“Bakit kailangan pang sa Davao tayo mag-rehearsal? Rushmore, wala na akong oras. Hanggang ngayon wala pa rin akong ipe-present. Three weeks na lang bago ang awards night.” Di maitago ang panic sa boses ni Toni nang lumapag ang eroplano nila ni Rushmore sa Davao International Airport. Kahapon pa nila argumento iyon ni Rushmore nang igiit nitong sa Davao sila magre-rehearsal. Di niya alam ang konkretong plano nito at iyon ang hindi niya gusto. Nakasalalay ang reputasyon niya dito at gusto niya ay involved siya sa mga plano. This time she had no choice but to follow. “Dahil nandito si Professor Edwin. Siya ang makakatulong natin sa paghahanda sa production number mo,” anito at tinanggal ang seatbelt. “Bakit di na lang siya ang pumunta sa Manila? Mas madali iyon. It doesn’t make sense.”

