Unti-unti kong narealize ang isang bagay. Hindi ko maalala kung kailan huling beses akong nakaramdam nang ganito. Iyong… tahimik lang. Pero masaya. Mainit iyong sabaw ng sinigang na nasa harap namin habang malakas pa rin ang ulan sa labas. Paminsan-minsan ay kumikidlat pa kaya umiilaw iyong bintana ng dining area. Si Mama ay abala sa kakadagdag ng kanin sa plato ni Chadri habang si Papa nama’y tahimik lang na kumakain. Simple lang. Ordinaryo. Pero ewan ko ba. Parang may kung anong sumisikip sa dibdib ko habang tinitingnan silang lahat. “Tikman mo muna bago mo lagyan ng patis,” puna ni Mama kay Chadri nang makita niyang inaabot nito iyong maliit na bote sa gitna ng mesa. Bahagyang natawa si Chadri. “Yes po.” “At huwag kang mahihiya rito. Hindi kami mayaman pero masarap magluto s

