"Zariya?" Napamulat ako ng mata nang may maramdamang tumatapik sa kanang balikat ko. Kinusot ko muna ito bago imulat upang tingnan at alamin kung sino ang taong nang-udlot ng mahimbing kong pagkakatulog.
"K-Kharim Celia? Alas-singko na po ba?"
Nakakailang hikab na ako dahil hindi pa rin nawawala ang antok ko. Hindi ako sanay na magising na ganitong kaaga. Madalas ay inaabot pa nga ako ng alas-onse kapag walang pasok sa modern world. Nakakatipid tuloy kami ng pagkain dahil minsanan na ang almusal at tanghalian ko. Pero sermon naman ni Mama ang aabutin ko sa tuwing nagigising.
"Hindi pa pero kailangan mo nang bumangon. Ngayon ang araw na mag-uulat ka sa iyong Inang Reyna," bulong niya sa 'kin.
Wala namang makakarinig na iba kaya ba't kailangan pa niyang ibulong? Kaming dalawa lamang ang narito sa loob ng silid.
"Prinsesa Amity, kailangan mong bumalik bago magising ang mga Prinsipe," dagdag pa nito.
Tumayo siya at pumunta sa cabinet na nasa gilid lang ng kama niya. Mukhang may hinahanap siya at ilang minuto lang ay inabot nito sa 'kin ang isang balabal.
"Para sa'n po ito?" tanong ko nang abutin ko ang ibinigay niya.
"Gamitin mo 'yan nang walang makakita sa 'yo. Mahalaga ang kulay itim na tela para pantakip sa 'yong katawan dahil madilim pa sa labas," paliwanag niya.
Nag-aalangan akong tumayo. Paano ako mag-uulat? Saan ako mag-uulat? Paano ko malalaman ang daan papunta sa aking Inang Reyna? Hindi naman p’wedeng magtanong ako kay Kharim Celia dahil paniguradong magtataka ito na hindi ko alam kung saang ang Kaharian na pinanggalingan ko.
"Humayo ka na, Prinsesa Amity. Hinihintay ka na ng iyong Inang Reyna sa inyong Kaharian ng Lacandia." Halos ipagtabuyan ako ni Kharim Celia palabas ng silid. Nauna na siyang humakbang habang nasa likuran niya naman ako. Pinihit niya ang doorknob at 'di pa siya agad lumabas. Sumilip muna siya at nang makasiguradong walang ibang kawal na nag-iikot sa oras na ito, agad niya akong hinila palabas.
"Mag-iingat ka, Mahal na Prinsesa. Tandaan mo, kailangan mong bumalik dito sa palasyo bago magising ang Hari at ang limang Prinsipe," paalala niya ulit.
May curfew pa ako? Lakas naman maka-Cinderella nito.
Matapos kong tumango ay agad niya akong pinagsarahan ng pinto. Grabe naman Kharim Celia! Ang harsh, ah!
Lumingon muna ako sa paligid bago dahan-dahang naglakad. Napakadilim ng buong hallway, tanging ang maliit na gasera na dala ko lamang ang nagsisilbing ilaw ko. Kailangan ko talagang mag-ingat kung gusto ko pang makabalik. Maraming mga kawal ang nag-iikot sa palasyo. Mabuti na lamang at konti lang ang nagagawi rito sa silid ng mga taga-silbi.
Malapit na akong makalabas sa malaking pinto nang may 'di ako sinasadyang nabunggo. Bigla kasi siyang pumasok at sakto namang palabas na ako. Hindi ko tuloy naramdaman na paparating siya at hindi ako nakaiwas agad.
"Ay!" napasigaw ako nang maramdaman ang matigas na bagay na tumama sa noo ko. Napasapo ako rito dahil sa sakit na inabot.
Napatakip agad ako ng bibig. Bakit ako nagsalita? Baka mabosesan ako nito. Hindi ako p'wedeng mahuli!
Dahil sa panic, nabitawan ko ang gasera na hawak-hawak ko. At dahil din sa madilim, hindi ko na-balance ang aking sarili dahilan para madapa ako at naitulak ang taong nabangga ko. Imbes na malamig na semento ang maramdaman ko, matigas na dibdib ang nakapa ko. Pero hindi lang ang dibdib nito ang parte ng katawan niyang lumapat sa 'king balat. Nanlaki ang mata ko nang may malambot na bagay ang dumampi sa labi ko. Inilayo ko ng ilang inches ang aking mukha at kinapa agad kung ano ang dumampi sa labi ko, ramdam ko ang mata at ang kaniyang ilong pati na rin ang malambot niyang labi.
Ang lakas ng t***k ng puso ko nang mapagtanto kung ano ang dumampi sa labi ko.
Ang malambot niyang labi…
Nahalikan ko siya!
"Sino ka?" makisig boses ito ng isang lalaki.
Hindi ako p'wedeng magsalita dahil baka mabosesan ako nito. Agad kong hinanap ang gasera at nang makita kong nasa gilid lang niya ay agad akong tumayo at kinuha ito. Magpasalamat na lang ako dahil wala siyang dalang gasera kaya hindi niya makikita ang mukha ko at makikilala.
"Sandali, sino ka?"
Hindi pa rin ako sumagot bagkus dali-dali akong naglakad para 'di niya maabutan. Kailangan kong umalis agad upang hindi niya ako mahuli at makilala. Nagsisimula pa lang ang misyon ko pero sumasablay na ako.
Agad akong pumuslit sa hardin. Tinuro sa 'kin ni Kharim Celia ang sekretong lagusan na ginawa ng aking Ina para maglabas-pasok sa t'wing mag-uulat ako sa kaniya.
Ilang saglit lang ay iniluwa ako ng lagusan palabas sa palasyo. Tumayo muna ako at hinarap ang malaking pader. Nasa labas na nga ako ng malaking pader ng palasyo. Walang makakasubok na pumasok sa palasyo dahil sa nagtataasang pader at napakarami pang kawal ang nakabantay sa gate.
Pero ang malaking problema ko ngayon, 'di kaya ako nakilala ng taong nabunggo ko? Patay ako kung nagkataong makilala niya ako.
Maya-maya pa’y para akong tangang hinawakan ang labi ko gamit ang aking hintuturo.
"Nahalikan ko siya," wala sa kawalan kong sambit.
It was my first kiss. Napakamalas ko naman dahil dito pa ako nagkafirst kiss at ang malala, 'di ko pa kilala kung sino ito.
"Ano ba, Zariya!" Hinawakan ko ang pisngi ko at tinapik-tapik ito. "Huwag mo na isipin 'yon. Ang kailangan mong gawin, alamin mo kung saan ba ang Kaharian ng Lacandia." Tila baliw na kinakausap ko ang aking sarili.
Hindi ko alam kung paano ako makakarating sa Kaharian ng Lacandia ngunit may kakilala ako na makakatulong sa akin. Siya muna ang pupuntahan ko ngayon.
Nagsimula na akong humakbang patungo sa puno kung saan ko siya unang nakita. Oo, pupuntahan ko ang nilalang na dahilan kung bakit naririto ako ngayon. Ang kakaibang uri ng ibon na 'yon. Ilang hakbang lang naman ang layo nito mula sa palasyo.
"Nasaan na ba siya?" Inikot ko ang puno habang bitbit ang gasera para tingnan ang mga sanga kung naro'n ba siya.
"Ako ba ang iyong hinahanap?"
Ramdam ko ang paglipad niya at paglapag nito sa lupa.
"Gusto ko po sanang malaman ang direksiyon papunta sa Kaharian ng Lacandia," ani ko.
"Mukhang mag-uulat ka sa iyong Ina."
Napatango lamang ako at hinihintay na sabihin niya ang daan papunta sa aming Kaharian.
"Sa kagubatan ang iyong daan. Sa t'wing nag-uulat si Prinsesa Amity sa kaniyang Inang Reyna, may nakaabang na malaking ibon sa gubat upang magsundo sa kaniya. Sa kabilang bundok pa ang inyong Kaharian kaya't kailangan mong sumakay sa malaking ibon na 'yon para makarating sa Lacandia."
Bigla akong kinabahan. Buhay pa kaya akong makarating doon? May fear of heights pa naman ako tapos no choice pa ako kung 'di sumakay sa malaking ibon na sinasabi ni Tata Lucio.
