UNANG KABANATA
PAGBALIK SA UMPISA
Pananaw ni Gabriel
Nang makarinig ako ng mga katok mula sa pintuan, ako ay biglang napalunok.
“Hinihintay ka na nila, Anak.” Bungad sa akin ng aking nanay. Ako ay tumango at muling tumingin sa salamin dahil sinigurado ko na ako’y maayos tignan.
Bagama't kinakabahan, alam ko sa sarili ko na ako ay masaya dahil ang araw na pinakahihintay ko ay dumating na rin.
Ang araw na mag-iisang dibdib kami ng babaeng pinakamamahal ko. Kay tagal ko ng hinihintay ang araw na ito kaya kahit nag-uumapaw ako sa nerbyos ay umalis ako ng kwarto nang may ngiti sa labi.
Nang makarating ako sa lugar na dadausan ng kasal ay bigla akong napahanga. Ang kasal ay magaganap sa takipsilim kaya nababagay dito ang mga parol na kongming na nakasabit sa mga puno ng niyog.
Ito ang magsisilbing ilaw sa kadahilanang sa tabing dagat idadaos ang kasal salig na rin sa nais ng aking mapapangasawa. Ito din ay sumisigaw ng kulay na pinili naming dalawa.
Kulay lila ang mga bulaklak na nakapaligid sa lugar pati na din ang mga nakasabit sa upuan ng mga bisita. Ganoon din ang kulay ng mga bulaklak na nakakalat sa pasilyo tungo sa altar ng simbahan.
Ang mga arko, na madadaanan hanggang sa dulo ng pasilyo, ay napupuno din ng mga bulaklak na kulay lila. Nakakamangha talaga!
Napakagaling ng nakuha naming organisador. Lahat ng pinakiusap at hiniling namin sa kanya ay kanila namang naisakatuparan.
“Mr. Lopez, tara na po sa pwesto niyo. Magsisimula na po ang kasal.” Saad ng organisador at agad din akong tumalima.
Hindi ko mabilang ang mga taong bumati at nagsabing sila’y masaya para sa’kin habang ako ay naglalakad papunta sa pwestong sinabi sa akin ng nag-oorganisa ng aming kasal.
Pilit ko mang itago, hindi maikakaila ang kaba sa aking mukha. Hindi ko tuloy maintindihan ang aking nararamdaman dahil naghahalo-halo na ‘yong kaba at saya. Ganito ba talaga ang pakiramdam ng ikakasal?
Kinabahan din kaya ang aking minamahal na mapapangasawa ngayon? Sa kaisipang iyon ay unti-unti akong napakalma. Hindi na ako makapaghintay na makita siya.
Ang oras ay tila sumasabay sa bilis ng t***k ng aking puso dahil ang mga panauhing pandangal at konsorte o ang mga abay ay isa isa nang pumasok sa loob ng simbahan.
Napakagandang tingnan sa kanila ang mga damit na pinasadya pa namin upang bumagay sa tema ng aming kasal.
Lila ang kulay ng kasuotan ng mga abay. Ang mga buhok ng babae ay tinirintas at nilagyan ng mga bulaklak na kulay lila bilang palamuti. Makikita ang mga ngiting binibigay nila sa akin bilang tanda na masaya sila para sa akin.
Ako ay yumuko at nagpakawala muna ng isang malalim na hininga bago muling i-angat ang aking paningin. Ang kaninang oras na nakapabilis ay biglang bumagal noong nakita ko siyang naglalakad patungo sa altar. Ramdam ko na ang t***k ng aking puso ay kusang tumigil nang ang aming mga mata ay nagtagpo.
Wala akong maisip na saktong salita o ideya na maaaring gamitin ko para ilarawan siya. Siya ay tila anghel na naglalakad papunta sa altar, papunta sa akin. Isang ngiti mula sa kaniyang labi ang aking nasilayan at ako’y agad natunaw. At sa kaniyang paghinto sa harap ko ay siya namang unti-unting pagbalik sa akin ng mga alaala naming dalawa.
“Gabriel!” Isang malakas na boses ang ang nagpalingon sa’kin. Boses na nagmula sa aking kaibigan na si Sebastian. Napakunot ako ng noo dahil may kasama siyang isa pang batang babae na hindi ko kilala. Sino kaya ‘to?
“May ipapakilala ako sa’yo, Gabriel!” At hinila niya palapit sa’min ‘yong batang babae. “Gabriel, ito nga pala si Ligaya. Ligaya, si Gabriel, kaibigan ko.” Inabot no’ng batang babae ang kaniyang kamay na agad ko rin namang kinamayan.
Iniwan kami ni Sebastian at nakipaglaro sa mga ibang bata.
Noong una, nahihiya pa akong kausapin si Ligaya dahil hindi siya palasalita na bata na tulad ni Sebastian. Nakamasid lamang siya sa mga ibang bata na naglalaro sa hindi kalayuan, ako naman ay nakatingin sakaniya.
Maputi si Ligaya, may matangos na ilong, magagandang mata, at nakakabighani na ngiti.
“Saan pala kayo nakatira dati?” Panimula ko. Lumingon siya at nagpamalas ng magandang ngiti.
“Sa Manila.” Saad niya.
Magtatanong pa sana ako ng tawagin siya ng isang matandang babae. “Ligaya, anak, halika ka muna dito.”
Pinagmamasdan ko lang silang mag-usap ng matandang babae nang sigawan ako ni Sebastian. “GABRIEL, PAKUHA NG BOLA!”
Tinatamad na kinuha ko ang bola. Ibibigay ko na sana ito kay Sebastian nang pagtalikod ko ay isang kamay na nakalahad ang bumungad sa akin.
“Akin na. Kalaro ako ni Sebastian.” Wika ng isang batang babae kaya binigay ko na lamang ang bola.
Akmang aalis na ako ng muli siyang magsalita. “Sa una lang ‘yan mahiyain si Ligaya dahil kalilipat lang. Kausapin mo lang ng kausapin para gumaan ang loob sa’yo.” Wika nito at umalis na.
Pinagmasdan ko lamang siya hanggang sa makabalik sa kalaro. Paano niya alam? Kaano-ano ba siya ni Ligaya?
Bumalik na lamang ako sa pwesto ko kanina at pagdating ko ay nandoon na pala si Ligaya.
“Tapos na kayo mag-usap ng matanda?” Panimula ko ulit ng usapan.
“Oo.” Tipid na sagot niya.
“Nanay mo ba ‘yun?” Dagdag ko pa na sinagot niya lamang ulit ng matipid na oo.
Tumango ako, nag-iisip kung ano ang sunod kong sasabihin na mas magpapalapit pa sa aming dalawa.
“Gusto mo sumali sa kanila?” Pangyayaya ko.
Siya ay tumango kaya nangiti ako. Akala ko tatangi siya. Buti na lamang ay hindi.
Marahan ko siyang hinila upang ipakilala sa mga ibang bata. Kami ay naglaro ng tumbang preso, piko, at habu-habulan buong maghapon.
Ito ang unang araw na nakilala ko ang si Ligaya.