Ibinaba ni Gia ang bulaklak sa puntod ni Benjamin saka hinipo ng kamay ang letrang nakaukit doon. Napakaiksi ng panahon. Parang kahapon lang ay kasama niya ito sa private resort nito sa Batangas kasama ang kanyang anak, pero ngayon ay isa lamang itong alaala sa puso niya. Alaalang babaunin niya hanggang sa lumaki si Jaime, dahil ito ang nagpakaama sa anak nila ni Samir. "I hope you will find it in your heart to forgive my son, Gia," pakiusap ni Benjamin habang nakatanaw silang dalawa sa papalubog na araw. Kasama ang nurse nito, ang yaya ng anak niya at siya, nakiusap si Benjamin na doon sila mamalagi habang nakikipaglaban ito sa sakit na kanser. Doon ay inalagaan niya ang matanda. Kapag nakatulog na ito ay nagagawa niyang magsulat ng nobela. "I will try, Papa," pangako naman niya.

