Chapter 5

2050 Words
Chapter 5 Venice - "Ven, sasabay ka ba sa amin sa pag-uwi?" Dinig kong sigaw ni Courtney, ang isa sa mga katrabaho ko dahilan para lingunin ko ito. Nakatayo na ito at mataman lang akong pinapanood habang matiyaga siyang naghihintay sa tapat ng bioclock. Sinipat ko iyon ng tingin at napansin isang minuto na lang bago pumatak ang alas singko ng hapon. Wala sa sariling napangisi ako, kapagkuwan ay hinarap ang lamesa ko. Naayos ko na ang lahat ng dapat ayusin, hinihintay ko na lang talaga na maunang mag-out si Courtney dahil paniguradong makikisabay na naman ito sa kotse. Hindi naman sa nagdadamot ako, kung pwede ko lang din ipahiram sa kaniya ang kotse ko ay ginawa ko na, pero may lakad kasi ako ngayon. Walang kaalam-alam si Courtney sa pinaggagagawa ko at ayoko ring sabihin. "May pupuntahan kasi ako ngayon, sis." Peke akong ngumiti upang kunin ang simpatya niya ngunit pinagtaasan lang ako nito ng kilay. "At saan naman, aber?" "Hmm..." Sandali akong nag-isip, hindi ko naman pwedeng sabihin na pupuntahan ko si Warren ngayon sa unit niya. "Bibisitahin ko 'yung isang friend ko." Sa sinabi ko pa ay mas lalong nagtaas siya ng kilay habang maigi akong pinagmamasdan, tanda na kinikilatis nito ang mukha ko, kaya ngumiti ako ng ubod ng tamis. Kilala na ni Courtney ang buong pagkatao ko, kaya kailangan kong galingan. Well, Courtney is my good friend. Siya lang iyong kaibigan ko na nananatili sa side ko, kahit pa na ang toxic ko. Iyong iba kasi ay iniwan at nilayuan ako noong kumalat ang issue ko na isa akong two timer at manloloko. Si Courtney lang talaga iyong hindi nagtangkang talikuran ako, kaya siya na lang iyong masasabi kong kaibigan ko ngayon— I mean, totoong kaibigan. But somehow, nahihiya na rin akong ipagsabi sa kaniya ang kagagahang ginagawa ko, lalo at tungkol ito kay Warren. Para sa kaniya ay masyadong mabait si Warren para lokohin ko, kaya oras na malaman nito ang mga pinaggagagawa ko ay malamang kaagad siyang tututol. Siya kasi iyong tipo ng kaibigan na hindi tino-tolerate iyong maling ginagawa ko. "Kay Jacky," kalaunan ay sambit ko at saka pa taas ang noo na nilingon ko ito. "Ah, si Jacky na naman." Umirap ito sa ere dahilan para matawa ako. "Whatever. Sige na, ako na lang mag-isa ang iinom." Mas natawa ako nang dere-deretso itong tumalikod at lumabas ng finance department. Si Jacky ay pinsan ko sa side ni Mommy, siya iyong napangasawa ni Gabby Monte Alba, ang lalaking gustung-gusto ni Courtney. Sa kasamaang palad ay naging sawi ito dahil maagang ikinasal ang dalawa, hindi naman siya totally galit kay Jacky, pero sadyang kinamumuhian niya lang ito. Ganoon nga yata siguro ang mga babae, galit sa mga karibal. Tumikhim ako, kalaunan nang tuluyan na akong tumayo. Matapos kunin ang bag at makapag-out ay wala na rin akong sinayang na segundo. Mabilis akong bumaba, nasa tapat ng building naka-park ang kotse ko, kaya sa main exit ako dumaan upang lumabas. Hindi pa man din ako nakalalabas nang humampas sa akin ang malakas at malamig na hangin. Basa ang kalupaan, kaya natanto kong umulan kaninang maghapon. Kahit ngayon ay umaambon-ambon pa. Himala at hindi ko iyon napansin kanina. Paano kasi at ang daming pinapahabol na paperworks, kung kailan deadline na bukas ay saka pa lang ibababa sa department namin. Kung hindi lang din naman charge sa amin iyon kapag na-penalty kami ay baka isinampal ko pa iyon sa pagmumukha ng mga taga-marketing department, hmp. "Nasa sa 'yo ba ang payong ko?" Dinig kong boses sa tabi ko, hindi ko man din lingunin ay kusa nang nag-init ang ulo ko. Speaking of taga-marketing department, nandito ang isang hudyong si Leo. Dito rin siya nagtatrabaho bilang head ng marketing dep. Ang coincidence 'di ba? But of course, with a twist. Alam kong pumasok lang iyan dito para manmanan ako dahil iyon ang utos ni Warren. Siya iyong naging spy ni Warren noong nagpunta ito ng China at ewan ko ba kung bakit hindi pa siya umaalis dito, gayong wala naman