LUKAS JOAQUIN
Bata palang ako alam ko sa sarili ko na iba ang pagtingin ko kay Maria Amor. Malimit siyang ngumiti ngunit kapag nakangiti ay parang gusto ko nalang siyang titigan. Ang kanyang halakhak at tawa ay musika sa akin. Iba ang amor na dala niya. Alam ko din na gusto siya ng mga kaibigan kong sina Elias at Anton. Gusto din siya ng iba namin na kaklase at ibang grado sa aming paaralan ngunit ni isa sa kanila ay hindi niya binigyan ng pansin. Mas pinagtuunan niya ng pansin ang kanyang pag-aaral. Tuwing grading ay isa siya sa top 3 sa klase at mas nagustuhan ko pa siya lalo dahil doon.
"Ang ganda mo talaga Mari" ani ko sa kanyang habang hinahatid sa bahay nila pagkatapos namin maglaro ng patintero. Pawisan kami pareho ngunit lumilitaw parin ang ganda niya. Namumula ang pisngi niya at mas lalo akong nabibihag kapag nakatingin at nakangiti siya sa akin. Iba talaga ang amor na dala niya.
Tumawa siya, "Huwag mo nga akong bino-bola Lukas. Pero salamat sa pag-aya sa akin maglaro ha. Ayoko talaga sumama kay Elias. Nayayamot ako kapag may lumalapit sa akin na girlfriend niya tapos magagalit sa akin. Wala naman akong ginagawang masama" ani niya.
"Hayaan mo sila Mari. Kung gusto mo sasamahan nalang kita lagi sa paaralan para may kasama ka. Lagi ka nalang nag-iisa. Nag-away ba kayo ni Karen?" tanong ko. Si Karen iyong palagi niyang kasama kapag uwian ngunit hindi sila nagpapansinan kapag nasa paaralan.
Umingos ang mukha ni Mari, "Ayoko dun. Ang sama ng ugali non" sagot niya.
Tumawa ako at tuluyan nang namaalam sa kanya noong nakarating kami sa tapat ng kanilang bahay. Binigyan niya ako ng ngiti saka pumasok sa loob. Iyong t***k ng dibdib ko ang bilis at napakalakas. Iba talaga ang epekto niya sa akin. Sa pakiramdam ko ay gusto ko si Mari at mas higit pa sa gusto na nararamdaman ni Elias. Kung gusto talaga ni Elias si Mari ay hindi siya magbibigay ng sulat sa ibang babae at kay Mari lamang ang atensiyon niya. Pero kahit kaibigan ko si Elias ay hindi ko rin alam ang iniisip niya minsan at hinayaan ko na lang. Gusto din siya ni Anton pero hindi ganon ka-seryoso. Crush lang niya si Mari sa tuwing nakikita niya ito.
Biyernes ng hapon noong sinundo ko ang kapatid ko na si Dianne na nakipaglaro sa mga kaklase niya. Pagabi na kasi at hindi pa umuuwi kaya pinasundo siya sa akin ng nanay ko. Sakto naman ay nakita kami ni Mari na dumaan sa bahay nila at inaya kaming manood. Kahit na Barbie ang papanoorin ay pumayag ako at nagpaalam sa nanay ko. Hindi sana ako papayagan pero dahil sabado bukas ay napapapayag ko siya.
Umupo ako sa gilid at pinagmasdan lang si Mari. Oo. Si Mari lang ang pakay ko at hindi ang Barbie. Masaya na ako na tinitignan si Mari at katabi siya kahit isang metro ang layo. Napapangiti ako sa tuwing humahagikgik siya sa pinapanood nila. Panaka-naka ay tumitingin siya sa akin at itatanong ako kung ayos lang ako. Agad naman akong tatango at ngingiti sa kanya. Wala eh. Sa edad kong labin-dalawa ay nabihag ako sa paraan na ayos lang kahit hindi ko siya girlfriend. Ang makasama at makausap siya ay tama na sa akin kahit hanggang doon na lang. Mga bata pa naman kami. Maraming bagay ang pwedeng mangyari at magbago. Hindi rin naman ako nagmamadali. Masaya ako na nakakasama ko siya sa maliliit na bagay.
Hindi pumasok si Mari noong araw na sinabi niya sa amin ni Elias na magba-bake kami ng pancake. Wala din siyang nabanggit kahapon na liliban siya ng klase kaya naman ay nag-alala ako.
