pangarap na lamang.
LUMABAS ng mansyon si Sixto para manigarilyo sa labas. Pinag-iisipan niya ang gagawin. Kailangan sa lalong madaling panahon. Makahanap siya ng babaeng puwede niyang pakiusapan na pumayag magkasal.
Fake marriage ang naiisip nilang mag ina na sagot sa problema nila. Pero ang mas nakakagulat ay ang apo sa tuhod na hinihingi ng abuela niya sa kanya.
"Good evening po, sir. Baka gusto ninyong dalhan ko kayo ng kape dito?"
Sa lalim ng iniisip niya ay hindi niya napansin ang paglapit ni Iris sa kanya.
"No, thanks," matigas na sagot niya.
"Samahan ko na po kayo dito sa labas. May maganda pong pasyalan dito sa Paterno. Baka gusto po ninyong puntahan?"
Umikot ang mata ni Sixto sa pagkairita sa makulit na si Iris. Gusto nga niyang makapag-isip-isip. Ginugulo naman siya ng anak ng kanilang mayordoma.
"Ah, hindi na. Okay na ako dito. Magyoyosi lang ako. Papasok na din ako sa loob. 'Pag naubos ang last stick ko ng sigarilyo," pilit niyang itinatago ang pagkainis sa babae.
"Sorry po. Pasensiya na po kayo sa abala."
Pekeng ngumiti si Zen.
"Umalis ka na. Nakakaimbyerna ka! Hindi kita papatulan!" sigaw niya sa isip.
"Puwede po ba akong makipagkuwentuhan sa inyo? Gusto ko lang pong malaman, kung anong itsura ng America. Alam ko pong mahirap lang kami. At napakalabong makarating ako roon. Pero kung ilalarawan nito sa 'kin, parang nakapunta na rin po ako sa America." Desidido siyang hindi tantanan ng dalaga.
"Ilang taon ka na, Iris?"
"Nineteen po,"
"Bata ka pa pala. Malayo pa ang mararating mo. Baka nga makapunta ka sa America. Kung magsisipag ka. Basta desidido ka at may pangarap. Walang imposible," diretso lang ang tingin niyang turan kay Iris.
"Wow! Ang galing niyo po. Guwapo na kayo, matalino pa. Nasa inyo na po ang lahat nang katangian ng gusto ko sa isang lalaki."
Napalingon bigla si Zen kay Iris.