KINAKABAHAN si Jianna habang palapit nang palapit sila sa apartment para sunduin si Gale. Siguradong magugulat si Gale kapag nakilala nito ang lalaking kasama niya. Nag-aalala naman siya sa magiging reaksiyon ng boss niya kapag nakita nitong muli ang batang tinulungan noon sa mall. Makilala kaya agad nito na anak si Gale at mananaig ang lukso ng dugo? Sana lang hindi magalit sa kaniya si Luther dahil hindi niya agad sinabi ang totoo. Pagdating nila sa tapat ng inuupahang apartment ay hindi na hinintay ni Jianna na pagbuksan siya ng pinto ni Luther. Nauna na siyang bumaba nang huminto ang sasakyan nito at dali-daling pumasok sa gate. Tatlong beses pa siyang kumatok sa pinto bago iyon binuksan ni Nana Olyn. “Jianna, ang aga mo yata ngayon. Nag-undertime ka ba?” gulat na tanong nito.

