Chapter 4

2043 Words
Chapter 4 Venice - Sa narinig ay para akong nabingi, literal na naestatwa ako sa kinatatayuan ko habang maang lang na nakatitig sa mukha ni Leo. Ang itsura niya ay para bang hirap na hirap sa hindi ko malamang rason. Lihim pa akong napalunok nang maaninagan sa parehong mata nito ang sakit, tila ba sobra siyang nasasaktan ngayon. Kalaunan nang mapakurap-kurap ako, ilang hakbang ang ginawa ko paatras at palayo sa kaniya. Nagseselos siya? Bakit naman? Lasing na ba ang lalaking ito? Sa reyalisasyong iyon ay parang gusto ko siyang sampalin upang magising ito sa katotohanan, baka sakali na bumalik ang dating pandidiri niya sa akin. Mayamaya pa nang marahas na bumuga ng hangin si Leo, kasunod nang pagkamot nito sa batok at saka pa nag-iwas ng tingin. Napanood ko pa kung paano nito naihilamos ang dalawang palad sa kaniyang mukha. "Ang dami-daming iba riyan, pero pinagsisiksikan mo ang sarili mo sa taong hindi ka gusto. Ano ka ba, sardinas?" maanghang na palatak nito dahilan para mahulas ang emosyon sa mukha ako. Heto na naman siya at balik sa pang-aasar, tila ba natauhan ito ngayon. "Wala ka talagang magandang masabi! Lahat sa 'yo ay hindi maganda, bwisit ka!" Inirapan ko ito, bago marahas na tumalikod upang iwan siya. Literal na wala na rin akong masabi kung gaano ako naiinis sa presensya niya. Bakit ba siya nagpakita pa rito at pinigilan ako? Baka sakali ay nagkaayos na kami ngayon ni Warren. Argh! Mabibigat ang mga yabag ko habang papalayo sa kinaroroonan ni Leo, imbes na umuwi ay muli akong pumasok sa Black Alley upang ubusin lahat ng alak sa loob. Ngunit nasa bungad pa lang ako ng pintuan nang harangan na ako ng dalawang bouncer na dinaig pa ang mga MMA sa laki ng mga katawan nila. Nakakatakot silang tingnan para sa isang normal na babae, but not me. "Excuse me? Ang laki niyong harang," palatak ko at saka pa sila inirapan, kasabay nang pagsingit ko sa pagitan nilang dalawa. "Utos po ng management na huwag na kayong papasukin." Dinig kong pahayag ng isang bouncer, rason para manlisik ang mga mata ko. "Management? Pipitsugin lang naman 'tong bar na 'to. Nasaan ba iyang Vanessa na 'yan, alam kong siya ang nag-utos nito!" Si Vanessa, iyong hampaslupang ampon ng pamilya ni Paul Shin ang namamahala sa bar na ito. Hindi ko alam kung pinamana ba ito sa kaniya, o talagang sa kaniya lang pinaalaga habang wala ang mga ito. "Umalis na lang po kayo, Ma'am. Pati ibang customer ay naabala niyo," segunda pa ng isa. "Bakit? Nanggulo ba ako? Hindi 'di ba?" "Umalis ka na lang po." "Sinabi nang—" Hindi ko na natuloy pa ang nais kong sabihin nang lumapit sa pwesto namin si Vanessa, awtomatikong tumaas ang kilay ko. "Hoy, Mangku! Bingi ka ba? Gusto mo talaga yata ng away, ano?" Sinimulan nitong itaas ang magkabilaang manggas ng kaniyang damit, kapagkuwan ay inamba ang kamao nito sa akin dahilan para mapapitlag ako. Wala sa sarili nang mapaatras ako sa labis na takot. Mas lalo akong nagpuyos sa galit. Do I have to waste my time on this f*cking wench? Bulgar akong napairap dito, kalaunan nang sumuko ako at tumalikod. Handa na sana akong umalis ngunit isang lingon pa muna ang ginawa ko kay Vanessa. Inamba ko rin ang kamao ko sa hangin, tipong sasapakin ko siya, rason para magitla ito at katulad kong napaatras. Kung wala lang iyong dalawang bouncer sa likuran niya ay bumagsak na ito sa sahig. Malakas akong natawa, kapagkuwan ay hinawi ang buhok ko sa mukha niya at madaliang lumayas. Lakad-takbo ang ginawa ko at baka maabutan pa ako ng babaeng iyon. Isa rin siyang kontrabida sa buhay ko. Sandali kong nilingon ang paligid, iyong eksaktong pinag-iwanan ko kay Leo ngunit wala na siya roon. Mailang beses akong nagpalinga-linga upang hanapin ito at mas lalo lang akong nabadtrip nang makita kung nasaan siya. Ang magaling na manloloko ay ayon at nakikipagpalitan na naman ng laway sa isang babaeng marahil ay nahila niya. Bwisit talaga! Kaya paano ko ba paniniwalaan ang sinabi nito? Gaano siya ka-sincere kung ilang minuto lang ay may kahalikan na naman siya? Bago ko pa man ito masugod at tuluyan akong ma-badtrip ay tinalikuran ko na ito. Bawat pagtapak ko sa lupa ay dinig na dinig ko ang bigat doon. Isabay pa na para akong susugod sa giyera at hindi maipinta ang mukha ko. Wala akong dalang kotse ngayon dahil balak ko pa naman na kapag umayon ang lahat sa plano ko ay sa unit ako ni Warren matutulog. Doon ako magpapang-abot ng umaga, pero lintik talaga. Ang daming asungot! Nang makapagpara ng taxi cab ay padarag akong naupo sa back's seat. Nagpupuyos ang kalooban ko habang tahimik lang na nakamasid sa labas ng bintana. Sa bawat pagdaan pa mga nagtatayugang gusali ay mukha ni Leo ang naaninag ko. Hindi ko na rin malaman kung saan ba ako galit. Sa babaeng kasama ba ni Warren, o kay Venice, o kay Leo? Sino man sa kanila ay pare-pareho silang bwisit sa buhay ko. Argh! Wala sa huwisyo nang masuntok ko ang hawak kong hand bag. Iniisip ko pang si Leo iyon at lahat ng galit at panggigigil ko ngayon ay ibinunton ko roon. Sana lang ay totoong mukha ito ni Leo, para naman pumangit na siya at wala nang magtatangkang lumapit sa kaniya. Abala ako sa ginagawa nang mapatingin ako sa driver, napansin ko pa ang pagkakangisi nito mula sa repleksyon niya sa rear view mirror na para bang masyado siyang natutuwa sa akin. "Sa Villa El Amor po ba ang baba natin, o sa hospital na?" takang tanong nito, kaya sandali akong napahinto upang pagtuunan ito ng pansin. "Hospital?" balik pagtatanong ko. Kapagkuwan ay sinipat ng tingin ang kamao ko, wala naman akong sugat. Wala rin naman akong natamong sugat kanina, kaya bakit ako dederetso ng hospital? "Opo, sa mental hospital," dugtong ng driver at saka pa humagikgik dahilan para mag-init ang ulo ko. Kung hindi lang ako tinatamad na bumaba at mag-abang ulit ng mailap na sa taxi sa oras na iyon ay baka nagpababa na ako. Inirapan ko na lang ito, kahit pa panay ang tawa niya. Mamaya nga ay ma-contact ang LTFRB, isa pa itong bwisit. Bakit ba lahat ng tao sa gabing ito ay nakakayamot? Para akong pinagsakluban ng langit at lupa nang makababa ako sa tapat ng village, nakatungo lang ako habang naglalakad. Hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala sa utak ko iyong pakikipaghalikan ni Leo, nalingat lang ako saglit ay may kinakalantari na kaagad. That punk! Malakas na sinipa ko iyong maliit na bato na siyang nakaharang sa daan. Hindi pa nagtagal nang makapasok ako sa bahay, bumungad sa paningin ko si Travis na nakahilata sa pahabang sofa habang may kausap sa kaniyang cellphone. Panigurado ay babae na naman nito para sa buwan na iyon. Bakit ba ako napapalibutan ng mga playboy? Dala ng inis ay dinampot ko iyong throw pillow na nasa kabilang sofa, saka iyon initsa sa pagmumukha niya dahilan para mapasigaw ito. "What the f*ck, Venice?" inis na turan nito, bago siya umahon sa pagkakahiga niya. "Manloloko kayo! Dapat sa inyo ay pinapalapa sa buwaya, mga cheater!" Huli na nang ma-realize ko iyong sinabi ko nang malakas na tumawa si Travis. Napansin ko pang ibinaba nito ang linya, saka ako namamanghang tiningnan pamula ulo hanggang paa. "Wow! Big word, Venice. Galing pa talaga sa 'yo, huh? Don't you remember, cheater ka rin?" Sana pala ay dumeretso na lang ako sa kwarto ko, bakit pa ba kasi ako nag-aksaya ng oras sa lalaking ito? Mariin akong napapikit, kasunod nang paghigpit ng pagkakahawak ko sa hand bag ko. "Boom!" utas ni Trevor na hindi ko namalayang nasa sa sala na pala at narinig ang pinagtatalunan namin ni Travis. "Manloloko ka rin, so watch your word. May kasabihan nga 'di ba— birds of the same feather flocks together, hmm?" patuloy na pang-uuyam ni Travis. "Boom!" Marahas na binalingan ko si Trevor, porket nakahanap ito ng paraan para gantihan ako. Ngumisi ito, rason para mapaismid ako. Hindi na ako nakapagsalita dahil totoong tinamaan ako sa sinabing iyon ni Travis. Huminga ako nang malalim, wala na ring lingun-lingon pa nang umakyat ako sa taas. Kaagad kong tinungo ang kwarto ko at doon ay nagkulong ako. Hindi ko na nagawang makapagpalit ng damit, o magtanggal ng sapatos at deretso nang ibinagsak ang katawan sa malambot kong kama. Tumihaya ako upang makipagtitigan sa puting kisame sa kwarto, ilang beses pa akong napakurap-kurap sa kawalan. Kalaunan nang makagat ko na lamang ang pang-ibabang labi nang sumisid ang kirot sa dibdib ko. Ang laki ng pagsisisi ko na nagawa kong lokohin si Warren na kung tutuusin ay ang swerte ko na pagdating sa kaniya. Hindi ko alam kung anong pumasok sa utak ko kung bakit ko nagawa iyon? Gusto kong magalit kay Brandon, pero sa reyalisasyong nasa akin lahat ng kasalanan ay wala akong magawa, kung 'di tanggapin ang katotohanan. Kaya mag-isa kong sisisihin ang sarili sa katangahan. Ako rin mismo iyong nagpasok sa sarili ko sa sitwasyon. Ang bigat lang sa dibdib, iyong tipong walang naniniwala sa akin at ayaw akong bigyan ng pagkakataon na magbago. Gusto kong patunayan na hindi na lang ako basta iyong Venice na nakilala nilang manloloko. Huminga ako nang malalim, bago hinalungkat ang cellphone ko sa bag. Kaagad kong hinahap ang number ni Warren upang tawagan ito ngunit ilang ring na ay wala pang sumasagot doon hanggang sa maputol ang linya na para bang sinadya nitong i-off ang phone. Tumikhim ako, gaano ko man kagustong sumigaw at magwala ay nananatili ako sa pwesto ko. Kalaunan nang buksan ko ang social media ko. Wala akong magawa, kaya ini-stalk ko na lang ang account ni Warren. Hinahanap ko pa roon ang old pictures namin ngunit umabot na lang ako sa dulo ay wala akong nakitang maski isa. Nangunot ang noo ko. Binura na ba nito ang mga picture naming magkasama? F*ck, parang piniga ang puso ko at sumikdo iyon dahilan para matampal ko ang dibdib ko. Mayamaya pa nang mula sa mga tags pictures ni Warren ay lumabas doon ang isang post ni Leo, kung saan picture nila iyong magkakaibigan na halatang kanina lang kinuhanan sa birthday celebration ni Warren— happy birthday my best bud. Napangiwi ako nang mabasa iyon. Wala pa sa huwisyo nang i-click ko ang profile nito. Palagi siyang active dito, pero iyong pictures na naka-post ay tanging iisa lang. Literal na nagsalubong ang kilay ko, out of curiosity ay na-zoom out ko iyong picture. Hindi niya iyon mukha, hindi lugar, o maski picture ng pamilya at babae niya, bagkus ay isang kwintas. Simpleng hugis puso iyon na biniyak sa dalawa na para bang couple necklace iyon. "Soon, I will give it to the woman who will make my heart beat. Mark my words, she will be my next post. Stay tuned!" pagbasa ko roon sa mismong status nito, posted seven years ago. Bulgar na napangiwi ako, sa dinami-rami ba ng naging babae nito ay wala pang nagpapatibok ng puso niya? Ano 'yon, puro ulo na lang sa baba iyong tumitibok sa kaniya? Ganoon ba 'yon? Napairap ako sa hangin, saka pa wala sa sariling pinagkokotongan ko ang screen ng phone ko hanggang sa magsawa ako. Stay tuned, my ass. As if naman talaga ay may babaeng magseseryoso sa kaniya. Samantalang iyong mga naging babae niya ay habol lang din ang katawan nito, kung mayroon man siguro ay hindi niya gusto. Knowing Leo, hindi siya pihikan pagdating sa babae, pero iyong puso nito ay oo. Isang malutong pang ulit na kotong ang iginawad ko, huli ko nang matanto na na-heart react ko ang picture na iyon dahilan para marahas akong mapabangon ng higa. "What the?" sigaw ko. Kaagad kong tinanggal iyong heart react ko, pero alam ko naman na nag-reflect na iyon sa notifications ni Leo. Panalangin ko lang na sana ay matabunan iyon upang hindi na niya makita pa. Malakas kong tinampal ang sariling noo sa kagagahan ko. Stalk pa more, huh? My, God! Imbes na makakatulog sana ako nang maayos ngayong gabi ay mukhang hindi pa mangyayari. Kalaunan nang bumalik na lang ako ng higa sa kama, saka muling nakipagtitigan sa kawalan. His face and his f*cking conscience are eating my sanity. Grr.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD