ELIAS GAEL
Ika-limang baitang na ako noong makilala ko si Maria Amor. Maganda siya. Morena. Maganda ang hugis ng labi, medyo matangos ang ilong at makakapal na pilik mata. Bata pa ako noon pero alam ko na ang ibig sabihin ng, "Crush". Unang crush ko si Jessa, iyong pinsan ni Maria Amor na naging kaklase ko dati. Bagong lipat sina Maria Amor dito sa bayan namin. Ang sabi sabi nakatira sila ngayon sa dating bahay ng pinsan niyang si Jessa. Pareho silang maganda ni Jessa at morena din. Siguro nasa lahi nila talaga ang pagiging maganda.
Maamo ang mukha ni Maria Amor. Malimit siyang ngumiti pero kapag ngumingiti siya, umaaliwalas ang mukha niya sa kagandahan. Crush ko nga talaga siya. Araw-araw akong pumapasok s klase dahil andoon siya. Ang sabi nag-repeat daw siya ng grade 5 kasi maaga daw siyang nag-aral. Five years old palang, grade one na siya. Siguro matalino talaga siya.
"Ang ganda ni Maria Amor" ani Lukas, ang kaibigan ko simula kinder. "Gusto ko siya" dagdag niya.
Tumiim ang baga ko. Hindi pwede. Ako lang dapat ang panisinin at gustohin ni Maria Amor. Pero alam ko sa isip ko naka'y Maria parin ang desisyon kung sino ang pipiliin niya.
"Gusto ko din siya" sagot ko.
Ngumisi si Lukas, "Paano ba yan Elias Joaquin, paunahan nalang tayo kung sino ang karapat-dapat para kay Maria Amor".
Sa isip-isip ko ako ang nararapat para kay Maria Amor. Gusto ko siya pero hindi lang pala si Joaquin ang kaagaw ko kay Maria. Maliban sa amin ni Lukas na nagbigay sa kanya ng sulat ng pag-amin, nagbigay din ang kaklase namin na sina Anton at Daniel.
Mahirap magsulat ng pag-amin lalo na at hindi ako marunong sa english. Pangit din sulat ko. Ilang papel ang natapon at tinta ng ballpen ang nasayang para matapos ko ang sulat. Sa huli, wala siyang sinagot sa aming apat. Atleast, hindi lang ako ang basted kundi apat kami.
Nauso ang sulatan sa paaralan namin. Kahit basted ako, nag-aabot parin ako ng liham kay Maria Amor. Napansin ko din na nagbibigayan sila ng liham ng isa kong kaklase na si Marcus. Sabi ni Maria magkaibigan lang daw sila. Pero lalake ako. Alam ko na hindi iyon ang pakay ni Marcus. Mas gwapo ako kaysa kay Marcus. Ako lang dapat ang magustuhan ni Maria.
"Mag-iingat ka sa kanya Maria" sabi ko habang naglilinis ng classroom. Mahal kasi ako ng guro ko kaya nilagay kami pareho sa wednesday cleaners.
Ngumiti siya ng napakatamis, "Salamat sa pag-aalala Elias. Pero huwag kang masyadong lumapit sa akin. Magagalit sa akin ang pinsan ko. Baka magselos siya".
Sumimangot ako at tahimik na inayos ang mga silya.
Kathang isip parin sa akin kung bakit ko linigawan ang pinsan niya sa grade 6. Hindi ko din alam kung ligaw nga ba ang ginawa ko. Nagandahan ako sa kanya kaya sinulatan ko ng liham. Hindi ko alam kung bakit ko ginawa pero nang abutan ko ng liham, agad niya ako sinagot agad. Gwapo siguro ako pero bakit basted ako kay Maria Amor?
"Ihatid na kita sa inyo" ani ko kay Maria kahit magkatapat lang ang bahay namin.
Tinignan niya ako ng matagal bago sumagot, "Sige pero umuwi ka agad". Inayos niya ang bag niya at naunang lumabas. Nagpaalam kami sa guro at sabay na naglakad. Sa taas ng paaralan ang bahay namin pareho.
"Ayaw mo ba talaga sa akin Maria?" tanong ko.
"Paano ba yun Elias? Hindi ko kasi alam kung paano malalaman" sagot niya.
Tumaas kilay ko ng palihim. Kaya ba basted ako kasi hindi niya alam ang ibig sabihin ng crush?
"Sa akin kasi hindi ko alam Maria. Ang alam ko lang gusto talaga kita" paliwanag ko.
