7

1438 Words
Aurora Nnag magmulat ang mga mata ko ay maliwanag na sa silid. Nakasuot na ako ng pantulog, at sa kalapit na upuan naman ay maayos na nakatupi ang aking damit pantrabaho. Bahagyang umikot ang paningin ko nang makatayo ako. Hindi ko maalala kung ano ang nangyari kagabi, o kung paano ako nakauwi. Ang tangi ko lang na natatandaan ay… Ang lalaki sa panaginip ko. Si… Ralph, na para bang pamilyar ang wangis sa akin. Saan ko nga ba siya nakita? Napasimangot na lang ako nang kahit na anong gawin ko ay hindi ko magawang maalala nang buo ang kanyang mukha. Para bang sa tuwing iniisip ko siya, may usok na tumatakip sa itsura niya. “Siraulo ka ba, Aurora? Panaginip nga, ‘di ba?” bulong ko sa sarili ko. Alam ko naman sa sarili ko na panaginip lang lahat ng iyon. Na hindi totoong nakipag— Kaagad kong nakapa ang sarili ko. Bagaman wala namang masakit sa akin ay pakiramdam ko pagod na pagod ako. Na para bang andami kong ginawa kagabi. Tumayo ako at naglakad patungo sa malapit na salamin. Sinipat ko ang aking sarili. Wala namang kakaibang marka sa katawan ko, kahit na parang nararamdaman ko pa ang halik ng lalaking ‘yon sa balat ko. Kaagad akong napailing at sinubukang alisin ‘yon sa isipan ko. Kung nakaya ko sa loob ng tatlumpung taon na walang nobyo, makakaya ko ‘yon nang mas matagal pa. Kaya naman hindi ko maintindihan kung bakit ngayon, para akong nangungulila sa isang lalaking sa panaginip ko lang naman nakikita? Wala sa huwisyo na naghanda na ako sa pagpasok sa hotel. ‘Ni hindi ko alam kung galit ba sa akin sina Sir Azul at Sir Raphael dahil ‘ni hindi ko man lang maalala kung nakapagpaalam man lang ba ako sa kanila na uuwi na. “Alam mo, Aurora, may side effect na ata na mawawala ka na sa kalendaryo, e! Hindi mo ba natatandaan? Nag-collapse ka kahapon kaya iniuwi ka na nina Sir Raphael! Sabi nga nila a ‘kin, nakita ka na lang nila na nakahandusay sa hallway ng VIP floor. Dinala ka sa clinic, pero sabi nakatulog ka lang daw sa pagod. Kaya ayun, iniuwi ka na nina Sir Raphael. Pagka-out ko pa nga, dumaan pa 'ko sa bahay n'yo para bihisan kita tapos nilinis ko bahay mo bago ako dumiretso sa bahay,” kuwento ni Sharlene sa akin nang magkita kami noong umaga na ‘yon sa hotel. “Huh…” wala sa sariling sabi ko habang hinihilot ko ang aking sentido. “Siguro nga kailangan kong magpahinga. Magpatingin kaya ako sa doktor sa Sabado? Baka mamaya kung ano na ‘to…” “Aba, dapat nga,” panghihimok niya sa ‘kin habang kinakain ang agahan niya. “Napapadalas nga na parang wala ka sa sarili, e. Sigurado ka bang okay ka lang?” Tumango ako, dahil sa totoo lang, hindi ko alam kung matatawag ko bang problema ang mga kakaiba kong panaginip gabi-gabi. Hindi naman ako napapahamak o binabangungot. Higit sa lahat… “Anyway, alam mo bang inggit na inggit ang mga mahadera nating katrabaho sa ‘yo? Ikaw lang naman ang bukod-tanging na-princess carry ng amo nating guwapo! Saan ka pa?” Napapalatak ako at binatukan si Sharlene. “Tumigil ka nga, baka mamaya lalo pa akong magka-issue—” Naitikom ko ang bibig ko nang may maglapag ng isang platito ng leche flan sa harapan ko. “Oh, Gideon! Akala ko next month pa balik mo?” bulalas ni Sharlene na dahilan para mapatingala ako sa may-ari ng brasong ‘yon. “Malakas naman na ko, Sha. Kaya ko na uli,” nakangiting sagot ni Gideon de Guia, ang pinsan ni Sharlene, na nakapagpalabas ng biloy niya sa pisngi. Hindi ko mapigilan ang lihim na mamangha—at magtaka—dahil na rin nag-iba talaga ang itsura niya. Sa pagkakatanda ko, ang Gideon na kilala ko ay may pagkapatpatin. Mahina rin ang katawan niya at natatakpan ang maamo niyang mga mata ng makapal na salamin. Pero ang Gideon na kaharap ko ngayon… Halatang lumaki ang pangangatawan niya. Kumisig. At inalis niya na ang salamin niyang makakapal. Kung susumahin ko nga, halos kasingtangkad niya na si Sir Raphael o si Sir Azul… “Huy, tumutulo na ‘yong laway mo d’yan!” untag sa ‘kin ng kaibigan ko na ikinagulat ko. Natawa na lang ako bago muling ibinaling ang tingin ko sa lalaki. “Hindi, nanibago lang ako… para kasing dati lang, e hindi naman gan’yan itsura mo, Gideon…” Mahina siyang tumawa at napakamot ng ulo. “Siguro maigi na rin na naaksidente ako. Nakuha ko atensyon mo, e…” Dahil sa hindi ko inaasahan ang sagot niya ay kaagad kong naramdaman ang pag-init ng tainga ko, habang si Sharlene naman ay halos kulang na lang at ibuga ang iniinom sa ‘kin. “Ayos ‘tong pinsan ko, ah! Ang aga-aga, dumidiga!” asar ni Sharlene sa kanya. “Hindi mo ba kailangang bumalik sa kitchen? Baka mamaya hinahanap ka na naman ni Head Chef!” Umiling si Gideon. “‘Di, alam naman ni Chef kung nasaan ako—” “Ahem!” Ang malakas na pag-ubo ni Sir Azul ang nakapagpatigil sa munting kaguluhan naming tatlo. Kaagad na napadiretso ng upo si Sharlene nang makita ang dalawang lalaki. Katulad ng dati ay hindi ko pa rin mabasa ang ekspresyon ni Sir Azul, pero si Sir Raphael? Halos kulang na lang ay saksakin niya ng kutsilyo si Gideon sa talim ng titig niya sa rito. “Ladies, I believe lunch break’s over,” malumanay na sabi ni Sir Azul bago tumingin sa orasan nito. Dumako naman ang tingin nito kay Gideon. “Bago ka ba? Ngayon lang kita nakita.” “Ah, Gideon de Guia, sir. Sous chef po,” inilahad ni Gideon ang kamay niya upang makipag-shake hands sa kanila, ngunit para lang siyang napahiya nang hindi ‘yon tinanggap ni Azul, at lalong-lalo na ni Sir Raphael. “The head chef’s looking for you earlier,” kaswal na sabi ni Sir Azul. “Kung tama ang natatandaan ko, kakabalik mo lang from medical leave. Naging mapagbigay na ang management na ‘to at hindi ka sinesante. If you want to keep your job, at least stop idling around.” Dahil do’n ay kaagad nang nagpaalam si Gideon at nagpunta sa kitchen. Habang paalis siya ay sinusundan ko siya ng tingin, dahil kahit na amo ko pa ang dalawa, pakiramdam ko ay hindi pa rin tama ang pagtrato nila sa kanya. Na para bang malalim ang galit nila rito, kahit na noon pa lang naman nila nakilala ang lalaki. “Miss dela Vega,” tawag ni Sir Raphael na ikinapitlag ko. “Matutunaw siya kung tititigan mo nang gan’yan.” Pakiramdam ko ay umakyat ang dugo ko sa mukha ko dahil sa pagkapahiya at inis. Rumepeke ako ng ngiti at nilingon ko siya. “Sorry, Sir Raphael, pero kaibigan ko ho si Gideon. Kagaya nga ng sabi n’yo, kakabalik niya lang sa sakit. I’m just looking out for him.” Mapakla itong tumawa. “He’s a grown-ass man. Hindi niya kailangan ng concern mo.” Nagpantig ang tainga ko. Sasagutin ko na sana siya ngunit kaagad akong nasikil ni Sharlene. “Pasensya na, Sir Raphael, manliligaw po kasi ni Aurora ‘yong pinsan ko at siguro na-miss niya lang po ‘tong kaibigan ko. Pagsasabihan ko po siya next time.” Lalong nagdilim ang mukha ni Sir Raphael ngunit hindi na ito kumibo pa. Tumalikod na lang ito at dumiretso sa reserved table ng mga ito, senyales na dapat na rin akong sumunod sa kanila. Kaagad na nagpaalam si Sharlene at tumalilis na rin. At ako naman, naiwan para humarap sa mala-buwitreng lalaking hindi ko malaman kung ano ang ipinagpuputok ng butsi. “I don’t want to see you hanging around that man, you hear me?” sabi niya nang makaupo ako. “Or any other man, for that matter. Ako at si Azul lang ang lalaking pwede mong kausapin sa hotel na ‘to.” “Tingin ko hindi ho pwede na pati personal relationships ko ay papakialamanan n’yo, Sir,” mahinahon kong sagot kahit na mariin ko nang naikukuyom ang kamao ko. "Sekretarya n'yo lang ako, at hanggang do'n lang ang work duties ko. Pwede n'yo lang akong utusan ng mga bagay na pasok sa job description ko, hindi kung sino ang pwede at 'di ko pwedeng kausapin." “Gano’n ba?” Ngumisi ito at tinapunan ako ng tingin. “Watch me.” Kupal! sa isip-isip ko. May araw ka rin sa ‘kin!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD