LIPAD 20

1830 Words
Pagkasabi ko ng mga salitang iyon ay agad akong tumalikod sa kanilang lahat. Sa totoo lang, wala akong pakialam sa kung anong iisipin nila sa akin. Sabihan na nila akong bastos o kung ano pa mang masasakit na salita, pero hindi ako papayag na magbigay lang sila ng utos sa akin. Akala yata niya ay magiging sunod-sunuran lamang ako sa kaniya. Hindi iyon mangyayari. Hinding-hindi. Dahil sa labis na pagsama ng aking loob ay tumakbo ako papalayo sa kanila. Hanggang sa dinala ako ng aking sariling mga paa sa kagubatan. Nang makarating ako sa ilalim ng isang malaking puno ay huminto na ako. Napaupo na lamang ako sa malaking ugat nito habang kinakalma ko ang aking sarili. Pumikit ako nang mariin at saka muling iminulat ko ang aking mga mata. Masama ang loob ko. At pakiramdam ko ay mas lalo pang nag-aalab ang sama ng loob ko sa tuwing iisipin ko ang sinabi ni Haring Alastor kanina. “Ang iyong mga mata. Nag-aalab ang kulay pula.” Napahinto ako sa aking pag-iisip nang marinig na magsalita ang isang batang Mulawin. Kumunot ang aking noo nang makita itong nakaupo sa isang sanga ng puno. “Sino ka?” diretsahang tanong ko rito. “Ako si Ria. Ang pinakabatang Mulawin dito sa Avila.” “Bakit ka nandito? Bakit ka nag-iisa? Wala ka bang kaibigan?” puno ng kursiyusidad kong tanong. Bigla namang lumungkot ang ekspresyon nito dahil sa tanong ko. Maya-maya ay umiling ito sa akin. “Wala akong kaibigan dito. Ayaw kasi akong kaibiganin ng mga Mulawin na malapit ang edad sa akin. Kasi hindi naman daw ako marunong lumipad nang mag-isa.” Mahina akong natawa nang marinig ang kaniyang rason. “Huwag mo akong pagtawanan, seryoso ako.” Naitikom ko naman ang aking bibig at nakagat ang aking ibabang labi. “Matagal ko nang sinubukang matutong lumipad. Pero kailangan ko pa ng gabay sa tuwing gagawin ko iyon. Pati si Inay ko ay nahihiya na sa ibang mga magulang na may anak na malapit sa edad ko. Ako nalang daw kasi ang hindi marunong. Samantalang yung mga tabon na hindi naman purong Mulawin, mas nauna pa sa akin matuto.” Hindi ko napigilang malungkot nang marinig ang sinabi nito. Marahil ay para sa iba, napakaliit na problema lamang ito, pero para kay Ria ay napakalaking isyu ito. Ilang sandali pa ay tumalon ito mula sa itaas ng sanga. Bahagya pa siyang napahiga sa damuhan dahil sa maling pag-landing niya rito. Pero mukhang balewala lang iyon sa kaniya. Nagawa pa niyang magpagpag ng kamay sa harapan ko. “Ikaw, sino ka? Bakit ka narito? At bakit magkaiba ang kulay ng mga mata mo at ng iyong pakpak? At bakit ngayon lang kita nakita rito? Dayo ka ba?” sunod-sunod na tanong nito. Ngumiti ako sa kaniya bago ako nagsalita. “Kierra ang pangalan ko. Pero Mithi ang nais itawag sa akin ni Haring Alastor na ama ng aking ina.” Nakita ko ang panlalaki ng mata nito. Bumuka rin ang bibig nito na agad niya namang tinakpan ng kaniyang palad. Marahil ay talagang nagulat siya sa kaniyang nalaman. “Ikaw si Mithi!” gulat na sambit niya. “Kierra ang itawag mo sa akin. Mas sanay ako sa pangalang iyon.” Sabi ko sa kaniya. Lumapit siya sa akin at marahang pinagmasdan ang aking mga mata. “Kilala kita. Palagi kong naririnig ang mga batang Mulawin na pinag-uusapan ang tungkol sa’yo. Maraming gustong makilala ka. Ikaw ang nakatakdang magligtas sa lahi ng mga Mulawin.” Ramdam ko ang excitement sa kaniyang boses. Panay nga lang ang kaniyang salita tungkol sa kaniyang mga naririnig na kuwento tungkol sa akin at masaya naman akong pinakinggan iyon