SA GITNA NG KATAHIMIKAN
WARNING: SPG 18+ . Contains S****L, Explicit S*****L Word, Word Curses that not Suitable below 18 years of age
NARRATOR
Maingay, madilim, at puno ng usok. Iyon ang bumati kay Eliz sa loob ng 888 Club. Ang malakas na bass ng tugtugan ay tila sumasabay sa mabilis na pintig ng kanyang puso. Kasama ang kanyang mga kaklaseng sina Cheska, Mitch, Kyle, at Jhun, naupo sila sa isang mesa malapit sa bar. Habang abala ang mga ito sa pag-order ng drinks at pagtawa, ang mga mata ni Eliz ay hindi mapakali. Nilibot niya ang paningin sa bawat sulok, pilit na iniintindi ang mundong ito.
CHESKA: “Eliz! ’Wag kang masyadong stiff! Shot muna tayo para lumuwag ang pakiramdam mo. Kyle, order ka na ng bucket!”
KYLE: “Wait lang, tatawag ako ng waiter. Hoy, Jhun, tingnan mo ’yung mga bouncer doon, parang mga Criminology seniors natin, ah?”
NARRATOR
Sa gitna ng tawanan nila, isang pamilyar na bulto ng tao ang lumapit sa kabilang mesa, malapit sa kinaroroonan nila. Nakatalikod ito, suot ang isang hapit na itim na vest at white long sleeves na nakatupi hanggang siko. Kitang-kita ang lapad ng balikat nito at ang maskuladong braso habang mabilis na nag-aayos ng mga baso at nagpupunas ng lamesa.
Napatigil si Eliz. Hindi siya pwedeng magkamali. Kilala niya ang bawat galaw ng lalaking iyon.
ELIZ (SA ISIP): Jacob?
NARRATOR
Dahan-dahang humarap ang waiter para kunin ang order sa kabilang mesa. Doon tuluyang napatigil ang mundo ni Eliz. Si Jacob nga. Pero hindi ito ang Jacob na nakikita niya sa school—ang Jacob na laging nakangiti at tila walang problema. Ang Jacob na nasa harap niya ngayon ay may bakas ng matinding pagod sa ilalim ng mga mata. Pawisan ang noo nito, at ang seryosong mukha ay tila nakasanayan na ang ingay at gulo ng paligid.
Dito naunawaan ni Eliz ang lahat. Ang bawat paghikab ni Jacob sa klase, ang bawat "Dota" na sinasabi nito gabi-gabi, at ang dahilan kung bakit laging "busy" ang mga kaibigan nito. Hindi pala laro ang inaatupag ni Jacob kundi pawis at pagod para mabuhay.
ELIZ (SA ISIP): Diyos ko... kaya ba siya laging puyat? Kaya ba siya laging pagod? Habang ako, nagtatampo at nagagalit sa kanya dahil lang sa maling akala... siya pala, nagpapakamatay sa trabaho rito.
NARRATOR
Biglang nakaramdam ng matinding konsensya si Eliz. Naalala niya ang mga salitang ibinato niya kay Jacob nung nakaraang linggo—ang pagtaboy niya rito, ang panlalamig niya. Para siyang sinasampal ng katotohanan. Habang siya ay namumuhay sa loob ng komportableng bahay, si Jacob ay nakikipagsapalaran sa madilim na club na ito para sa pamilya niya.
Sa di-kalayuan, nakita ni Eliz sina Marco at Ben sa may entrance, malapit sa pwesto ng mga bouncers. Nakasuot din sila ng uniform, halatang tumutulong din sa operasyon ng club. Agad na nagpaalam si Eliz sa mga kaklase niya.
ELIZ: “Cheska, Mitch... saglit lang, ah? May nakita lang akong kakilala. Balik ako agad.”
JHUN: “Saan ka pupunta, Eliz? Delikado mag-isa rito!”
ELIZ: “Diyan lang sa may entrance, sandali lang talaga.”
NARRATOR
Mabilis na naglakad si Eliz patungo kina Marco at Ben. Nang makita siya ng dalawa, halos lumuwa ang mga mata nina Marco sa gulat.
MARCO: “Eliz?! Anong ginagawa mo rito? Paano ka nakapasok?”
BEN: “Huy, Eliz! Alam ba ni Jacob na nandito ka? Lagot kami niyan!”
ELIZ: “Marco, Ben... nakita ko siya. Nakita ko si Jacob. Bakit hindi niyo sinabi sa akin? Bakit hinayaan niyo akong mag-isip ng masama sa kanya?”
NARRATOR
Napatungo si Marco. Napakamot naman sa ulo si Ben. Ramdam nila ang panginginig ng boses ni Eliz.
MARCO: “Eliz, ayaw ni Jacob na malaman mo. Takot siya na baka husgahan mo siya. Baka isipin mo, madumi ang trabaho niya rito. Ayaw niyang masira ang tingin mo sa kanya.”
ELIZ: “Hindi ko siya huhusgahan... mas hinahangaan ko pa nga siya ngayon, eh. Marco, please... gusto ko siyang makausap. Kahit sandali lang.”
BEN: “Break time na niya mamaya, mga alas-dose. Sa likod ng club siya lumalabas para huminga. Pero Eliz, kailangang maingat ka. Baka makita ka ni Aling Mercy, mahigpit 'yun.”
ELIZ: “Sige, hihintayin ko siya doon. Salamat, Marco. Salamat, Ben.”
NARRATOR
Bumalik si Eliz sa mesa nila pero hindi na siya makasayaw o makitawa. Nakatitig lang siya kay Jacob mula sa malayo. Nakita niya kung paano bastusin ng isang lasing na customer si Jacob, pero nanatiling pasensyoso ang lalaki. Nakita niya ang bawat pagbubuhat nito ng mabibigat na crates.
Bawat segundo, lalong bumibigat ang konsensya ni Eliz, pero lalo ring lumalalim ang paghanga niya.
Eksaktong alas-dose, nakita niyang nagtanggal ng vest si Jacob at lumabas sa gilid na pinto. Agad na sumunod si Eliz. Lumabas siya sa back exit ng club—isang madilim na eskinita na tanging ilaw lang mula sa neon sign ng 888 ang nagbibigay ng liwanag.
Doon niya nakita si Jacob. Nakasandal ito sa pader, nakapikit, at humihinga nang malalim. Mukhang pagod na pagod.
ELIZ: “Jacob...”
NARRATOR
Napabalikwas si Jacob. Halos malaglag ang panga niya nang makita ang babaeng pilit niyang iniiwasan sa school dahil sa sakit ng loob.
JACOB: “Eliz?! Anong... panaginip ba 'to? Anong ginagawa mo rito sa eskinita na 'to? Delikado rito!”
ELIZ: “Nandun ako sa loob... kasama ko mga blockmates ko. Nakita kita, Jacob. Nakita ko lahat.”
NARRATOR
Natahimik si Jacob. Napayuko siya, pilit na itinatago ang mukha niya sa dilim. Pakiramdam niya ay nabisto ang pinakatatago niyang sikreto.
JACOB: “Nakita mo na... siguro ngayon, alam mo na kung bakit hindi ako bagay sa'yo. Waiter lang ako sa club na 'to, Eliz. Amoy alak, amoy usok. Malayo sa inosenteng buhay mo.”
ELIZ: “Hindi 'yan ang nakita ko, Jacob.”
NARRATOR
Lumapit si Eliz kay Jacob. Hinawakan niya ang magaspang na kamay ng lalaki—ang kamay na buong gabing nagtrabaho.
ELIZ: “Ang nakita ko ay ang lalaking pinaka-respetado sa paningin ko. Ang nakita ko ay yung taong handang magpakapagod para sa pamilya niya. Jacob... sorry. Sorry dahil nagalit ako sa'yo. Sorry dahil pinag-isipan kita ng masama nung nakaraang linggo. Wala akong alam sa sakripisyo mo.”
JACOB: “Eliz... hindi mo kailangang mag-sorry. Natural lang na magtaka ka. Ayaw ko lang talagang malaman mo kasi baka... baka iwan mo ako kapag nalaman mo kung gaano kagulo ang buhay ko.”
ELIZ: “Hinding-hindi kita iiwan dahil lang dito. Mas lalo kitang gustong samahan ngayon. Jacob... narinig ko kasi nung hapon na 'yun sa lounge... yung sabi mo kay Mara na 'Mahal kita'.”
NARRATOR
Napakunot ang noo ni Jacob, bago dahan-dahang napangiti nang mapait.
JACOB: “Yun ba? Yun ba ang dahilan kaya ka nagalit? Eliz, hindi mo tinapos ang pakikinig. Sabi ko sa kanya, mahal ko siya bilang kaibigan lang. Kasi ikaw... ikaw lang ang gusto kong makasama. Ikaw lang ang mahal ko.”
NARRATOR
Napaiyak na si Eliz. Sa pagkakataong ito, hindi dahil sa sakit, kundi dahil sa ginhawa. Hinarap niya si Jacob nang buong puso. Ang takot na nararamdaman niya kanina ay napalitan ng determinasyon.
ELIZ: “Alam ko na ngayon. At Jacob... hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Ayoko nang sayangin ang oras natin sa mga maling akala.”
JACOB: “Anong ibig mong sabihin?”
ELIZ: “Sinasagot na kita. Simula ngayon, hindi ka na lang nanliligaw. Tayo na, Jacob.”
NARRATOR
Parang nawala ang lahat ng pagod ni Jacob sa narinig niya. Sa gitna ng madilim na eskinita, sa likod ng maingay na club, hinila niya si Eliz para sa isang mahigpit na yakap. Isang yakap na puno ng pangako at pag-amin. Wala doon si Mara, wala ang ingay ng club, kaming dalawa lang sa gitna ng katahimikan ng gabi.
JACOB: “Salamat, Eliz. Pangako, gagalingan ko pa para sa atin.”
ELIZ: “Sabay tayo, Jacob. Hindi mo na kailangang mag-isa.”
NARRATOR
Ang gabing iyon sa 888 Club ang nagsilbing mitsa para sa kanilang bagong simula. Ang "lamat" na nabuo dahil sa maling akala ay tuluyan nang naghilom, at mas naging matibay pa ang pundasyon ng kanilang relasyon. Hindi na lang basta ligawan—ngayon ay opisyal na silang magkasintahan.