Ngumiti siya sa akin, "Salamat Elias. Gusto kitang maging kaibigan pero sabi ng pinsan ko layuan daw kita. Yun pala girlfriend mo pala siya" sabi niya sabay simangot.
Hindi ko alam nung una na pinsan niya si Karissa, iyong grade 6. Parang ayaw ko na tuloy ituloy ang nasimulan ko kay Karissa. Bakit ko pa kasi binigyan ng sulat. Nainis ako bigla sa inasal ni Karissa pero mas lalo akong nainis sa sarili ko kung sa bakit ko sinulatan si Karissa porke maganda siya.
"Maglaro nalang tayo sa sabado Maria".
"Mari nalang itawag mo sakin. Marami akong gagawin sa Sabado Elias pero kung gusto mo magsimba tayo sa kabilang bayan sa linggo. May nagsusundo naman" sagot niya.
Ngumiti ako ng malapad, "Sige sa linggo nalang Mari".
"Mag-iingat ka pauwi" sabi niya at tuluyang pumasok sa kanilang bahay.
Hindi ako pala-simba pero kung kasama si Mari pupunta ako. Pakiramdam ko close na kami kasi Mari tawag ko sa kanya.
"May date kami ni Mari sa linggo" nakangising sabi ko kay Lukas habang naglalaro kami ng gagamba ng sabadong iyon.
Tinignan ako ni Lukas ng matagal, "Hindi ba girlfriend mo si Karissa?" tanong niya.
Nawala ang ngiti ko, "Ayoko na sa kanya. Sinabihan niya si Mari na layuan ako. Naiinis ako bigla sa kanya Lukas" ani ko sa aking kaibigan.
Tinago ni Lukas ang gagamba niya sa maliit na kahon ng posporo at tumayo, "Ewan ko sa'yo Elias. Isipin mo ng maayos kung gusto mo ba talaga si Maria Amor o hindi. Mag-gi-girlfriend ka tapos may sinasabi ka pang date sa linggo na ibang babae ang kasama" sabi niya at kumaripas pauwi sa bahay nila sa itaas.
Umiling nalang ako at naglakad pauwi. Gaya ng dati, namataan ko si Maria Amor na nakaupo sa gilid ng pintuan habang nagbabasa ng kung ano. Ang ganda niya talaga. Kinikilig ako kahit nakatingin lamang ako sa malayo.
Hindi ako nakatulog noong sabado ng gabi. Mugto tuloy mata ko kinabukasan. Pero kahit ganon, dama ko parin ang pagkasabik na makasama si Mari pagpuntang simbahan. Dumeretso ako sa bahay nila pagkatapos kong mag ayos. Saktong nakita ko si Mari kasama ang nakababata niyang kapatid na si Celeste.
Ang ganda ni Mari. Nakatirintas buhok niya at nakabestida siya ng kulay dilaw. Mas lalo siyang gumanda sa paningin ko. Muli, bumibilis ang t***k ng puso ko kasabay ng kirot na girlfriend ko ang pinsan niya sa hindi malaman na kadahilan.
"Ang ganda mo" bulong ko sa kanya habang naglalakad kami papunta sa kalsada.
Ngumiti siya, "Salamat Elias. Bagay sayo suot mo".
Hindi ko mapigilang humagikgik ng palihim sa kilig.
"May hiwalay na sunday school lesson para sa mga elementary. Doon tayo" sabi ni Mari.
"Sayo lang ako sasama"sagot ko. Naglakad kami pataas dahil doon daw naghihintay ang sundo na patungo sa simbahan.
"Lukas!" nawala ang ngiti ko nang tawagin niya si Lukas na nakatayo sa tapat ng bahay nila. Gaya ko ay nakaayos din siya. Naka-sapatos at halatang pinaghandaan. Sa tabi niya ay si Dianne, iyong bunso niyang kapatid na babae na halos ka-edad ni Celeste. Naka-bestida siya ng kulay puti at nakatirintas ang kanyang buhok, "Ang ganda naman niya" gigil na sabi ni Mari habang nakatingin kay Dianne. Hagikgik ang sagot ni Dianne at hinawakan ang kamay ni Mari.
"Magandang umaga Mari" magiliw na bati ni Lukas na may kasamang ngiti sa kanyang labi. Inabutan niya si Mari ng mirasol na kasingkulay ng bestida niya. Napamura ako sa isip ko. Bakit hindi ko naisip iyon? Tumingin ako kay Mari na nakangiti din sa kanya.
"Salamat Lukas!" magiliw na sabi niya, "Magandang umaga din" sagot ni Mari at naunang maglakad kasama ang kanyang kapatid.
Tinignan ko ng masama si Lukas, "Bakit ka nandito?".