"Natakot siguro" narinig ko na bulong ni Erma sa tabi ko. Tinignan ko siya at abot tainga ang ngiti niya sa akin. Hinayaan ko na lang kahit ma kutob ako na siya ang may pakana. Nang tanghali ay dumeretso ako sa bahay nila Mari pagkatapos kong kumuha ng baon sa bahay namin. Hindi na nagtanong ang nanay ko ngunit sa ngiti niya ay parang may ideya siya. Hindi ko na lang pinansin. Nakita ko si Mari na nakaupo sa maliit nilang balkonahe. Agad akong lumapit upang magtanong.
"Bakit ka lumiban sa klase? May bago tayong lesson" ani ko.
Ngumiti siya, "Wala Lukas" tinignan niya ako saglit, "Dinatnan kasi ako" sagot niya.
Tinignan ko siya na may katanungan sa aking mukha, "Ano yun?"
Tumawa siya, "Iyong lesson natin sa unang grading. Iyong regla. Pero huwag mong ipagsasabi sa iba ha. Ikaw lang ang nakakaalam" sabi niya.
"Di'ba iyon yung masakit daw ang puson?" tanong ko.
Tumango siya, "Kagabi pero hindi na masyado ngayon". Tumango na lang ako at napatingin sa tuhod niya na may pasa.
"Napano iyan?" tanong ko.
"Nadapa ako" sagot niya. Hindi na ako nagtanong pa at inilabas ko ang baon ko.
"Kumain ka na ba?" tanong ko.
"Hindi pa" sagot niya.
"Kain tayo" pag-aaya ko. Ngumiti siya at tumango saka pumunta saglit sa loob ng bahay nila. Nang lumabas siya ay may dala siyang plato na may kasamang kanin at adobong karne.
Nilapag niya ang plato niya sa maliit na mesa at ako naman ay binuksan ko ang aking baon. Chicken curry ang baon ko at dinamihan ng nanay ko ang ulam. Pakiramdam ko talaga alam niya ang iniisip ko kahit hindi ko sinasabi. Pinagitna ko ang ulam upang makakuha siya.
"Masarap magluto nanay mo. Lasang tahanan" ani niya.
"May ganon ba?" tanong ko.
Ngumiti siya, "Sa akin oo. Gusto kong matuto sa kanya ng lutong bahay" sabi niya.
"Sabihin ko sa kanya pag-uwi ko Mari" sagot ko at sinuklian naman niya ako ng ngiti. At muli ako ay nabihag.
Nang malapit na ang time ay bumalik ako sa klase dahil sabi ni Mari ay maaga ang dismissal ngayong araw. Gaya ng sabi niya ay maaga kaming pinauwi. Nakasunod sa akin si Elias na papunta sa bahay nila Mari.
"Bakit daw siya lumiban?" tanong ni Elias.
"Wala siyang nabanggit" pagsisinungaling ko, " Nasaan ka ba noong lunch break?" tanong ko.
"Sa grade 6 classroom. Nagbaon si Rowena ng marami at nakonsensya ako dahil niluto daw niya" sagot naman niya.
"Nagpaalam ka ba sa kanya ngayong araw?".
"Tumakas lang ako Lukas. Hayaan mo na. Minsan lang naman" ngising sabi niya. Napa-iling na lang ako sa sinabi niya.
Nakakunot ang noo namin ni Elias habang sinusukat iyong arina at iba pang sangkap ng pancake. Sa harap namin ay ang papel kung saan nakasulat ang ingredients.
"Dapat sakto ang sukat. Kung hindi ay mag-iiba ang lasa" sabi ni Mari.
Huminga na lang ako ng malalim at pinagpatuloy ang pagsukat sa baking powder gamit iyong teaspoon na kung tawagin ni Mari.
"Mali ata pinasok natin" bulong ni Elias habang hinahalo lahat ng sangkap.
Tumango ako, "Para kay Mari" sagot ko pabalik. Tumango na din siya at sinunod ang mga utos ni Mari. Natapos naman agad ang paghahalo namin ng mga sangkap. Iluluto na lang daw ito sa pan na sinasabi ni Mari.
Tumayo si Mari at kumuha ng measuring cup na 1/2 ang nakalagay, "Sukatin niyo gamit ito. Kapag mainit na ang mantika saka niyo ibuhos" pagtuturo niya. Masunurin kami na tumango ni Elias.
"Paano malalaman kapag mainit na ang mantika?" tanong ko.
Inilahad ni Mari ang palad niya at tinapat sa pan na may mantika, "Kapag may nararamdaman kayong mainit kung ganito gagawin niyo o hindi kaya ay mag-wisik kayo ng kaunting tubig. Mainit na yan kapag may tatalsik na mantika" nakangiting sabi niya.
"Hindi ba nakakatakot?" tanong ni Elias.
Humalakhak si Mari, "Mantika lang yan Elias. Tao ka".
Lima lahat ang pancake na nagawa namin. Natuwa kami habang nagluluto pero mas natuwa ako dahil kasama si Mari at panay ang pag ngiti niya. Doon kami umupo sa balkonahe ng ikalawang palapag ng bahay nila Elias. Doon ay nakikita ang gubat sa likod bahay nila na napapaligiran ng puno kaya naman ay malakas ang hangin at malamig ang simoy na dala nito. Tinimplahan din kami ng kasambahay nila ng mango juice upang i-pares sa kakainin namin.
"Sana maulit ito" sabi ni Elias na nakangiti.
Tumango ako, "Nag-enjoy ako Mari" sabi ko sa kanya.
Humagikgik siya na tumingin sa amin, "Nandito lang naman ako kung gusto niyo akong makasama sa mga bagay bagay" sagot niya. Sana nga. Sana tumagal ang pagsasama namin.
"Pwede ba na sumali si Rowena?" nag-aalangan na tanong ni Elias noong hapon ng linggo. Nasa likod niya si Rowena na nakangiti sa amin. Maglalaro sana kami ng tagu-taguan dito sa bakuran ng bahay namin. Inaya ko sa Elias noong natapos kaming magsimba pero hindi ko alam na isasama niya kasintahan niya.
"Sige" sagot ni Mari.
"Salamat" sabi ni Elias.
Kasama sa laro ay ang kapatid ko na sina David at Dianne. Sumama din si Celeste. Bale pito kaming lahat na maglalaro. Nag prisinta si David na taya kaya kumaripas kaming lahat ng takbo. Hanggang sa likod bahay lamang ang hangganan ng espasyo ng aming taguan.
"Isa, dalawa, " bilang ni David. Nakita ko si Elias na hila-hila ni Rowena sa likod ng puno ng mangga. Nakita ko si Mari na nakatingin kaya naman ay hinawakan ko ang braso niya at hinila.
"Saan tayo pupunta Lukas?" tanong niya.
"Basta" sagot ko at tinahak ang daan sa likod ng bahay namin. May maliit na gubat sa likod ng bahay na napapaligiran ng matatayog na puno ng kawayan. Maganda ito at tahimik. Mahangin din. Kaunti lamang ang dumadaan dito dahil papunta ito sa gubat kung saan sila kumukuha ng kahoy na pang gatong.
Binitawan ko ang braso ni Mari at tinignan siya na namamangha sa kanyang paligid. Gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi at may kinang ang kanyang mata na tumingin sa akin.
"Ang ganda dito Lukas!". Ang ganda niya.
"Buti naman at nagustuhan mo" sabi ko.
Tumango siya at humagikgik, "Hindi ba tayo lumagpas sa espasyo kung saan hangganan ng taguan natin?".
Umiling ako, "Hanggang dito ang espasyo. Pero hindi naman siguro ito pupuntahan ni David. Minsan lang kami pumunta dito" sagot ko.
Ngumiti siya at naglakad-lakad patungo sa damuhan na kung saan may nakatanim na bulaklak ng daisy. Pinitas niya ito at inilagay sa kanyang tainga. Tumingin siya sa akin at ngumiti ng matamis. Agad naman akong napangiti, "Ang ganda mo Maria Amor". Bagay sa kanya at sakto din na naka-bestida siya ng kulay puti na may tatak na mga bulaklak.
Humagikgik siya at lumapit sa akin, "Marunong ka bang sumayaw Lukas?" tanong nito.
Agad akong umiling, "Hindi".
"Sa cartoons kasi na pinapanood ko sumasayaw ang mga prinsesa kasama ang kanilang prinsipe. Gusto kong subukan" sabi niya.
Wala akong nasabi kung hindi, "Ah ganoon ba". Hindi ko alam ang sinasabi niya eh.
Ngumiti siya, "Subukan natin!".
Napaatras ako, "Hindi ko alam sumayaw Mari".
"Dali na Lukas. Minsan lang ako humiling sa iyo eh".
"Wala akong nagawa at napatango, "Paano ba?" kinakabahan na tanong ko. Bago pa man magsalita si Mari ay narinig namin iyong radyo sa bahay. 'Panalangin' ang tugtog.
Tinignan ako ni Mari na lumapad ang ngiti. Kinuha niya ang dalawa kong kamay at nilagay sa magkabilang bewang niya, "Hawak ka diyan at ako ay hahawak sa balikat mo tapos galaw galaw lang tayo".
Bumilis ang t***k ng dibdib ko noong humawak ako sa bewang niya habang pinapakinggan ang kanta. Naririnig ko ito minsan sa nanay ko.
'Panalangin ko sa habang buhay'
'Makapiling sa Makasama ka'
Yan ang panalangin ko'
Tinitigan niya ako na nakangiti habang ako ay ganoon din. Ngayon ko lang natitigan si Mari ng malapitan at tila sasabog ang puso ko sa kaba at tuwa. Gumalaw kami sa may munting damuhan. Hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa namin ngunit nakangiti naman siya.Tinitigan ko na lang siya at inalala ang kanyang imahe sa aking isip. Sa pakiramdam ko nang sandaling iyon ay alam ko kung ano ang nararamdaman ko para sa kanya.
"Sabihin mo nga ang totoo Lukas. May namamagitan ba sa inyo ni Mari?" tanong ni Elias. Hapon ng miyerkules iyon sa may bench. Katatapos lang namin magpractice ulit.
Tinignan ko siya. Seryoso mukha niya, "Anong ibig mo sabihin?".
"Nakita ko kayo sa likod bahay niyo noong naglalaro tayo" sabi niya. Mapait siyang ngumiti, "Ang saya ng ngiti niya habang sinasayaw mo siya".
Umiling ako, "Walang namamagitan sa amin at ang ngiting iyon ay dahil napapayag niya ako sa hiling niya. Wala nang ibang ibig sabihin iyon" sagot ko. Pero may parte sa akin na gustong humiling na sana ay pareho kami ng nadarama ni Maria Amor.
Tumawa si Elias, "Naiinggit ako sa iyo sa totoo lang. Hindi na ako masyadong kinakausap ni Mari dahil may kasintahan ako. Hindi ko alam kung tama ba na binigyan ko ng pagkakataon si Rowena".
"Ikaw kasi. Dalawa ang puso mo" pabiro ko na sinabi.
Muli siyang tumawa at umiling, "Pakiramdam ko ay inaaksaya ko ang oras at araw. Habang kasama ko si Rowena ay para bang nasasayangan ako sa sandali na kayo o siya ang kasama ko. Parang napapalayo ako sa inyo" ani niya.
Tinapik ko siya sa balikat, "Marami pa tayong oras at araw na makikilala ng husto si Mari. Malapit na tayong mag-grade 6. Tayo-tayo din lang naman ang magka-kaklase" sabi ko.
"Sana nga Lukas. Sana nga" bulong ni Elias. Iyon din ang hiling ko sa sarili ko.
Dumating ang pasko nagpabili ako ng tsokolate sa nanay ko. Natawa siya nang sabihin ko na ibibigay ko ito kay Mari at dinagdagan ng kulay puti na teddy bear. Maliit lang iyon na isang dangkal ang haba. Alam niya na may gusto ako kay Mari at sabi niya ay normal lang daw iyon kapag nagbi-binata. Siguro nga nagbi-binata ako. Pinag-aaralan kasi namin iyon sa science at health. Puberty daw ang tawag sa sitwasyon namin na malapit nang maging teenager.
"Gusto kita Mari" sabi ko sa kanya nang iabot ko ang regalo ko sa kanya. Tinignan niya ako, "Alam ko nabigyan na kita ng liham dati ngunit gusto ko sabihin sa'yo na gusto pa rin kita hanggang ngayon".
Ngumiti si Mari ng matamis, "Salamat Lukas" ani niya at niyakap ako. Muli ay bumilis ang t***k ng puso ko. Nakita ko siya na ngumiti nang makita ang regalo ko sa kanya, "Ang ganda naman neto Lukas. Pasensya na ha, wala akong maibigay sa iyo".
Binigyan ko siya ng ngiti, "Ayos lang ako Mari".
Gaya ng pamilya ko ay dito din lang nagpasko ang pamilya ni Mari. Sila Elias naman ay lumuwas ng siyudad at doon na din nagbakasyon. Masaya ako at alam ko na dahil wala akong kaagaw sa atensiyon ni Mari.
"Ano gusto mong maging?" biglang tanong niya sa akin.
