MARIA AMOR
Break na sina Elias at ang pinsan kong si Karissa. Masaya ako sa narinig ko na balita pero kinabukasan ay nalaman ko na may bago siyang kasintahan. Si Rowena, ang kaklase ni Karissa. Matagal-tagal na din siyang sinusuyo ni Rowena. Kahit na nagka-girlfriend siya ay sinasabi pa rin niya na gusto niya ako. Hindi ko alam kung bakit panay ang sabi niya sa akin na gusto niya ako kung may kasintahan naman siya. Nakakainis minsan dahil pareho pa rin ang trato niya sa akin kahit may kasintahan siya. Minsan ayaw ko dahil masama ang tingin sa akin ni Rowena tuwing naka pila kami sa playground kapag flag ceremony. Kung may palakol siguro siya ay matagal na niya akong tinaga sa leeg.
Siguro ay natutunan niyang magustuhan si Rowena. Sino ba naman ang aayaw kung araw-araw siyang may pa pagkain kay Elias. Tapos noong practice nila sa basketball noong Lunes may pa-Hansel at Gatorade. Samantalang ang meron lang ako noon ay iyong tubig na baon ko at tsokolate na curly tops. May pa panyo din si Rowena tapos may pa-banner na nakalagay ang buong pangalan ni Elias. Buti na lang at nagustuhan ni Lukas kahit simple lang ang meron ako.
Sabado ng tanghali, hawak ko ang aking cellphone na 3315 Nokia. Bigay ng aking lola noong bumisita kami sa bahay niya. Wala akong ka-text pero okay lang. Ang habol ko lang naman ay Space Impact at Snake Xenxia. Umupo ako sa silya na nilabas ko sa labas ng bahay malapit sa maliit na kalsada. Saktong lumabas si Elias sa bahay nila na naka-ayos at may hawak na kulay puti na rosas. Siguro kinuha niya iyon sa tanim ng guro namin sa paaralan. Kumunot noo ko noong naglakad siya papalapit sa kung saan ako nakaupo.
"Kamusta ka Mari" bati niya na nakangiti. Gwapo pero may girlfriend naman at sinungaling.
Inirapan ko at pinagpatuloy ang paglalaro sa cellphone ko. Bahala siya sa buhay niya. Pakiramdam ko ay nagugustuhan ko siya ngunit parang hindi na. Ewan. Bahala na.
"Ang sungit naman neto" ani Elias.
"Umalis ka Elias. Ayaw ko ang titig ni Rowena sa akin tuwing flag ceremony sa paaralan" sagot ko. Ang alam ko ay sinagot niya si Rowena ilang araw pagkatapos ng basketball practice. Baka nabighani sa pagpapa-cute ni Rowena. Nakapalda ng maikli at naka lipstick ng pula sa tuwing bibisitahin si Elias sa klase namin.
Sasagot sana si Elias ngunit biglang sumulpot si Lukas, "Oo nga Elias. Dun ka sa kasintahan mo" ngisi niya at humarap sa akin, "Gusto mong sumali sa amin? Maglalaro kami ng patintero ng kapatid ko". Ayaw ko kaso tumango ako upang lubayan ako ni Elias. Baka sa Lunes tatagain na talaga ako ni Rowena. Masyado akong maganda para mamatay ng maaga.
Gwapo naman si Lukas. Alam kong matalik na kaibigan siya ni Elias. Tulad niya ay nagbigay din ng liham sa akin. Hindi ko alam ngunit sa aking paningin ay parang mas masayang kasama si Lukas kaysa kay Elias. Susulatan ko sana pabalik si Lukas ngunit sinabi sa akin ng kaibigan kong si Karen na linigawan ni Lukas ang pinsan kong si Jessa noong grade 4 sila. Sa huli ay hindi ko nagawa. Nag alanganin ako dahil baka totoo ang sinabi ni Karen. Si Kobe nalang daw ang sulatan ko pabalik, iyong nakatatandang kapatid ni Karen na kaklase namin na nagbigay din ng liham. Sa liham ni Kobe ay may naka-guhit na bulaklak na para daw sa akin. Hindi ko nga lang gusto si Kobe at malabo na magugustuhan ko kung puro nalang siya ngiti saken sa malayo pero hindi naman ako kinakausap. Baka kung sinagot ko ngiti lang ang magiging usapan namin. Paano kaya kapag nabungi kami pareho.
