22

1127 Words
Aurora Nang magdilat ang mga mata ko, nasa bahay na ako ulit. Maayos ang silid ko, at sa may tokador ay nakapatong ay nakapatong ang mga malilinis kong damit na dinala sa bahay ni Sir Raphael. Mukhang labado na ang mga ‘yon. Naglakad ako patungo sa salamin at pinagmasdan ang sarili ko. Suot ko ang isa sa mga polo niyang puti, ngunit sa laki n’yon ay bahagyang nakikita ang mga marka ng labi at kagat niya sa leeg at dibdib ko. Sa loob ng ilang araw pang pamamalagi ko ro’n, wala kaming ibang ginawa kung ‘di ang paligayahin ang isa’t isa. Lahat yata ng mga nabasa ko sa libro, inaral at ginawa niya sa ‘kin. Sa totoo lang, parang halimaw si Sir Raphael. Hindi siya napapagod o nakakaramdam man lang ng ngalay. Miyerkules na no’n. Pero dahil alam ni Sir Raphael kung gaano ako napagod sa pinaggagagawa niya, hinayaan niya akong um-absent hanggang Biyernes, para raw makapagpahinga ako. Siya naman, may pinuntahang business meeting sa kabilang lungsod, at sa Biyernes pa ang balik niya. Nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga. Hindi ko alam kung tama pa ba ang mga ginagawa ko. Alam ko na mahirap mahulog sa katulad niya, na halos langit ang layo sa ‘kin. Parang diyos ang mga Aguilar. Paniguradong mas gusto ng pamilya niya na makatuluyan niya ang ka-lebel niya rin ng pamumuhay. Isa pa, paano kung pinaglalaruan niya lang ako? Paano kung… sa huli, mapatunayan ko na hindi talaga maganda ang pakay niya sa ‘kin? Napa-iling ako at lumabas ng silid. Alam kong medyo magulo ang bahay ko nang maiwan ko kaya naman naisipan ko na mag-general cleaning saglit. Nang makababa ako sa unang palapag ng bahay ay napansin ko ang maraming patak ng kung anong pulang likido… dugo? Sinipat ko ang mga patak na ‘yon. Para bang papunta ‘yon sa lumang basement ng bahay na hindi ko pa nabubuksan dahil hindi ko mahanap ang susi. Sa kabila ng takot ay humagilap ako ng matalim na kutsilyo at flashlight sa kabinet, dahil iilan lang ang posibleng dahilan ng mga patak na ‘yon. At ayokong isipin na hindi ako mag-isa sa bahay, lalong-lalo na at tiyak na walang makakasaklolo sa ‘kin kaagad. Nang makarating ako sa harapan ng pinto ng basement ay sinipat ko ang padlock no’n at napansin ko na sira na 'yon. Napalunok ako at hinigpitan ang kapit sa kutsilyong hawak ko bago ko itinulak papabukas ang pinto. Malakas ang nilikhang tunog n'yon. Dahan-dahan. Para bang binibigyan pa ako ng pagkakataon na bumalik at tumawag na lang ng pulis. Pero siguro ay dala na rin ng kuryosidad ay hindi ko na napigilan pa na bumaba sa hagdan patungo sa madilim na silid. Malamig ang hangin sa loob. Basa. Nang pasinagan ko ng ilaw ang paligid ay napansin ko na hindi sementado ang sahig ng basement, at siguro ay dahil na rin kulob ay kakaiba ang amoy n’on. Nawala na ang mga patak ng mapulang likido lalo na nang makababa ako sa lupa. Bang! Napalingon ako sa kanan ko nang marinig ko ang pagbagsak ng kung anong bagay. Lumigid ako sa mga nakatayong shelf at kabinet, at kaagad kong napansin ang tila mga rebulto at painting na natatakpan ng maalikabok na tela. Dahan-dahan akong lumapit sa mga ‘yon. Malakas ang kabog ng dibdib ko at halos mabingi na ako sa pintig no’n