habang nakaupo kami sa ilalim ng puno. Ngunit ilang sandali lang ay tumigil siya sa pagsasalita at saka napatingin sa akin. “Kanina, nakita kong parang nag-aapoy ang iyong isang mata. Ibig bang sabihin noon ay galit ka?” Marahan akong bumaling sa kaniya at tumango. “Masama ang loob ko kanina noong dumating ako rito. Pero ngayon, okay na ako.” Nakita ko naman siyang umiling. “Hindi ka mukhang okay. Mas mukha kang malungkot sa hitsura mo ngayon. Bakit?” Ibinaling ko ang aking atensiyon sa mga halaman na natatanaw ng aking mga mata. Bakit nga ba ako malungkot? Marahil ay dahil namimiss ko na ang dati kong buhay. Marahil ay namimiss ko na ang mga magulang ko na nakasama ko sa loob ng ilang taon. “Umiiyak ka.” Nang marinig ko ang tinuran ni Ria ay saka ko lang napansin ang umiiyak na ako.  Lumapit siya sa akin at marahang pinunasan ang aking pisngi. “Ang sabi sa akin ni ama noong nabubuhay pa siya, ang mga magagandang nilalang ay hindi dapat umiiyak. Ang ganda-ganda mo, Kierra. Kaya huwag kang umiyak.” Mahina akong natawa sa kaniyang sinabi. Marahan kong hiwakan ang kaniyang kamay at saka ngumiti ako sa kaniya. “Salamat, Ria.” Nanatili pa kami ni Ria sa ilalim ng punong iyon ng ilang minuto bago kami nagdesisyong bumalik na sa karamihan. Hawak ko ang kamay ni Ria habang naglalakad kami pabalik nang makita ko sa hindi kalayuan si Ilah na halatang pagod na ang hitsura. Nang makita niya ako ay agad siyang tumakbo palapit sa akin. “Kierra, saan ka ba nanggaling?” hinihingal na tanong nito. Bumaba ang kaniyang tingin kay Ria na kumakaway sa kaniya. “Maligayang pagbabalik, Ilah.” Ngumiti si Ilah sa bata at marahang lumapit dito para guluhin ang buhok nito. “Ria, matagal din tayong hindi nagkita. Kumusta ka na? Teka, bakit pala kayo magkasamang dalawa?” Bumaling sa akin sandali si Ria saka ito muling tumingin kay Ilah. “Nakita ko siya sa ilalim ng punong Haryon. Nakaupo siya kaya nilapitan ko. At doon nagsimula ang aming pagkakaibigan.” Bakas ang pagkagulat ni Ilah sa sinabi ni Ria. “Kayong dalawa, magkaibigan? Sigurado ka? Kilala mo ba kung sino ang kasama mo ngayon?” Confident naman itong tumango. “Siya si Mithi, ang anak ni Amira at Dawis. Ang apo ni Haran at Alastor. Siya ang sugo na nakatakda para kay Alexus. Pero alam ko rin na mas gusto niyang tinatawag siyang Kierra kasi iyon ang mas nakasanayan niyang tawag sa kaniya. At alam ko ring nag-aalab ang kaniyang mga mata kapag nagagalit siya.” Mahabang paliwanag ni Ria kay Ilah. Mangha akong bumaling kay Ria. Nang kindatan ako nito ay bahagya akong natawa. “Alam mo, mas makabubuti kung umuwi ka na muna sa inyo. Kasi kailangan ko munang isama sa konseho ang bago mong kaibigan. Kailangan siya ng Haring Alastor.” “Sige. Ingatan mo siya ah.” Paalala pa niya kay Ilah. Hindi ko tuloy maiwasang mapangiti. “Opo, bossing!” saad ni Ilah saka sumaludo pa rito. Nang tumakbo ang bata papalayo sa amin ay saka lang ako humarap kay Ilah. “Kanina pa kita hinahanap.” “Kailangan ko lang kalmahin ang aking sarili.” Humugot siya nang malalim na hininga at hinawakan ako sa aking balikat. “Yung ginawa mo kanina, hindi ikinatuwa iyon ng mga miyembro ng konseho na kasama ng iyong Lolo.” Napairap naman ako sa sinabi niya. “Hindi rin naman ako natuwa sa sinabi ni Haring Alastor sa akin.” “Pagpasensiyahan mo nalang muna. Mabait naman talaga si Haring Alastor. Nasanay lang siyang palaging nag-uutos. At sa unang pagkakataon, ikaw lamang ang sumuway sa kaniyang sinambit. Kaya nagulat siya