Chapter 3

2067 Words
Carmela Pagdating niya sa bahay ay dinatnan niyang muli na nanonood ng telebisyon ang kanyang ina. Agad itong tumayo nang makita siya. "Carmela, saan galing ang cellphone mo?" tanong agad nito sa kanya. Hindi niya alam kung galit ito sa kanya dahil mahinahon naman ito na nagtanong sa kanya. "H-Hmm, Mama, regalo po sa akin ni Paolo." Hindi naman lingid sa kaalaman ng kanyang ina na nobyo niya si Paolo kaya sa palagay niya ay walang dahilan para itago niya ang katotohanan dito. "Regalo?! Aba! At napakamahal naman na regalo ang ibinigay sa iyo ng Paolo na iyon!" galit na wika ng kanyang ina. Napaurong siya dahil hindi niya inaasahan ang biglang galit nito sa mukha. Mabuti na lamang at palaging nasa talyer ang kanyang dalawang kapatid kung hindi ay makikita siya sa unang pagkakataon na pinapagalitan ng kanyang ina. "Ahmmm, Mama, pinag-ipunan naman daw po iyon ni Paolo. Mahal po kasi niya ako kaya binili niya ako ng cellphone," katwiran niya sa kanyang ina. Nangangatog na ang tuhod niya dahil sa kaba na nadarama. Hindi niya akalain na nakakatakot pala magalit ang kanyang ina. Ipinasya niyang maupo sa upuan na malapit sa pinto. "At ano ang kapalit?! Ang isuko mo sa kanya ang katawan mo?!" galit pa rin na sigaw sa kanya ng ina na ikinagulat niya.  "Paanong nalaman ito ng kanyang ina?" tanong niya sa sarili. Tanong na agad rin na nasagot. "Hindi ka makakapaglihim sa akin, Carmela! May dagta ng dugo ang palda mo! Saan galing iyon?! Sa susunod na linggo pa lamang ang buwanang dalaw mo! Kaya umamin ka sa akin!" utos sa kanya ng kanyang ina. Hindi siya makapagsalita dahil sa pagkamangha. Hindi na rin niya napigilan ang mabilis na agos ng luha niya sa mukha. Hiyang-hiya siya sa kanyang ina.  "Ano na, Carmela?! Sa nakikita ko sa'yo ay totoo nga ang hinala ko! Bakit mo nagawa ito, Carmela? Nangako ka sa akin… Napakabata mo pa," wika nito at tuluyan na rin na napaiyak at tila biglang nawalan ng lakas. Naupo ito at sinapo ang mukha. Nahabag siya rito. Nilabag kasi niya ang pangako sa kanyang ina na hindi siya gagawa ng isang bagay na hindi pa panahon at iyon nga ay ang pakikipagtalik. Iyon lamang ang tanging hiling sa kanya ng kanyang ina kaya pinayagan siya nitong makipagnobyo kahit ayaw pa nito. Nilapitan n'ya ang kanyang ina at niyakap. "Mama, patawarin niyo po ako," lumuluhang wika niya rito na humihingi ng tawad sa kanyang nagawa. "Patawarin niyo po ako, Mama," ulit pa niya rito. Wala na siyang ibang maisip na sabihin kung hindi ang humingi ng tawad dahil tanggap niya na nagkamali siya. "Ano'ng gagawin mo niyan kapag nagbunga ang pagkakamali mo'ng iyan, Carmela? Hindi mo ba alam na sa ginawa mo ay pwede ka'ng mabuntis?" tila nanunumbat na sabi ng kanyang ina. Lalo siyang nagpanik. Sinisisi niya ang sarili kung bakit siya nagpadala sa bugso ng kanyang damdamin. "Mama, sorry po," puno ng pagsisisi na wika niya sa ina. "Sige, Carmela, ano pa nga ba ang magagawa natin. Nagawa mo na iyan. Ipanalangin na lamang natin sa taas na hindi magbunga ang ginawa niyo. Napakabata niyo pa… Umaasa ako na hindi mo na uulitin iyan," wika at muling paalala ng kanyang ina. Lingid sa kaalaman ni Carmela ay nangangamba pa rin ang kanyang ina. Lihim itong nanalangin na sana ay hindi magbunga ang pagkakamali ng kanyang anak. Sinisisi rin nito ang sarili dahil palagay nito ay nagkulang ito ng paalala sa kanyang anak.  "Opo, Mama, hindi ko na po uulitin," wika niya rito at niyakap. "Mama, salamat sa lahat, kahit na mabigat ang nagawa ko na pagkakamali ay pinatawad niyo pa rin po ako," wika niya habang yakap pa rin ang kanyang ina. Napakaswerte niya sa kanyang ina. Palagi itong handang unawain siya. Kaya itinatak niya sa isipan na hinding-hindi na uulitin ang ginawa. Araw ng huwebes habang abala si Carmela sa paggawa ng kanyang takdang aralin ay tumunog ang message alert tone ng kanyang cellphone. Kinuha niya ang cellphone na nakalagay sa may higaan niya. Binuksan niya ang message at si Paolo pala ang nag-text. Binati siya nito ng magandang gabi at inaaya siya nito na manood ng sine sa darating na Sabado. Maganda raw ang pelikula na showing sa sinehan ayon dito. Saglit siyang nag-isip kung wala ba siyang gagawin na iba sa Sabado. Pagkuwan ay nag-reply siya rito at sinabi sa text message niya na pumapayag siya. Tinanong na lamang niya kung ano'ng oras sila aalis. Nang i-se-send na niya ang message ay itinaas pa niya ang kamay. Ngunit nadismaya siya dahil message failed. Sa pagkakaalam niya ay may natitira pa siyang load kaya mukhang kinain na naman ito ng network provider. Ayon sa mga classmate niya ay kumakain daw talaga ng load ang network provider. Paolo Samantala, masayang naghihintay ng reply ni Carmela si Paolo. Excited muli siya na makasama ito sa Sabado. Lumipas ang ilang sandali ay hindi pa rin ito nagre-reply. Dahil doon ay naiinis na naman siya. Kaya nga niya ito binili ng cellphone ay para madali niya itong makakausap kahit magkalayo sila. Naiinis na tinawagan niya ito. Nang sagutin ito ni Carmela ay agad niyang pinadama rito ang inis na nararamdaman bunga ng hindi nito pagsagot sa text niya. "Carmela, ano ba?! Pambihira naman, bakit hindi ka nagre-reply sa text ko?!" dismayadong tanong niya rito.   "A-Ahm, nag-reply naman ako, Paolo, kaya lang hindi nag-send. Sending failed na siya," katwiran nito sa kanya. "Hindi ba kaka-load ko lang sa'yo?!" naiirita na siya. "Baka naman nakikipag-textmate ka kung kani-kanino!" akusa pa niya rito. Hindi niya mapigilan na hindi mag-isip ng kung ano-ano dahil hindi lingid sa kanyang kaalaman na may mga umaaligid pa rin na manliligaw si Carmela kahit lantad na sa lahat na nobya na n'ya ito.  "Sino naman ang ite-text ko?! Pinagdududahan mo ba ako?!" ramdam niyang galit na rin ito pero wala siyang pakialam. Mas galit siya rito. Ibinili na nga niya ng cellphone at halos siya pa ang naglo-load dito kaya dapat lamang na mag-reply ito. "Oo! Pina-load pa lamang kita kahapon ng trenta pesos! Limang beses ka pa lang nag-text sa akin tapos wala ka na ngang load?!" "Oo nga! Nagtataka nga rin ako kung bakit wala na akong load. Wala akong ibang tine-text. Maniwala ka, Paolo. Baka kinain ng network provider," katwiran pa nito sa kanya. Pagkuwan ay namagitan