"Ah... Eh... Kasi ano," nanginginig kong saad.
Hindi ko alam kung anong idadahilan ko, kung anong sasabihin ko sa kanila. Lumingon ako kay Kharim Celia pero maging siya ay bakas sa mukha ang takot at pag-aalala.
"Magkasama kami ni Zariya kanina."
Napalingon ako sa taong nagsalita. Kapapasok niya lang at diretsong naglakad papunta sa hapag-kainan na hindi man lang ako tinapunan ng tingin. Hindi niya alintana na siya na lamang ang wala sa hapag-kainan at siya na lang ang tanging hinihintay.
"Kumuha siya ng mga halamang gamot," dagdag pa ni Prinsipe Cozen. Naupo siya sa upuan na para sa kaniya.
Paano niya nasabing kumuha ako ng mga halamang gamot? Sabagay, mga halamang gamot naman talaga ang dala ko kaya sakyan ko na lamang ang sinasabi niya kaysa mabuking pa ako.
"Opo, tama si Prinsipe Cozen. Nahirapan ako sa paghahanap ng mga halamang gamot sa kagubatan kaya napaumaga ako. Pasens'ya na po kung nahuli ako at hindi ako nakatulong sa paghahanda ng almusal ng limang Prinsipe," paghingi ko ng tawad.
"Mas maigi kung magtatawag ka ng isang taga-silbi na sasamahan ka sa pagkuha ng mga halamang gamot kung sa gayon, 'di ka matagalan at masigurado rin ang iyong kaligtasan," suhest'yon ni Haring Valor. “Lalo pa’t ikaw ay bago pa lamang sa Kaharian. Dapat ay nag-iingat ka.”
Napakabuti talaga ni Haring Valor. Kapakanan ng kaniyang mamamayan pa rin ang iniisip niya. Tunay ngang taglay niya ang ugali ng isang tunay na Hari, ang mabuting namumuno sa isang Kaharian.
"Masusunod po, Mahal na Hari. Salamat po sa inyong pag-aalala."
Yumuko muna ako sa harap nila bago naglakad at pumila sa mga taga-silbing naroon sa gilid. Nakahinga ako nang malalim dahil sa pangalawang beses, nalusutan ko ang muntikan kong pagkabuking.
"Anong nangyari sa mukha mo, Cozen?" puna ni Haring Valor sa kaniyang ikalawang Anak. Hindi kasi maitatago ni Prinsipe Cozen ang natamo nitong mga sugat sa pakikipag-away kanina. Sariwa pa ang dugo na nakabahid sa kaniyang pumutok na labi.
"Marahil ay nakipag-away na naman sa labas, Ama." sabat ni Prinsipe Ravi sa usapan nila ng kaniyang Ama at kapatid. Tila sanay na ang Prinsipe na sa tuwing may sugat na natatamo ang kaniyang kapatid, iisang rason lamang ang p’wedeng isipin kung paano niya natamo ang mga sugat na iyon. Ito ay ang pakikipag-away.
"Wala kang alam kaya manahimik ka," usal naman ni Prinsipe Cozen.
Halata ang matinding tens'yon sa pagitan nilang dalawa. Mas lalo pa itong nadagdagan nang tapunan ni Prinsipe Cozen ang nakatatandang niyang kapatid ng nanlilisik na tingin.
"Magsitigil! Nasa harap tayo ng hapag-kainan," awat ng kanilang Ama. "Magsikain na tayo at itabi ang hindi pagkakaintindihan," dagdag pa nito upang mawala ang tens'yon sa pagitan ng kaniyang dalawang Anak.
Tahimik silang kumain hanggang sa matapos. Bumalik na si Haring Valor sa kaniyang silid samantalang ang limang Prinsipe, nagsilabasan na rin. Hindi ko alam kung sila ba ay mag-eensayo o may pupuntahan.