dahil una sa lahat, hindi ko alam kung ano ang nakatago sa ilalim ng mga tela. Simpleng rebulto lang ba ang mga ‘yon, o…. Dahan-dahan kong inalis ang takip ng isa. Napaubo pa ako nang malanghap ko ang alikabok, pero nang mahimasmasan ay sumunod namang nalaglag ang panga ko nang makita ang isa pang rebulto ng fallen angel na kagaya ng una kong nabili. Ang kaibahan lang no’n, may inaapakan itong parang…demonyo? Halimaw? Parang pinaghalong tao na may paa at kahalong wangis baboy-ramo. Parang katulad sa sikat na painting ni Archangel Michael, may hawak na sibat ang anghel at parang sisibatin ang halimaw na nasa paanan niya. Pinakatitigan ko nang maigi ang rebulto. Hinaplos ko ang bawat lilok n’yon. Nang mapatingin ako sa mga mata nito ay napansin ko na kuminang ‘yon nang matamaan ng sinag ng flashlight ko. At… Napaatras ako. Kilalang-kilala ko ang mukhang ‘yon, kahit na nakaukit pa ‘yon sa bato. Ilang gabi ko ‘yong natitigan. Nakabisa. Nahawakan. Nahagkan. “Sir Raphael?” tanong ko. Sa pag-atras ko ay may natabig akong isang kudradong bagay na natatakpan din ng tela. Nang bumagsak ‘yon ay naalis ang takip at napansin ko na malaking larawan pala ‘yon. Yumuko ako para itayo ‘yon pero kaagad akong natigilan nang makita ko kung sino ang nasa larawan. “Mama? At…” Hindi tulad ng madalas kong pagkakaalala sa mukha ng aking ina, nakangiti siya sa larawan na ‘yon. May buhat siyang dalawang sanggol na parehong babae. May katabi siyang lalaki na may katangkaran din. Napansin ko na walang kanal sa ilalim ng ilong ng lalaking ‘yon. Blonde ang buhok niya at kulay asul ang kanyang mga mata. Katulad ng aking ina, nakangiti rin siya habang karga ang isang sanggol na babaeng may korteng diamond na balat sa may bandang tagiliran. Nanginginig na inililis ko ang suot kong pantaas at ikinumpara ang balat ko sa balat ng baby sa larawan. Bahagya nang kumupas ang balat ko, kumpara sa nasa larawan. At… “Ako ‘yong baby…” mahinang sabi ko habang pilit kong nilulunok ang mga pangyayari. “Pero… sino ka?” Hindi siya ang ama na kinagisnan ko. Alam ko ‘yon. Dahil Pinoy na Pinoy ang itsura ni Papa. Sa katunayan nga, maraming nagtataka bakit siya ang nakapangasawa ng nanay ko, gano’ng maganda ito. Madali raw na makakapag-asawa ng mayaman o haciendero sa maliit naming baryo. Buong buhay ko, naniwala ako na siya ang ama ko at kamukha ko lang si Mama. Kaya naman bakit may larawan si Mama Ada ko kasama ang estrangherong ‘to? Siya ba ang totoo kong ama? At nasaan na ang isa pang sanggol na babaeng kasama nila sa litrato? Kakambal ko ba siya? Pumintig ang sentido ko, dahilan para halos mawalan ako ng panimbang. Naupo muna ako saglit sa isa sa mga upuan sa loob. Napalingon ako nang may kumaluskos sa isang madilim na sulok ng basement. Nang pasinagan ko ‘yon ng ilaw ay napansin ko ang isang munting baul na nakakandado. Wala na ‘yong takip, para bang tinatawag ako na buksan. Dahan-dahan akong lumapit do’n, pero bago ko pa man mapagdesisyunan kung bubuksan ko ang baul o hindi, napansin ko ang isang maliit na papel na nakakalat sa sahig. “Sigurado ka bang kilala mo talaga ang sarili mo, Aurora dela Vega?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD