"OPPA!" kinikilig na hinaplos pa ni Melody ang screen ng monitor at tumitig sa gwapong mukha ng paborito niyang Korean actor na si Lee Min Ho.
“Naloloka ka na naman na babae ka, tigilan mo nga 'yan at hindi ka naman mapapansin niyang artista na 'yan kahit maglupasay ka pa sa harap ng computer.”
Nasira ang magandang mood ni Melody dahil sa sinabi ni Yeng. Inis na nilingon niya ang babae. Ngumisi lang ito sa kaniya at parang nagpapacute na ikinurap pa ang mga mata.
“Bakit nandito ka na naman? Ayokong mastretch, please lang.”
“Mare, stretch ka diyan. Si Lastikman ka ba para mastretch? Stress mare, S-T-R-E-S-S, stress.” Pagtatama nito sa sinabi niya kanina.
Napahiya man ay pilit na lang na tumawa siya para pagtakpan ang pagkakamali niya. Alam niyang sanay na sa kaniya ang mga tao pero minsan ay hindi pa rin niya maiwasan na makaramdam ng hiya dahil sa pagiging mali-mali niya.
Hindi naman kasi siya dating ganoon. Naaksidente siya noong nag aaral pa siya sa kolehiyo. Naapektuhan ang ulo niya dahil sa aksidente. Apat na taon siyang nacomatose at nang magising ay nahirapan na siyang ibalik ang dating buhay niya. Dati ay isa siya sa pinakamagaling sa klase kaya hinahangaan siya ng mga tao. Pero mula nang gumaling siya at magising mula sa pagkacomatose ay nag iba na ang lahat sa buhay niya.
Sinubukan niyang mag aral ulit pero nahihirapan na siyang magmemorize at maintindihan ang sinasabi ng Professor niya. Sa huli ay mas pinili na lang niyang tumigil na sa pag aaral at magtrabaho para makatulong sa pamilya. Naubos kasi ang kabuhayan nila dahil sa nangyari sa kaniya at dapat lang na masuklian niya ang paghihirap ng mga ito para sa kaniya.
“Oo na,” nakalabing sabi na lang niya para tigilan na siya ni Yeng.
Dumungaw pa ito sa counter niya para sumilip sa computer pero napaatras ito ng tampalin niya ito sa noo.
“Akin lang ang Oppa ko!” eksaheradang sabi niya. Kung ilalapit pa kasi ni Yeng ang mukha ay baka mahalikan na nito ang monitor.
“Tse! Ang arte nito, sa'yo na lang ang oppa mo dahil wala akong hilig sa mga singkit. Matanong nga kita, Melody, wala ka ba talagang balak na maghanap ng ibang trabaho, ha? Magkano ba ang kinikita mo dito sa computer shop ni Manang kupal?”
‘Manang kupal’ talaga ang tawag ni Yeng sa masungit niyang amo na si ate Rita. Ayaw kasi ng matandang dalagang boss niya na tumatambay ang mga kakilala niya sa computer shop na pag aari nito. Maliit lang naman kasi ang shop na binabantayan niya at kung tatambay pa ang mga kakilala niya –na wala naman balak magrenta ng PC-ay tiyak na magsisiksikan na sila sa loob. May dalawampung PC doon at maliit na counter malapit sa glass door na siyang pwesto niya bilang kahera.
“Sakto lang,”
“Wow, parang coke sakto?” pasarkastikong tanong ni Yeng.
Hindi na siya nakatutol pa nang patagilid na pumasok ito sa loob ng counter. May bakanteng stool pa sa tabi niya na komportableng inupuan naman nito. Feel at home na naman ito sa computer shop ni Manang Kupal. Mamaya lang ay siguradong matataranta na naman ito kapag narinig ang mga yabag ng amo niya pababa ng hagdan.
“Magkano nga?” pangungulit ng pinsan niya.
Napailing na lang siya at pinindot ang mouse ng computer para i-pause at iminimize ang pinanonood niyang video. Mamaya lang ay may apat na customer na mag a-out na kaya kailangan na muna niyang intindihin ang trabaho niya. Baka kasi biglang bumaba sa shop ang masungit niyang amo at sermunan siya kapag nadatnan na naman siya nitong nanonood ng Kdrama series. Sa second floor ng computer shop ang bahay ni ate Rita. Ang alam niya ay freelance writer ito sa kung saang publishing kaya madalas na nagkukulong lang sa kwarto para magsulat. Ulila na ito sa mga magulang at walang mga kapatid.
“One-five,”
“One five?!”
“Ano ka ba!” nakangiwing saway niya kay Yeng. “Baka mamaya marinig ka ni ate Rita, masermunan pa ako ng dahil sa'yo.”
“Melody Yucada! Pumapayag ka na ganoon lang kaliit ang sahod mo?” nanggagalaiti sa inis na pinalo siya nito sa kaliwang balikat.
“Eh,” napakamot siya sa batok. “Okay naman sa akin ang ganoong sahod kasi wala naman akong kailangan bilhin masyado. Libre naman ang internet ko at pagkain mula umaga hanggang gabi.” Katwiran niya. Sa iisang village lang naman ang bahay ng pamilya niya at ang computer shop kaya hindi siya nahihirapan. Mas pabor pa nga sa mga magulang niya na nandoon lang siya dahil kampante daw ang mga ito.
“Diyos ko! Kahit na, saan makakarating ang one thousand five hundred mo, aber?”
“Pwede na rin ipambayad sa salon kapag gusto kong magparebond, pwedeng ibili ng CD kapag may bagong release na Korean drama series. Pwede rin ibayad sa Jollibee kapag nagugutom ako.”