Nginisihan ako ni Lukas, "Bawal?" sagot niya at hinabol si Mari.
Naiinis ako ngunit wala akong magawa. May kapatid din ako na babae at maganda. Mukha siyang biik pero maganda siya. Sana pala sinama ko din ang kapatid ko kung palakasan ng magandang kapatid ang labanan.
Nakasimangot ako nang makarating kami sa simbahan. Naka'y Lukas ang atensiyon ni Mari at mukhang masaya pa ang usapan nila. Si Celeste naman ay kausap si Dianne. Nagmukha tuloy akong asungot sa likod nila. Gusto kong manakit.
"Hindi ba Elias?" narinig ko na sabi ni Lukas.
Napatingin ako sa direksiyon nila, "Ha?" tanong ko.
"Nakikinig ka ba sa amin?" tanong ni Mari. Nakakunot ang noo niya na para bang magagalit.
Ngumiti ako, "May iniisip lang ako. Ano ba kasi iyon?" tanong ko.
"Sabi ko kay Mari may magtuturo sa atin ng basketball na higher grade. Tinatanong ko siya kung gusto niyang manood" paliwanag ni Lukas.
Tumango ako, "Ah. Oo. Pagkatapos ng klase sa biyernes. Tuturuan daw kami sa court ng paaralan" sagot ko.
"Sige manonood ako" nakangiting tugon ni Mari at naglakad papalapit kina Celeste.
"Ang ganda ng ngiti niya" sabi ni Lukas.
"Ang ganda niya" sagot ko naman.
Nagkatinginan kami ni Lukas at tumawa nalang. Hiwalay ang klase ng mga mas bata sa amin kaya sa kabilang silid sila Celeste at Dianne. Kami naman magka-katabi na nakaupo. Sa gitna si Mari. Ang mahalaga na sa akin ay basta katabi ko siya ayos na ako. May kasama pa rin na kaunting kilig.
Pagkatapos ng kwento na tungkol kay Moses ay binigyan kami ng gawain. Buti nalang at nakinig ako sa kwento. May ipapa-kopya ako kay Mari ngunit naalala ko ay matalino pala siya. Baka siya pa ang magpakopya sa akin o hindi kaya ay i-tama niya ang maling sagot ko. Mas lalong nakakahiya.
"Mari ano sagot sa number five?" narinig kong tanong ni Lukas. Tumawa si Mari at pinakita ang papel niya kay Lukas. Narinig ko ulit na nagtanong si Lukas na para bang kino-kontra ang sagot ni Mari hanggang sa humaba ang usapan nila. Nainggit ako. Sana pala nagbo-bobohan na lang ako.
"Mari diba mahilig ka neto?" inabot ko sa kanya yung tattoos na binili ko. Ngumiti siya. Nabuo na naman ako.
"Salamat Elias".
"Mari Yakult oh" ani naman ni Lukas. Tinignan ko siya ng masama habang siya naman ay nakangisi sa akin.
"Uy. Ang bait niyo naman" ani Mari.
"Basta ikaw" sabay namin na sagot ni Lukas. Tinignan ko ulit siya ng masama.
Tumawa si Mari, "Magkaibigan nga kayo". At sa tawa niya ay muli na naman kaming nabihag. Ang lakas talaga niya kaming mauto kahit hindi niya pansin.
Pagkatapos namin na mag-meryenda ay pinaglaro kami ng sunday school teacher. Group yourself daw. Shempre kung asan si Mari ay doon ako. Kaya kahit madaya ay pasimple kong tinutulak ang aasungot sa bilang ng grupo.
"Group yourself into three!" sigaw ng teacher.
Hinawakan ni Mari ang braso ko at hinila ako papalapit kay Lukas. Humawak din siya sa braso ni Lukas gamit ang isang kamay. Na-out iyong isang babae dahil wala siyang kasama kaya kaming tatlo na lang ang natitira.
"Dalawa na ang magiging panalo sa laro na ito" sabi ng teacher, "Group yourselves into two!" sigaw niya. Agad akong lumingon upang hilain si Mari ngunit umatras si Mari at kami ni Lukas ang naghawakan. Sumimangot ang mukha ni Lukas at agad akong binitawan.
"Ang panget mo" ani niya.
"Mas panget ka" sagot ko pabalik.
Binigyan kami ng lollipop ng teacher bilang premyo pero inabot namin pareho kay Mari ang napanalunan namin.
"Masaya ba ang sunday school?" tanong ni Mari noong pauwi na kami.
"Oo" sabay na sagot namin ni Lukas. Gaya-gaya.
Ngumiti si Mari, "Mabuti naman. Kung gusto niyo sumama na lang kayo sa akin tuwing linggo" ani niya.
"Oo ba" agad na sagot ni Lukas.
Tumango ako, "Sige Mari basta kasama ka".
Nang lunes na iyon, kinausap ko si Karissa at nakipag-break sa kanya. Naisip ko ang sinabi sa akin ni Lukas noong sabado at may punto naman siya. Kay Mari ko na lang ibabaling ang atensiyon ko. Sampal ang napala ko kay Karissa ngunit ayos sa akin iyon. Ang mahalaga ay malaya kong maliligawan si Mari.
"Tinapos ko na kay Karissa. Seryoso ako kay Mari" sabi ko kay Lukas habang naglalaro kami ng jolens sa tapat ng bahay nila.
Tinignan ako ni Lukas, "Ayaw mo ba na kaibiganin muna siya?".
"Ano ba ang pagkakaiba kapag inuna ko siyang kaibiganin?" tanong ko.
Tinignan niya ako ng matagal na para bang wala siyang maisagot sa tanong ko. Pero sa pakiramdam ko ay parang may punto siya sa sinabi niya na iyon.
"Para kilalanin niyo siya" biglang sagot ng nanay ni Lukas. Agad kaming napatingin sa direksiyon niya na kanina pa ata kami naririnig. Tumawa siya sa amin saka ngumiti, "Mga bata pa kasi kayo. Nagbi-binata. Ayos lang na magka-crush pero ang mga ganyan na bagay ay lilipas din at hindi niyo namamalayan may bago ulit kayo na crush" pagpapaliwanag niya.
Nagtinginan kami ni Lukas at umiling na parang hindi pabor sa sinabi ng kanyang nanay.
"Gusto kita Elias" sabi ng babae na ang pangalan ay Rowena. Sa harap ko at ni Mari. Katatapos lang namin maglinis sa classroom at uuwi na sana nang lumapit siya sa amin. Namumukhaan ko siya. Kaklase siya ni Karissa.
"Mauuna na lang akong uuwi Elias" ani Mari.
"Hintayin mo ako" sagot ko. Wala siyang nagawa kundi tumango at umupo sa hagdan na medyo malayo sa amin.
"Gusto kita" pag-uulit niya at inabot sa akin ang sa tingin ko ay sulat na nakalagay sa envelope.
Kinuha ko iyong sulat at tumingin sa kanya, "Pero hindi kita kilala".
"Pwede mo naman akong kilalanin kapag tayo na" sagot niya.
"May iba akong gusto".
Tumingin siya kay Mari, "Siya ba?".
"Oo" sagot ko.
"Gusto ka ba?" tanong niya. Natahimik ako. Hindi ako sigurado. "Basta gusto kita Elias. Basahin mo ang sulat ko" ani niya at umalis palayo.
Umuwi ako na may katanungan sa isip ko. Gusto nga ba ako ni Mari? Paano ba malalaman kung gusto ka ng isang tao? Kay Karissa naman parang wala lang dahil mabilisan ang mga pangyayari. Napapikit nalang ako at hiniling na sana ay nandito ang nanay ko. Buti pa si Lukas.
Biyernes ng hapon ay nakatambay kaming tatlo ni Mari at Lukas sa basketball court ng paaralan. Ngayon kami tuturuan ng higher grade kung paano maglaro upang isali kami sa susunod na competition sa ibang paaralan. Kinakabahan ako at nasasabik. Inabot ko sa dalawa ang Oreo na dala ko.
"Hindi ba bigay ito sa iyo ni Rowena?" tanong ni Mari.
Pasimple akong tumango na hindi tumitingin.
"Bakit binibigay mo sa amin?" tanong naman ni Lukas.
Tinignan ko sila ng masama, "Bakit ba andami niyong tanong?". Tumahimik sila, "Pasensya na. Noong isang araw kasi binigyan din ako ng tsokolate. Kahapon may inabot din isang pack ng Yakult. Binigay niya iyan kanina lang. Kainin ko daw bago ako maglaro" pagkwento ko.
"Ang gara naman. Nililigawan ka" sabi ni Mari. Napasimangot ako. Si Lukas naman ay tumawa.
"Elias!" narinig kong tawag ni Rowena. Sabay sabay kaming lumingon na tatlo. Tumatakbo siya papalapit ng may ngiti sa labi niya. Naka sweater siya at skirt. Jelly shoes naman ang sapin niya sa paa. Hindi maikakaila na maganda si Rowena. Sa pagtakbo niya ay natapilok siya bigla kaya nawalan ng balanse at natumba. Buti nalang may lupa at sinalo siya.
Tinulak ako ni Lukas, "Tulungan mo kaya".
Tumayo na lang ako at pinuntahan si Rowena na nagpa-pagpag ng damit. May galos iyong tuhod niya dahil naka-skirt siya ng maikli. Tinulungan ko siyang tumayo at inalalayan sa upuan namin nila Lukas.
"Ayos ka lang?" nag-aalalang tanong ni Mari. Tango lang ang sinagot ni Rowena at binuksan ang kanyang bag. May inilabas siya na kulay blue na gatorade at Hansel biscuit na tatlo.
Inabot niya sa akin na nakangiti, "Para sa iyo" ani niya. Tinignan ko sina Lukas at Mari na binigyan ako ng nakakalokong ngiti.
"Salamat sabi ko na lang at tinanggap".
Tumingin si Rowena sa dalawang kasama ko, "Pasensya na. Para kay Elias lang ang dala ko".
Umiling ang dalawa, "Ayos lang kami".
"Galingan mo mamaya sa laro Elias" ani Rowena.
"Susubukan ko" sagot ko.
Naramdaman ko na lumayo sina Lukas at Mari sa upuan ng isang metro. Tinignan ko sila ng masama at tinignan din nila ako ng mukha na ang sabi ay 'kausapin mo si Rowena'. Wala na akong nagawa dahil andito na siya.
Pagkatapos ng ilang minuto ay tinawag na kami. Sinabihan kami na mag warm-up. Isa isa kaming pinaglinya sa tinatawag nilang free throw circle. Si Lukas ang mauuna sa akin dahil nasa harapan ko siya. Sa likod ko naman ay si Anton na kanina pa hindi matanggal ang ngisi.
"Girlfriend mo na ba si Rowena?".
"Hindi" agad kong sagot.
"Pero may pa-gatorade" singit ni Lukas.
"Ang sosyal naman" sabi ni Anton.
Sinamaan ko sila ng tingin, "Tumahimik nga kayo. Hindi na ako natutuwa".
Tumawa ang dalawa, "Eh ano nakikilig ka na ba?" banat ni Anton.
Tinulak ko silang dalawa at nauna sa linya. Bahala sila. Nakakayamot. Sinalo ko ang bola ng basketball at tinignan yung ring. Mukhang malapit. Kaya ko naman siguro.
"Elias! Kaya mo yan!" narinig kong sigaw ni Rowena. Napalingon kami sa direksyon niya. May hawak siyang puti na kartolina na nakasulat ang pangalan ko. Si Mari din ay nakatingin sa kanya. Yung dalawa sa likod ko ay tumatawa. Gusto kong umalis na lang at umuwi ngunit pumito iyong higher grade na nagtuturo na senyales upang i-shoot ko na ang bola.
Bahala na kung mapahiya. Pinagdasal ko na lang na sana ay ma-shoot ko at sa awa ng Diyos ay na-shoot ko ang bola. Sumunod sa akin si Lukas. Madali lang sa kanya mag-shoot dahil may basketball ring sa bakuran ng bahay sila. Nakita ko si Mari na pumalakpak. Wala siyang sinabi pero iyong ngiti niya abot tainga. Nainggit ako kay Lukas.
Pinag-break kami pagkatapos namin maka-tatlo ng free throw. Lumapit sa akin si Rowena at inabot iyong gatorade na dala niya. Tipid akong ngumiti at tinanggap. Uminom ako ng tahimik habang pinapanood ako ni Rowena na nakangiti. Nang matapos ay kinuha niya ang ininuman ko at inabutan ako ng panyo. Mukha pa itong bago.
"Gusto mo punasan ko pawis mo?" nakangiting tanong niya.
Umiling ako, "Ako na lang salamat". Tinanggap ko na lang dahil alam ko na pinaghandaan niya ito. Bilib din naman ako kay Rowena dahil mukha siyang maalaga at maasahan.
"Salamat din kanina" ani ko para kahit papano naman ay hindi niya maramdaman na sayang iyong ginawa niya.
Humagikgik siya, "Basta ikaw". Ngumiti lamang ako.
"Lukas share na lang tayo ng tubig" narinig ko na sabi ni Mari. Pasimple akong tumingin at nakita siya na inabot ang kanyang water bottle kay Lukas. Naglabas din si Mari ng tissue at inabot ay Lukas, "Pawisan ka". Ngumiti si Lukas.
Kumuyom ang palad ko. Nakaka-inggit bakit ba kasi nandito si Rowena.