Nakaupo kami sa silong ng kawayan. Dito kami naka-upo tuwing hapon simula noong bakasyon. Minsan ay nagdadala kami ng pagkain at dito kami nagkwe-kwentuhan ng kung ano-anong bagay tulad ng paborito niyang kulay na dilaw o ang kanyang kaarawan na sa tuwing pebrero. Tinignan ko si Mari na nakatingin sa akin, tila ba ay hinihintay ang sagot ko sa tanong niya. Ayan na naman ang titig niya na nakaka-gayuma. Agad akong bumaling ng tingin, "Hindi ko pa alam Mari. Wala pa sa isip ko ang mga ganyan na bagay" sagot ko nalang at nahiga sa nakalatag na kumot kung saan kami nakaupo.
Humagikgik siya at tinanggal ang kanyang jacket upang gawin na unan. Nahiga din siya at pinikit ang kanyang mga mata habang yakap-yakap iyong teddy bear na bigay ko. Hinayaan ko siyang umidlip habang ako ay nakatingin sa liwanag na natatakpan ng mga kawayan. Tumatak sa isip ko ang tanong ni Mari kung ano ang gusto kong maging. Siya kaya, ano ang gusto niyang maging? Matalino si Mari at hindi malabong malayo ang mararating niya.
Hayskul na kami ni Elias dito sa kapitolyo. Walang pinagbago. Magkaibigan pa rin kami. Pagkatapos ng grade 5 ay lumipat ng bahay ang pamilya ni Mari. Walang nakakaalam sa amin nila Elias kung saan sila lumipat. Hindi rin siya nagsabi na lilipat sila ng bahay. Nagta-trabaho kami pareho sa isang grocery kapag wala kaming klase. Kagaya ko ay may girlfriend na din siya pero hindi si Rowena. Nakilala niya kung saan kami nag-aaral ng hayskul. Ako naman ay nakilala ko sa trabaho. Masaya naman ngunit hindi ko pa rin makakalimutan si Mari at panaka-naka ay iniisip kung anong itsura niya habang nagda-dalaga.
Nandito ako ngayon sa simbahan kasama ang tita ko. Yung simbahan kung saan kami sumama ni Elias noon. Pati ang simbahan ay nagpapa-alala sa akin ng mga memorya kasama si Mari. Dati kung hindi ako nakakasama ay pinapasama ko ang nakakababatang kapatid ko na si Dianne para kay Dianne ang atensiyon ni Mari at hindi kay Elias. Wala eh. Bata pa lang ako alam ko na magselos, hindi ko nga lang alam na selos pala iyong pakiramdam na iyon. Umiling na lang ako habang naisip ang mga bagay na ginawa ko noon at binaling ang atensiyon sa nagtuturo sa harap.
"Lukas" narinig ko na may bumulong sa tabi ko. Agad akong lumingon at nakita si Maria Amor. Nakangiti siya ng malapad. Nakatirintas ang mahaba niyang buhok at nakasuot siya ng puting bestida. Dalagang dalaga ang dating niya pero may bakas pa rin ang Mari na nakilala ko noong ika-limang baitang. Wala akong masabi at napaawang na lang ang labi ko. Humagikgik siya at binaling ang atensiyon sa harap. Ang t***k ng puso ko ay napaka-bilis. Rinig ko ang kabog ng dibdib ko noong sandaling iyon. Ayan na naman ang gayuma at amor na dala niya. Walang pinagbago.
"Kumusta ka na Lukas?" tanong niya saken noong natapos na ang simba. Sabay kaming naglakad palabas ng simbahan.
Tumingin ako sa kanya. Nakangiti pa rin siya, "Ayos lang naman ako Mari. Ikaw?" tanong ko pabalik.
"Ayos lang din ako Lukas" sagot niya na nakangiti. Hindi ako maka-iwas ng tingin sa ngiti niya. Ang ganda niya pa rin.
"Nagagalak ako na nakita ulit kita Lukas" ani ni Mari.
Nginitian ko siya ng buong puso, "Ako din Mari. Ako din".
Humagikgik siya, "Ipa-kumusta mo na lang ako kay Elias kung nag-uusap pa kayo" sabi niya at kumaway sa akin paalis. Sumakay sila sa tricycle na pinara ng kanyang tatay. Kumaway na lang ako pabalik habang pinanood si Mari sa loob ng tricycle na nakangiti sa akin habang papalayo.
Napakagat ako ng labi. Hindi ko natanong kung saan siya nakatira at nag-aaral ngayon. Napapikit na lang ako ng mga mata at tinandaan ang magandang imahe ni Mari. Sana hindi ito ang huli namin na pagkikita ngunit parang iyon na talaga.