"Kailangan mo na umalis, Zariya. Tumatakbo ang oras," wika niya. Gaya ni Kharim Celia, halos ipagtabuyan din niya ako.
Nagtungo na ako sa sinasabi nitong kagubatan na nasa likod ng palasyo. Tama nga ang kaniyang sinabi. Nakaabang na roon ang isang malaking ibon.
Isang ibon ba talaga ito o halimaw?
Mas lumapit ako rito at nang tuluyang malapitan, napaatras ako dahil sa takot. Isang malaking dinosaur na may pakpak ang nasa harap ko ngayon.
"Seryoso ba talaga? Sasakay ako sa hayop na 'to?"
Tila naintindihan niya ang sinabi ko. Ginalaw nito ang kaniyang ulo at binaba ang kaniyang leeg na nagpapahiwatig na kailangan ko nang sumakay.
Nilabanan ko ang takot ko. Wala akong choice kaya napabuntong-hininga muna ako bago sumakay sa leeg nito.
"Sandali," pagpigil ko nang akma na siyang lilipad. "Please, be good to me, ha? Huwag mo akong ilalaglag at saka sana bagalan mo ang paglipad," pakiusap ko.
Dito sa mundong ito talaga ako makakaranas ng mga bagay na hindi ko nais na maranasan sa tanang buhay ko.
Ginalaw na nito ang kaniyang magkabilaang pakpak indikasyon na handa na siyang lumipad. Mahigpit ang pagkakahawak ko sa bandang batok nito. Takot, kaba at panginginig ang nararamdaman ko kaya naman mas pinili kong pumikit na lamang habang nasa himapapawid kami. Taimtim na lamang akong napadasal.
Mga 20 minutes din ang tinagal ng paglipad namin, malayo-layo rin pala. Ramdam ko ang dahan-dahan niyang paglapag kaya napamulat na rin ako. Madilim ang paligid ngunit sapat lang ang naglalakihang lagayan ng apoy na nakahilera sa gilid ng napakalaking pader gaya sa Kaharian ng Norland upang makita ko ang malawak na espasyo na pinaglapagan namin. Kaharap nito ang isang napakalaking palasyo na gawa sa bato na may itim na pintura.
"Maligayang pagbabalik, aming Prinsesa Amity.” Nakahilera ang limang babae sa tabi ng dinosaur na may papak na pinagsakyan ko. May isa sa kanila ang umalalay sa 'kin pababa. Gaya rin ng mga taga-silbi sa Norland ang suot nila. Marahil ay isa rin sila sa mga taga-silbi sa Kaharian ng Lacandia.
"Nasaan ang aking Inang Reyna?" direktang tanong ko.
Umakto akong tunay na Prinsesa dahil baka makahalata silang hindi talaga ako si Prinsesa Amity.
"Nasa kaniyang silid ang Mahal na Reyna, Prinsesa. Kanina ka pa niya hinihintay."
Iginaya niya akong maglakad. Hala, bakit ako ang unang maglalakad? Ako ang pinauna nilang maglakad. Eh 'di ko naman alam ang pasikot-sikot dito.
Nag-aalinlangan akong humakbang. Bahala na! Nakasunod silang lima sa 'kin. Tinungo ko na lamang ang malaking pinto at nang makapasok na ako, 'di ko alam kung saan ako didiretso. May dalawang hagdan kasi ang nandoon, isa sa kaliwa at isa sa kanan.
Saan ba rito ang hagdan papunta sa silid ng Mahal na Reyna?
Pinakiramdaman ko na lang ang instinct ko, naglakad ako sa kaliwang hagdan.
"Prinsesa Amity, saan ka pupunta?"
Lumingon ako sa kanila habang tinuro ang ikalawang palapag sa kaliwang hagdan. "Sa silid ng aking Ina."
"Pero sa gawing ito ang silid ng iyong Ina, Prinsesa." Sa kanang hagdan ang tinutukoy niya.
Napasapo na lang ako sa noo. "Ay, naiba na?" ika ko na kunyari 'di apektado sa pagkakamali na nagawa ko.