"Tara na Mari" ani Lukas at nilahad ang palad niya. Agad ko naman itong tinanggap at nagpahila sa kanya sa may bakuran ng bahay nila malapit sa amin.
Naglaro kami ng patintero ni Lukas kasama ang isa niyang kapatid na lalake at mga kapitbahay nila. Nakakatuwa dahil ngayon lang ako nakapaglaro ng matagal-tagal. Kasama ko si Lukas at ang kapatid niya sa grupo. Malapit na kaming manalo pero nakulong kaming dalawa dahil may taya sa gitna. Siya kasi sunod ng sunod sa akin. Kung hindi sumama sa akin edi sana naka-home na siya kanina pa habang nasa akin ang atensiyon ng dalawang bantay. Nakakayamot.
"Ano ba yan kuya!" nayayamot na sabi ni David, iyong kapatid niya na kalaro namin. Nasa kabilang linya siya dahil tatlo na kaming lahat kung aabante pa siya.
Tumawa si Lukas, "Laro lang ito. Ang se-seryoso niyo naman" sabi niya.
Sinamaan ko siya ng tingin at hinampas sa balikat. Maya-maya ay lumabas ang nanay nila upang sabihin na kakain na. Wala na. Natapos ang laro na hindi man lang kami nanalo.
"Sumama ka na din Mari" ani ng nanay ni Lukas. Tumango na lang ako. Wala naman sigurong masama kung makiki-kain ako kahit isang beses. Katamtaman lang ang laki ng bahay nila Lukas. Kasya sa kanilang pamilya. Tatlo silang magkakapatid. Namataan ko si Dianne sa lamesa na nagpa-practice ng writing. Ang ganda niya talaga.
"Hi Dianne" binati ko siya at tumabi sa kanya. Ngumiti siya sa akin at pinagpatuloy ang ginagawa hanggang sa sabihan siya ng nanay nila na kumain muna.
"Paborito ni Lukas ang tinola" ani ng nanay nila. Tinignan ko si Lukas na para bang nahiya sa sinabi ng nanay niya.
Humigop ako ng sabaw at nginuya iyong manok, "Masarap po tita" sabi ko. Nginitian niya ako at pinagpatuloy ang pagkain habang inaasikaso kami. Masarap ang luto niya. Hindi ko mapigilan na mapaisip at alalahanin kung ganoon din ba ang luto ng nanay ko dati. Halos nakalimutan ko na. Napatingin ako sa kawalan upang magmuni-muni ngunit agad kong binawi. Mahirap na.
"Nakapagbasa ka na ba para sa quiz natin sa Hekasi?" tanong Lukas habang nakikinood kami ng cartoons na pinapanood ni Dianne na Looney Tunes. Nasa bahay pa rin nila ako at hapon na. Nawili ako sa pakikipaglaro kay Dianne ng chinese garter habang pinaghugas si Lukas ng pinggan noong natapos kami na kumain.
Tinignan ko siya na nakatingin sa akin, tila naghihintay ng sagot, "Hindi pero medyo kabisado ko iyong parte na iyon. May libro kasi ako ng Hekasi. Libro ko noong unang beses na nag grade 5 ako" pagsasabi ko, "Gusto mong hiramin?" tanong ko.
"Kung ayos lang sayo. Kung gusto mo din ay sabay na lang tayo na magbasa" ani niya.
Ngumiti ako, "Sige ba". Agad naman akong nagpaalam upang kunin ang libro na gagamitin namin pati na din ang notebook ko sa Hekasi. Nagsabi ako sa kasambahay namin na kumain na ako at mag-aaral ako kasama si Lukas bago lumabas ng bahay. Sa labas ay namataan ko Elias kasama si Rowena sa tapat ng bahay nila. Nakalagay sa tainga ni Rowena iyong rosas na hawak ni Elias kanina. Tumingin sa direksyon ko si Elias na para bang nakita ako ngunit inismiran ko na lang siya at tumakbo pabalik sa bahay nila Lukas. Ayokong titigan ako ni Rowena.
Tahimik ako na nakamukmok sa hagdan malapit sa classroom namin noong hapon pagkatapos ng klase. Hawak ko ang bag ko at payong ko. Kaso nga lang, kulang ang pares ng suot ko sa paa. Tinatanggal kasi namin bago kami pumasok sa loob ng classroom para hindi masyadong madumi. Sumimangot ako. Pangatlong beses na nilang tinago ang jelly shoes ko. Wala ba silang pambili? Bakla ba sila at natitipuan nila? Hay nako. Hindi ako pwedeng umuwi na wala ang pares noon. Papagalitan ako ng tatay ko kapag nalaman niya na wala itong pares. Bago pa man din iyon.
Ngumuso ako habang inisip kung saan nila tinago ang jelly shoes ko. Hinanap ko na sa health corner, lagayan namin ng libro at ng mga gamit na panlinis ngunit wala doon. Nakaka inis. Siguro tapos na ang Marina. Yun pa man din ang inaabangan kong panoorin tuwing hapon bago mag TV Patrol.
"Nahanap mo na ba tsinelas mo?" tanong ni Elias habang palabas ng classroom. Pinaglinis siya ngayon. Nahuli kasi na nagsusulat ng liham habang may klase. Wrong spelling pa ang 'Beautiful' na sinulat niya dahil pinuna ng guro namin tapos ang pangit pa ng sulat niya. Kasingpangit niya.
Ngumuso ako, "Hindi".
"Tara hanapin natin".
Nakangiti siya pero pangit pa rin siya. Kaninang umaga noong recess sumingit si Rowena sa pila ko sa store. Nayayamot ako pero hindi ko nalang pinatulan. Mas maganda parin ako sa kanya kahit si Elias ang kasintahan niya.
"Ikaw ata ang nagtago eh" sabi ko habang sinusundan siya sa likod ng classroom namin. Sa may mga halaman. May maliit kasi na garden sa gilid.
"Oo" sagot niya. Nanlaki mata ko, "Gusto lang naman kita makasama. Tinarayan mo ako noong Sabado tapos kay Lukas ka nakipaglaro. Hindi mo din ako tinabihan sa simbahan noong Linggo" pag-amin niya. Hindi sumama si Lukas dahil may gagawin sila ng tatay niya pero si Dianne ang sumama noong huling linggo.
"Ayoko nga. Aawayin ako ni Rowena at saka sabi mo gusto mo ako pero kasintahan mo si Rowena. Mas matanda pa sayo" pag-ingos ko. Oo panay ang tukso ko sa kanya noong sinusuyo siya ni Rowena pero hindi ko alam kung bakit nayayamot ako ngayon na sila na. Baka dahil sa inasal ni Rowena sa akin. Pangiti-ngiti dati pero ngayon iyong mata niya kulang na lang ay pumuti sa selos.
Sumimangot si Elias at inabot ang jelly shoes ko na tinago nya sa may halaman. May sasabihin pa sana siya pero inirapan ko siyaa at naglakad ng mabilis pauwi. Nakakainis talaga si Elias Gael. Pag-uwi ko tapos na ang Marina. Gusto kong manakit. Kumalma nalang ako at lumabas ng bahay. Sakto ay nakita ko si Lukas kasama si Dianne na parang pauwi palang.
"Saan kayo galing?" tanong ko.
"Sinundo ko si Dianne. Nakipaglaro siya sa kalaro niya sa ibaba" sagot naman ni Lukas. Ang bait talaga ni Lukas sa kapatid niya at responsable pa. Palibhasa panganay din kagaya ko.
"Gusto niyo ba manood ng CD? Tapos na kasi iyong inaabangan ko na palabas. Nakakainis kasi si Elias" sabi ko.
"Bakit si Elias?".
Sumimangot ako, "Tinago niya iyong jelly shoes ko. Natagalan tuloy ako sa paghahanap pag-uwi ko tapos na yung papanoorin ko" sumbong ko kay Lukas.
Tipid na ngumiti si Lukas, "Sasabihan ko siya. Una na kayo sa loob ni Dianne. Dadaan muna ako sa bahay para magpaalam kay mama. Ano ba papanoorin?" tanong niya na nakangiti.
"Barbie" masayang ngiti ko. Nakita ko siyang umingos pero ngumiti din lang pagkatapos at naglakad pauwi upang magpaalam sa nanay niya. Inakag ko naman si Dianne sa loob ng bahay.
Hindi nagtagal ay bumalik si Lukas na may dalang chicharon at inabot sa akin, "Bigay ng nanay ko. Kainin daw natin habang nanonood" nakangiting sabi niya. Agad ko naman na tinanggap at nilapag sa sahig. Sa sahig na kasi kami umupo ni Dianne kasama ang kapatid kong si Celeste. Panaka-naka ay nag-uusap sila habang ako ay hinintay si Lukas.
"Ano sabi ng nanay mo?" tanong ko habang kumuha ng chicharon.
Ngumiti siya sa akin, "Ayos lang daw basta umuwi kami agad".
Nginitian ko siya pabalik at binaling ang tingin ko sa Barbie na pinapanood namin. Nakakagaan ng loob tuwing kasama ko si Lukas.
"Kinopya ni Lukas ang sagot ko" rinig kong pagbibintang ni Erma, iyong katabi ni Lukas ng upuan at ang second honor ng klase. "Imposible naman na makakuha siya ng perfect e palagi na mababa score niya tuwing quiz" pagpapatuloy niya. Lahat kami ay nakatingin sa second row ng klase. May eksena.
Pinuntahan sila ng guro at tinignan ang papel ng dalawa, "Totoo ba iyon Lukas?" tanong ni ma'am.
Agad na umiling si Lukas, "Hindi ah. Nag-review ako".
"Sinungaling" pagbibintang ni Erma. Lakas magbintang kala mo siya lang matalino sa klase.
Agad kong tinaas ang kamay ko upang tawagin ang atensiyon ni ma'am, "Kasama ko po si Lukas na nag-review noong sabado kaya perfect ang score niya. Kahit itanong niyo pa po sa nanay niya" pagsabi ko.
"Iyon naman pala eh" sabi ng guro at tuluyan na kaming pinag-recess. Nginisihan ko si Erma at inakag si Lukas sa desk ko.
"Eh ako Mari, kelan mo ako isasama sa review?" tanong ni Elias na lumapit sa amin.
"Doon ka kay Rowena. Higher year naman iyon. Edi natapos na niya kung anong pinag-aaralan natin ngayon" sagot ni Lukas.
Tumango ako, "Kaya nga Elias".
Sinamaan niya kami ng tingin at kinain na lang iyong meryenda niya. Tumawa si Lukas at inabutan ako ng hati ng pancake na baon niya.
"Salamat kanina Mari".
"Walang anuman saka totoo naman na pinaghirapan mo iyong perfect score na iyon" sagot ko at kumagat sa pancake na bigay niya, "Luto ng mama mo?" tanong ko.
"Oo".
"Alam ko magluto ng ganito. Tinuruan ako ng nanay ko" sabi ko, "Gusto niyo magluto tayo bukas pagkatapos ng klase? Maaga daw tayo papauwiin dahil may meeting ang mga guro".
"Sige ba" sagot ni Lukas.
Tinignan ko si Elias, "Magpaalam ka kay Rowena kung sasama ka" ani ko.
Kumunot noo niya, "Bakit ako magpapaalam? Hindi ko naman siya nanay".
"Kahit na. Ayoko ng g**o kapag nalaman niya na pumunta ka sa bahay namin" sagot ko. Nayayamot siyang tumango at wala na lang nasabi.
"Mari oh" biglang nagsalita si Marcus, iyong kaklase namin na kasulatan ko ng liham. Nginitian ko siya at kinuha iyong sulat niya. Nang umalis ay parehong nakatingin sa akin ang dalawa.
"Magkaibigan lang kami" sabi ko.
"Gusto ka niya" sabi ni Elias.
Tumango si Lukas, "Halata".
Pinaikot ko mata ko, "Hindi nga. Nakikipagkaibigan lang siya".
Parehong umiling ang dalawa at iniwan ako noong tumunog iyong school bell. Tinago ko sa bag ko iyong sulat ni Marcus. Mamaya ko na babasahin.
Pauwi na ako noong araw na iyon nang hinarang ako ni Erma kasama ang kaibigan niya na si Fatima. Pareho silang masama ang tingin sa akin na para bang malaki ang kasalanan ko.
"Ayoko ginawa mo kanina. Napahiya ako sa klase" pagtataray ni Erma.
"Totoo naman kasi na nag-review kami ni Lukas eh" sagot ko.
"Kahit na. Sana hinayaan mo na lang" singit naman ni Fatima.
Umiling na lang ako at naglakad sa gilid ngunit binangga ako ni Fatima kaya natumba ako sa semento. Sa taba niya ba naman ay sino ang hindi mapapatumba. Lumapit si Erma at pinisil ang braso ko. Masakit. Humalakhak sila at iniwan ako. Nakakainis. Mga walang magawa sa buhay. Hindi ko alam kung kulang sa aruga o kulang sa pansin.
Pa-ika-ika akong naglakad dahil masakit iyong tuhod ko. May galos ako na napala sa pagkakatumba at namumula pa iyong pinisil ni Erma kanina. Nakakainis. Anong klaseng babae ang may kaya na manakit ng kapwa babae?
"Mari" narinig ko ang boses ni Elias. Sa lahat pa ng makakakita sa akin si Elias pa. Nakakahiya. "Napano ka?" tanong niya at lumapit sa akin.
"Wala. Napaaway lang pero ayos lang ako. Galos lang ito" sagot ko sabay ngumiti, "Saan ka galing?" tanong ko.
Tipid siya na ngumiti, "Hinatid ko si Rowena sa bahay nila" ani niya. Tumango na lang ako, "Alalayan na lang kita" sabi niya at tinulungan ako maglakad. Sa tingin ko ay seryoso na si Elias kay Rowena. Wala na akong magagawa doon. Sarili niyang desisyon iyon.
"Mahal mo na ba si Rowena?" tanong ko habang naglalakad kami.
Tumawa siya, "Gusto ko siya. Sa mga pagsisikap niya upang makuha ang atensiyon ko kaya sinusubukan ko na suklian ang mga maliliit na bagay na ginagawa niya pero kung usapang mahal ay sa tingin ko masyado pa na maaga upang isipin. Maraming bagay ang pwedeng magbago" sabi niya.
Tinignan ko siya na parang iba na Elias ang kausap ko. Ganito siguro siya tuwing seryoso.
Inaya ko si Elias na mag-meryenda kapalit ng pag alalay niya sa akin. Chocolate cookies ang meryenda at saka gatas. Umupo kami sa maliit na balkonahe ng bahay. Nilinisan na din ng kasambahay namin iyong sugat ko sa tuhod.
"Gawa ko iyan" sabi ko kay Elias sabay turo sa cookies na kinagatan niya.
Napangiti siya, "Marunong ka mag-bake? Masarap siya" pagpuri niya.
Umiling ako, "Hindi. May alam lang. Dati kasi nagbe-bake ang nanay ko kaya nawili din ako" kwento ko.
Tumango-tango siya, "Nasaan pala ang nanay mo?".
Ngumiti ako, "Wala na siya".
"Ah. Pasensya na Mari" mahinang sagot niya.
"Ayos lang. Eh yung sa iyo? Tatay mo lagi kong nakikita eh".
"Hindi ko alam. Umalis siya noong pinanganak iyong bunso namin at hindi na bumalik".
Naumid dila ko. Mali din ang tanong ko eh, "Pasensya na din". Nagkatinginan kami at tumawa na lang, "Pasensya na din sa pagtataray ko sa iyo noong sabado. Masama kasi ang tingin Rowena sa akin tuwing nakikita niya ako. Nagseselos ata".
"Ganoon ba? Sabi niya kasi sa akin ayos lang daw na kaibiganin pa rin kita kahit kasintahan ko siya" sabi naman niya. Umikot bigla ang mata ko sa isip ko. Napaka-plastic. Parang si Karen. Nginitian ko nalang si Elias at hindi na nagsalita. Baka si Rowena pa ang kampihan niya. Malamang siya ang kasintahan. Kaibigan lang naman ako.
Bigla ay nagseryoso ang mukha niya, "Ikaw Mari. Mahal mo na ba si Lukas?" biglang tanong niya. Napatigil ako sa pag nguya at napatingin sa kanya, "Palagi kasi kayong magkasama. Naiinggit ako" dagdag niya.
Tumawa ako, "Edi sumama ka sa amin. Kung papayagan ka ni Rowena".
Kumunot ang noo niya, "Bakit ba kailangan ko na magpaalam kay Rowena? Hindi ko naman siya nanay" nayayamot na sabi niya.
"Para hindi siya mag-isip ng masama" sagot ko.
Tinignan niya ako ng masama, "Malaya ako na sumama kahit sino kahit kasintahan ko siya. Hindi ko siya asawa" pagsasabi niya sa akin. Inismiran ko na lang siya at pinagpatuloy ang pagkain. "Hindi mo pa sinasagot iyong tanong ko kung mahal mo na ba si Lukas" sabi niya.
Ngumiti ako, "Wala pa sa isip ko ang ganyan na mga bagay".
"Pero gusto ka niya".
"Hindi naman dahil gusto niya ako ay pipilitin ko din na magustuhan siya" pagta-tama ko, "Saka mga bata pa tayo Elias".
Akala ko ay titigil si Elias ngunit nagsalita ulit siya, "Paano kung isang araw, kapag lumaki na tayo ay pareho pa rin ang nararamdaman niya para sa iyo?".
"Paano ka naman nakakasigurado?".
Hindi niya pinansin ang tanong ko at pinagpatuloy, "Paano kung magkita ulit tayo pagkatapos ng ilang taon sabihin ko sa iyo na gusto pa rin kita kagaya ng dati?".
"Bakit ako Elias?" tanong ko.
"Bakit hindi ikaw? Maganda ka. Mabait. Nakakagaan ng loob ang mga ngiti mo. Kung kaya ko lang mag-gitara kakantahan sana kita" ani niya.
"Masyado ka naman kampante sa akin".
Ngumiti lang siya bilang sagot.
Ngunit ang tanong ni Elias ay tumatak sa isip ko. Mahal. Gusto. Ano ang pagkaka-iba ang dalawang bagay na iyon at paano malalaman. Sana nandito din ang nanay ko. Baka may sagot siya sa mga bagay na iyon. Nainggit ako kay Lukas.