ILANG minuto din ang lumipas hanggang sa tawagin kami ng kasambahay para kumain. Pagkatapos niyon ay nagyaya muna siyang manood kami sa sala ng tv. Maya maya ay nagyaya na siyang pumanhik kami sa kwarto. "M-Mauna na akong maligo." Utal na sabi ko. Saka agad na kumuha ng mga damit sa closet at pumasok sa banyo. Tinuyo kong maigi ang katawan ko pagkatapos saka doon narin nagbihis ng pantulog, alangan namang lumabas ako doon ng nakaroba lang. Nang matapos ako doon ay lumabas na ako. Agad kong iniwasang magtagpo ang mga mata namin. Dumiretso ako sa malaking salamin saka nag-blower ng buhok. Nakita ko naman sa sulok ng mata ko na kumilos narin siya at pumasok na sa banyo. Nang matuyo ko ang aking buhok at makapagpahid ng lotion sa katawan at ng cream sa mukha ay pumunta na ako sa kama.

