Chapter 6

2072 Words
Chapter 6 Venice - Kinagabihan nang makapasok ako sa kwarto, kaagad akong lumundag sa kama at binuksan ang cellphone. Dahan-dahan pa ang naging pagpindot ko roon na para bang nag-iingat na baka mamali na naman ako ng pindot. Mula sa notification ko ay totoo ngang f-in-ollow ako ng g*gong Leo na 'yon. Meaning to say, nakita niya ang pag-heart react ko, kasi hindi naman ito magagawi sa profile ko kung hindi, am I right? At hindi lang iyon, bawat post ko pa roon ay talagang may heart react mula sa kaniya. Tumagilid ang ulo ko habang nagtatagis ang bagang na inisa-isa iyong mga pictures ko. Sa dinami-rami nang naka-post doon ay literal na puro mukha ko lang ang pinusuan niya. "Bad angle," pagbasa ko sa iniwan nitong comment dahilan para makagat ko ang pang-ibabang labi. Hindi na rin ako nagdalawang-isip, bago pa man siya umabot sa jeje days kong selfie ay naka-block na ito sa akin. Pagak akong natawa na para bang sa pagkakataong iyon ay nanalo rin ako sa wakas laban sa kaniya. "Manigas ka!" sigaw ko sa kawalan, kalaunan nang tumihaya ako ng higa. "Ang kapal ng mukha mo, Lemuel Ortiz aka Leo! Ang kapal-kapal mo talaga, bwisit ka sa buhay ko!" Galit ang puso ko nang makatulog ako, nasa ganoong ayos pa ako nang magising ako kinabukasan bandang alas sais ng umaga. Sabado ngayon at wala akong pasok hanggang bukas na linggo, ngayon ko balak na ipagpatuloy ang plano ko. Pero masyadong maaga pa, kaya minabuti kong mag-ehersisyo muna sa umagang iyon. Nagsuot lang ako ng black racer bra na tinernuhan ko ng kulay itim din na sports leggings at saka puting rubber shoes. Sa loob lang din ako ng village naglibot, since malawak ang nasabing lugar. Kinagandahan pa rito ay ilang metro ang layo ng mga bahay. Pwede rito iyong mga kapitbahay na kada linggo ay nagka-karaoke. Pati na rin iyong mahihilig magbinggo at mga tsismosang dinaig pa ang naka-megaphone sa tinis ng boses. Iyon nga lang ay dahil sa may class at mayayamang tao ang mga narito ay walang naligaw. Not the usual mayayamang pamilya, o elite na matatawag, siguro iyong mga middle class lang katulad namin. Unlike sa Corazon's Residence na pagmamay-ari pa ng pamilya ni Warren, doon ay talaga namang may sinabi ang mayayaman. Kaya ang kabuuan ng paligid dito sa amin ay tahimik, ang ihip ng hangin ay nakakatakot pa sa pandinig ko dahilan para bilisan ko ang pagtakbo ko. Nadaanan ko pa iyong playground na ni minsan ay hindi ko nakitaang may naglalarong bata. Dala nang nagsisitayuan kong balahibo ay tuluyan na akong kumaripas ng takbo pabalik sa bahay, pero kaagad ding napahinto nang mula rito ay tanaw na tanaw ko ang pamilyar na bulto ng katawan na iyon. Wala pa sa sarili nang malingunan ko ang wristwatch ko and for pete's sake, alas otso pa lang ng umaga. Ano ba ang ginagawa ng alien na playboy na 'to rito sa bahay namin? May iba pa ba siyang sadya, bukod sa asarin ako? Alanganin pa ako kung lalapitan ko ba ito dahil sa bahay naman talaga ang tungo ko, kalaunan nang tahakin ko ang daan palapit doon. Mainit na ang sikat ng araw para sa oras na iyon, kaya hindi ko na kayang umikot pa ng isang beses. "Anong ginagawa mo rito?" Gaano ko man ito kagustong singhalan ay masyado pang maaga para ma-stress, sayang lang ang ganda ko. "Oh! Dito ka pala nakatira?" bulalas ni Leo at saka pa nag-aktong nagulat dahilan para ismiran ko siya. "Akala ko sa Mars." Inirapan ko ito, bago pinagkrus ang dalawang braso sa taas ng dibdib, lalo ngayon na matamang pinagmamasdan ni Leo ang kabuuan ko. I'm only wearing a racer back, mabuti at walang bumabakat sa leggings pants ko. Tumagilid ako nang kaunti at nagkunwaring baliwala sa akin ang paninitig niya. Nagtagal pa iyon sa puson at baywang kong naka-expose, hindi ko na tuloy alam kung tatalikod pa ba ako, o ano— d*mn it. Habang abala ito sa pagsipat ng tingin sa katawan ko ay nagkaroon naman ako ng pagkakataon na matitigan siya. Oo nga pala, iisang company nga lang pala ang pinapasukan namin, kaya marahil ay wala rin siyang pasok. Kaya heto at naka-full time na naman ang pang-aasar niya sa akin. Hindi maiwasan ay mamangha pa ako sa kung gaano siya kagwapo sa suot nitong white v-neck shirt at cargo shorts. Simple lang iyon, pero dalang-dala ng g*go. "Kunwari ka pa, stalker naman kita," palatak ko, kalaunan nang mabalik sa huwisyo. Sa sinabi ko ay bulgar na napanguso si Leo. "Stalker? Look who's talking." "Lumayas ka na nga!" Sa pagbabago ng emosyon ko ay kumawala ang malakas na pagtawa nito. "So, talaga bang in-stalk mo ako noong isang gabi? Pinusuan mo pa ako..." "Excuse me? 'Yung mismong post iyon at hindi ikaw, feeling ka masyado." Binangga ko ito sa kaniyang balikat nang lampasan ko siya, katulad nang parating ginagawa niya sa akin. At hindi pa man din ako tuluyang nakakapasok sa bahay ay nahila na naman niya ang braso ko, rason para kusa akong mapaharap sa kaniya. Kaagad nitong inihain sa harapan ko ang payong na siyang kanina pa niya itinatago sa likuran nito. "Ibabalik ko lang ito. Salamat at dahil sa 'yo ay nakauwi ako nang hindi nababasa kagabi." Ngumiti pa ito na para bang nang-uudyo. Nang maalala ang nangyari kahapon ay awtomatikong nag-init ang ulo ko, nangangati ang mga kamay kong bugbugin siya ngunit malaki ang pagpipigil ko sa sarili. Huminga ako nang malalim, susubukan ko ngayon na hindi siya patulan. Baka sakali ay masanay ako sa presensya nito sa tuwing nalalapit siya sa akin. Mayamaya pa nang mapatingin ako sa papalapit na kotse. Ang bahay namin ay malapit lang sa guard house, kaya madalas ay dinaan-daanan ang harapan ng bahay namin. Katulad na lang ngayon, bago pa man din makalapit iyong kotse sa kinaroroonan namin ay nagulat na lang ako nang buklatin ni Leo ang payong. Saka pa niya iyon iniharang sa katawan ko sa paraang tinatakpan sa hindi ko malamang dahilan. Dala ng trauma ko sa ginawa nito kahapon ay wala sa sariling na-out of balance ako nang mapaatras ako. Rason din iyon upang mapakapit ako sa batok ni Leo, samantala ay maagap naman nitong pinulupot ang isang kamay niya sa baywang ko dahilan para manuot ang init ng kaniyang palad sa balat ko. Para akong sinilaban ng apoy at literal na nag-init ang batok ko, malamang pati ang mukha ko ay bulgar nang namumula ngayon. Nanlalaki ang mga ko, gusto ko pang itulak si Leo palayo ngunit masyado akong naestatwa sa kung paano kami nagkatitigan ng oras na iyon. Tila ba sandaling tumigil ang pag-inog ng mundo ko, wala akong ibang maring kung 'di ang malakas na pagtibok ng puso ko sa paraang naghihingalo. Maging ang paghinga ko ay naging limitado rin. "A—ano bang ginagawa mo?" pigil-hininga kong bulong sa hangin, pero sapat na upang marinig ni Leo. "Masyado mong nilalantad iyang balat mo. Kawawa naman 'yung mga taong makakakita, maagang masisira ang araw nila." "Alam mo ikaw..." Gamit ang hintuturo ko ay madiin kong idinuro ang noo nito, saka pa unti-unting inilalayo sa akin. "Wala ka nang ginawang tama sa buhay ko—" Kaagad nahinto sa ere ang sasabihin ko nang bumukas ang pintuan sa likod ko, kaya walang pasabing binitawan ako ni Leo dahilan para bumagsak ako sa sahig. Malakas akong napasigaw nang tumama ang balakang ko at halos manuot ang sakit doon. "Oh! Leo, ikaw na pala 'yan." Dinig kong boses ni Travis, nang malingunan ito ay nakita kong bihis na bihis siya. Naningkit pa ang dalawang mata ko sa katotohanang siya ang ipinunta rito ni Leo at hinri ako. At saan naman sila pupunta ngayon, huh? Talaga palang napaka-bad influence ng lalaking ito sa kapatid ko. Sa pagdating ni Travis ay hindi na niya ako pinansin. Pagak akong natawa. Isang lingon ang ginawa sa akin ni Travis, bago ito deretsong nagtungo sa kotse. Mabilis pa sa alas kwatrong umahon ako sa pagkakalugmok ko na kahit hirap ay nagawa kong tumayo. "Travis! Akin 'yang kotse, may pupuntahan ako!" singhal ko rito ngunit parang wala siyang narinig, initsa lang nito ang isang kamay sa ere at saka madaliang pumasok sa driver's seat. Bumagsak ang panga ko nang buksan nito ang engine. Dalawa lang ang kotse namin at iyang ginagamit ko ay pinaglumaan pa ni Daddy, ako ang gumagamit dahil ako naman madalas ang maglabas-masok sa bahay. Ang isa ang madalas na ginagamit ni Daddy sa tuwing papasok ito sa trabaho. "At saan ka naman pupunta?" maang na tanong ni Leo na dinaig pa si Mommy, salubong ang mga kilay na binalingan ko ito. "Ano bang pakialam mo? Pwede ba ay huwag ka nang magpapakita pa sa akin? Ikaw iyong nakakasira ng araw," angil ko rito. Wala na ring pakundangan na sinipa ko ang isang binti nito dahilan para kamuntikan na siyang mapadapa. Sayang lang at hindi nangyari, pambawi ko sana sa pagbitaw niya sa akin kanina. Inirapan ko ito, bago tuluyan siyang tinalikuran. Padabog ko pang isinarado ang pintuan na halos magkalasan ang mga turnilyo no'n. Nanggagalaiting tinungo ko ang ikalawang palapag ng bahay. Nangingitngit ang mga ngipin ko dahil sa labis na pagkainis, pati ang pintuan sa kwarto ay hindi ko pinalampas. Nagulat pa ako nang may sumigaw sa labas, hudyat na nagising ko yata si Trevor mula sa mahimbing niyang pagkakatulog. Walang araw na hindi ako nainis ngayong linggo, ano ba ang nakain ng g*gong iyon? Hindi naman siya ganoon dati, kung sundan man ako nito ay hanggang doon lang. Hindi na siya nagtatangkang kausapin ako dahil alam ko namang galit siya sa akin, pero kita mo nga naman kung gaano kakapal ang kalyo nito sa mukha? Level up ang pagiging stalker. Malakas akong napabuntong hininga, ilang beses akong nagpakawala ng hangin na siyang naipon kanina sa baga ko. Bandang hapon nang mapagpasyahan kong mag-ayos na. Natapos na akong mag-manicure at pedicure. Nakapag-ahit na rin ako ng binti, kili-kili at feminine area ko. Last na 'to, kapag talaga hindi pa gumana itong plano ko ay titigil na ako— saka ako mag-iisip ng plan B. Kailangan naming maikasal ni Warren sa lalong madaling panahon. Hindi pwedeng mapupunta lang ito¹ sa iba, dapat ay sa akin lang siya at sa kaniya lang ako. Kami ang itinadhana para sa isa't-isa. Puno ng dedikasyon ang puso ko sa oras na iyon habang nag-aayos ako ng sarili sa tapat ng vanity mirror. Light make-up lang ang inilagay ko dahil alam ko namang mahuhulas din iyon, katumbas nito ay ang pulang lipstick sa labi ko. Hindi pa nagtagal nang sumapit ang alas sais, minabuti ko nang umalis sa bahay dahil wala akong sasakyang dala ngayon. Kaya no choice ako kung 'di ang mag-commute. Dala ang maliit na hand bag ay kaagad akong nagpara ng taxi nang makalabas ako ng village. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag sa kalangitan, pinaghalong asul at orange iyon na siyang maganda sa paningin. Sa kadahilanan ding maaga pa ay nagpaderetso ako sa isang bar, para kahit papaano ay magkaroon ako ng lakas ng loob. Kung saktan man ako mamaya ni Warren ay baka sakaling makalimutan ko bukas. Matapos makapagbayad ay mabilis akong pumasok sa clubhouse na naroon lang sa dulo ng kanto, pamula sa A&D Tower na kinalulugaran ng unit ni Warren. And yes, ang condominium na pagmamay-ari nina Leo. Ilang oras pa ang itinagal ko roon, sa sobrang immune na ng lalamunan ko sa lasa ng alak ay parang wala na iyong epekto sa akin, kaya panay ang order ko. Hindi ko namalayang nakakailang bote na pala ako. Hanggang sa maging sunud-sunod ang pagsinok ko, iyon ang hudyat na tuluyan na akong tinamaan ng alak. Hindi pa ako natuwa at inisang lagukan ko iyong natitira sa huling bote. Naduduling man ay nagawa ko pang maaninagan ang oras sa wristwatch ko, pasado alas onse na pala. Siguro naman ay naroon na si Warren sa unit nito, ganitong oras pa naman siya masarap kausap. Sa isiping iyon ay na-excite ako, kaya maagap akong tumayo. Halos matumba pa ako nang umikot ang paningin ko, hindi lang dahil sa biglaan kong pagtayo, maging sa kalasingan. Dere-deretso akong lumabas ng clubhouse. Hindi ko alam kung paano ako pabnakapaglakad sa gilid ng kalsada nang hindi nadadapa, o nabubunggo. Kalaunan nang huminto ako, bago tumingala sa matayog na building ng A&D Tower. Umalpas ang masayang ngiti sa labi ko. "Yes, Warren. Sa akin ka ngayong gabi..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD