Masasarap ang mga pagkaing inihanda ni Calvin at kahit hindi siya nagugutom ay parang natakam siya. Mukhang masisira ang kanyang diet dahil dito. Napatingin siya sa dating nobyo nang ipagsandok siya nito ng kanin. Pero agad niyang pinagsisihan na tinignan niya pa ito. Kung bakit ba naman kasi naka-candle light pa sila? Lalo tuloy itong naging gwapo sa paningin niya. Idagdag pa ang pag-aasikaso nito sa kanya ngayon. "Hindi ako imbalido. Kaya kong sumandok ng pagkain ko," aniya para mabawasan ang pagka-ilang niya. Hanggang ngayon ay kinukumbinsi pa rin niya ang sarili na napilitan lang siyang pagbigyan ang lalaki. "Sayang ang pagkain!" aniya sa isip. Pero hindi pa rin talaga niya maiwasang kiligin sa mga ipinapakita ng lalaki sa kanya. Kahit na ilang beses na niyang sinaway ang sarili.

