SUNSET
Kinabukasan, kahit medyo mainit pa ang kape ko ay mabilis ko itong inubos. Dahil magdamag na umulan ay napasarap ang tulog ko kaya ngayon ay gahol na ako sa oras.
"Anak, hindi mo na ito kakaining pandesal?" tanong ni nanay ng tumayo na ako.
"Hindi na po 'nay. Mahuhuli na po ako sa major subject ko e," tugon ko habang nagsusuot na ng sapatos sa labas ng bahay.
"Kumakain ka pa ba sa tamang oras, anak? Ang nipis na ng katawan mo, a. Baka ikaw naman ang magkasakit niyan dahil pinapabayaan mo ang sarili mo. Hindi bale ng ako ang may sakit, huwag lang ikaw, Sunset," sermon nito sa akin.
Hinarap ko si nanay. "Hindi ko po pinapabayaan ang sarili ko, 'nay. Paano ko kayo maipapa-gamot kung pati ako ay magkakasakit? Huwag n'yo na po ako alalahanin. Malakas itong dalaga n'yo," puno ng determinasyon na sabi ko at tinaas ang dalawang braso ko para ipakita na malakas talaga ako.
"O, s'ya sige na, at baka mahuli ka pa. Ingat ka, anak."
Nagpaalam na ako kay nanay para pumasok. Si tatay ay hindi ko na naaabutan dahil alas kwatro palang ng madaling araw ay wala na ito sa bahay dahil driver ito sa isang bus company sa Edsa. At pag-uwi ko naman galing sa trabaho ay tulog na ito dahil maaga itong umaalis sa bahay. Nagkikita lang kami tuwing araw ng linggo dahil iyon ang pahinga nito.
Pagdating ko sa kanto ay may jeep ng naghihintay ng pasahero kaya mabilis akong nakasakay. Isang sakay lang naman ako kaya mabilis kong narating ang university na pinapasukan ko.
Pagdating ko sa classroom ay nakaabang na sa akin si Lorrie, ang matalik kong kaibigan. Ngunit nagtaka ako ng hinawakan niya ako palabas ng classroom.
"Teka, bakit tayo nasa labas?" takang tanong ko dahil hinila niya ako palayo sa room namin.
"Pumunta na tayo sa conference room. Dali!" kinikilig na sabi nito habang hila ako.
"Anong gagawin natin doon?" tanong ko.
Hindi niya ako sinagot, sa halip ay nagpatuloy siya sa paglalakad. Hindi kalayuan ay may dalawang lalaki na nakasuot ng itim na suit ang nakatayo sa gilid ng pintuan. Pagdating sa tapat ng conference room ay hinarang kami ng dalawang lalaki.
"Scholar siya ng university. Papuntahin daw s'ya rito kapag dumating na s'ya," maagap na paliwanag ni Lorrie sa dalawang lalaki na agad namang umalis sa tapat ng pintuan ng marinig ang sinabi ng kaibigan ko. Muli ako nitong binalingan. "Sabihin mo sa 'kin kung totoo ang kumakalat na tsismis na gwapo ang anak ng may-ari ng school," bulong nito bago ako tinulak sa loob ng conference room sabay sinara ang pintuan.
Ngunit para akong tinulos na kandila ng napagtanto ko kung sino ang nasa loob. Si Sir Rico Llamares, ang dean ng school, ang mga scholar na kagaya ko at isang lalaki na nakaupo sa dulo ng conference table. Hindi ko ito masyadong makita dahil bahagya itong natatakpan ng dean namin na nakatayo. Lahat sila ay nakatuon ang atensyon sa akin.
"Good morning, Ms. Rozaldo," bungad na bati ni Sir Rico.
"G-good morning po, sir," tugon ko.
"Maupo ka na at magsisimula na tayo," utos nito sa akin.
