Bilog ang buwan nasisilip niya sa salaming bintana. May bilog din sa paligid nito na napakagandang tingnan. Hindi rin mabilang ang mga bituin sa kalangitan. Ilang oras na siyang hindi makatulog. Malamang ay naninibago pa ang kanyang katawan dahil ito ang unang araw na hinindian na niya ang mga gamot.
Mabuti nalang at sabado na. Ito ang araw ng kanilang alis. Napatingin siya sa bag na nasa sahig. Sa gilid nito ay ang tent at isa pang bag. Inayos niya ito kagabi kahit hindi pa siya sigurado sa desisyon. Kung hindi siya sasama, baka tuluyan na silang hindi magkaayos ni Selma.
Inabot niya ang cellphone sa gilid ng kanyang unan. Pasado alas tres na at ang usapan nila ay alas kwatro sila aalis. Bumangon siya at lumabas ng silid.
May naririnig siyang nag-iinuman ilang metro mula sa gusali. Mayroon ding mga nagkakareoke.
Ipinatong niya ang mga kamay sa railings at tumingala. "Totoo kaya ang sinasabi nila na kapag namatay ang isang tao ay nagiging bituin ito sa langit na gumagabay sa mahal nila sa buhay?" Bulong niya sa hangin. Nais niyang ipaabot ang katanungang iyon sa kanyang kapatid.
Mahigpit siyang napahawak sa malamig na bakal dahil sa emosyon na muling umusbong. Malamig ang simoy ng hangin at nagustuhan niya iyon.
"Kung totoo man iyon, asan ka?" Nilibot niya ng tingin ang mga bituin na kaya niyang tingnan. Alam niyang hindi niya mabibilang ang mga ito.
"Palagi kitang hinahanap sa mga gabi na may mga bituin sa langit. Pero..." Pinalis niya ang luha.
"Pero... papano kung umulan at matakpan ng ulap ang kalangitan? Ibig bang sabihin, kailangan ko ng sanayin ang sarili ko na mag-isa?"
"Sometimes, the hardest ghost to silence is the one in your own reflection. Whispering mistakes, replaying sins, refusing to let you go. But forgiveness isn’t about making peace with the past; it’s about deciding it won’t haunt you anymore."
Napalingon siya sa nagsalita sa kanyang likuran. Nandoon ang kanyang kaibigan na si Selma. Bakit hindi niya napansin ang pagdating nito? Nakasandal ito sa pader at nasa bulsa ang mga kamay. May suot itong puting jacket at nakasabit sa leeg ang earphones.
"A-Anong ginagawa mo r-rito?"
Lumapit ito at pinitik ang kanyang noo.
"Bakit nandito ka pa? Alas kwatro na, Raquel! Ikaw nalang ang hinihintay namin."
Hindi siya nakagalaw sa kinatatayuan. Hindi niya inakala na isasama pa rin siya ng kaibigan kahit hindi naging maayos ang huli nilang pag-uusap.
"Hihintayin kita rito. Magbihis ka na."
Hindi siya gumalaw. Nakokonsensya lang ba ito kaya siya sinasama?
"Hindi ako nakokonsensya. Ayaw ko lang umalis na hindi tayo nagkakabati. At ipapaalala ko lang sa'yo na para sa'yo ang lakad na ito."
Mahigpit niya itong niyakap. Gumanti naman ito.
"Tungkol sa mga nasabi ko noon sa fire exit, hindi ko sinasadya iyon. Nadala lang ako ng galit dahil sa nalaman ko." Matamis itong ngumiti.
Bakit tila may nag-iba sa kanyang kaibigan ngunit hindi niya mawari kung ano iyon. Sinuri niya ito mula ulo hanggang paa ngunit wala siyang napansing kakaiba sa kaibigan. Hindi rin ito nagpalit ng pabango.
"Why are you looking at me like that?" Magaspang na tanong nito at saka malapad na ngumiti.
Lumayo siya at umiling. "Wala. Namiss lang kita."
Hindi nagbago ang ekspresyon nito. Tinalikuran niya ang kaibigan at pumasok na sa silid. Sinuot niya ang backpack at sinabit sa kanang balikat ang tent. Ang ikalawang bag ay kanyang binitbit.
Sinigurado niyang nakalock ang mga bintana. Nang mapatingin siya sa maliit na bag na nakasabit ay muli niyang binitawan ang hawak. Nilapitan niya ito at kinuha ang laman. Ito ang bagay na nabili niya sa maliit na tindahan. Isinilid niya ito sa bag ng tent. Maliit lang ito kaya hindi siya mahihirapan sa pagdala.
Naabutan niya ang kaibigan na nakatalikod sa kanya at nakatingala sa kalangitan.
"Tara na?"
Lumingon ito at tumango. Nauna na itong bumaba ng hagdan at hindi na siya muling kinausap.
_________________________
Nandoon na nga ang lahat sa bahay ng mga Dumlao. Ang mga lalaki ay nagsasakay ng gamit sa van. Doon niya unang nakita ang nobya ni Gideon.
"Raquel! Mabuti naman at nandito ka na!" Wika ni Teddy. Tumakbo ito papalapit sa kanya at kinuha ang kanyang mga gamit. Napatingin siya kay Selma.
"Wala akong gagawin na hindi maganda. Ipinangako ko na 'yon sa'yo." Hinawakan nito ang kanyang kamay at hinila siya papunta sa bahay ng mga Dumlao.
