Chapter 5

2498 Words
“BAKIT naman tinanggihan mo pa 'yong marriage proposal ni Jason?” Naririndi na si Yoomi sa paulit-ulit na tanong ni Issa simula nang sunduin siya nito sa condo unit ni Jason. Tinawagan niya si Issa kanina habang naliligo si Jason at nagpasundo na siya. Nag-iwan na lang siya ng sulat sa ibabaw ng kama ng binata. Bumaling siya sa labas ng bintana ng kotseng kinalululanan nila ni Issa. Magkatabi sila sa backseat no’n. “Malalim 'yong nararamdaman niya para sa’kin, Issa.” “Mahal ka niya?” Hindi siya sumagot. “Eh, 'di okay,” pagpapatuloy ni Issa. “Mas madali mong mapapasunod si Jason sa gusto mo kung mahal ka niya. Ibibigay niya sa’yo ang lahat ng hihilingin mo. At hindi mo naman siya kailangang iwan sa huli, Yoomi. Ikakasal kayo. Puwede kang maging asawa niya habambuhay.” Mas madali sana kung hindi siya mahal ni Jason. Mas madali sana kung mapipilitan lang itong magpakasal sa kanya dahil nabuntis siya nito. Nang sa gano’n, kapag nakipaghiwalay na siya rito matapos niyang makuha ang kailangan niya, makakahinga pa ito ng maluwag. Pero hindi gano’n ang mangyayari. Kapag iniwan niya si Jason, alam niyang masasaktan ito at matututunan nito mula sa kanya na impiyerno lang ang pagpapakasal. At ayaw niyang gawin 'yon dito. Ayaw niyang dagdagan ang tulad niyang sira na ang paniniwala sa pagpapakasal. Nilingon niya si Issa. “'Yon nga 'yong kinakatakot, Issa. Hindi ako naniniwala sa kasal. Nakita ko ang mama ko na sinubukang saksakin ng kutsilyo ang papa ko. Nakita ko ang papa ko na batuhin ng electric fan ang mama ko. Narinig ko silang magmurahan sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Sa tingin ko, sapat na dahilan na 'yon para hindi ako maniwala sa kasal at kung anu-ano pa na pinaniniwalaan ng mga babaeng hindi lumaki sa impiyernong bahay na gaya ng sa’kin.” Impiyerno ang naging pagsasama ng mga magulang niya, at iyon marahil ang dahilan kung bakit lumayas si Xaver sa bahay nila noon. Kaya nga parang masamang biro na sabay namatay sa aksidente ang mama at papa niya kung kailan nagdesisyon ang mga ito na tuluyang maghiwalay. “Pero kapag nakatingin ako kay Jason,” pagpapatuloy niya. “naiisip ko na baka hindi naman lahat ng pagsasama ng mag-asawa ay miserable. Baka may maipakita siya sa’kin na hindi ko nakita kina Mama at Papa, o sa inyo ni Samuel. At 'yon ang kinakatakot ko – ang maniwala ako sa ibang mukha ng kasal at mabigo lang sa huli. Ako 'to, Issa. Walang magandang nangyayari sa buhay ko.” Halatang nagulat si Issa sa mga sinabi niya. Maging siya ay nagulat sa mga nasabi niya. Akala niya, matapang na siya. Akala niya, matigas na ang puso niya. Sa huli pala, gaya lang siya ng pangkaraniwang babae – naniniwala sa fairy tale at naghihintay sa prinsipeng magliligtas sa kanya sa kamiserablehan niya. Natauhan lang siya nang huminto na ang kotse. Pagbaling niya sa labas ng bintana ay naroon na pala sila sa tapat ng masikip na eskinita papunta sa bahay niya. Hanggang do’n na lang siya puwedeng ihatid ni Issa dahil hindi kasya ang sasakyan nito sa makipot na daan. “Salamat sa paghahatid sa’kin, Issa,” sabi niya sa kaibigan nang hindi makatingin dito. Nahihiya kasi siya sa pagbuntong niya ng galit dito. “Tatawagan na lang uli kita.” “Yoomi...” Hindi na siya nagpapigil kay Issa at bumaba na siya ng kotse. Lakad-takbo siya papunta sa bahay niya at hindi niya pinapansin ang mga kapitbahay niyang may sinasabi sa kanya. Maging ang mga bata ay tila pinipigilan siya sa pag-uwi pero wala siyang