“Ganoon lang?”
“Oo.” Aniya habang hinihimas ang nasaktang braso.
Alam niyang iniisip ni Yeng na mababaw lang ang kaligayahan niya. Kung tutuusin ay may punto naman ito. Bakit nga ba siya nagtitiis sa ganoon kaliit na sahod? Anong mapapala niya sa one thousand five hundred pesos na sahod kada buwan. Masungit na nga ang amo niya ay madalas na overtime pa siya dahil ang mga player ay halos hating gabi na natatapos sa paglalaro ng computer game.
Kaya lang ay wala na rin siyang magagawa pa sa bagay na iyon. Pakiramdam niya nang magising siya mula sa apat na taon na pagkacoma –anim na taon na ang nakalipas—ay nawala na ang lahat ng kakayahan niya. Matindi ang tinamo niyang pinsala sa ulo kaya madalas na nagiging makakalimutin siya. Pamali mali rin siya at hindi madaling makapick up kaya may iba na naiinis na makipag usap sa kaniya.
Kahit naman maliit lang ang sinasahod niya sa pagbabantay ng computer shop ay ayos lang sa kaniya dahil may iba pa siyang raket. Pwede siyang maging one day yaya, labandera o kahit ano pang matinong trabaho na kaya ng abilidad niya. Marami naman ang kumukuha ng serbisyo niya at malaki laki rin ang kita.
Ang sahod niya sa computer shop ay sapat na para sa mga gastusin niya. Sa pagkain sa Jollibee, pagbili ng mga cd at libro lang naman ang pinagakakagastusan niya. Ang kinikita naman niya sa mga raket niya ay iniipon niya sa bangko para makatulong sa mga magulang niya. Dahil ilang taon siyang nakaconfine sa ospital ay hindi birong hirap ang naranasan ng pamilya niya. Parehong high school teacher ang mga magulang niya. Napilitan ang mga ito na isangla ang titulo ng bahay nila sa isang kamag anak para lang may maipangtustos sa pagpapagamot sa kaniya.
“Hindi ka tumulad sa ate Jenna mo, teacher na siya ngayon.”
Malungkot na ngumiti na lang siya. Nasanay na siya na palaging kinukumpara ng mga tao sa panganay na kapatid. Noon ay palaging siya ang pinupuri ng mga kamag anak nila. Pero ngayon ay parang nakalimutan na ng lahat kung sino siya. Ordinaryong tao na lang siya sa paningin ng ibang tao. Palaging ang ate Jenna niya ang bida at siya ay hamak na extra na lang ngayon.
Nang magring ang cellphone niya ay mabilis na dinampot niya iyon sa ibabaw ng mesa at lumabas ng shop. Maingay kasi sa loob dahil may mga estudyante na kahit ilang beses niyang sawayin ay patuloy sa pagmumura at pagsigaw habang naglalaro.
“Hello?”
“Melody, may bago kang trabaho,”
Nagningning ang mga mata niya. Si Osang ang kausap niya. Madalas na customer niya ito sa computer shop kaya naging kaibigan na rin niya. Mas marami itong raket kumpara sa kaniya at madalas sa mga madadaling raket na maliit lang naman ang bayad ay sa kaniya nito ibinibigay.
“Ayusin mo ha, bigtime ito.”
“Bigtime pala, bakit sa akin mo ibinibigay?” gulat na tanong niya sa kabilang linya.
Kapag sinabing bigtime ay mas mahihirap na trabaho na hindi niya alam kung kaya niyang gawin. Katulad na lang nang pagtutor sa mga bata o kaya naman ay maging extra waitress sa mga party. Minsan kasi na sinubukan niyang maging waitress sa restaurant ay naibuhos pa niya ang hawak niyang baso ng mango juice sa customer. Nasesante agad siya at hindi na sinubukan pa na maghanap ng ibang trabaho.
“Iba kasi ang gustong ipagawa nitong client—”
“Baka kung ano 'yan, ha?”
“Lukaret!” malakas na tumawa ito.
“Naghahanap daw ng babaeng may innocent beauty na pwedeng isama sa batch reunion. Gagawin ka lang naman niyang kadate sa event. Huwag kang mag alala dahil nakita ko na ang client at pogi sya, mare. Kung hindi nga lang innocent beauty ang gustong kadate malamang na hindi ko sa'yo ibibigay ang trabaho.”
“Magkano ba?”
Wala naman kaso sa kaniya ang pakikipagdate dahil trabaho lang iyon. Ilan beses na rin siyang nakipagdate dahil parte iyon ng trabaho niya. Sa tingin niya ay may mga lalaki talaga na gustong magyabang sa harap ng maraming tao kaya handang magbayad ng malaki para lang magkaroon ng babaeng kadate.
At isa lang ang nasisiguro niya, malamang na chaka din ang magiging kadate niya ngayon. Ganoon naman kasi madalas ang sintemyento ng mga nagiging kliyente niya. Wala siyang tiwala sa taste ni Osang. Ilang beses na nitong sinabi sa kaniya na pogi daw ang makakadate niya pero kapag nakikita naman niya ay nadidismaya lang siya. Basta may pera ay pogi na talaga ang tingin nito sa isang lalaki.
Baka ubod naman kasi ng pangit kaya walang gustong makipagdate sa kaniya? Naku, Lord! Sorry po sa nasabi ko.
Tinampal niya ang noo.
“Fifteen K.”
“Fifteen K—ha!?”
Ang yaman ni pangit!