NADIA Nang matapos na sabihin iyon ni Patricia ay agad na itong tumungo sa hapagkainan nila. Hindi talaga maganda ang nangyayari ngayon. Hindi niya inaasahan na pupunta si Patricia sa mismong bahay nila. Paano nito nalaman ang kanilang lugar dito sa Panacan? Natigilan siya. Sa yaman ba naman nito ay huwag na siyang magtaka kung bakit nito alam ang lugar nila. “Nadia, bakit nandiyan ka pa?” nagtatakang tanong nito sa kanya habang nilapag nito ang dala nitong mangkok. Hindi pa rin kasi siya umaalis sa kinatatayuan niya kanina. Sinong hindi magugulat kung nandito ang asawa ni Dave? Alam na talaga nito na may relasyon sila ng asawa nito. “Halika na, at sumalo ka na sa amin. Huwag kang tumunganga lang diyan. Mahiya ka naman sa kaibigan mong si Patricia,” patuloy na sabi ni Nanay sa kanya.

