Sikel Villavicencio
"Malayo pa ba tayo?" Tanong ko kay Tado, nasa likod ito ng driver at nang magsalita ako ay lumingon. Pinili kong bumaba nalang sa sasakyan ko kanina at bayaran ang p'westong iyon upang sa gayon ay wala nang iba pang masabi ang driver. Nasa labing limang piso pataas ang ibinayad ko kahit na sampung piso lang naman ang dapat para na rin sa pa-consuelo sa abalang naidulot ng nangyari. Ikinagalak naman iyon at pabirong sinabi na habulin daw muli ng lalaki ang tricycle. Naalala ko tuloy ang napasadasaan kong video sa f*******:, isang lalaking pinilit ang sarili na mauna sa counter ng isang supermarket at ang mga customer ay nainis sa kaniya, pero nang sabihin niyang sasagutin nito ang mga ipinamili kahit magkano ang mga siningitan niya, kaagad na nagbago ang pakikitungo nito sa kaniya at nagpasalamat. Malaki ang impluwensya ng pera sa ating decision making, nagiging irrational tayo dahil ang lubos na biktima nito ay ang ating emosyon. Sino ba ang makatatanggi sa pera? Kung ang kapalit nito ay ginhawa at matiwasay na buhay. Pero sandali, lahat ba ng may pera ay nakararanas ng pakiramdam na iyon? Napailing ako. Masyado kong gene-generalize ang sitwayon. Hindi ko kasi maiwasan. Kitang-kita mula sa mga reaksyon ng mga pasahero kanina na iretable sila sa ginawa ni Tado, maging ang driver ay sinadyang pabilisin ang takbo ng tricycle na siyang aking nahalata. Impossible kasing hindi niya narinig ang tawag, malaki ang posibilidad na hinihintay niyang may magpahinto sa kaniya para maipasok ang kaniyang guilt tripping teachnique, nang sa gayo’n ay maiabot ko ang pera. Hindi naman lahat ng tricycle driver ay ganito, nagkataon lang marahil na nakatagpo ako ngayon ng taong kagaya niya. Hindi naman ako naiinis sa gano’ng bagay, pinipilit ko nalang na unawain ang lahat dahil hindi lang naman ako ang nangangailangan ng pera. Kung kaming mga pasahero ay nais na makatipid sa pamasahe, ang mga driver naman ang nagko-compromise dahil pagdating palang sa usapin ng gasolina at sa distansya ng mga lugar ng pasahero, hindi hamak na malulugi sila, lalo na kung ang mga pasahero ay masyadong demanding at nais talagang ihatid sila sa bahay nila kahit na eskinita na ang daan at maputik.
Pinagmasdan ko ang paligid. Walang katapusang taniman ng palayan, mga puno, at kalsada ang aking nakikita. Nawala sa isip ko kung nakailang beses na kaming dumaan sa mga pasikot-sikot na lugar, ang tanging iniisip ko na lamang ngayon ay ang malaman ang kalagayan ng estudyante. Kanina, habang nasa byahe sa isang tricycle, hinabol kami ni Tado para lang sabihin na nabangga raw ng motor ang binatang kasama kong umuwi rito sa bahay noong isang araw. Binanggit din ng nasa likod ng driver ng tricycle na makailang beses daw siyang nagdo-doorbel pero hindi ko iyon napansin dahil na rin sa pagod at mariing pagtutok sa trabaho at saka isa pa, halos buong araw akong nakakulong sa kuwarto ko at marahil, nagkakataon na kapag ginagawa niya iyon ay naroon ako sa loob. Kung nasa kusina, pupwedeng narinig ko pa, pero sa laki ng bahay, imposible talagang matunugan ko na may naghahanap sa akin. Dagdag pa ni Tado, tinatawagan at nagpapadala raw siya ng mensahe sa akin ngunit hindi ko iyon sinasagot. Papaano nga naman maisasagot ang tawag at text na hindi ko manlang natatanggap? Kinagawian ko na alisin ang anumang istorbo sa trabaho, hindi ko dapat binibigyan ng pagkakataon na maalis ang pansin ko sa mga mahahalagang bagay, at masira ang mga plano ko sa buong araw.
Pero lingid sa kaalaman ko, may mga bagay na kinakailangang gawin kahit na makasisira ito sa mga nakagawian ko. Bakit nga ba ngayon ko lang naisip ang bagay na iyon? Kung minsan talaga, saka lang natin mapagtatanto mali natin sa isang bagay kung nangyari na sa atin o nakapahamak tayo ng isang tao dahil kaugaliang iyon. Hindi ko tuloy mapigilan na mainis sa aking sarili habang patuloy na kinikiskis ang magkabilang kamay dahil sa paghihintay. Nasaan na ba kami?
"Matagal pa, kailangan pa nating dumaan sa dalawang barangay."
Napahilamos ako ng mukha sa inis at problema. Napasulyap ako sa harapan ko, doon makikita ang license, plate number, mga paalaala para sa mga pasahero, maging ang mga manikang gumagalaw dahil sa hangin na nililikha ng medyo mabilis na patakbo ng sasakyan. Ngunit ang mismong nakaagaw ng aking atensyon ay maliit na salamin kung saan nasasakop ang aking mukha. Pupwede na akong tumayong extra sa mga palabas sa telebisyon o maging sa mga movie project ng mga estudyante dahil sa walang kakulay-kulay na aking balat, bakas na hindi manlang ako nagkaroon ng matino at kumpletong tulog dahil sa itim na bumabalot sa aking mga mata. Ni hindi na ako nag-abalang maging presentable sa paningin ko at sa paningin ng iba. Parang kanina lang ay inaantok pa ako, na hinahabol pa ako ng kama na pilit kong iniiwasan, pero ngayon ay kahit nais pumikit ng aking mga mata ay hindi ko magawa. Nakailang kurap na ba ako? Parang hindi ko pa nga nagagawa. Gusto ko na mulat ang aking mga mata at gising ang aking diwa sa anumang bagay na mangyayari.
"Sigurado ka bang siya iyon?" Hindi ko maiwasang kwestyunin si Tado. Bakit hindi? Dahil seryosong sitwasyon ito at seryosong usapin. Hindi ko gusto na matapos ng lahat ng kaba na nararamdaman ko ngayon ay biglang may susulpot na camera kasabay ng mga taong nagsisitawanan at sasabihing prank lang ang lahat. Pero hindi ko naman sinasabi na gusto ko na totoo ang lahat ng mga nangyayari. Ang gulo, ‘no? Hindi ko na maintindihan ang aking sarili. Marahil ay ganito talaga kapag kulang sa tulog. Mas gugustuhin ko nalang na prank ito, kahit na nakaiirita man kung gayo’n ay mas mainam pa rin iyon kaysa malaman ko na may estudyanteng napahamak dahil sa akin. Hindi naman ako madi-disqualify sa pagiging guro nito, hindi ba? Napatampal ako ng aking noo. Ano ba, Sikel, umayos ka nga. Hindi ito ang tamang oras para isipin ang sarili. Kaya minabuti kong itanong sa kaniya, kahit paulit-ulit na parang isang sirang plaka, dahil gusto ko lang makasigurado. Hiningi ko ang deskripsyon ng binata. Kaagad naman siyang tumalima. Ayon sa kaniya, matanggad daw ang lalaki at parang walang mabuting maidudulot. Mapagkakamalan daw itong tambay sa kanto kung hindi raw ito naka-uniporme at mukhang malinis. Sigurado raw siya na ang binatang nakita niyang kasama ko ay siyang binata ring naaksidente. Tinanong ko siya kung nakita niya ba ang buong pangyayari, ang sagot niya ay hindi, pero nakita niya raw ang mukha nito habang nakahandusay at nang ilagay sa stretcher para isakay sa ambulansya.
Kumento pa ni Tado, ito raw ang unang beses na nagkaroon ng aksidente sa barangay. Hindi raw kahit kailan nasangkot sa anumang kaso ng banggaan ang kahit na sino mapa kapit-bahay, kalapit-bahay, at mga taong nasa ibang barangay. Ayon pa sa lalaki, meron daw mga humps doon na pinag-ambag-ambagan ng mga tao upang mapanatili ang kaayusan. Bukod pa roon, merong guard house na inilaan para makasigurado sa koordinasyon. Kung kaya hindi na kataka-taka na naging sentro ng usapan sa loob ng dalawang araw ang nangyari. Hindi na nga talaga nararapat na magpaka-kampante ang mga tao sa bawat problema na pinaghandaan na nila, dahil may mga pagkakataon na kahit ano pang paghahanda, mga hindi talagang inaasahan na mga pangyayari ang dumarating. Mabuti na lamang dahil naging maagap sila at nakatawag sila ng ambulansya para maabutan ng mga paunang lunas.
Habang nasa byahe, hindi ko maiwasang maalala ang malokong ugali ng estudyanteng iyon. Bagaman isang beses ko palang siya nakilala, may mga bagay naman akong nalaman ukol sa kaniya gaya na lamang ng kawalan niya ng tiwala sa sarili sa paraang pagsabi niya na "bobo siya" dahil pabalik-balik siya sa paaralan. Isa pa ay ang pagiging matulungin nito dahil sa pagkusang-loob na pagbuhat ng mga pagkaing dala-dala niya noon, maging ang paghatid at pagtulong niya. Matalinong bata ang taong iyon, bukod pa roon ay ang pagiging mapagbiro sa klase ang naging dahilan kung bakit nakita ko na marami siyang kasundo, "kuya" na nga ito kung tawagin.
Dumaan kami sa isa pang barangay. Nadaanan namin ang mga kabataan na naglalaro, noong malagpasan namin ang mga ito, kataka-takang huminto at bumwelo ang ilan. Kapagdaka ay tumakbi ang hinabol ang sasakyan. Naririnig ko ang mga maliliit na tawa ng mga ito, ang mga pananalita nila at pagmumura, ang mga biruan at asaran para sa ilan na nahuli sa pagtakbo, may isang nadapa at pumalahaw sa pag-iyak. Napailing nalang ako nang masaksihan ang mga iyon. Tumigil ang natitirang dalawang bata, binitawan nila ang kapit sa sasakyan nang sigawan sila ng driver.
"Mga pasaway," komento nito. Pero minsan lang ang pagiging paslit. Noong normal pa ang lahat ng bagay sa akin, isa ako sa mga naglalaro ng mga nakagawiang laro tulad ng tumbang-preso, habulan, at marami pang iba. Nasa ilalim ng sikat ng araw at hindi dinadaing ang init at pawis na nararamdaman, bagkus ay naghahangad ng mas maraming kasiyahan. At kahit nadarapa, kahit na may pumupuna, kahit na may mga hindi nakakasundo, lumilipas ang mga araw at kinakalimutan ang lahat sapagkat patuloy lang ang alon ng buhay. Masarap manatiling bata. Ang pakiramdam ng tunay na kalayaan ay nakapangungulila. Paano ka babalik sa panahon na alam mong hindi ka na makababalik? Madalas kong iniisip ang mga susunod na henerasyon. Dahil sa pagiging likas ang natural selection, ang bawat malakas ay mananatiling buhay para ipagpatuloy ang ebolusyon. At dahil isa iyong survival of the fittest, ang mga tao ay siguradong mas matalino kaysa ngayon. Magagawa kaya nila ang isang time machine? May madidiskubre kaya silang buhay at pag-asa sa isang blackhole? Ang Science ay patuloy na nag-eevolve. May mga pag-aaral na patuloy na ginagawa at ang pananaliksik ay walang katapusan. Ito ang bagay na kahanga-hanga sa Siyensya, bukás ito sa anumang oportunidad ng pagkatuto.
"Nandito na tayo," Umangat ang balikat ko sa pagkagulat. Tumingin ako kay Tado na nakababa na pala ng sasakyan, nang lingunin ko ang tricycle driver, nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa akin at hinihintay akong bumaba. Sa pagmamadali, bumangga pa ang ulo ko sa sasakyan. "Ingat, Sikel!" Pinandilatan ako ng mata ng lalaki at hinawakan ang bahagi ng noo ko. "Huwag kang kabahan, huwag mo masyadong pahirapan ang sarili mo sa pag-iisip. Kaya nga tayo nandito para alamin ang kalagayan niya 'di ba? Huwag ka nang mag-alala." Pilit na pinapagaan ni Tado ang nararamdaman ko, ngumingiti siya kahit na madalang lang niyang gawin iyon. Siguro ganoon talaga siya ka-desidido na maipakita ang sensiridad na makatulong sa akin. Ngunit kahit ano pang salita ang kaniyang iusal, kahit gaano pa ito kalalim ay hindi ko mapigilan ang emosyon, nananatili pa rin ang kaba at hindi ko ito maalis. Pinagmasdan ko ang kabuuan ng hospital. Isa lamang ang palapag na ito, ngunit agaw pansin ang kahabaan maging ang pakurbang mistulang bintana na nasa itaas. Sa harapan ng ospital ay may waiting area at may nagbabantay na guard. Mula rito sa puwesto ko, nakikita kong may iba daw daanan, at sa mismong labas ay may maliit na puno at damong pinapatungan ng mga gustong magpalamig. Hindi ko sila masisisi, dahil pampublikong ospital ito, siguradong walang aircon doon. Kapansin-pansin din ang samu at saring simbolo sa labas.
"Bili muna tayo ng tubig o 'di kaya pagkain para sa kaniya. Ano sa tingin mo?" Tumango ako, at sa tingin ko ay dapat bilhan ko na rin sina Mama at Papa dahil nandirito na rin naman sila. Tumungo kami sa gilid ng ospital, may pababang bahagi roon, halos limang metro ang nilakad namin hanggang sa makarating sa isang pamilihan ng mga gamot. May nabili kaming inumin, ngunit wala silang pagkain. Pabalik na kami nang mapansin ko ang isang taong palabas ng isang building na mukhang matagal nang hindi pinunturahan dahil sa nababalot na ng itim ang ibang bahagi nito. Kaagad akong lumayo nang mapagtanto kong embalsamador ang lalaking papalapit sa amin. Nagsisigarilyo ito habang may guwantes ang kamay.
"Kakaiba talaga sa pakiramdam kapag nakakakita ng mga tulad nila," turan ni Tado. Napabuntong hininga ito nang malalim bago magpatuloy. "Alam ko namang parte ng buhay ang kamatayan at mahahawakan tayo ng mga kagaya niya, pero kapag iniisip ko na sasaksakan tayo ng mga malalaking bagay upang kunan ng dugo..."
"Kailangan pa nating bumili ng pagkain." Pagputol ko sa kaniyang sasabihin. Tumango na lamang ito, naghanap kami ng makakain, pero karamihan doon ay mga street food lang. Kaya naghanap pa kami sa mas malayo kung saan nakabili kami ng sopas.
Nang pabalik na kami ng ospital, nagsasalita ang katabi ko kung gaano siya kasaya na nakabili na kami ng matinong pagkain at makababalik na. Nang pumasok kami sa ospital, hinarang kami ng guwardiya. Mahigpit daw na ipinapatupad na isa lamang ang makapapasok. Binaggit ko ang aking pangalan, ngunit tinaasan lamang ako nito ng kilay. Mukhang hindi lahat ng tao ay kilala siya.
"Ikaw nalang," paubaya ni Tado. Tumango naman ako, binuhat ang mga dadalhin at pumasok sa loob. Dahil hindi ko alam ang espisipikong kuwarto, tumungo ako sa help desk upang kausapin ang isa sa mga naroon. Maayos naman ang naging paglapit nito sa akin at nais nito akong tulungan nang sabihin kong may hinahanap akong tao na isinugod dito dalawang araw na ang nakalilipas ngunit hindi ko alam kung saan. Pero nang tanungin ako nito kung anong pangalan ng hinahanap ko, hindi ko alam ang isasagot.
"Jordan..."
"Jordan, ano pong last name?"
Napailing ako. Hindi ko alam. "Miss, hindi ba p'wedeng Jordan nalang ang hanapin ninyo? Hindi ko kasi alam ang buong pangalan."
Bagaman nagtataka ay hinanap niya ang pangalan na iyon. Nang ibalik niya sa akin ang tingin, sinabi niyang wala raw Jordan na nasa listahan nila. "Hindi niyo po ba talaga alam ang last name? Baka po kasi nickname lang itong Jordan. Kaano-ano niyo po ba ang pasyente?"
"Estudyante ko," bumalot ng pagtataka ang mukha ng nurse. Alam kong iniisip niya kung bakit hindi ko alam ang buong pangalan ng estudyante ko, pero hindi iyon ang oras para magpaliwanag. Sumisibol ang kaba sa dibdib ko sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Umalis ang babaeng nurse, kinausap nito ang isa pang kasamang lalaki na siyang pumalit sa kaniya. "Ano pong atin?" tanong nito sa akin.
"May isinugod ba rito na binatang lalaki dalawang araw na ang nakalilipas? Nasa edad dalawangpu, matangkad."
"Kaano-ano niyo po ba sila?"
"Hindi na mahalaga iyon," mababakas sa tono ng boses ko ang desperasyon. Hindi ba nila pwedeng ibigay nalang ang detalyeng hinihingi ko? Gaano ba kahirap iyon?
"Sensitibo po ang hinihingi ninyo. Hindi namin ibibigay ang impormasyon lalo na po at hindi normal ang inyong ikinikilos." Tumawag ito ng guwardya. Naging agaw pansin kami sa mga taong nasa paligid. Sinubukan kong makiusap pero inilabas lamang nila iyon sa kanilang kanang tenga. Wala na akong nagawa kundi magpaanod sa kagustuhan nila.
"Anong nangyari? Bakit bitbit ka ng guwardya?" Napahinga ako nang malalim sa inis habang nakaupo sa waiting area. May mga taong nakatingin pa rin sa akin at halatang naghihintay ng aking sasabihin.
"Hindi ko alam ang buong pangalan ni Jordan. Akala nila may masama akong gagawin. Bakit ko naman sasaktan ang naging estudyante ko?"
"Mahigpit na nga talaga sila," Pagsali sa usapan ng isang matandang babae. Tinanong ito ni Tado kung ano ang ibig nitong sabihin. Sagot nito, may kumakalat daw na balita ng pangingidnap. "Ewan ko ba sa nangyayari ngayon sa Pilipinas. Dati laglag bala, 'tapos ngayon eto na naman. Hindi na talaga ligtas ang mundo."
Ipinagsawalang bahala namin ang sinabi ng matanda. Ni hindi na namin naitanong kung ano ang kinalaman niyon sa paghihigpit sa hospital dahil pumasok sa isip ko ang mga kaibigan ni Jordan. Umalis kami ni Tado sa puwestong iyon, naghanap ng masasakyan.
"Saan tayo pupunta?"