na kami ng kaibigan niya. Hindi na lingid sa kaalaman ko na mayaman ang pamilyang kinabibilangan ni Leo. Marami silang pag-aari rito sa Pinas, isa na roon ang A&D Tower na siyang five-star hotel sa Makati. Kaya nakakagulat na mas ginusto niyang maging commoner, samantalang tagapagmana naman siya. Hindi ko alam kung bakit sunud-sunuran ito at mas piniling maging utusan lang ni Warren. At isa iyon sa kinaiinis ko, bakit kailangan niyang maging kaawa-awa sa paningin ko? Goodness, self. Bakit naman ako maaawa, huh? Mayamaya pa nang binangga ni Leo ang balikat ko dahilan para mabalik ako sa reyalidad. Pinanlakihan ko ito ng mata at saka pa gumilid nang may dumaan sa gitna namin. Inirapan ko ito, bago may hinalungkat sa bag ko. "Mukha ba akong hanapan ng nawawalang payong? As if naman close tayo, para sa akin mo hanapin ang payong mo." "Nagtatanong lang naman ako at baka kinuha mo," angil nito, kamuntikan ko pa siyang masaktan at wala sa hulog ang mga paratang niya. "Huwag mo nga akong kinakausap, nabubwisit ako sa 'yo!" Nang mailabas ang payong kobay maagap ko iyong binuklat, hindi ko na ito nilingon at kaagad na naglakad palayo sa kaniya. Ang kapal ng mukha para pagbintangan ako, bakit hindi niya itanong sa mga babae nito? "Hoy! Teka lang!" sigaw nito, hindi nagtagal nang mamalayan ko na lang na nasa gilid ko na siya. Sinadya pa niyang itulak ako, rason para kamuntikan na akong madapa, kaya malakas ko itong siniko dahilan upang mapahiyaw siya sa sakit. Pilit kong inaagaw rito ang payong ko dahil ayaw niya iyong bitawan. "Ano ba? Para kang bata, Leo! Talagang sinasagad mo ako, ah!" "May lakad ka ba?" Imbes na gatungan ang galit ko ay iyon pa ang naitanong nito. Nilingon ko ito at saka siya pinaningkitan ng mata. Talagang ayaw nitong bitawan ang payong ko, kung kaya ay ako na ang bumitaw at inginudngod pa sa dibdib niya iyon. Hindi naman ganoon kalakas ang ambon. Tantyado ko lang, kaya okay na ito. Ang akala ko pang sosolohin iyon ni Leo ay hindi niya ginawa, bagkus ay pinayungan din ako nito. "Pupuntahan mo na naman ba si Warren?" tanong nito, rason para mapaismid ako. "Bakit? Susundan mo na naman ba ako? Para saan pa ba at ini-stalk mo ako? Wala na kami ni Warren, kaya pwede ba!" singhal ko, ewan ko at bahala nang pumutok ang ugat sa leeg ko. Sa sinabi ko ay nakita ko ang pagtaas ng sulok ng labi nito, saka ko lang naalala iyong pag-heart react ko kagabi sa post nito. Nakita na kaya niya iyon? Sa labis na kahihiyan ay bulgar na nangamatis ang mukha ko. "Huwag ka nang magsayang pa ng oras mo, masyado kang asado na magkakabalikan pa kayo. Siopao ka ba?" Kusang bumagsak ang panga ko sa narinig. Kagabi ay sardinas, ngayon ay siopao naman? Hindi ko rin mawari sa lalaking ito at anong trip sa buhay, pati ako ay dinadamay. "Wala kang pakialam sa kung saan ako pupunta, o kung puntahan ko man si Warren." Inismiran ko ito, kapagkuwan ay umambang sasapakin siya sa sobrang inis ko rito ngunit hindi ko naman itinuloy. "Just leave me alone, you punk!" Matapos iyon ay ura-urada na akong tumalikod, pero lintik, hindi pa man ako nakakaalis sa kinatatayuan ko nang hilahin nito ang dalawang braso ko at saka pa pilit na pinaharap sa kabilang kalsada. "Venice!" Siya namang pagdaan ng isang kotse sa harapan ko, rason para iyong naipong tubig sa lupa ay tumalsik sa kabuuan ko. Mariin akong napapikit nang pati ang mukha ko ay natalsikan. Sa dami no'n ay para na rin akong naghilamos. Tuluyang nalaglag ang panga ko at hindi ko na mahagilap iyon sa kung saan, ilang minuto pa nang magdilat ako upang tanawin ang katawan ko. Nagmukha lang akong basang sisiw sa itsura ko ngayon. Literal na sumabog ang ulo ko, umuusok na ngayon ang ilong ko sa galit na animo'y isang takuri na kumukulo. Unti-unti ko pang ikinuyom ang mga daliri sa kamay, kapagkuwan ay ilang ulit na pinatunog ang leeg. "Leo!" ubod ng lakas na sigaw ko na siya ngayong nasa likuran ko at nagtatago. Ginawa pa akong panangga, argh! Sa galit ay