at nanibago sa kaniyang nakita kanina.” Natahimik naman ako sa isang tabi. “Oh, nariyan na pala sina Alexus at Raven.” saad ni Ilah dahilan para mapaangat ako ng tingin sa dalawang paparating. “Mabuti naman at nahanap mo agad si Kierra.” Bumuntong-hininga si Ilah at saka marahang umiling. “Ang totoo niyan, hindi ako ang nakahanap sa kaniya. Kundi si Ria.” “Si Ria? Iyong pinakabatang Mulawin na hindi pa rin marunong lumipad hanggang ngayon?” tanong ni Raven. Nang bumaling siya sa akin ay agad ko siyang sinamaan nang tingin. Umayos naman siya sa pagkakatayo. “Hindi ko talaga maintindihan kung bakit namumula at parang nagbabaga ang mga mata mo.” Umiwas ako sa kaniya ng tingin at saka bumaling kay Alex. “Kung inaasahan niyong hihingi ako ng pasensiya sa ginawa ko kanina, puwes mali kayo. Hinding-hindi ko gagawin iyon.” Matamang tumitig sa akin si Alex. “Hindi mo naman kailangang humingi ng paumanhin. Wala ka namang ginawang masama.” Tumango naman ako sa kaniya. Mabuti naman at alam niya. Akala ko ay ipipilit niyang mali yung ginawa ko. Habang naglalakad kami patungo sa malaking bahay na yari sa bato ay panay ang bulungan ng dalawa sa likuran. Akala naman nilang dalawa ay hindi ko naririnig ang pinag-uusapan nila. Nang makarating kami sa labas ng pinto ng silid ni Haring Alastor ay marahang kumatok doon si Alex. “Narito sa kaniyang silid ang miyembro ng konseho, kung maaari ay manatili ka sanang kalmado.” nag-aalangang saad ni Raven. “Susubukan ko.” sagot ko naman sa kaniya.  Ilang segundo palang ang nakalilipas ay bumukas na agad ang pinto. Pinapasok kami ng Mulawin at inanyayahan na maupo sa mga bakanteng upuan sa silid. Karamihan sa mga Mulawin na naroon ay mga nasa edad na. Nakabaling silang lahat sa akin. Halatang iniintay nila ang aking pagdating. “Narito na ang anak ng aking anak. Si Mithi.” panimulang salita ni Haring Alastor. “Tawagin niyo nalang akong Kierrra.” Napatingin sa aking ang mga miyembro ng konseho maging ang aking Lolo. “Nais ko lamang linawin na mahaba talaga ang aking pasensiya noong akala ko ay tao ako. Pero noong nalaman ko ang tungkol sa aking pagkatao, bahagya akong nahirapan na kontrolin ang aking emosyon. Huwag niyo sanang masamain kung madali akong mainis o magalit.” Tumango naman ang iilan sa mga ito. “Hindi na nakapagtataka. May lahi kang Ravena kaya maikli ang iyong pasensiya.” Pagkasabi ng isang lalaki ng mga salitang iyon ay nagtawanan ang mga naroon. Kumunot ang aking noo dahil sa reaksiyon nila. “Pinagtatawanan niyo ba ako dahil may lahi akong Ravena?”diretsahang tanong ko sa kanila. “Pasensiya na, sugo. Hindi lang namin mapigilan ang aming mga sarili. Nakakatawa naman kasi talaga. Ang hirap paniwalaan na kalahating Mulawin at kalahating Ravena ang sugo ng lahi natin. Ang hirap paniwalaan na ikaw ang magtatapos ng digmaan sa pagitan ng dalawang lahi. Ano ang magagawa ng isang babaeng Mulawin at Ravena?” Naramdaman ko ang unti-unting pagbuo ng kung anong pakiramdam sa aking dibdib. Ilang sandali pa ay nakaramdam ako ng init sa aking mata at kamay. Direktang nakatingin lamang ako sa lalaking nagsabi niyon. Ilang sandali pa ay nakita kong nasusunog na ang papel na nasa kaniyang harapan. Nang bumaling siya sa akin ay gulat siyang napatitig sa aking mga mata. Napalunok siya nang mapagtanto kung ano ang nangyayari. “Sa susunod na kuwestiyunin mo pa ang kakayahan ko, sisiguraduhin kong balahibo mo na ang susunugin ko.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD