Makapal ang mga ulap na tumatakip sa araw, at tuwing sumisilip ito'y may matatalas na mga sinag ang dumadapo sa mga ginintuang bukirin, at gumagapang sa simentadong kalsada. Ang mahabang provincial highway—tila walang hangganan ito. Sa paligid ay mga puno at magkakalayong mga bahay—kubo at kung minsa'y gawa sa hollow blocks.
Dinaragsa ng lumang modelong Toyota Hi-Ace ang kahabaan ng highway at takbo nito'y hindi bumababa ng 70 kp/h. Mga magsasaka na may hilang kalabaw ay napapatingin sa mabilis na sasakyan, may konting pagtataka sa mukha, o dahil nakaugalian na nila na lumingon tuwing maririnig ang tunog ng makina.
6 YEARS LATER. THE PRESENT.
Sa loob ng Toyota, malakas ang tugtog ng car stereo. Alternative Rock. At sa manibela, si Hannah na naghe-head bang na sabay sa palo ng drums. Kanyang nili-lip synch pa ang lyrics ng kanta. Collective Soul. White Stripes. Soundgarden. Ito ang mga tipo niyang mga banda.
And the answers you seek
Are the ones you destroy
Your anger's well deployed
Hey why can't you listen
Hey why can't you hear
Maganda si Hannah, lalo na kung aayusan mo nang mabuti, o pang-babae. Tomboyin siya. Rock tees, maong na tastas at may punit sa magkabilang tuhod, black na Chucks, leather wrist bands, pendant na pentagram. Boy-cut ang gupit, mahabang bangs, eyeliner at tattoo sa leeg.
"Pwede ba nating hinaan? Sige na, kahit konti lang," sabi ng lalaki.
Lumingon si Hannah sa kanyang kanan at tinaasan ng kilay ang kasama—si Julius, o Jules. Ka-edaran niya sa kanilang late 20s. Medyo chubby si Jules, malago ang kulot na buhok na halos Afro na. Suot ay makapal na salamin na blue ang color ng frame, terno sa checkered niyang short-sleeved na polo-shirt, yung style na may ibinubutones sa balikat, brown na corduroy pants at Vans rubber shoes—yung red.
"Please?" pagmamakaawa ni Jules.
Nag-roll ng eyes si Hannah at inadjust ang volume knob ng stereo para hinaan ito.
"Kill joy ka talaga," iling ni Hannah at kumambyo ng 4th gear.
"Eh pano naman, kanina pa naka-full volume 'yang tugtog mo," angal ni Jules. "Okay lang sana kung hindi rock n' roll."
"Excuse me, alternative rock," pagko-korek ni Hannah.
"'Di ba may Celine Dion na CD ka?" tanong ni Jules.
Tumawa nang malakas si Hannah.
"Talaga lang?"
Naghalungkat ng CD sa glove compartment si Jules, at namili kung ano ang naroon. Mga discs na wala ng cover at case. Sangkaterbang mga basura, resibo ng gasolinahan, bolpen na wala ng tinta, kung anu-anong papel at plastic ang nakasiksik sa loob.
Inabot ni Hannah ang kaha ng Marlboro Reds sa dashboard, kumuha ng stick at nagsindi. Binuksan niya ang bintana para bumuga ng usok.
"Nasaan na ba tayo?" tanong ni Jules.
"Pampanga pa din," sagot ni Hannah sabay buga ng usok.
"Kumusta na kaya si Father?" muni ni Jules.
Saglit silang napaisip. Matagal na nilang hindi nakikita ang kaibigan nilang pari. Dalawang taon na ang lumipas mula noong huli silang nagkasamang tatlo. Last time na nakita nila ang pari ay hindi okay ito. Palagay nila'y hindi pa siya nakaka-get over sa kanilang last "mission"—ang exorcism na nauwi sa trahedya.
"O ito pala eh!" masayang hudyat ni Jules.
Hawak niya ang CD ni Whitney Houston.
"Kunwari ka pa, Hannah. Eh, may pusong diva ka talaga."
"Hoy, saan mo nakuha 'yan? Hindi akin 'yan!"
"'Wag mag-deny!"
Sinaksak ni Jules si Whitney sa stereo at lumabas ang boses nito sa speakers.
If I should stay
I would only be in your way
So I'll go but I know
I'll think of you every step of the way
Napailing si Hannah sabay roll ng eyes uli, "My God, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa."
Patuloy ang takbo ng Hi-Ace sa kahabaan ng provincial highway. Mataas ang sinag ng araw, makapal ang mga ulap sa langit, at hindi papapigil sa pagbirit si Whitney Houston.
And I...will always love you.
I...will always love you.
At makikita na tumilapon ang CD mula sa bintana na nag-c***k sa mainit na simentong kalsada.
#
Nakaparada sa side ng road ang Hi-ace. Nagyoyosi si Hannah sa labas, nakasandal sa pintuan ng driver's side. Sa kalsada, nagdaraanan ang mabibilis na mga sasakyan.
"Dapat kasi tinawagan mo na lang!" sigaw ni Hannah. "Nakatipid pa sana tayo ng gas!"
Si Jules ay nasa kabilang side ng Hi-ace, dyumidyingel sa malagong d**o.
"Anong sabi mo?!" sigaw ni Jules pabalik.
"Sabi ko, dapat si Father na lang pinaluwas mo!"
Bumalik si Jules na nagsasara pa ng zipper. Tinapon ni Hannah ang upos ng sigarilyo at nagsisakayan sila. Nag-start ang Hi-ace at nagsignal pakaliwa at pumasok muli sa kalsada.
"Feeling ko kasi baka tumanggi si father," sabi ni Jules. "Alam no na, dahil sa nangyari last time. Kung andun na tayo, wala na siyang choice kundi umoo."
"Well, yeah," pagsang-ayon ni Hannah.
May nakita si Jules sa gilid ng kalsada.
"s**t! Tignan mo 'yung puno ng mangga andaming bunga!"
"f**k! Oo nga!" sabi ni Hannah.
Binagalan ni Hannah ang Hi-ace, itinabi at inatras sakto sa ilalim ng isang malaking puno ng mangga.
"Anong ginagawa mo?" nagtatakang tanong ni Jules.
Inangat ni Hannah ang handbrake at binuksan ang pinto.
"Ano pa eh 'di pipitas ng mangga."
"Ano?!" bulalas ni Jules.
Sumampa si Hannah sa taas ng bubong ng Hi-ace at nagsimulang mamitas ng bunga.
"Jules!" sigaw ni Hannah mula sa bubong. "Saluhin mo itong mga mangga!"
Umiiling na bumaba ng Hi-ace si Jules at saktong may binato sa kanyang mangga si Hannah. Hindi niya ito nasalo at kanyang pinulot sa lupa.
"Ito pa!"
Binato pa ni Hannah ang tatlong mangga na sinalo ni Jules.
"Tama na, marami na 'to!" inis na sabi ni Jules. Si Hannah ay may inaabot pa na mangga.
"Last na!"
Bumaba si Hannah at nagsisakayan sila at umandar na uli ang Hi-ace tungo sa provinicial highway. Nakakuha sila ng anim na Indian Mango.
"Okay sana kung may bagoong tayo," masayang sabi ni Hannah. "Sa Tarlac kaya meron?"
Tinignan siya ni Jules, "Hannah, nasa Pilipinas tayo. Kahit saan may bagoong."
May nadaanan silang maliit na carinderia at doon nananghalian ng Tapsilog. Nanghiram si Hannah ng kutsilyo at kanyang binalatan ang isang mangga. Tinanong niya ang manang na tindera kung may bagoong sila, at ang sabi nito'y wala.
"Kahit saan pala ha," mataray na sabi ni Hannah kay Jules.
After kumain ay lumarga na uli sila. Makaraan ang ilang oras ay nakita nila ang isang sign na nakalagay ay: Welcome to Tarlac.
"Sa wakas," sabi ni Jules.