marahas ko itong nilingon ngunit bago ko pa man ito masapak ay kumaripas na ito ng takbo palayo habang hawak sa kamay ang payong ko. "Leo!" sigaw ko pa ulit, siya namang malakas niyang pagtawa. Panay pa ang lingon nito sa gawi ko na hindi na nakagalaw sa pagkakatayo ko. Nakagat ko na lamang ang pang-ibabang labi nang unti-unti na ring lumalakas ang ulan. "Moan my name, baby!" balik sigaw nito, rason para itaas ko sa ere ang middle finger ko. "F*ck you!" Mas bumuhos ang ulan sa ginawa kong iyon na para bang iyon na ang parusa ko. "Huwag ka nang pumunta sa kung saan pa, umuwi ka na!" Iyon ang huling narinig ko kay Leo, bago ako tumalikod. Tumakbo ako patungo sa kung saan naka-park ang kotse ko, mayamaya lang nang makapasok ako roon. Nabasa ang kinauupuan ko mula sa drive's seat, tumutulo pa ang ilang tubig sa katawan ko, kaya bumaha sa loob ng kotse ko. Wala sa sariling nahilot ko ang sentido sa sobrang emosyong namumutawi sa puso ko. Kahit kailan talaga ang lalaking iyon, wala na siyang ginawang tama sa buhay ko. Kailan ba siya maglalaho, huh? Kulang na lang ay ipakulam ko na ito at talagang totohanin ko na ang sinasabi nilang isa akong mangkukulam. Wala akong bangs, pero literal na ang sakit niya sa bangs. Inihilamos ko ang dalawang palad sa mukha upang tuyuin iyon. "May araw ka rin," bulong ko sa hangin habang nangingitngit pa ang kalooban ko. Hindi pa nagtagal nang paandarin ko rin ang kotse, nasira pa ang plano ko nang wala sa oras dahil sa bwisit na lalaking 'yon. No choice ako kung 'di ang umuwi sa bahay, imbes na dederetso sana ako sa unit ni Warren.Y Mabilis ang pagmamaneho ko, kaya madali lang din akong nakarating sa bahay. Dere-deretso akong nagtungo sa kwarto, initsa ko lang iyong bag ko sa kama at saka pumasok kaagad sa banyo upang makaligo. Pangit na nga ng lalaking 'yon, ang pangit pa ng panahon— wrong timing. Nakakabanas! Hindi ko alam kung paano kumalma sa oras na 'yon dahil sa tuwing gagawin ko naman ay nai-imagine ko si Leo, pati ang mapang-asar niyang mukha. Nang matapos sa pagligo ay padarag akong naupo sa tapat ng vanity mirror, suot ko pa ang puting roba ko habang bino-blower ang basang buhok ko. Nakasimangot pa rin ako hanggang sa makababa ako ng kusina. Doon ay naabutan ko sina Mommy at Daddy, pati ang dalawang kambal na sina Travis at Trevor na halatang mang-aasar na naman. Napalunok ako, bago naupo sa palaging pwesto, ang tabi ni Mommy. "Ang sabi ng Daddy mo ay gusto mo nang magpakasal kay Warren? Okay na ba kayo?" tanong ni Mommy, kaya nilingon ko si Daddy na siyang nagkibit lang ng balikat at saka ipinagpatuloy na ang pagkain. "Okay na kami, kakausapin ko rin siya bukas." Pilit akong ngumiti, nalingunan ko pa si Travis na ngingisi-ngisi ngayon. Pinanlakihan ko ito ng mata, subukan lang nitong magsalita at nang maisaksak ko sa bunganga niya itong hawak kong tinidor. Maging si Trevor na kumikibot ang bibig na para bang nangangati iyon at gusto niyang magsalita. "All right. Mag-set ka na rin ng araw kung kailan kami magkikita ng parents niya para mapag-usapan ang tungkol doon." Tumango ako bilang sagot kay Mommy. Huminga ako nang malalim, mayamaya lang nang tumunog ang cellphone kong naroon nakapatong sa lamesa. Kaagad kong binitawan ang hawak na kubyertos sa pag-aakalang may iniwang message sa akin si Warren. Ngunit ganoon na lamang malukot ang mukha ko nang makitang isang notification iyon— Leo Ortiz just followed me on my social media! F*ck! Sa sobrang taranta ay kamuntikan pang matumba iyong baso ng tubig sa harapan ko. Napalunok ako, lalo pa nang malingunan ko ang apat na siyang nakatingin sa gawi ko. Kumurap-kurap ako, bago binitawan ang phone at muling ibinalik ang atensyon sa pagkain. "Warren texted you? Parang kinikilig ka riyan at namumula ang pisngi mo?" anang Daddy, kaya natigil din ako kaagad sa tangka kong pagsubo. "Huh?" wala sa sariling bulalas ko. Did I just f*cking blushed? Goodness.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD