Unang Pagkikita
Bakit ito nangyari?
Ano ba ang puno't dulo nito?
Sino ba ang dapat sisihin?
Kailangan bang may sisihin?
Hindi ba, mas mainam kung hindi ito nangyari?
Dapat hindi na lang ako ipinanganak.
"Tama… Sana hindi na lang ako ipinanganak." Aking bulong habang nakaupo sa gilid ng talampas at pinagmamasdan ang tahimik at malinis na karagatan. Tanaw sa aking kinauupuan ang ganda nito na kahit araw-araw ko pa ito masilayan, hindi ko pa rin ito pagsasawaan. Subalit, hanggang ngayong araw ko na lang siya mapagmamasdan kung kaya susulitin ko na ang pagmuni-muni. Kinabukasan kasi nang madaling araw, kami ay babalik na sa tunay naming tirahan—sa siyudad. Sa siyudad na kung saan magulo at maingay, ibang iba sa lugar na ito.
Sana hindi na matapos pa ang bakasyon na 'to.
Ano kaya kung tumalon ako rito para hindi ko na muli marinig pa ang mga ingay? Kung akin iyon gagawin, magiging payapa na ba ang magulo kong buhay? Sana oo. Mas maganda siguro na mangyari iyon, ang kaso nga lang kung gagawin ko ang binabalak kong gawin, may chance pa akong mabuhay. Masyadong mababa ang talampas na ito at hindi rin matarik. At kung mabuhay nga ako at nakita nila ang kalagayan ko, pawang masasakit na salita na naman ang aking matatanggap at hindi ang tanong na "Ayos ka lang ba?" Ang tanong na matagal ko ring hinihintay sa kanila na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin naririnig. Miski nga noong nagkasakit ako nang malubha o may nangyari sa aking masama, hindi man lamang nila kinumusta ang aking kalagayan. Kahit iyon lang ay gawin nila para maramdaman ko, kahit kaunti, na ako ay kanilang mahal at hindi sila nagsisi na isinilang nila ako.
Minsan, natanong ko rin sa aking isipan na pinagsisihan ba nila na ako'y kanilang pinanganak? Nagsisi ba sila na nagkaroon sila ng anak na katulad ko? Kahit hindi kasi nila sinasabi, nararamdaman ko at pinaparamdam nila sa akin na sila ay nagsisisi sa akin. Naunawaan ko rin naman dahil walang kuwenta akong anak. Oo, isang walang kuwentang anak, araw-araw ko kasi ito naririnig sa kanila, lalo na kapag galit sila.
Siguro sila ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, hindi pa rin ako nakakaramdam ng pagmamahal. Para kasing nawalan na ako ng damdamin—nawalan na ako ng pake sa lahat, miski sa aking sarili. Hindi ko man lamang naranasan kiligin sa ibang tao o masabi na crush o mahal ko ang taong ito. Miski nga sa iba pang bagay, hindi ko masabi na mahal ko ang bagay na ito o mahal ko ang larong ito dahil hindi ko maramdaman ang tinuturing nilang pinakamakapangyarihan sa lahat—ang pag-ibig.
"Bakit mo naman iyan nasabi?" Sa hindi inaasahang pagkakataon, may isang taong sumulpot sa aking tabi. Mabilis ko siyang nilingunan at nasilayan ang tipid niyang ngiti nang magtama ang aming mga mata. "P'wede ba ako tumabi sa 'yo?" muli niyang tanong.
Nananatili lang akong tahimik at binalin ang tingin sa karagatan. Sa tingin ko naman ay hindi na niya kailangan pang magtanong sapagkat naramdaman ko na siya ay umupo sa aking tabi. Napansin ko, mula sa gilid ng aking mata, na umupo siya na hindi naman nagkakalayo sa akin.
"Mukhang… mabigat ang dinadala mo, base na rin sa mga sinabi at sa mga walang buhay mong mata…. Gusto mo ba ng kausap?" malumanay niyang pahayag.
"Kung gusto ko ng kausap, dapat kanina pa kita sinagot," walang gana kong sagot.
"Wow… Sa wakas, nagsalita ka rin. Paano iyan, sinagot mo ako ngayon, ibig ba niyang sabihin… yes ang sagot mo sa tanong ko?" masaya niyang tugon. Akin siya tiningnan nang masama. Hindi ko nagustuhan ang sinabi niya, mas lalo na ang nakaiirita niyang ngiti. "Bago pala ang lahat, magpapakilala muna ako. Ako nga pala si Dan. Nice to meet you." Ang weird, parang familiar ang name niya.
"Dianne," tipid kong sagot. Masyado namang rude kung hindi ako magpapakilala at isa pa, sa tingin ko naman ay ito na ang una't huli naming pagkikita.
"Dianne, ha? Nice to meet you, Dianne." Inilahad niya ang kamay niya, ngunit tiningnan ko lang ito. Ayokong makipagkaibigan sa kaniya, lalo na't aalis na rin kami sa lugar na ito. "Hanggang ngayon snobber ka pa rin?" Bahagya siya natawa, sunod niya kinamot ang batok ng kamay na inilahad niya sa akin. "Maiba nga tayo… kumusta naman ang pag-stay mo rito? Kailan ka babalik sa inyo?"
Tinaasan ko siya ng isang kilay. "So, alam mo na dayo lang kami?"
"Obvious naman kahit hindi mo aminin."
Ilang segundo rin kami naging tahimik bago ko siya sagutin. "Ayos lang din. 'Di na masama."
"That's good to hear. So, umm... kailan ba kayo aalis? Mukhang ayaw mo pa kasi umalis."
"Ayoko pa nga... Sa lugar na ito, kahit papa'no, nagkaroon ako ng peace of mind."
"Hmm… Gano'n ba? Kung… may chance ka ba na mag-stay dito, tatanggapin mo?"
"Oo."
"Gano'n na ba kagustuhan mong makatakas?"
"Anong ibig mong sabihin?"
Muli niya ako tiningnan. Sa pagkakataong iyon, hindi ko na nakita ang nakaiirita niyang ngiti. Seryoso niya ako tinitigan at tila ba nabasa niya ako mula sa mga 'walang buhay' kong mata. "Hindi ko alam kung ano ang mabigat mong dinadala, pero… mukhang may clue na ako about do'n. Mukhang gusto mo tumakas sa isang bagay at ayaw mo na itong balikan. Kung ano man ang desisyon mo—kung ang nais mo ay takasan ito—palagi mong tatandaan na dapat mo isaalang-alang ang kaligayahan mo. Tanungin mo muna ang sarili mo kung magiging masaya ka ba sa desisyong gagawin mo." Sa kaniyang mga sinabi, hindi ko alam kung ano ang isasagot sa kaniya. Ako ay nag-isip-isip. "Alam mo ba, itong p'westo na ito, ang pinakapaborito kong tambayan simula nang nakapunta ako rito? Tanaw ko kasi ang ganda ng lugar, lalo na ang mga tao. Mukha nga silang mga basura mula rito… Mga maliliit na basurang pakalat-kalat sa magandang lugar na ito. Nang dahil sa kanila, nasira ang ganda ng karagatan." 'Tsaka siya bumungisngis.
"Basura?" Medyo natawa ako sa part na iyon.
"Ahh… Well, sa atin-atin lang ito, ah… Gano'n kasi tingin ko sa kanila, miski sa iyo. No offense," masaya niyang usap.
"Nah… Sanay na ako."
"Na alin? Na maging honest sa iyo?"
"Na tawagin akong basura. Totoo naman kasi."
"Hmm… P'wede ko ba malaman ang dahilan at kung sino-sino ang nagsabi sa iyo na isa kang basura, except sa akin?"
"At bakit ko naman sasabihin sa isa sa nagtawag sa akin nito?" Tumawa na lang kami at ako'y napailing. "Curious lang… Ba't mo tinuring na basura ang mga tao? Tao ka rin naman, ah. Katulad ka rin namin. Meaning, basura ka rin."
"Tao? Hindi ko nga alam kung tao pa ako." Bumuntong siya ng hininga. "Basura dahil… iyon ang tingin ko sa kanila. Simple as that," kibit-balikat niyang sagot.
"Yeah, right…" Duda ako sa sagot niya, ngunit akin na lamang siya hinayaan. Kung ayaw niyang sabihin ito, ayos lang. Baka may malalim siyang dahilan. Ngunit, palaisipan sa akin ang sinabi niya kanina. Tumingin-tingin ako sa kaniya at sinusubukan alamin sa likod ng kaniyang sinabi.
Maya-maya pa ay siya ay bumungisngis. "Curious ka bang malaman?" tanong niya.
"Oo naman," mataray kong sagot.
"Siguro sa susunod na lang…" Ayaw talaga niya sabihin.
"How about sa sinabi mong hindi ka sigurado kung tao ka pa ba? Anong ibig mo sabihin sa part na iyon?" Tinaasan ko siya ng isang kilay.
"Ah, iyon?" Mapakla siyang ngumiti. "Parang kasing… hindi tao ang turing ng parents ko sa akin. To be honest with you, tinawag pa nila akong halimaw dahil nagkasakit lang ako. Nagkaroon kasi ako ng malubhang sakit noon. Sobrang taas na ng lagnat ko noon at hirap na ring huminga, tapos iyon pa ang sasabihin nila sa akin…." Bumuntong siya ng hininga. "Tanda ko pa ang sinabi ni Papa na dapat daw sinusunog ang mga katulad namin. Hindi ko nakita ang reaksyon niya dahil nasa kabilang kuwarto lang siya, pero narinig ko ang tawa niya pagkatapos niya iyon sabihin. Hindi ko nga rin sure kung nagbibiro lang siya, pero para sa akin—para sa batang nahihirapan sa kaniyang sakit at mag-isang hinaharap iyon—hindi iyon isang magandang joke.
"Siguro, sa iba, mababaw lang ang dahilan ko, pero sobrang lakas kasi ng impact ng sinabi niya sa akin. Tandang tanda ko talaga iyon, masyado kasing masakit para hindi ko iyon kalimutan. Umiyak pa nga ako noon kaya lalo tumaas ang lagnat ko noon. And because of that, napagalitan ulit ako… Grabe talaga. Kaya simula noon, tumatak na sa isipan ko na isa akong halimaw," pagsasalaysay niya na may ngiti sa labi. "Kaya… hindi na rin masakit kung ikumpara nila ako sa iba, lalo na sa kapatid ko. Alam ko na kasi ang dahilan, dahil isa nga akong halimaw sa pamilya namin."
"Kung gano'n, pareho pala tayong may problema sa magulang."
"Bakit? Iyong parents mo ba ang gusto mong takasan?" mabilis niyang tanong.
"Oo. Gusto ko na kasi umalis sa kanila at 'wag na bumalik. Makakatakas lang ako sa kanila kung mamamatay ako. Doon naman din ang bagsak natin, gusto ko lang mauna para maging payapa na ang kalooban ko—para maging okay na rin sila. Mabawasan din ang palamunin at pabigat sa bahay nila– iyon naman palagi nila sinusumbat sa akin. Nakakasawa na. Kahit ginawa ko ang utos nila—with honors at nakapasa sa isa sa malaking universities at suma-sideline na rin ako para 'di na nila ako sumbatan—para sa kanila, hindi pa rin iyon sapat. Gusto nila ng isang perfect daughter na tunay nilang ipagmamalaki sa iba at mapapakinabangan sa hinaharap," buntong hininga kong sagot.
"At kapag na-fail ka kahit katiting lang—sabihin na lang natin sa isang subject sa school or such—lalo ka nila susumbatan. Wala man lamang 'Congratulations, anak!' o 'di kaya purihin ka sa lahat ng achievements mo. Iyong isang pagkakamali na iyon ay una nila mapupuna at ibabato sa iyo…" pagpapatuloy niya. "Yeah, I feel you. Hindi ka nag-iisa." Huminga siya nang malalim habang siya ay nakatingala at nakapikit. Maya-maya pa ay idinilat na niya ang mga niya at binalin ang tingin sa akin. "P'wede ba akong sumama sa iyo? Gusto ko na ring mawala sa mundo. Kung p'wede sana ngayon na, dito sa lugar na ito." Sunod siyang tumingin sa ilalim ng talampas na aming inuupuan. "Pero masyado namang mababa. Masasayang lang ang effort nating tumalon."
"Naisip ko na rin iyan. May iba ka pa bang masa-suggest?"
"Ano kaya kung magsaksakan na lang tayo?" Sa sobra kong pagkabigla, ako ay natawa. Hindi ko inaasahan ang inalok niya. "Ang kaso ayoko namang masaktan. Sa katunayan niyan ay ayokong nasasaktan. Sobra na akong nasaktan simula pagkabata– sa huli ko pa bang araw na pamamalagi ko sa mundo, masasaktan ulit ba ako? 'Wag naman, uy…" buntong hininga niyang sagot.
"Tama… Mas maganda kung payapa tayong mamatay—tahimik lang—para sa huli nating araw, nakaramdam tayo ng kapayapaan kahit sa araw na iyon." Hindi ko maunawaan kung bakit naging panatag ang loob ko sa kaniya at taos puso ko naihahayag ang aking saloobin kahit ngayon lang kami nagkita. Masarap din pala sa pakiramdam na ilabas itong matagal ko na kinikimkim sa aking puso. Hindi ko inaakala na sa ganitong lugar, araw, at tao ko pa ito naibahagi.
"Wow… Ang sarap sa feeling. Ganito pala ang feeling 'pag na-release mo na ang matagal mong dinidibdib?" masaya niyang usap at nakita ko ang malaki niyang ngiti. Nagulat naman ako sapagkat hindi ko inaasahan na pareho kami ng nararamdaman. Ibig ba niyang sabihin na sa akin lang din niya naibahagi ang lahat ng kaniyang sinambit? "Secret lang natin ito, ah. Kung ano man ang pinag-usapan natin dito, hanggang dito lang. That's it!" diin niya.
"Don't worry. Safe ang sikreto mo sa akin. Wala naman din akong pagsasabihan niyan. Baka ma-bore lang din sila kapag nag-share ako," biro ko.
"Ouch naman… Boring ba akong kausap? Sensiya na, ah." Nag-inarte pa na nasaktan siya sa aking tinuran. Natawa na lang ako at umiling. "By the way, thank you nga pala at nakinig ka."
"No… I should be the one na mag-thank you sa iyo. Thank you, Dan." Tanging mainit na ngiti ang sinagot niya sa akin. "Anyway, bago ako umalis, may social media ka ba?" tanong ko.
"Aww… Gusto mo ba ako maging kaibigan? Nakakataba naman ng puso."
Nairita ako sa kaartehan niya at napagtanto na mali ang desisyong tanungin siya. "Huwag na pala. Bahala ka na sa buhay mo," inis ko.
"Joke lang," natatawa niyang sambit. "Ang totoo niyan, wala… talaga akong social media or email. Wala rin akong cellphone number."
"Wala? Miski isa? Paano kang nabuhay na walang gano'n?" Hanga rin ako sa lalaking ito. Sa panahong advanced na ang lahat, lalo na ang technology, meron akong nakilalang isang lalaking walang ka-acces-access sa social media. Mukhang ayos din naman ang status niya kasi disente rin ang kaniyang suot. Kaya niya makabili ng any gadgets, o baka naloloko lang ako sa maganda niyang damit?
Kibit-balikat lang niya ako sinagot na may ngiti sa labi. "Don't worry, 'di lang ito ang una't huli nating pagkikita."
"Gaano ka ka-sure?"
"A hundred percent." Saka siya ngumisi.
"Anyway, may cellphone ka naman ba?"
"Meron."
"Meron naman pala. Ba't ayaw mong gumawa ng account? At bakit ayaw mong bumili ng sim?"
"Hindi ko kasi trip and besides, hindi ko pa time para magpakita." Medyo naguluhan ako sa sinagot niya. Akin lamang iyon isinantabi. Alam ko naman na may dahilan siya at baka ayaw niya ngayon sabihin. "Pero dahil makulit ka, sige, gagawa ako para sa iyo." At ako'y muli niyang ningitian. Hindi ko matukoy kung pinagti-trip-an lang ako nito, para kasing oo. "Oh, look! Sunset," sabik niyang turo.
Pinanood ko ang unti-unting paglubog ng araw. Ilang beses ko na rin ito nakita, subalit hanggang ngayon ay nagagandahan pa rin ako rito. At nang malapit nang magdilim, minabuti ko nang bumaba na.
Balak ko sana siyang yayaing bumalik, ngunit sa aking paglingon, nawala na siya na hindi nagpapalaam sa akin. Hindi ko man lamang naibigay sa kaniya ang contact ko. Sayang lang dahil aalis na kami bukas at baka hindi na kami magkita pa.
Bahala na.
Bumalik na ako sa aming tinutuluyan at sa aking pagbalik, nadatnan ko ang buo kong mag-anak na masayang nagkakantahan at nagsasayawan habang ang iba naman ay kumakain at lumalangoy sa karagatan. Muli ko isinuot ang aking masayang maskara upang sa pagharap ko, wala silang masabi sa akin.