Nang kami na lang ang natira, lumapit agad sa 'kin si Kharim Celia. Palihim itong bumulong, "Kinabahan ako kanina, Prisesa Amity. Sabi ko naman kasing 'wag ka mag-umaga."
"Sorry po... este pasens'ya na po."
Tanging pagtango lang ang sinagot nito at sinenyasan na niya akong tumulong na sa pagliligpit. Sinabihan din niya ako na mag-dobleng ingat na lamang sa susunod at huwag hahayaang mangyari ulit ang nangyari ngayon.
Matapos kong ilagay ang mga pinagkainan ng limang Prinsipe sa lagayan ng mga huhugasin, nagdiretso na ako papunta sa silid ng mga taga-silbi. Doon ko ilalagay itong mga halamang gamot na binigay ng aking Inang Reyna. Plano kong itago ito agad upang hindi na malaman ni Kharim Celia na binaunan ako ni Ina na gagamitin sa limang Prinsipe.
Mabilis kong narating ang aming silid. Iniligay ko ang halamang gamot na gagamitin para sa paggawa ng gayuma sa ilalim ng kama. Sinadya ko na roon itago upang hindi makita ni Kharim Celia nang sa gayo'n, hindi matuloy ang plinaplano ng aking Ina na paibigin ang mga Prinsipe na gagamitan ng mahika.
Agad din akong lumabas mula sa kwarto. Sinigurado kong naka-lock ito bago tuluyang maglakad pabalik sa palasyo. Baka may iutos sa 'kin ang mga Prinsipe lalo na si Prinsipe Ravi, kailangang isang tawag lang nila sa akin ay naroon na ako.
"Zariya," tawag sa 'kin ni Prinsipe Dern nang makasalubong ko ito sa daan.
Kasama niya si Ysabelle.
Ngiting-ngiti ito samantalang ako naman ay walang emosyon ang mukha.
"Tama na 'yang panghaharot mo kay Zariya. May dapat pa tayong gawin," reklamo ni Ysabelle sabay pingot sa tainga ni Prinsipe Dern.
Walang nagawa si Prinsipe Dern kung ‘di sumunod sa utos ng kaibigan.
Napatawa ako nang mahina, they really look so cute together.
"Mauna na kami, Zariya,"pagpapaalam ni Ysabelle.
Ngumiti ako kay Ysabelle bago niya hilahin si prinsipe Dern.
"Magkita tayo mamaya," habol ni Prinsipe Dern sa 'kin.
I just shrugged my shoulder and started walking again when someone grab my right hand from somewhere. What the?!
"Anong ginagawa mo?" tanong ko sa kaniya habang hatak-hatak niya ako papunta sa hardin.
"May gusto lang akong malaman," malamig na sagot nito.
Pinilit kong bawiin ang kamay ko mula sa kaniya pero mas lalo lang niyang hinigpitan ang pagkakahawak.
Huminto kami sa isang punong naroon. Pinaharap niya ako sa kaniya at dahan-dahang binitawan ang kamay ko. Akala ko ay p'wede akong tumakas incase may gagawin siyang 'di maganda pero nagkamali ako. Sinandal niya ako sa puno at kinorner niya pa ako gamit ang dalawa niyang kamay. Nagbigay ito ng pagkailang sa 'kin lalo na no'ng tinitigan niya ako sa mata, napunta sa ilong hanggang sa bumaba ang kaniyang paningin sa labi ko.
"A-Anong ginagawa mo, Prinsipe Arsh?" kinakabahang tanong ko dahil ilang minuto na rin niyang tinititigan ang labi ko.
Ang masungit na Prinsipe ay nasa harap ko ngayon at nakakulong sa dalawang kamay niya.
Dahil sa posis'yon namin ngayon, natitigan ko ang kulay dagat niyang mata. Ang mga matang 'yon... tila dinuduyan ka sa alon ng dagat. Ang sarap titigan pero 'di 'yon sapat na dahilan para 'di ako magreklamo sa ginagawa niya ngayon sa akin.