pinapansin sa mga 'yon dahil nagbabadya nang pumatak ang mga luha niya. “Ate, Ate!” pigil sa kanya ng isang bata na humarang pa talaga sa daan niya. “Ano ba 'yon?” naiinis nang tanong niya. “Yoomi!” Nalingunan niya si Xaver na kalalabas lang ng bahay nila. Malayo pa lang ay nakikita na niyang galit na galit ito. Nakaramdam siya ng pangangailangang tumakbo palayo, pero nanigas siya sa kinatatayuan niya dala ng matinding takot. Sinampal siya ng malakas ng kapatid niya paglapit nito sa kanya na napaupo siya sa sahig. Pakiramdam niya ay umikot ang mundo, kasabay ng sigawan ng mga kapitbahay nila. “Walanghiya ka, Yoomi! Pinahiya mo ko sa amo ko!” galit na galit na sumbat ni Xaver sa kanya. Tinuro nito ang bugbog-saradong mukha nito. “Nakikita mo 'to? Muntik na nila akong mapatay kagabi dahil sa kagagahan mo!” Marahas na hinawakan siya sa braso ni Xaver at hinila patayo. Halos kaladkarin siya nito papasok sa bahay nila. Wala ni isang tumulong sa kanya dala marahil ng takot sa kapatid niya. Hindi rin siya makasigaw dahil hanggang ngayon ay hilo pa rin siya dahil sa malakas na sampal ng kuya niya kanina. Tinatangka niyang manlaban pero mas malakas talaga ang kuya niya. Sa bawat suntok niya rito, dobleng lakas ng sampal ang iginaganti nito sa kanya. Nang nasa bahay na sila ni Xaver, do’n na lalong umikot ang mundo niya. Paulit-ulit na sinampal siya ng kuya niya habang minumura at sinisigawan siya nito. Pagkatapos ay sinuntok siya nito sa sikmura at mabilis siyang namalipit sa sakit. At sa gitna ng matinding pananakit ng mukha at katawan niya, narinig niya ang boses na tila tumatawag sa kanya. “Yoomi!” Tuluyan na siyang natalo ng sakit na nararamdaman niya dahil sa patuloy na pagbugbog ni Xaver sa kanya. Ang huling natatandaan niya, sa malakas na sampal ng kuya niya ay natumba siya at tumama ang ulo niya sa matigas na bagay. NADUDUROG ang puso ni Jason habang pinagmamasdan ang mukha ng natutulog na si Yoomi. Namamaga ang mga pisngi nito, putok ang gilid ng labi nito at may benda sa ulo nito. Tumama kasi ang likod ng ulo nito sa matulis na gilid ng mesa nang matumba ito matapos sampalin ng gagong si Xaver. Nang mabasa niya ang iniwang sulat ni Yoomi sa kama niya, nag-alala siya dahil alam niyang sasaktan lang ito ni Xaver. Mabilis siyang nagpunta sa bahay nina Yoomi. Naka-lock ang pinto ng bahay nang makarating siya ro’n, pero naririnig niya mula sa loob ang galit na boses ni Xaver at ang pag-ungol ni Yoomi. Gamit ang buong lakas niya, sinipa niya ang lumang pinto at bumukas naman iyon. Huminto ang pagtibok ng puso niya nang makita niya si Yoomi na walang malay sa sahig habang dumudugo ang ulo. Kung hindi lang siya nag-aalala sa dalaga, baka napatay na niya si Xaver na nagmistulang estatwa habang nakatingin sa halos wala nang buhay na katawan ng kapatid nito. Binuhat niya si Yoomi at sinakay sa kotse niya. Pagkatapos ay dinala niya ito sa ospital. Ang sabi ng doktor, magigising na ito mamayamaya dahil wala namang umanong namuong dugo sa ulo ng dalaga. Ini-report na niya sa pulis ang ginawa ni Xaver pero ayon sa mga 'yon, wala na raw si Xaver sa bahay. Pero sa oras na makita niya ang gagong 'yon, igaganti niya si Yoomi. “I’m sorry kung nahuli ako ng dating, Yoomi.” Hinawakan niya ang kamay nito at dinala sa bibig niya. He gently kissed the back of her hand. “Hindi na kita hahayaang masaktan uli.” Dinukot niya mula sa bulsa niya ang kaheta ng singsing na parati niyang dala sa bulsa niya. Binuksan niya iyon at sumalubong sa kanya ang simpleng gold ring na may emerald stone sa ibabaw. The ring was an heirloom from her mother. Dumako ang tingin niya kay Yoomi. Hindi si Yoomi ang unang babae na napag-isipan niyang bigyan ng singsing na iyon. He had thought about giving the ring to Kiana – his first love. Pero labingwalong taong gulang pa lang sila noon kaya nagdalawang-isip siya. When he was eighteen, he was a rebel. Nasa kolehiyo pa lang ay mahilig na siyang tumugtog at bumuo ng banda at imbis na pag-aaral ang atupagin niya, mas inuuna niya ang pag-gig-gig sa mga bar malapit sa unibersidad niya, kasama ang barkada niya kung saan kabilang si Kiana. Because he and Kiana were young then, they had been driven by their wild hormones. Makailang ulit na may nangyari sa kanila nang hindi sila gumagamit ng proteksyon. Hanggang sa magbunga nga ang pagmamahalan nila. Dala ng takot at karuwagan, tinakbuhan niya ang responsibilidad niya kay Kiana. Kung ang sarili niyang pamilya, hindi siya tanggap noon, paano pa siya bubuo ng pamilya niya kung hindi niya alam ang kahulugan niyon? Sa kabila ng pagmamakaawa sa kanya ni Kiana na huwag niya itong iwan, tumakbo pa rin siya palayo. Dalawang buwan din siyang nagpakalayo-layo kay Kiana. Naglagi siya sa hacienda ng ama niya sa Laguna. Sa bahay na iyon, nakita niya ang singsing na iniwan sa kanya ng mommy niya noong walong taong gulang siya bago ito pumanaw. Naisip agad niya si Kiana at do’n siya nagdesisyong handa na siyang panagutan ito. Pero nahuli siya ng pagbalik. Nalaman niya na tatlong araw na rin simula nang ipalaglag ni Kiana ang bata sa sinapupunan nito dahil natatakot ang dalaga na palayasin ito ng mga magulang nito kapag nalamang buntis ito. Gaya niya, nagmula rin sa mayamang pamilya ang dalaga dahil anak ito ng isang kilalang negosyante. Natakot ito marahil sa kahihiyang puwede nitong dalhin sa pamilya nito. Kiana must have felt helpless, knowing that he would never take responsibility of her. Ang mas masama pa, nagkaroon ng komplikasyon ang pinagdaanang proseso ni Kiana dahil hindi naman tunay na doktor ang nagtanggal ng bata sa sinapupunan nito. Natakot kasi ito na kapag sa doktor ng pamilya nito pinagawa ang proseso, malalaman iyon ng mga magulang nito. Nando’n siya ng gabing sinugod sa ospital si Kiana. Hindi niya makakalimutan ang itsura ng dalaga no’n. Halatang pagod na pagod ito at hirap na hirap na. Hinawakan ni Kiana ang kamay niya. “Jason, mali ang ginawa ko. I’m sorry...” Yumuko siya at dinikit ang noo niya sa likod ng kamay ni Kiana. Hindi niya magawang tumingin ng diretso sa mga mata nito. “Mas malaki ang kasalanan ko sa’yo, Kiana. Kung hindi kita iniwan, hindi mo maiisipang ipaglaglag ang anak natin. I’m sorry if I wasn’t there for you when you needed me most.” Lalong bumigat ang paghinga ni Kiana. “Hindi pala maitamama ng panibagong pagkakamali ang isa pang pagkakamali. Charge this to experience, Jason,” may himig pagbibiro sa boses nito. Naglakas-loob siyang salubungin ang tingin ni Kiana. Wala siyang nakitang galit sa mga mata nito. Sa halip ay naroon ang pang-unawa at pagmamahal. Tuluyan na siyang napaiyak. “I’m sorry, Kiana. I love you.” Pumatak din ang mga luha ni Kiana. “I love you, too, Jason.” Humugot ito ng malalim na hininga, pagkatapos ay ngumiti ito kasabay nang unti-unting pagpikit ng mga mata nito. “Huwag ka nang tatakbo uli...” Naputol lang ang pagbabalik-tanaw niya nang pumatak ang mga luha niya sa singsing na hawak niya. He still carried the guilt over Kiana and their unborn child’s death. Hindi na yata mawawala 'yon. Pinunasan niya ng mga kamay niya ang basa niyang mga pisngi. Binalingan niya si Yoomi nang bahagya itong kumilos, pero hindi pa rin ito nagising. Napangiti siya at marahang pinisil ang baba ng dalaga. Gumagaang talaga ang pakiramdam niya kapag nakikita niya ito kaya kahit abala siya sa maraming bagay ngayon, sinisiguro pa rin niyang mabibista niya ito isang araw sa isang linggo. Pero nang sabihin ni Yoomi kagabi na ang araw ng pagbisita niya rito ang pinakahihintay nito sa buong linggo, nabuo na ang desisyon niyang hindi siya mawawala sa tabi ng dalaga. Patutunayan niya rito na wala itong dapat ikatakot dahil hindi niya ito iiwan. Nang gabing hiniling niya kay Kiana na bigyan siya nito ng panibagong dahilan para mabuhay, nakilala niya si Yoomi. Alam niyang hindi iyon nagkataon lang. He was drawn to her. He felt like he had to take care of her, not because he had to but because he wanted to. At pagkatapos ng nangyari sa kanila ni Yoomi kagabi, wala na siyang balak pakawalan ito. Umungol si Yoomi. Hanggang sa unti-unti na itong nagmulat ng mga mata. Nang mapatitig ito sa mukha niya, saka lang ito tuluyang nagising. “Jason...” nanghihinang sambit nito sa pangalan niya. Ngumiti siya, saka tinapat ang kaheta ng singsing sa harap nito. “For the second time, marry me, Yoomi Jacinto.” Hindi gaya nang unang beses na inalok niya ito ng kasal, hindi na ito nagulat. Matamang pinagmasdan siya nito. “Kailan mo pa naisip na gusto mo kong pakasalan, Jason?” “Simula nang magising ako at ang mukha mo ang una kong nakita pagmulat ko.” Muli ay pinisil niya ang baba nito. “I realized that I don’t mind seeing your face first thing in the morning, and I know I wouldn’t for the next ten years and so on.” Matagal bago ito muling nagsalita. “Hindi biro ang habambuhay na pagsasama, Jason.” “Hindi rin naman biro ang pag-aalok ko ng kasal sa’yo, Yoomi.” Nakita niyang nangilid ang mga luha nito. “Aalagaan mo ba ko, Jason? Ipapangako mo ba na hindi mo hahayaang may manakit uli sa’kin?” Nadurog ang puso niya nang mahimigan ang takot sa boses ni Yoomi. She was probably traumatized after her own brother beat her hard. He never felt so murderous in his life until now. Kapag nakita talaga niya si Xaver, patawarin siya ng Diyos sa puwede niyang gawin. Pero sa ngayon, si Yoomi muna ang mas dapat niyang alalahanin. Niyakap niya si Yoomi. Siniguro niyang hindi idagan ng husto ang katawan niya rito sa katawan nitong tiyak na bugbog pa. Gusto lang niyang iparamdam dito ang pag-aalala niya. “Wala nang mananakit sa’yo, Yoomi. Pangako 'yan.” “Dahil ba sa awa?” Hindi niya iyon maitatanggi. “Pity is one form of love, Yoomi. But it didn’t mean it couldn’t grow into something more. Magandang simula nang may malasakit tayo sa isa’t isa. Aalagaan kita... kayo ng magiging anak natin. My baby could probably be growing inside your belly as we speak, you know.” Sa unang pagkakataon, narinig niya ang mahinang pagtawa ni Yoomi. It was a soft but bubbly laughter that filled him. Pabirong kinurot din nito ang tagiliran niya. “Sira!” Inilayo niya ang sarili niya kay Yoomi para mapagmasdan ito. Tumatawa nga ito. Muli, may nakita siyang buhay sa mga mata nito na tila sumuntok sa dibdib niya. Hindi siya nagkamali ng taong piniling alagaan at mahalin. “Pakasalan mo ko, Yoomi.” Ngumiti ito at inabot sa kanya ang kamay nito. “Oo, Jason. Pakakasalan kita.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD