LITERAL NA BUHAY KOLEHIYALA ..
MAAGANG umaalis si Mama para pumasok bilang Nanny pero hindi sa bata kun'di sa isang bedridden na matandang babae na taga Muzon lang nakatira.
Habang si Papa, ume-extra sa pagiging construction worker at si Kuya Patrick naman maaga din ang pasok pero inaantay siya nito kumilos para sabay sila palagi sa pag alis.
Gano'n ang naging routine nila sa umaga at magkikita na lang sila sa gabi. Sa katunayan, madalas talaga siya mag pagabi kahit hanggang hapon lang kung minsan ang pasok niya.
Sinasadya niyang umuwi ng gabi. Gusto niya pag uwi niya sa bahay, naroon na sina Mama at Papa o kahit si Kuya Patrick. Ayaw niyang umuwi mag isa sa hapon baka maabutan lang nya don si Uncle Mando. Pumapasok kasi din ang asawa nito at gabi rin ang uwi.
Nang minsan kasi umuwi siya ng hapon, nakaidlip siya sa kwarto nila, himbing siyang nakatulog sa higaan ni Kuya Patrick nang maalimpungatan siya. Naramdaman niya kasing parang may nakatingin sa kanya. Pag mulat niya naroon si Uncle Mando sa hamba ng pinto ng kwarto at matiim na nakatunghay sa kanya.
Sobrang kaba niya ng mga oras na iyon. Wala naman itong ginawa sa kanya. Inalok lang siya nito kung gusto niya mag meryenda. Magalang na tumanggi siya at lumabas ng bahay. Napatambay tuloy siya ng wala sa oras sa StarMall. Umuwi lang siya ng malaman nakauwi na si Kuya Patrick at Papa.
Kaya simula no'n di na siya umuuwi ng hapon. Wala naman ginagawa masama si Uncle Mando sa kanya ngunit alam niyang may kakaiba sa bawat tingin at ngiti nito sa kanya.
May mga pagkakataon pang pasimpleng inaamoy nito ang buhok niya pag naghuhugas sya ng plato.
"Ayos ka lang, babe?" pukaw ni Frank sa kanya.
Mabilis naman siyang napangiti. Kasalukuyang, nasa SM Tungko sila at kumakain sa Bon Chon. Nagkita sila roon, parehas silang galing school.
"Ayos lang. Ikaw, kumusta? Balita ko sa UST rin pala pumapasok sina Randall at Apreng–"
Simpleng tango naman si Frank.
"Yup. Napansin ko sila no'n first day pero madalang kami magkasalubong."
"Ah.."
Kumunot ang noo ni Frank saka hinaplos ang ilalim ng mata niya.
"Nanlalalim mga mata mo. Napupuyat ka? Naninibago ka pa rin ba sainyo?"
Alam ni Frank ang sitwasyon nila sa bahay subalit hindi nito alam ang tungkol sa pagkabahala niya. Ayaw niyang sabihin rito, mag aalala lang kasi ito.
"Mainit kasi sa bahay, pero ayos lang masasanay din ako," nakangiting sagot niya.
"Si Poochie, okay lang ba? Magsabi ka agad pag paubos na ang dog food niya," bilin nito.
"Ayos lang anak natin. Minsan isama ko sya sa date natin. Miss ka na nya."
Natawa naman si Frank sabay tango.
"Sige, isama natin siya sa sunod."
Nang matapos silang kumain, nag ikot-ikot pa muna sila bago nila naisipan umuwi. Ihahatid pa sana siya ni Frank subalit hindi na siya nagpahatid. Masyado na itong pagod, hindi biro ang magbyahe mula Maynila hanggang Bulacan tapos uuwi pa ito ng Novaliches.
Alas-siete na ng gabi nang makauwi siya. Nasa bahay na si Papa at Mama, naabutan niya itong nagtatalo sa salas. Si Uncle Mando naman ay nasa kusina nagluluto. Napalingon ito sa kanya nang papasok na siya sa kwarto.
"Oh, Pamangkin kong maganda. Ginagabi ka yata palagi, 'di ba hanggang hapon lang ang klase mo pag thursday at friday?"
Nag isang linya ang mga kilay nya. Paano naman nito nalaman 'yon?
"Ba't nyo po alam?" seryosong tanong niya.