ang katahimikan. "Galit ka ba, Paolo?" tanong nito sa kanya. "Oo! galit ako!" sagot niya rito. Mas maganda nga na alam nito para sa susunod ay alam na nito ang dapat gawin. Sa kanya nanggaling ang cellphone nito at pati ang load kaya tama lamang na sumagot ito sa text niya. Maaaring kinain nga siguro ng network provider ang load nito dahil totoong nangyayari iyon. Pero kailangan niyang ipabatid dito na kung hindi dahil sa kanya ay hindi ito magkakaroon ng cellphone. Hindi na ito nakasagot sa kanya. Tahimik na ito sa kabilang linya kaya nagpasya s'yang muling magsalita. "Sa susunod kasi---," hindi na niya naituloy ang nais pa na sabihin kay Carmela dahil nawala na ang linya. Marahil ay naubos na niya ang load niya dahil sa pagtawag niya kay Carmela. Naiinis na hinagis niya ang cellphone sa higaan. Wala siyang pakialam kahit mabasag pa ito. Asar na asar siya kay Carmela. Pagkalipas ng ilang sandali na pag-iisip ay nagsisi rin siya. Naisip niyang tila mali ang iniakto niya kanina kay Carmela. Sinumbatan niya ito. Baka magalit ito sa kanya. Baka hiwalayan siya nito. Pero pinakalma niya ang sarili. Hindi gagawin ni Carmela na hiwalayan siya ng ganoon kadali. Nakuha na niya ito. Kaya bago pa nito gawin iyon ay sigurado na pakakaisipin pa lamang nito. Mabuti na lamang at nakuha na niya ito. Wala ng pwedeng umagaw kay Carmela mula sa kanya. "Sa kanya lamang si Carmela!" wika niya sa sarili. Carmela Naghihimutok ang damdamin ni Carmela habang nakatutok ang paningin sa cellphone. Nakahalukipkip siya habang nakasandal sa dingding ng kanyang kwarto. Naputol ang usapan nila ni Paolo. Marahil ay dahil ubos na rin ang load nito. Pakiramdam n'ya ay sinusumbatan siya ni Paolo dahil hindi siya nag-reply rito. Pinag-isipan pa siya nitong nakikipag-textmate sa iba. Nagpaliwanag na siya rito pero ayaw siyang paniwalaan. Naninibago siya sa gawi ni Paolo. Hindi naman ito ganoon nang una niya itong makilala. Malambing ito sa kanya palagi kahit pilyo ito. Pero ngayon ay pakiramdam n'ya ay nag-iba ito ng pakikitungo sa kanya. Nais man niyang lumabas para mag-load sa tindahan para mai-text ito ay siguradong hindi naman na siya papayagan ng ina na lumabas dahil masyado ng gabi. Hindi na rin siya makapag-concentrate sa ginagawang takdang aralin. Walang pumapasok sa isip niya kung hindi ang pag-aaway nila ni Paolo. Ipinasya na lamang n'ya na mahiga at baka sakaling makatulog na siya. Lumipas ang mga sandali na pabiling-biling lamang siya sa higaan. Hindi siya makatulog at ang pag-agos ng luha sa mga mata niya ay hindi na niya napigilan. Masakit pala ang pagbintangan ng minamahal. Tila naninikip ang dibdib niya. Patuloy lamang sa pag-agos ang luha niya hanggang sa kusa itong huminto. Madaling araw na siya halos nakatulog. Nag-alarm ang cellphone n'ya ngunit ipinasya niyang umidlip pa. Antok na antok pa siya. Katok ng kanyang ina ang nagpagising sa kanya.  "Carmela, anak, hindi ka ba papasok?" dinig niyang wika ng kanyang ina mula sa labas ng pintuan.  "Papasok po, Mama, babangon na po ako," malakas na sagot niya rito at tumayo na sa higaan. Tiningnan niya ang oras at namangha. Pasado alas sais y medya na pala. Kailangan niyang makarating sa eskwelahan bago alas siyete. Nagmamadali siyang bumaba at dumeretso sa banyo. Nakita siya ng kanyang ina na napapailing na lamang. Mabilisang ligo ang ginawa niya pati ang pagbibihis. Pagbaba niya ay nagpaalam na siya sa kanyang ina. "Aba, hindi ka pa nakapag-almusal, Carmela," pansin ng kanyang ina. "Mamaya na lang po sa Canteen, Mama, male-late na po kasi ako!" wika niya na nagmamadali na lumabas.  "Teka, sandali, Carmela," hinabol siya ng ina at iniabot ang isang sandwich. "Kainin mo habang naglalakad ka. Mahirap ang nag-aaral na walang laman ang tiyan," wika nito at iniabot sa kanya ang naka-plastic na sandwich. "Salamat po, Mama, mauna na po ako," wika n'ya sa kanyang ina at nagpaalam na. Hinatid na lamang ng tanaw ni Carmelita ang anak. Napansin niya kanina ang pamumugto ng mata ni Carmela. Marahil ay nagkaroon ng tampuhan sa pagitan ng nobyo nito. Iiling-iling na lamang siya. Hindi na talaga niya mapipigilan ang panahon. Mararanasan na ng dalaga niya ang masaktan dahil sa murang pag-ibig nito. Malungkot na naglakad si Carmela papunta sa eskwelahan. Lalo siyang nalungkot nang hindi niya makita si Paolo sa gate ng eskwelahan. Blangko ang isip na narating niya ang class room. Swerte pa rin siya dahil hindi siya na-late. Malaking porsyento kasi ang ibinibigay na grado ng kanilang class adviser sa nakakalahok ng flag ceremony. Hindi na niya namalayan ang paglapit ni Angelina at Sarah. "Carmela, ano'ng nangyari sa'yo? Bakit mugto ang mga mata mo," nag-aalalang tanong sa kanya ni Sarah. Si Angelina naman ay nakamasid lamang sa kanya. May pakiramdam ito na si Paolo ang dahilan ng pamumugto ng mata ni Carmela pero pinili na lamang nitong huwag magkomento. "Wala naman. Napuwing kasi ang mata ko kagabi," pagdadahilan ni Carmela. "Dalawang mata?!" hindi kumbinsido na tanong muli ni Sarah. Nakita nito sa peripheral vision na pinandidilatan ito ng mata ni Angelina bilang pagbabanta na manahimik na lamang ito. Ngunit wala itong pakialam. Gusto nitong malaman mula kay Carmela ang totoong dahilan kung bakit mugto ang mga mata nito. "Kinusot ko kasi pareho," palusot na sagot niya kay Sarah. Pinilit niyang ngumiti sa dalawang kaibigan. Makahulugan na nagkatinginan si Angelina at Sarah.  "Bakit kasi kinusot mo? Baka ma-infect iyan mata mo," sakay na lamang ni Sarah sa dahilan ni Carmela. Hindi kasi ito naniniwala sa dahilan ni Carmela. "Hindi ba masakit?" dagdag pa nito. "Ayos lamang ako, huwag niyo na akong alalahanin." "Sigurado ka?" tanong muli ni Sarah. "Oo," sagot ni Carmela. Hindi niya ibig ipaalam sa dalawang kaibigan ang away nila ni Paolo. Naniniwala siyang maaayos din nila ang tampuhan. "Sige, ikaw bahala," sabi na lamang ni Angelina.  Natapos ang klase ni Carmela na walang pumasok sa utak niya. Hinihintay niya na magpakita si Paolo ngunit hindi siya nito pinuntahan kahit saglit lamang. Kasabay niyang umuwi sina Sarah at Angelina. Palagay niya ay may ideya na ang dalawang kaibigan na nag-away sila ni Paolo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD