'Pag dating nina Thea at Gabby sa lugar kung saan ginaganap ang welcome party para kay Calvin ay marami nang tao. Ipinagpasalamat ni Thea 'yon dahil hindi na siya mapapansin ni Calvin doon dahil sa dami ng bisitang kailangan nitong i-entertain. At tsaka, hindi rin naman sila magtatagal doon, ang mahalaga ay pumunta sila alang-alang kay Miguel. Nilingon niya ang kasama ngunit wala na ito sa kanyang tabi. Hinagilap niya kung nasaan ito at namataan sa isang table habang abala sa pagtingin sa isang grupo ng kalalakihan. Ang landi talaga nito, hindi pa sila nagtatagal ay nakahanap na agad ito ng mga prospect! At talagang iniwan pa siya ha! Agad niyang nilapitan ang kaibigan at patago niya itong kinurot. Dahil maraming tao ay hindi ito makapag-reklamo at poised pa ring tumingin sa kanya.

