Niyakap ko si Kuya nang makita siyang nakaratay sa higaan. Binitiwan niya ang mansanas na gayak sana niyang kakagatin.
"Anong nangyari sayo ha!" Hinampas ko siya ng mariin ng makita ang kanan niyang paa na balot ng benda. Ngumiwi siya.
"Teka. Nasaan si Mama?" Usisa niya sa likuran ko. Umikot ang mga mata ko.
"Patay ka talaga sa kanya! Susunod iyon at may kinakausap lang." May um-order kasing cake kay Mama kaya sinaglit niya muna iyon para i-deliver.
Side line niya iyon kaya kapag may spare time siya ay nagawa siya ng sweets at pastries. Sinubukan kong gawin iyon pero hindi ako natuto masyadong mahirap ang bawat sukat.
"Mag-usap tayo." Seryosong sambit ni Kuya at inabutan ako ng mansanas. Binalatan ko iyon gamit ang kutsilyo na kinuha ko sa side table.
Binigay ko sa kanya ang kalhati. Nagsimula ang kwento niya sa pakikipagpustahan sa mga kalaro niya sa probinsya. Mayabang kasi itong kapatid ko porket madalas na napapansin sa pagiging magaling lumaro—lahat kinakalaban.
Dayuhan din daw ang mga kumalaban sa kanya. Nu'ng una ay ayos lang ang takbo ng laro hanggang sa tumambak ang pagitan ng score nila sa kalaban. Hanggang sa hinaras na sila at doon ay tinapilok siya ng isa sa mga nagbabantay sa kanya para hindi siya maka-shoot.
Mabilis ang takbo niya at hindi akalain na hindi lang foul ang habol ng kalaban kung 'di ang balian ang ankle niya. Ayon sa x-ray ni Kuya ay hindi siya na makakalaro agad.
Wala akong magawa kaya tinapik ko na lang ang kapatid ko sa likod. Malayo siyang nakatingin sa labas ng bintana. Maaliwalas ang paligid at walang traffic.
Umiyak-iyak siya at hindi ko iyon nagustuhan. "Hoy! H'wag kang magdrama. Saka wala kang luha!" Niyakap niya ang kamay ko.
"May naisip akong plano at kailangan kita kapatid ko." Nag-pout siya na mistula parang bata. Nilayo ko siya sa akin gamit ang pag-press ng noo niya.
Alam ko na ang ganitong aksyon niya. Ang kapatid ko ang key word kapag humihingi siya ng pabor. Last time na humingi siya ng pabor ay ako ang gumawa ng plano para malaman ang totoong dahilan bakit umayaw ang ex niya.
Kapag naalala ko iyon ay tumitibok ang sentido ko. Ang akala ng current boyfriend ng ex niya ay gusto ko siya. Eww. Over my dead body! Hindi ako magkakagusto sa katulad niya.
Nalaman ko lang naman na pinagpalit si Kuya ng ex-girlfriend niya sa kanya. Mayaman ang lalaki at nabibigay niya sa babae ang mga gusto nito. Unlike Kuya hindi niya kayang bigyan siya ng mamahaling kwintas.
Nando'n ako ng nag-away sila. First anniversary nila at ang akala ng babae ay mamahalin ang bigay na kwintas ni Kuya. Pero hindi ko siya masisisi. Pinanganak na may gintong kutsara ang babae.
"Kapag naging matagumpay to'. Ilalakad kita kay Levine!" Para bang naging hugis puso ang mga mata ko at nagningning ang paligid.
Marunong tumupad sa usapan ang kapatid ko. Kaya nga nakuha ni Levine ang number ko ay dahil sa kanya at hindi ko alam ang buong kwento. Basta alam ko binigay niya iyon kay Levine ng kusa.
Pero nu'ng nag-away kami dahil sa hindi ko sinasadyang masira ang project niya. Tinapon niya yung sim card ko at sinumpa niyang hindi na kami magkikitang dalawa. Ang kapatid ko pa naman ay nagdidilang-anghel kaya nagkatotoo ang ilan niyang sumpa sa akin.
"Ano munang plano mo bago ako um-oo?" Nagkrus ang mga kamay ko.
"Um-oo ka muna." Pumikit-pikit ang mga mata niya. Parang batang nag be-beautiful eyes. "Please..."
"Okay. Oo na. Siguraduhin mong madali yan ha." Parang naka-jackpot ang ngiti niyang abot tenga.
"Magpapanggap ka bilang ako." Nabingi ako sa sinabi nito.
"A..ano!?" Umusok ang ilong ko.
"Para sa pangarap ko, Yara! Saka isa pa titigil ka na muna 'di ba? Tulungan mo ko bilang kambal mo." Pinagsalukap niya ang mga kamay niya na para bang nagdarasal.
"Alam mong matagal ko nang pangarap na mapasok sa school na 'yon kaya tulungan mo ko." Naging seryoso ang mga mata ng kapatid ko habang hawak niya ang magkabila kong kamay.
"Paano kung mabuking tayo? Hindi mo ba naisip yon ha?" Ang ayoko lang ay lumala ang sitwasyon. Dahil baka ma-expel pa si Kuya pero one time opportunity lang ang gina-grant ng school na iyon kaya naiintindihan ko siya.
"Naisip ko na 'yun pero wala akong maisip na ibang paraan. Tatlong buwan lang naman kapatid ko. Saka matapos ng tatlong buwan makakadate mo na si Levine. Gusto mo 'yun, di ba?" Siniko niya ko. Namula ang magkabila kong pisngi.
"Akala mo ba gano'n ako kababaw!? Saka all boys school 'yun. Paano na lang kung may mangyari sa akin?" Napapikit na lang ako sa kabaliwan niya.
Hindi ko pa nga nababawi ang imahe ko sa school ko pero ito na naman at papasok ako sa bagong gulo.
"Walang mangyayari sayo dun. Sa tingin mo ba hahayaan ng mga estudyante roon na mapatalsik sila dahil lang sayo? Mag-isip ka."
Buong gabi kong pinag-isipan ang sinabi ni Kuya. Ang pagtigil ko ay tatlong buwan habang nagpapanggap na maging siya. Saka ang unfair rin sa part ni Kuya kung 'di ako papayag.
Pero mapapahamak kaming dalawa sa gusto niya. Pinagmasdan ko ang music box na ang laman ay isang ballet dancer na sumasayaw. Para bang pinapatulog ako nito habang sumasayaw siya malambing na kanta.
Nakatulog na lamang ako habang pinagmamasdan ang magandang balerina na malayang sumasayaw.
Tumalon ako sa gulat ng tumunog ang aking alarm clock. Nagmadali akong maligo at mayamaya ay pabalik na si Mama.
Sakto naman at nang bumalik siya ay bihis na ako. Nang bumalik kami sa ospital ay naabutan naming naglalaro si Kuya ng ML.
Hinampas siya ni Mama ng abaniko. "Laro ka ng laro ha! Hindi mo kinakain ang mga prutas na binili namin sayo."
"Ma naman! Kinakain ko naman." Hinimas ni Kuya ang ulo niya. Lihim akong nag-bleh kay Kuya na siya namang sanhi kung bakit kumunot ang noo nito.
"Kumain ka nitong tinola. May lakad lang ako ngayon at kikitain ko ang kliyente ko."
Nang umalis na si Mama ay tinulungan ko si Kuya na kumain. Kumain din ako ng tinola dahil wala pa akong umagahan.
"Hoy. H'wag mo kong ubusan ng pagkain saka di ko pa nakukuha ang sagot mo kapatid."
Bago ko pa sabihin ang sagot sa kanya ay nag-ring ang phone ko.
Tanny Calling...
Namatay na lang ng kusa ang tawag ng hindi ko sinasagot. "Bakit hindi mo sinagot. Bestfriend mo 'yun ah." Bumigat ang pakiramdam ko.
Binilisan ko na lamang ang pagkain at binuksan ang TV. "Manood tayo Kuya. Maganda naman siguro ang palabas."
Mabilis kong binuksan ang TV pero nang makita ko ang bumungad ay pinatay ko rin iyon agad. May kung anong bigik sa lalamunan ang naramdaman ko.
"Maglaro na lang pala tayo. Anong rank mo na? Buhatin mo ko!"
"Yara, lumapit ka." Hindi ako kumibo.
"Lapit nga!" Ang kulit niya talaga. Lumapit ako at umupo sa tabi niya.
Niyakap niya ko. "Alam kong hindi ka okay kaya umiyak ka. Hindi dyan nagtatapos ang pangarap mo."
Tuluyan ng bumuhos ang luha na kanina ko pang tinatago. "Hindi rin dyan nagtatapos ang pangarap mo, Kuya. Nandito ako para sayo—kami ni Mama."
Ngumiti ako nang ngumiti ang kapatid ko. Tama nga si Papa sa huli kaming magkapatid pa rin ang magdadamayan kahit para kaming aso at pusa.