Ngumisi ito. "Nakita ko sa notebook mo 'yon schedule mo sa mga subject mo kaya–"
"Ba't po kayo nakikialam sa mga gamit ko?" pataray na tanong nya.
Nakaramdam siya ng matinding inis. The audacity na makialam sa gamit niya! Si Papa at Mama nga never nakialam sa mga gamit niya.
"Ah. Di ko naman sadyang nakita. Naiwan mo kasi minsan sa lamesa 'yon notebook mo."
"Sa sunod 'wag kayong makialam sa gamit ko," tiim ang bagang na sambit niya.
"Rainzelle, ano ba 'yan salita mo sa Uncle mo–" sita ni Papa sa kanya nang marinig nito ang sinabi niya.
Pagak na natawa si Uncle Mando.
"Hayaan mo na, Raf. Mali ko rin ginalaw ko gamit niya," ani nito ng sumulyap kay Papa saka bumaling sa kanya.
"Pasensya ka na, Pamangkin."
Hindi siya kumibo bagkus dumiretso pasok na siya sa kwarto. Napahugot na lang sya ng paghinga. Nakapagbihis na siya ng tawagin siya ni Mama para kumain.
Wala si Kuya Patrick, nag-chat ito na gabi pa makakauwi. Nagsalo-salo sila ng hapunan sa maliit na dining table na nakapwesto malapit sa salas.
"Sigurado ka na ba sa plano mo?" kapakuwan tanong ni Uncle Mando kay Mama.
Nabaling ang atensyon niya kay Mama. Anong plano?
Uminom muna ng tubig si Mama bago nagsalita.
"Wala naman choice, Kuya Mando. Kailangan gawin para sa mga bata."
Naguguluhang napatingin siya kay Papa at Mama. "Anong plano 'yon, Ma?"
"Tsk ! 'yang Mama mo. Nagbabalak mag-abroad. Gusto lang magbuhay dalaga kaya aalis," may bahid na inis na sabi ni Papa.
"Anong pinagsasabi mong buhay dalaga? Kung di ko gagawin 'to, paano makakapagtapos ng kolehiyo mga bata? Paano matutubos ang bahay natin? Sige nga ! kaya mo ba tustusan lahat ng pangangailangan ng mga anak mo?!" bulyaw ni Mama kay Papa.
Napakurap-kurap siya. Aalis si Mama. Mag-a-abroad ito. Maiiwan sila rito kina Uncle Mando. Nilukob ng kaba ang dibdib niya. Ayaw niyang umalis si Mama.
"Ma... " paanas na tawag niya kay Mama.
Malungkot na tumingin si Mama sa kanya. "Sa Australia. 'Yon matandang inaalagaan ko, dadalhin sa Australia ng anak nya naroon para do'n na maalagaan. Kailangan ng Nanny... inaalok ako, malaki ang sahod kaya 'di na ako nagdalawang isip pa," paliwanag ni Mama.
"D-Dito ka na lang, M-Ma..." naiiyak niyang sambit. "Wag ka na umalis."
"Para sainyo 'to ni Kuya Patrick mo–"
Tumayo siya. Nawalan na siya ng ganang kumain. Pumasok siya sa kwarto. Niyakap si Poochie na tahimik lang nakahiga sa foam.
Ilan sandali pa ay pumasok din sa kwarto si Mama at tumabi sa kanya.
"Nak, sana maunawaan nyo si Mama. Kailangan natin makaipon ng pangtubos ng bahay at para na rin sa pag aaral nyo ni Kuya mo–"
Mabigat man sa dibdib niya ang plano ni Mama sa pag abroad, hindi naman niya kayang pigilan ito. Desidido na to sa balak nito. Kung may magagawa nga lang siya pero sa ngayon ang tanging magagawa lang niya ay mag aral ng maige.
"Mag aral kang mabuti, Rainzelle. Sikapin nyo ni Kuya mo makapagtapos at ako... sisikapin ko rin ibigay lahat ng pangangailangan nyo sa pag aaral. Walang mangyayari satin kung aasa lang tayo sa kakarampot na sahod ko, di rin naman tumitigil ang Papa mo sa pag inom kaya ang hirap din asahan sya."
Naiiyak na tumango tango siya. Alam naman niya, naiintindihan niya. Ang hirap lang para sa kanya dahil naninibago pa sya sa bagong tirahan nila tapos ngayon maninibago na naman sya dahil aalis si Mama.