Pang-apat siya sa babaeng sasama at apat din ang lalaki dahil bukod kay Teddy at Gideon ay sumama rin si Gael at ang tahimik nilang kasama sa wave na si Ismael. Hindi niya alam kung ano ang magiging kalalabasan ng lakad na ito. Ipinagdasal na lang niya ang kaligtasan nila.
Pumasok siya sa loob ng bahay. Sumunod sa kanya si Teddy at nagtungo sa banyo. Hinanap niya ang lola ni Nikki dahil nais niyang kamustahin ito. Dumiretso siya sa silid ng matanda ngunit nakalock ang pintuan.
"Mukhang natutulog pa si lola, Raquel." Tinapik ni Nikki ang kanyang balikat at inaya ng lumabas. Nanghinayang siya na hindi nakausap ang magiliw na matanda.
Isa-isa na silang pumasok sa van. Sa likod umupo ang magkasintahan. Si Ismael ang magmamaneho at si Selma ang naupo sa tabi nito. Sa bintana siya pumwesto. Umirap siya nang tumabi si Gael sa kanya at si Teddy sa bandang pinto.
"I sit here by the door so I can be the first one out… or the first one kidnapped. Either way, it’s an adventure!" Natawa ang lahat sa sinabi nito.
"Yeah, and you don’t even need a gym membership because every sharp turn in this van is an ab workout!" Tugon ni Nikki na naupo sa tabi ni Gideon. Humaba pa ang kanilang pagbabangayan dahil walang gustong magpatalo.
Unang araw palang ng training nila noon ay nagbangayan na ang dalawa. Sa tuwing tinatanong niya si Nikki ay hindi rin nito maintindihan kung bakit mabilis na uminit ang dugo nito kay Teddy.
Si Teddy ang pinakamasayahin sa kanilang lahat. Ulila na ito at hindi gaanong nagkukwento tungkol sa pamilya. Sa tingin nila ay ayaw lang nitong maungkat ang masasakit na nangyari sa pamilya nito.
Sinilip niya ang kaibigan. Tahimik lang ito sa kinauupuan. Tingin niya'y tulog na ito. Siguro ay kakausapin na lamang niya ito pag nakarating na sila sa bayan.
Ilang oras ang naging byahe nila. Wala siyang ibang inisip kundi ang kapatid at ang muli niyang pag-akyat sa bundok. Sana ay tama ang desisyon niyang ito.
Sana ay dito na magsimula ang kanyang paghilom at ang pagpapatawad niya sa sarili.
Huminto ang sasakyan sa isang tahimik na lugar. Isa-isa silang bumaba at sinuri ang paligid.
"Ito na ba iyon?" Tanong ni Gael na hindi niya sinagot. Tiningnan niya ang tinuturo nito at napanganga siya sa nakita.
Ang bundok ay mas maganda sa personal. Mapayapa itong tingnan at wala siyang takot na naramdaman. Lumapit ang iba nilang kasama at sabay nilang pinagmasdan ang bundok.
"Ano ang ginagawa niyo rito?" Napalingon sila sa estante ng gulay. May mga tinda rin itong mga santol na halatang matagal ng pinitas. Lumapit siya at nagtanong ngunit napahinto siya nang makita ang tinda rin nitong isda at karne na puno ng langaw. Nais niyang takpan ang ilong at bibig ngunit ayaw niya namang ma insulto ito.
"Hija, anong ginagawa niyo rito?" Ulit nito.
Dahan-dahan siyang lumapit sa matanda. "Pwede po bang magtanong?"
Tumango ito. "Saan po ba kami pwedeng dumaan papunta po sa bundok na iyon?" Napatingin ang lalaki sa kanyang tinuro.
"Saan ba kayo galing?"
"Sa Maynila po." Umiling-iling ito habang pinapaypayan ang mga karne. Muntik na siyang masuka nang maamoy ang mga tinda.
Umubo muna ito bago magsalita. "Ano ba ang dahilan at bakit niyo naisipan na umakyat sa bundok na iyan?"
Hindi siya sumagot dahil wala siyang maisip. Tumitig ito sa kanya. Nakakaramdam na siya ng ilang sa lalaki. Mahaba ang balbas nito pati na rin ang buhok. Sinuri niya ang paligid. Sila lang ang tao roon.
Lumingon siya sa kaliwang parte ng daan. Kita niya ang dulo nito ngunit nadismaya siya nang walang maaninag na mga bahay.
"Sabihin niyo na lang po kung saan ang daang iyon." Tanong ni Selma na nakatayo sa kanyang likuran. Lumapit ito sa mga lamesa at sinimangutan ang matanda. Halatang naiinip na ito.
Huminga ng malalim ang matanda. "Kung nais niyo talagang umakyat sa bundok na iyan, makinig kayong mabuti sa akin. Sa dulo ng daang ito ay may makikita kayong malaking bato. Doon kayo huminto at agad niyong makikita ang daan."
Tumalikod si Selma at balak na sanang bumalik sa sasakyan nang muling magsalita ang matanda.
"Sa inyong pag-akyat ay may mapapansin kayong malaking puno na naiiba sa lahat. Kakaiba ang punong iyon."
"Hindi po puno ang ipinunta namin dito, manong." Tugon ng kanyang kaibigan. Naiinis na siya sa ugali nito ngunit ayaw niyang komprontahin si Selma dahil mag-aaway na naman sila.
"Alam ko. Ang nais ko lang sabihin sa inyo ay... may dalawang daan doon. Huwag na huwag sana kayong dumaan sa kaliwang daan dahil baka maligaw kayo."
Hindi na hinintay ni Selma na matapos ang matanda. Mukhang hindi naman na insulto ang matanda ngunit yumuko pa rin siya at humingi ng paumanhin bago umalis.