"Prinsipe Arsh?" pang-uulit ko.
Hindi niya pa rin ako inimikan bagkus ay unti-unti niyang inilapit ang mukha nito sa 'kin. Mga 3 inches na lang ang pagitan ng mga mukha namin. Mas lalong nagpabilis ng t***k ng puso ko ang pagkagat niya sa mapulang labi nito.
Hahalikan niya ba ako?
Dahan-dahan... hanggang sa napapikit na lamang ako ng mata.
"Masama 'yan, kapatid."
Napamulat ako ng mata nang wala sa oras at ilang segundo na nagkatitigan bago kami sabay na tumingala ni Prinsipe Arsh upang alamin kung sino ang nagsalita. Nakita namin si Prinsipe Nesh na nasa taas ng puno habang nakadungaw sa amin. Anong ginagawa niya ro'n?
Nakangisi ito at tila kanina pa niya kami pinagmamasdan. Nakaramdam tuloy ako ng hiya.
"Manahimik ka, bub'wit!" singhal ni Prinsipe Arsh sa nakababata nitong kapatid.
Bumaling ulit ang paningin ni Prinsipe Arsh sa 'kin. Ramdam na ramdam ko ang pag-iinit ng magkabilaang pisngi ko.
"May gusto lang akong kumpirmahin," ani nito.
"A-Ano?" nauutal kong tanong.
"Kung ikaw ba---"
Hindi niya naituloy ang itatanong niya nang may biglang tumulak sa kaniya at humila sa aking kamay. Nature na ba talaga ng mga Prinsipeng ito na manghila na lang basta-basta? Akala ba nila ay hindi iyon masakit sa kamay, ha?
"Anong ginagawa mo kay Zariya?" maangas na tanong ni Prinsipe Cozen. Ipinunta niya ako sa tabi nito.
Walang emos'yon ang mukha ni prinsipe Arsh na tumingin kay Prinsipe Cozen. "May nais lamang ako itanong."
"Pero iba ang nakita ko," giit ni Prinsipe Cozen at pinunta niya na ako ngayon sa likuran nito. "Nais mo siyang halikan, hindi ba?"
Napa-smirked si Prinsipe Arsh. "Ano naman sa 'yo kung sabihin kong oo? Na gusto ko nga siyang halikan?"
Nakakalokong halakhak naman ang narinig namin mula kay Prinsipe Cozen. "Kung gayon, 'di ako papayag na gawin mo 'yon sa harap ko," mariing sambit nito. “Hahalikan mo ang isang Haya nang basta-basta? Nahihibang ka na ba, Arsh?”
Pagkatapos sambitin ni Prinsipe Cozen ang mga salitang 'yon ay nilingon niya ako. Hinigit niyang muli ang kamay ko at sabay naming iniwan si Prinsipe Arsh. Nagkatitigan pa kami ni Prinsipe Arsh bago kami tuluyang makalayo ni Prinsipe Cozen.
Bakit ba gano'n na lamang sila umasta?
Ilang saglit lang ay binitawan na nito ang kamay ko.
"Bakit ba kayo magkasama ni Arsh?"
Hindi ako nito nilingon at patuloy lang siyang naglalakad. Nakasunod naman ako sa kaniya.
Kin'wento ko sa kaniya na bigla na lamang akong hinila ni Prinsipe Arsh at isinandal sa puno. Nagtataka talaga kung bakit niya ginawa 'yon. Hahalikan niya ba talaga ako? Ano bang sinasabi niyang may gusto itong kumpirmahin?
"May ginawa ka ba sa kaniya?" Huminto ito at humarap sa 'kin. Napahinto na rin ako sa paglalakad.
Nag-isip ako kung may ginawa nga ba ako kay Prinsipe Arsh. "Sa pagkakatanda ko ay wala akong ginawa sa kaniya," saad ko.