Ano ba, Zariya? Nakakahiya!
Nilagpasan ko sila at inakyat ang hagdan. Nakasunod pa rin sila sa 'kin. Pagkataas ko ay bumungad sa 'kin ang nakasarang kwarto. 'Yon na yata ang sinasabing silid ng aking Inang Reyna.
"Hanggang dito na lang kami, Mahal na Prinsesa. Hintayin ka na lamang namin dito sa labas ng silid ng iyong Ina."
Tumango ako sa kanila saka agad humarap sa pinto. Bumuntong hininga muna ako bago buksan ito. Sumilip ako sa loob at nakita ko ang likod ng isang babaeng nakaupo sa terrace ng kaniyang kwarto. Pumasok na ako nang tuluyan at sinara ang pinto.
"I-Ina," nauutal kong tawag sa kaniya.
Tumayo siya at hinarap ako. Nilahad niya ang kaniyang kamay na parang hinihintay akong yakapin siya. Naglakad na tuloy ako papunta sa kaniya at niyakap ito. Hindi ako komportable dahil ngayon ko lang naman siya nakita pero kailangan kong umakto na ako ang tunay niyang Anak.
"Kumusta ka na, Anak?" tanong nito matapos kumalas sa pagkakayakap.
Tiningnan ko saglit ang kaniyang buong mukha. Napakaputi at napakaganda! Hindi mo aakalain na may Anak na siya dahil ang bata niya pa ring tingnan dahil sa sexy nitong katawan. Nangingibabaw rin ang kumikinang niyang korona. Napamangha ako dahil sa nakitang mga d'yamanteng naroon.
"Anak?"
Bumalik ang aking ulirat. Napaiwas ako ng tingin sa kaniya dahil sa pagkailang. "Ayos lang naman, I-Ina."
"Ano naman ang balita sa palasyo?” Marahan itong bumaling sa lamesa na tabi ng inupuan niya at kinuha roon ang tsaa niya upang inumin.
Feeling ko, isa akong investigator na hinired at kailangan kong i-report ang bawat galaw ng mga taong pina-iimbestigahan sa 'kin.
"A-Ayos lang naman po. Si Prinsipe Ravi ay nagustuhan ang niluto ko. Tapos alam mo ba Ina, si Dern, napaka-m******s! Isa pa 'yong Nesh na 'yon na lagi akong ginugulat. Si Cozen at Arsh naman, 'di pa kami gano'n ka-close---" napahinto ako dahil sa huling salitang binanggit ko.
Kumunot ang noo nito. Lagot ka, Zariya! Bakit ba kasi 'di ko maiwasang gumamit ng english word?
"Ano ba ang mga sinasabi mo? Ang gusto kong malaman ay kung anong nangyayari sa palasyo." Halata sa boses nito ang pagkainis. "Kung may mga nadagdag ba na kawal? May naulinigan ka bang bagong proyekto ni Haring Valor? May mga bago ba silang armas? Mga impormasyon na makakatulong sa ating plano."
Napangiwi ako dahil sa kahihiyan.
Naalala ko bigla ang mahalagang bilin ni Tata Lucio. Hindi ko maaaring iulat sa aking Inang Reyna ang mga impormasyon na makakatulong sa pagpapabagsak sa Kaharian ng Norland.
"Wala pa naman po, Ina."
Iyon naman ang totoo, wala pa talaga. At saka kung mayroon man, 'di ko p'wedeng ibalita sa kaniya para 'di ito magwagi sa planong pagbabagsak sa Kaharian ng Norland. Pasensiya na pero mas gusto kong makabalik sa mundo ko.
"Sigurado ka ba? O baka kung anu-ano na lamang ang iyong pinagkakaabalahan doon?" Tinaasan ako nito ng kilay. "Amity, tandaan mo, kailangan nating isakatuparan ang ating plano upang maipaghiganti ang iyong Ama. Naiintindihan mo ba?"
Nakakatakot ang ngiting gumuhit sa kaniyang labi. Para akong yelo na tumigas nang hawakan nito ang pisngi ko. Ramdam ko ang matutulis niyang kuko. Ewan ko pero nakaramdam ako ng takot sa babaeng kaharap ko ngayon.
"Kung wala ka pa ring makalap na impormasyon, gawin mo na ang pangalawa nating plano, ang paibigin ang limang Prinsipe. Idaan mo sa iyong ganda at pagbibigay ligaya kung sa gano'n, sila mismo ang maghahabol sa 'yo."
Namilog ang aking mga mata. Pagbibigay ligaya? Ha? Hindi naman ako clown!
"Para mapadali..." Huminto ito at humakbang papunta sa cabinet na tabi ng kama. Kinuha niya ang isang bagay na nakabalot sa tela. "Ito ay ang mga halamang gamot na magiging sangkap sa iyong gagawin. Magpaturo ka kay Celia kung paano timplahin ang gamot na ipapainom mo sa mga Prinsipe. Gamot na may halong mahika kung sa'n mapapaibig sa 'yo ang limang Anak ni Valor."
Jusko, gayuma?
"Dalhin mo ito." Inabot ko naman ang sinasabi niyang sangkap sa gagawing gayuma. "Umalis ka na dahil malapit na mag-umaga."
Hindi na niya ako hinintay na magsalita pa dahil agad niya na akong tinalikuran.
Nagtungo ulit siya sa terrace. Ako naman ay naglakad na palabas. Nadatnan ko ang limang taga-silbi na naghihintay sa 'kin. Hinatid nila ako palabas ng palasyo. Sumakay akong muli sa malaking dinosaur na may pakpak.
"Mag-iingat ka, Prinsesa Amity," wika ng isa at sabay-sabay silang yumuko lahat.
"Gano'n din sa inyo. Mag-ingat kayo palagi." Ngumiti ako.
Iniwan ko silang bakas sa kanilang mukha ang pagtataka. May nasabi ba akong masama? I think, wala naman.
Muli, pinikit ko ang mata ko habang nasa ere kami hanggang sa lumapag na kami ulit sa kagubatan. Hindi na gano'n kadilim ang paligid dahil malapit na magpakita si haring araw.
Pinagpag ko ang suot ko matapos akong tumalon mula sa sinakyan ko.
"Thank you talaga dahil buhay pa ako." Nakahinga ako nang maluwag. "Paano ba 'yan? Kailangan ko na umalis. Maraming salamat ulit, kaibigan!" Tinap ko ang pisngi nito. Mukhang nagustuhan niya dahil mas nilapit nito ang mukha niya sa kamay ko, tila nagpapa-amo. Napangiti ako, mabait naman pala ang hayop na ito.
Hinintay ko muna siyang makalipad bago naglakad pabalik sa palasyo. Kailangan ko na bumalik bago magising ang Hari at ang mga Prinsipe.
Nakakailang hakbang pa lang ako nang makarinig ako ng ingay, mula pa rin ito sa kagubatan. Dahil sa curiosity, hinanap ko kung sa'n nanggagaling ang ingay.
"Oh, ano? Ang lakas mo manghamon, eh, wala ka naman palang binatbat!"
Kasalukuyang nakahandusay sa lupa ang isang lalaki habang ang isa naman ay apak-apak ng paa nito ang braso ng lalaking nakahiga na dahilan ng pagdaing niya sa sobrang sakit.
Dahil sa buhok niya ay nakilala ko ito. "Prinsipe C-Cozen!"
Tumakbo ako papunta sa kinaroroonan nila para pigilan sa ginagawa niya. Lumingon siya agad pagkatawag ko sa pangalan niya.
"Anong ginagawa mo rito? 'Wag ka mangialam!" galit niyang sigaw sa 'kin.
Siya ang dapat kong tanungin kung anong ginagawa niya? Umagang-umaga ay nakikipag-basag-ulo na siya!
"Pero---"
Naputol ang sasabihin ko nang manlaki ang mga mata niyang nakatingin sa likuran ko. Agad siyang tumakbo papunta sa 'kin at nabigla ako sa ginawa niya. Niyakap niya ako at kitang-kita ko ang pagsalo ni Prinsipe Cozen sa dospordos na pinanghampas ng isang lalaki na dapat ay para sa 'kin.
Nakatatlong hampas ang lalaki sa likod ng Prinsipe pero hindi nito ininda bagkus ay nagawa niya pang bumulong sa 'kin. "Pagbilang ko ng tatlo ay bibitawan kita at ang tanging gagawin mo lang ay yumuko. Naintindihan mo ba?"
Napatango na lamang ako sa sobrang takot.
"Isa, dalawa, tatlo... yuko!"
Kasabay nang aking pagyuko ang siya namang pagharap ni Prinsipe Cozen sa lalaking nanghampas ng dospordos sa kaniya. Agad na nahawakan ni Prinsipe Cozen ang kamay ng lalaki at pinaikot ito hanggang sa mamilipit sa sakit at mabitawan ang hawak na pamalo.
"Walang hiya ka! Pati ang inosenteng babae ay nagagawa mong saktan!" Umigting ang panga ni Prinsipe Cozen dahil sa panggagalaiti sa lalaki.
"A-Aray! T-Tama na. Pasensiya na, Prinsipe Cozen."
Naaawa ako sa lalaki pero dapat lang sa kaniya 'yon! Kung 'di sinalo ni Prinsipe Cozen ang hampas ay ako ang natamaan. Pero ang ipinagtataka ko ay bakit niya ako iniligtas? Ako naman itong matigas ang ulo na sinabihan na ngang 'wag na mangialam ay nangialam pa.
"Anong nangyayari rito?" tanong ng mga kawal na nagsidatingan.
"Itong mga hayop na 'to, nahuli kong ninakawan ang isang tindahan ng mga prutas. Sinundan ko para kunin ang mga prutas na kanilang ninakaw ngunit masiyado silang nagmatigas. Ngayon, damputin niyo ang dalawang hayop na 'to at ikulong sa selda!" mariing utos ni Cozen sa mga kawal.
"Masusunod, Prinsipe Cozen."
Dinampot na nga nila ang dalawang lalaking hanggang ngayon ay namimilipit sa sakit.
"Ayos ka lang ba?" tanong sa 'kin ni Prinsipe Cozen sabay lahad ng palad nito dahil until now, nakaupo pa rin ako.
Inabot ko 'yon at inalalayan niya akong tumayo. Pinagpag ko saglit ang suot ko at dinampot ang nahulog na halamang gamot ni binigay ng aking Inang Reyna.
Bigla akong kinabahan nang makita ang paligid na maliwanag na at lalo pa akong hindi mapakali nang marealized na nasa harap ko ngayon si Prinsipe Cozen. Ibig sabihin, gising na ang Hari at maging ang mga Prinsipe.
Patay ako nito kay Kharim Celia!
Kailangan ko na makabalik sa palasyo. Dali-dali akong tumakbo at iniwan na lang basta si Prinsipe Cozen. Hindi na ako nakapagpasalamat sa kaniya dahil mas kailangan ko na talagang umalis. Kailangan ko pa humingi ng tulong kay Kharim Celia sa magiging palusot ko kung sakaling tanungin ako ng iba pang mga Prinsipe kung sa'n ako nagpunta.
Dahil kilala akong taga-silbi ng limang Prinsipe, nakapasok agad ako sa malaking gate na bantay sarado ng mga kawal. Tinakbo ko ito papunta sa loob ng palasyo. May chance na 'di pa sila kumakain dahil nasa labas pa lang si Prinsipe Cozen. Sana lang talaga ay 'di ako mabisto.
"Wala pa ba si Prinsipe Cozen?" Rinig ko ang boses ni Haring Valor nang malapit na ako sa hapag-kainan.
Patay! Nasa lamesa na silang lahat at si Prinsipe Cozen na lang ang kulang.
"Zariya," nagtatakang tawag ni Prinsipe Ravi nang mapansin ako. "Saan ka nagpunta? Bakit ngayon ka lang?"
Hindi ako agad nakasagot dahil sa sobrang pagkahingal. Isa pa, hindi ko alam ang idadahilan ko. Ang lakas ng t***k ng puso ko dahil lahat sila ay seryosong nakatingin sa 'kin na halatang hinihintay ang sagot ko.
Katapusan ko na yata. Mukhang mabubuking na ako sa araw na 'to!