Naupo ako sa bakanteng upuan. Wala akong ideya kung bakit kami narito kaya nagtatanong na tingin ang ipinukol ko sa mga kapwa ko scholar pero kibit-balikat lamang ang naging tugon nila sa akin. Ngayon lang pumasok sa isip ko ang sinabi ni Lorrie.
Pasimpleng kong ginala ang mata sa kahabaan ng mesa para sulyapan ang nakaupong lalaki sa dulo ng conference table. Nang malapit nang dumapo ang tingin ko sa kanya ay tinawag ako ni Sir Rico.
"Po?" tugon ko sabay tayo.
Napangiwi ako ng tumama ang balakang ko sa edge ng conference table dahil sa agaran kong pagtayo.
Nagtatanong ang tingin na ipinukol ko sa mga kasama kong scholar dahil hindi ko alam kung bakit ako tinawag ngunit wala silang binigay na sagot sa akin. Kinabahan ako kasi baka isipin nila ay hindi ako nakikinig. Kasalanan ito ni Lorrie dahil inutusan pa niya akong alamin ang itsura ng anak ng may-ari ng university.
"I guess your student is not paying attention, Mr. Llamares," sabi ng baritonong boses dahilan para tapunan ko ito ng tingin.
My eyebrows met when I saw him. My heart beat faster when our eyes met. His cold eyes looked familiar.
"Ms. Rozaldo," pukaw sa akin ni dean.
"Magpakilala ka, girl," mahinang wika ng katabi ko.
Magpapakilala lang pala. "I'm Sunshine Settie Rozaldo, twenty years old, and currently studying Culinary Arts. I've been a scholar at D'Amico University for four years. I am also a working student at night, but it doesn't mean I'm neglecting my studies. I just want to earn extra income for my Mom, who suffered an illness. Thank you," litanya ko habang nakatitig sa lalaking walang kasing lamig ang mga tinging pinupukol sa akin at matigas ang ekspresyon ng mukha.
Pagkatapos ko iyon sabihin ay umupo na ako. Ilang segundong namayani ang katahimikan sa loob ng conference room. Mayamaya lang ay pumalakpak ang mga kasama ko. Nahiya ako kaya yumuko ako. Kung tutuusin ay maikli lang ang sinabi ko at hindi ko na pinahaba dahil mukha namang hindi interesado ang bisita sa mga iba pang ginagawa ng isang estudyante.
"Well, now that you are all here, I just want to introduce one of the important people who has also contributed a lot to our school," wika ni Sir Rico.
Nag-angat ako ng mukha ng magsalita si dean ngunit saktong sa lalaki dumapo ang tingin ko. He was staring at me as if I had to do something for him that I couldn't refuse. I quickly averted my eyes because I felt like I would get burned by his critical gaze.
"Student, I want you to meet the son of the owner of D'Amico University, Mr. Ryker De Luca," pakilala ni Dean sa lalaki.
Nagbulungan ang mga kapwa ko scholars lalo na mga babae. Ang ilan ay impit na tumili na parang kinikilig. Ako naman ay hindi naiwasan na muli siya tapunan ng tingin kaya muli na naman nagtagpo ang aming paningin.
"Napapangitan ba s'ya sa mukha kaya panay ang titig niya sa 'kin?" anang bahagi ng utak ko.
"Nandito si Mr. De Luca para makilala ang mababait, matatalino, at nanatiling scholar ng ama niya sa nakalipas na apat na taon. Magpasalamat kayo sa kanya. He is glad to meet you all, scholars.”
Parang hindi naman siya masaya na makita kami. O baka sa 'kin lang dahil bukod sa late ako dumating ay hindi pa ako nakikinig.
Wala naman kami ibang pinag-usapan kundi ang mga nagawa ni Mr. De Luca sa loob ng university. Wala rin siyang ibang sinabi kundi ay kinagagalak niya kaming makilala. Hindi ko na rin pinangahasan na tapunan siya ng tingin kahit pakiramdam ko ay sa akin pa rin siya nakatitig buong oras na nasa loob kami ng conference room.
Nang magpaalam kami at nagpasalamat ay saka ko lang ito sinulyapan. Katulad ng inaasahan ko, nakatingin pa rin siya sa akin.
Pagdating sa room ay agad akong sinalubong ni Lorrie para makibalita. Sinabi ko rito na pangit ang anak ng may-ari ng university na labis na ikinadismaya nito. Nang tapos na ang klase at pauwi na kami ay binawi ko ang sinabi ko dahilan para sinimangutan ako nito ngunit kalaunan ay tumili at kinilig. Sayang nga lang daw at hindi niya nakita.
Pagdating ko sa bahay ay sumilay ang ngiti ko sa labi ng makita ko si Tatay Eloy.
"'Tay, bakit napa-aga yata ang uwi n'yo?" takang tanong ko at hinanap si Nanay Sely
Mayamaya lang ay lumabas si nanay mula sa aking kwarto. Ngunit napalis ang ngiti ko ng makita ko itong umiiyak dala ang isang traveling bag.
Nag-aalala na mabilis ko itong nilapitan. "'Nay, ano'ng nangyari? Pinapalayas ba tayo? Nagbayad na ako ng upa sa bahay kay Aling Sema, hindi ba?" tukoy ko sa landlady namin.
Hindi sumagot si nanay. Sa halip ay niyakap niya ako ng mahigpit at humagulgol ng iyak. Lalo naman ako nag-alala dahil baka maging sanhi pa ang pag-iyak niya ng pananakit ng dibdib niya. Mahina ang puso nito at hindi ito pwede maging emosyonal.
Inalalayan ko itong maupo sa maliit na sofa saka marahang hinagod ang likod. Nagtatanong naman ang tingin na ipinukol ko kay tatay ngunit nag-iwas lang ito ng tingin sa akin.
"A-anak, huwag mo sanang isipin na ipinamimigay ka namin. Wala kaming ibang pagpipilian. Ayaw namin na mawala sa 'yo ang pinaghirapan mo. H-huwag ka sana magtanim ng sama ng loob sa amin, anak," humihikbi na sabi ni nanay.
Hindi ko maintindihan ang ibig nitong sabihin. Gusto ko mag tanong pero ipinagpaliban ko muna dahil mas mahalaga sa akin ang kondisyon nito.
Nagsalubong ang kilay ko ng may lalaki ang pumasok. Kinuha nito ang traveling bag na dala ni nanay saka ako binalingan.
"Miss Sunshine, aalis na tayo," sabi nito.
Kumalas ako sa pagkakayakap sa nanay ko bago hinarap ang lalaki na basta na lamang pumasok sa loob ng bahay ng walang pahintulot namin.
"Ano'ng aalis? Dito ako nakatira. At saka, sino ka ba? Bakit bigla ka na lang pumasok dito? At bakit kinuha mo ang bag ko sa nanay ko?"
Natigilan ako ng napagtanto ko na bag pala ang dala ni nanay.
Naguguluhan na binalingan ko ang magulang ko. "'Nay, 'tay, ano'ng ibig sabihin nito?" puno ng pagtataka na tanong ko.
"Malalaman mo, anak, kapag naroon ka na. Siya na raw ang bahala magpaliwanag sa 'yo. Patawarin mo kami, Sunset, anak. Para rin sa kinabukasan mo ito. Nangako naman siya sa amin na aalagaan ka niya," paliwanag ni tatay.
Naguguluhan ako. Hindi ko maintindihan kung ano ang sinasabi nila. Sino ang tinutukoy ni tatay?
Hahakbang na sana ako para lapitan silang muli ngunit hinawakan na ako ng lalaki na nakasuot ng itim na suit at pilit na nilabas sa bahay. Bagamat bakas sa mukha ang pag-aalala ng magulang ko dahil nagpupumiglas ako sa lalaking may hawak sa akin ay hindi nila ako nagawang lapitan.