Ni hindi ko pa nga siya nakakausap since dumating ako rito sa Norland. 'Yong gano'ng tipo ng lalaki na masungit at mukhang snobber pa, 'di ko ibig na pansinin o kahit kausapin man lang. Ayoko kayang ma-snob!
"Basta mag-iingat ka na lang sa susunod," bilin nito.
Tumango naman ako sa kaniya.
"Maiwan na kita dahil may aasikasuhin pa ako." Tinalikuran niya akong muli at nagsimula nang humakbang pero hinabol ko ito.
"Sandali Prinsipe Cozen," pagpipigil ko sa kaniya.
Huminto ito at nilingon ako. "Ano 'yon?"
"N-Nais kong gamutin 'yang mga natamo mong sugat sa mukha." Tinuro ko ang ilang pasa sa mukha niya. Mamula-mula pa ang sugat niya malapit sa labi nito.
"Hindi na kailangan, maliit na sugat lamang ito. Hindi ko 'to ikamamatay," giit niya.
"Kahit na!" Hinigit ko ang kamay niya at hinila siya papunta sa isang bench. "Hintayin mo ako rito, okay? Kukuha lang ako ng halamang-gamot sa loob. 'Wag na matigas ang ulo mo at hintayin na lamang ako rito," maawtoridad kong bilin sa kaniya.
A smile plastered on his lips. Nakampante naman akong 'di talaga siya aalis.
"Masusunod po, Kamahalan," pabiro niyang ani at yumuko pa siya sa harap ko.
"Sira," natatawa ko ring saad. Binitawan ko na ang kamay niya at umupo na rin siya sa bench bago ko siya talikuran.
Naglakad na ako papasok sa palasyo. Gusto ko talagang makabawi sa pagsalo niya kanina mula sa mga hampas ng lalaki na dapat ay para sa akin. Ako dapat ang matatamaan doon kung 'di niya ako niyakap. Isa pa ay ang pagsagip niya sa 'kin no'ng tinanong ako ni Prinsipe Ravi kung sa'n ako nagpunta. Kung 'di siya dumating, marahil ay napaamin na ako.
Dumiretso ako sa kusina at nagdikdik ng dahon ng bayabas. Naalala ko noon sa t'wing nadadapa ako, dinikdik na dahon ng bayabas ang pinang-gagamot ni Papa sa sugat ko. Ito lang ang halamang-gamot na alam ko sa mundong ito.
"Saan ang punta mo, Zariya?" tanong ni Ysabelle nang palabas na ako sa kusina. Nasa likuran nito si Prinsipe Dern.
"Gagamutin ko ang sugat ni Prinsipe Cozen."
Alam na niya ang tinutukoy ko dahil nakita naman niya ang mukha ng Prinsipe na puno ng pasa at sugat kaninang nag-agahan sila.
"Kung gano'n, saglit lang at may ibibigay ako.... Dalhin mo itong malambot na bimpo pamunas sa sugat niya," an'ya bago kumuha ng puting bimpo sa cabinet na naroon sa gilid ng pinto.
"Salamat, Ysabelle."
Ngumiti siya na agad ko namang sinuklian ng isa ring ngiti. Maglalakad na sana ako nang magsalita naman si Prinsipe Dern, "Ysabelle, suntukin mo nga ako."
Sabay kaming napalingon ni Ysabelle sa kaniya.
"Ha? B-Bakit?" naguguluhang tanong ni Ysabelle. Maging ako ay na-curious din.
"Gusto kong gamutin din ni Zariya ang sugat ko kaya dalian mo na." Ipin'westo ni Prinsipe Dern ang mukha nito sa harap ni Ysabelle. Tila naghihintay na sapukin siya nito.
Siraulo talaga!
"Hindi lang suntok ang aabutin mo sa 'kin. Sisipain at tatadyakan pa kita!" gigil na sambit ni Ysabel.
"Nagbibiro lang, e'." Napakamot na lang ng batok ang Prinsipe.
"Mauna na ako dahil hinihintay pa ako ni Prinsipe Cozen," pagpapa-alam ko. "Mauna na ako, Prinsipe Dern." Yumuko ako sa harap niya bago naglakad palabas ng kusina at tumungo kung sa'n ko iniwan si Prinsipe Cozen.
"Buti naman at 'di ka umalis," ani ko nang maabutan pa rin si Prinsipe Cozen na nakaupo. "Magiging nurse pa yata ako rito." Natatawa kong inilapag ang dala kong mangkok na pinaglagyan ng dinikdik na dahon ng bayabas.
"N-Nurse?"
Napangiwi ako. Gumamit na naman pala ako ng english word. Ano ba kasing tagalog ng nurse?
"Nurse... uhm... taga-gamot gano'n."
Napatango siya.
Hinawakan ko ang kanang pisngi nito. Kumuha ako ng dinikdik na bayabas at nilagay sa sugat nito. Napadaing siya dahil sa hapdi. Ano pa kaya kapag alcohol na ang nilagay ko r'yan? Pasalamat siya dahil walang alcohol sa mundo nila.
"Sa susunod, iwasan mo na lang ang makipag-away. P'wede mo naman isumbong na lang sa mga kawal kaysa naman makakuha ka pa ng sandamakmak na sugat."
Pinunasan ko ang namumula niyang sugat sa iba pang parte ng mukha nito.
"Mas gugustuhin ko lalo magkasugat kung ganito kaganda naman ang magiging n-nurse ko," saad niya dahilan para mapatigil ako sa ginagawa ko.
Nakatitig ito sa mga mata ko. Umiwas ako ng tingin at tinuon ang atens'yon sa pagkuha ng dahon ng bayabas.
Dahan-dahan kong dinampi ang dahon ng bayabas sa labi niya. Hindi ko sinasadyang mahawakan ang ibabang labi nito para mas maayos ang pagkakalagay. Ramdam ko ang lambot nito. Titig na titig ako rito pero agad ko ring binilisan dahil nakakapagbigay ito ng pagkailang sa aming dalawa.
"Ayan, tapos na. Maraming salamat ulit sa pagsagip sa 'kin kanina," wika ko habang inaayos ang ginamit kong bimpo at mangkok.
"Huwag kang magpasalamat. Responsibilidad kong tulungan ang sino mang mamamayan dito sa Norland lalo ka na," an'ya at saka tumayo. "Maraming salamat, Zariya."
Tumango ako sabay tayo. Pagkatapos kong yumuko ay ang pag-alis niya rin sa harap ko.
Tumungo na ako sa loob ng palasyo. Naghihintay ako sa iuutos ng limang Prinsipe pero mukhang busy silang lahat. Hindi na rin ako kinulit ni Prinsipe Dern, baka 'di pa tapos ang ginagawa nila ni Ysabelle. Hindi ko sila mahagilap sa loob ng palasyo kaya maghapon ay wala akong ginawa.
Kinagabihan, pinakita ko kay Kharim Celia ang halamang gamot at sinabi sa kaniya ang balak ni Inang Reyna no'ng magtanong ito tungkol sa pag-uulat ko. Hindi ako p'wede magsinungaling kay Kharim Celia dahil itatanong din lang sa kaniya ni Inang Reyna. Hindi p'wede masira ang plano ko upang makabalik sa modernong mundo.
"Linggo bukas, araw ng pagpapahinga ng mga ilang taga-silbi kasama na tayo kaya bukas na natin ito gagawin."
Napaawang ako ng labi dahil sa pagkamangha. May day-off din pala ang mga taga-silbi rito sa Norland. May 13th month pay din kaya? Charot.
Mabilis na nakatulog si Kharim Celia samantalang ako, mulat na mulat pa ang mga mata ko. Kahit anong posis'yon sa kama ang gawin ko, 'di pa rin ako makatulog.
Biglang sumagi sa isip ko ang nangyari kaninang madaling araw. Hinawakan ko muli ang labi ko. Alam kong nahalikan ko siya! Ramdam ko ang malambot niyang labi na dumampi sa 'kin.
Napatitig ako sa kisame. "Sino kaya siya?"
Ilang oras na ang lumipas pero 'di pa rin ako dinadalaw ng antok. Napagdesisyunan kong lumabas na lang para magpahangin. Dahan-dahan akong bumangon para 'di magising si Kharim Celia. Kinuha ko ang gaserang nakapatong sa lamesa na tabi ng kama ko. Tig-isa kami ng gasera ni Kharim Celia kaya may maiiwang ilaw pa rin rito sa loob ng kwarto. Naglakad ako patungo sa pinto. Pinihit ko ito at sumilip muna kung may kawal na nakabantay pero wala ni isa akong nakita. Akma na akong lalabas nang tuluyan nang may narinig akong ilang mahihinang hakbang papalapit. Sinara ko ng konti ang pinto at nag-iwan ng konting space na pagsisilipan para makita ko ang taong dadaan. Nasilayan ko na ang ilaw ng gamit niyang gasera indikasyon na malapit na itong dumaan sa harap ko.
Naghinala agad ako at the same time, gustong-gusto kong malaman kung sino ang taong 'to dahil may chance na siya rin ang taong naka-bangga ko kaninang madaling araw at 'di sinasadyang mahalikan.
Nakita ko mula sa sahig ang anino nito. Isang tao na may hawak na gasera. Hanggang sa dumaan na nga siya sa harap ng silid namin. Hindi ko ito madetermine kung isa bang siyang kawal o hindi dahil nakatalukbong sa kaniya ang suot niyang kulay itim na tela. Tiningnan ko ang pang-ibabang suot niya pero natatakpan din ng itim na tela. Tanging ang suot na sapatos niya lang ang aking nakita...
Itim na boots.
Nang makalayo na siya nang konti, saka ako lumabas. Palihim ko siyang sinundan. Nag-iingat sa bawat hakbang na aking gagawin para 'di ito makaramdam na may sumusunod sa kaniya. Papunta siya sa pinakadulong kwarto ng taga-silbi. Anong gagawin niya ro'n?
Nasa tapat na siya ng huling kwarto nang bigla itong lumiko pakaliwa. Hindi ko alam na may daanan pala ro'n? Sinilip ko siya at patuloy pa rin ito sa paglalakad. Hindi ko na siya sinundan dahil wala akong pagtataguan incase na lumingon siya dahil nga napakalinis ng hallway na 'yon, wala ni isang gamit. Sinilip ko pa rin siya hanggang sa magkaroon ng portal o lagusan sa kaniyang harapan. Napakaliwanag nito to the point na mapapapikit na lamang ako dahil 'di ko kayang titigan nang matagal. Ilang saglit lang ay nawala na ang napakaliwanag na ilaw. Minulat ko ang aking mga mata. Wala na ang taong sinusundan ko.
Saan siya nagpunta? Paanong nawala na lang siya biglaan, eh, wala namang pinto ro'n?
'Wag niyang sabihing pumasok siya sa portal at 'yon ang nagsilbing daanan niya papunta sa ibang lugar gaya ng mga napapanood ko sa mga fantasy movies sa modern world.
Naglakad ako pabalik sa kwarto namin ni Kharim Celia. Mas lalo akong hindi makakatulog nito. Pilit kong iniisip kung sino ba ang taong 'yon. Siya rin kaya ang taong nakahalikan ko?
Tumatak sa 'kin ang kulay itim niyang boots, kilala ko ang mga taong may gano'ng klase ng sapatos. Kagaya 'yon ng mga boots na suot ng limang Prinsipe.
Kinabahan ako aking hinala.
Ibig bang sabihin...
Isa siya sa limang Prinsipe?